Nilunok niya ang pride at ang sakit sa dibdib niya. Naglakad siya kahit nanginginig ang mga tuhod niya.
"Tristan?" tawag dito ng Daddy niya dahil parang hindi sila nakikita ni Tristan, nanatili lang itong nakatingin kay Sunny.
Nanginginig ang kamay na inabot niya ang kamay nito na mariing nakakuyom. Napapiksi ito saka pa lamang sila tinignan.
Pilit niya itong nginitian kahit pa gustong kumawala ng hagulgol sa mga labi niya. Blangko ang naging ekspresyon ni Tristan nang tignan siya.
"Take good care of my daughter, Tristan."
Marahan lang itong tumango. Siya naman ay kumapit na lang ng kusa sa braso nito dahil wala itong balak na akayin siya patungo sa altar.
Muntik pa siyang matisod pero parang wala itong pakialam napilitan tuloy siyang kalasin ang kamay niya sa braso nito at hawakan ang laylayan ng wedding dress niya para makahakbang siya sa mga baitang at makarating sa harap ng pari.
Nakakunot ang noo ng pari ng humarap siya. Nagpalipat-lipat ito nang tingin sa kanilang dalawa ni Tristan kaya naman nakaramdam siya ng panliliit. Nahahata kaya nito na napipilitan lang si Tristan?
Siguro. Obvious naman na napipilitan lang ang groom niya. Lahat ng naroroon ay malamang na may hinala na.
Tumikhim ang pari at inumpisahan na ang seremonya. Naka-ilang tanong pa ang Pari bago sumagot ng 'I do' si Tristan. At nang tanungin ng Pari kung sino ang tumututol sa kasal nila abot-abot ang kaba niya. Lihim siyang nanalangin na sana'y huwag magsalita ang kapatid niya. Dahil pakiramdam niya inaantay din ni Tristan na tumutol si Sunny at tatakbo na ito kasama ang kapatid niya.
Pero hindi nangyari ang kinatatakutan niya. Walang kahit na isang salita ang lumabas sa bibig ni Sunny kaya naman tuloy ang kasal.
"I pronounce you, husband and wife. You may now kiss the bride!" masayang ani ng Pari.
"I will never kiss you," mahina pero mariing ani ni Tristan sa kanya. Nakatingin ito sa mga mata niya at kitang-kita niya ang pagkasuklam nito sa kanya.
Nilunok niya na lang ang sakit na nararamdaman. Tumikhim naman ang Pari.
"Hijo, iyon ang tradisyon..." mahinang anito kay Tristan.
"Okay lang..." nakangiting sinalubong niya ang mga mata ni Tristan. "Hihintayin ko na lang ang araw na handa mo na akong halikan."
Tumaas ang sulok ng labi ni Tristan.
Humakbang ito papalapit sa kanya saka siya niyuko. Ikiniling nito ang ulo patalikod sa mga bisita saka ito bumulong.
"That will never happen," anito at mabilis na lumayo sa kanya. Kasunod niyon ay masigabong palakpakan. Inakala ng lahat na hinalikan siya ni Tristan.
Nilingon niya si Sunny pero likod na lang nito ang nakita niya dahil papalabas na ito ng simbahan. Bagsak ang mga balikat ng kapatid niya habang naglalakad palayo.
Ayaw man niyang aminin pero nasasaktan siya para sa kapatid. Alam niyang mahal nito si Tristan at mahal din ito ni Tristan. Pero sinira niya ang pagmamahalan ng dalawa. Pinilit niyang paghiwalayin ang mga ito.
Iniisip niya na lang na mas higit itong pinagpala sa kanya para kahit papaano mabawasan ang guilt na dala-dala niya.
Mayroon itong mga bagay na wala siya. Kumpletong pamilya, magandang mukha at katawan. Respeto ng mga taong nakapaligid dito, mga kaibigan at pangarap na alam niyang kayang-kayang abutin ng kapatid niya.
Samantalang siya, wala siyang buong pamilya. Hiwalay ang mga magulang niya. Hindi siya maganda mas lalong hindi matalino. Wala rin siyang ibang kaibigan bukod kay Tere.
Nilingon niya si Tristan sa tabi niya na malungkot na nakatanaw din kay Sunny. Ito lang ang mayroon siya. Si Tristan lang ang pinangarap niya buong buhay niya. At kung pati ito maagaw pa ni Sunny sa kanya baka tuluyan niya ng kamuhian ang kapatid. At ayaw niyang mangyari iyon. Ayaw niyang kamuhian ito. Mahal niya si Sunny kahit pa madalas na kainggitan niya ito. Dangan nga lang at mas matimbang ang pagmamahal niya kay Tristan kaya mas pinili niya na lang saktan si Sunny para makamit ang kaligayahang noon niya pa pinapangarap.