“GAGA,” sabi ni Joy habang nagre-repack ng adobong mani sa maliliit na supot. Ibebenta niya ang mga iyon sa mga kaklase niya bukas.
Napatingin sa kanya ang mga kapatid niyang kasama niya sa sala ng bahay nila nang gabing iyon. Kasalukuyan silang nanonood ng isang telenovela. Tila dalang-dala na ang mga kapatid sa matinding drama. Tila naiiyak na nga sina Toni at Frecy. Kahit yata si Vann Allen ay naaapektuhan na dahil hindi nito maalis ang mga mata sa screen kanina.
Nais niyang matawa at mainis nang sabay sa mga kapatid. Ang babaw minsan ng mga ito.
“Ano naman ang ginawa sa `yo ni Kristina dela Cruz?” tanong ni Toni sa kanya na ang tinutukoy ay ang sikat na aktres na pumapalahaw ng iyak pagkatapos sabuyan ng tubig ng kontrabida.
Tipikal na kuwento iyon ng dalawang tao na nag-iibigan nang husto ngunit magkaibang-magkaiba ang mundong ginagalawan. Mayaman ang bidang lalaki samantalang dukha ang bidang babae. Siyempre, may kontrabida sa lahat ng kuwento. Tumutol ang ina ng bidang lalaki sa relasyon. Gagawin nito ang lahat ng masamang bagay para mailayo ang pinakamamahal na anak sa isang dukha. Nilait-lait nito ang pagkatao ng bidang babae at ng pamilya nito, sinabuyan ng tubig, at binigyan ng pera upang lumayo. Umaatungal ngayon ang bidang babae dahil kahit na mahal na mahal nito ang bidang lalaki ay mapipilitan itong lumayo. Kailangang maoperahan ang tatay nito na may sakit sa puso.
Ano ang nakakaiyak doon?
Inginuso ni Joy ang screen. “`Ayan, iyak nang iyak. Nagpapakababa ang gaga.”
“Others ka talaga, `Te,” ani Frecy habang pinapahiran ang luha sa mga mata. “Ampon ka! Ampon!”
Binato niya ito ng tsinelas niya. Nahagip ang ulo nito. “Manahimik ka. Bakit, totoo namang gaga siya, ah. Pinahirapan lang niya ang sarili niya. Tatanggapin naman pala niya ang pera sa bandang huli, kung anu-ano pa ang sinasabi niya dati. Kesyo ipaglalaban niya ang pag-ibig niya. Kesyo hindi sila mapaghihiwalay na dalawa ng lalaking mahal niya dahil wagas at abot hanggang langit ang pagmamahal nila sa isa’t isa. Ba’t siya umaatungal ngayon?”
“Nasaan ang saya kung tatanggapin niya kaagad ang pera?” ani Toni. “Di lumagapak ang ratings niyan.”
Lumabi si Joy. “Mga manloloko rin kasi `yang mga producer at scriptwriter, eh. Sa palagay n’yo ba, nangyayari pa ang mga ganyang eksena ngayon? Praktikal na ang lahat ng tao.”
“Kung ikaw ang nasa kalagayan niyang bida, `Te, ano ang gagawin mo?” tanong sa kanya ni Vann Allen na tinulungan na siya sa pagbabalot.
“Unang-una, hindi ko hahayaang umibig ako sa lalaking mayaman at alam kong hindi ko katulad. Ni hindi ako lalapit sa kanya. Gaga ba ako para saktan ang sarili ko?”
“Di walang nabuong kuwento ng pag-ibig,” sabi uli ni Vann Allen. “Ganito na lang, paano kung na-in love ka pa rin sa kanya? Paano kung ikaw ang inalok ng pera?”
“Tatanggapin ko kaagad! Aba, isang milyon kapalit ng paglayo sa isang lalaking hindi ko naman nakasama nang matagal at hindi ko kaanu-ano? Mas pipiliin ko na ang pamilya ko, ano. Malaking ginhawa na ang maibibigay ng isang milyon sa isang mahirap na pamilya.”
Sabay-sabay na umiling ang mga kapatid niya.
“Isinusumpa kita,” biro ni Frecy. “Mararanasan mo ang naranasan niya,” anito habang nakaturo sa screen ng TV nila. “Kapag nagmahal ka, ewan ko lang kung magawa mo `yang mga sinasabi mo.”
“Insulto `yan, Frecy. Sa palagay mo ba ay mas uunahin ko ang ibang tao kaysa sa pamilyang ito? Kapag na-in love ako, mas mamahalin ko ba ang hindi ko kadugo?” seryosong sabi ni Joy. “Kung si Tatay ang may sakit sa puso at inalok ako ng malaking halaga kapalit ng paglayo, tatanggapin ko na kaagad. Hindi ko hahayaang gawin pa nilang miserable ang buhay ng ibang miyembro ng pamilya ko.
“Mas pahahalagahan ko pa ba ang ibang lalaki kaysa sa lalaking nagbigay sa akin ng buhay? May mas mahalaga pa ba sa isang ama na halos patayin na ang katawan sa pamamasada para lang makapag-aral ang mga anak? Mas uunahin n’yo ang puso n’yo kaysa sa pamilyang ito?”
Natigilan ang mga ito. Mayamaya ay natawa si Vann Allen. “Ang serious, ah. Walang gano’n, Ate Ligaya. Palabas lang `yan. Iba na sa totoong buhay.”
“Kaya kayo, walang magpapakabaliw sa pag-ibig sa inyo, kung hindi, malilintikan kayo sa `kin,” seryosong pagbabanta ni Joy.
Napalabi si Frecy. “Opo. Kaya hindi nakakatagal ang mga manliligaw mo sa `yo, eh, dahil ganyan ka.”
“Kawalan ba sila? Ikakayaman ko ba kung marami akong manliligaw?”
“Oo kaya,” sabi ni Toni. “May mga mayayaman kang manliligaw, `di ba, `Te? Maiaahon nila tayo sa hirap.”
Napabuga siya ng hangin. “Sinabi ko na, hindi ba? Hindi ako magiging gaga katulad niyan,” aniya, sabay turo sa babaeng pumapalahaw pa rin ng iyak sa TV habang yakap-yakap ang tseke na ibinigay rito ng ina ng bidang lalaki.
“Sige na, `wag mo nang pag-initan `yong magandang artista sa TV,” sabi ni Vann Allen. “Manood na lang tayo. Hayaan mo, susulatan ko ang scriptwriter niyan. Sasabihin ko sa kanya ang mga komento mo.” Tumawa ito nang bahagya pagkatapos.
Hinayaan na ni Joy ang mga ito. Marami ang nagsasabi na sa kanilang limang magkakapatid, siya ang pinakaseryoso, pinaka-strict, pinakamahusay sa pera, at pinaka-stiff. Normal yata iyon sa lahat ng mga panganay sa buong mundo. Nais niyang maging responsable. Hindi siya maaaring maging tamad dahil responsibilidad ng panganay na tumulong sa mga magulang. Pinagbubuti niya ang lahat upang walang masabi sa kanya ang mga kapatid at magulang.
Kaya hindi siya nahihiyang magbenta ng banana chips at mani sa mga kaklase kahit na nasa kolehiyo na siya. Inumpisahan niya ang gawaing iyon noong elementary siya. Napagtanto niyang makakatulong siya sa mga magulang kahit sa maliit na paraan. Malaki na ang matitipid ng mga magulang kung hindi na siya hihingi ng baon sa mga ito. Sa pagtitinda niya kinukuha ang baon niya, pantustos sa mga school projects, at iba pang fees na dapat na bayaran. Marami rin ang nagsasabing napakahusay niya sa pera. Milagro daw na napapalago niya ang maliit na halaga. Para sa kanya, hindi iyon milagro. Naniniwala siyang hindi kusang dumarating ang milagro kundi pinaghihirapan.
Siya ang tipo ng taong hindi kayang umupo na lang sa isang tabi at maghintay ng suwerte at ng milagrong darating. Kikilos kaagad siya upang magkaroon ng solusyon ang lahat ng suliranin nila. Hindi niya iniinda ang pagod. Lalong hindi niya iniinda ang hiya. Kahit na ano pa ang sabihin sa kanya ng iba, hindi siya mahihiya. Mas mahihiya siya kung magnanakaw siya o papasok sa isang night club para lang kumita nang mabilis.
Sino ang nagsabi na hindi niya maaaring ikayaman ang mani at banana chips?
Darating ang araw na mabibigyan niya ng maginhawang buhay ang buong pamilya niya. Darating din siguro iyong araw na hindi na nila kailangan pang mahirapan. Hindi na mag-aalala ang nanay niya kung paano pagkakasyahin ang maliit na budget nila. Hindi na kailangang gumising nang pagkaaga-aga ang tatay niya upang mamasada at umuwi nang gabing-gabi dahil, ayon dito, sayang naman daw ang kikitain nito. Hindi na mag-aalala ang mga kapatid niya kung makakatapos ng pag-aaral ang mga ito o hindi.
Ipinapangako niya sa sarili na hindi siya magiging tatamad-tamad sa buong buhay niya. Magtatrabaho siya nang maigi para sa pamilya. Hindi habang-buhay na mananatili sila sa ganoong sitwasyon. Hindi niya papayagang hindi umasenso ang buhay nila.