IkalawangYugto

1507 Words
Sapul pa no’ng paslit ako’y naigaya na sa hitik na langit. Dinampot ang bawat batong nadaanan pinangpukol sa tagumpay; nahagip ay hangin. Binali ang usli-usling kahoy pinangsungkit sa kumpol kong pangarap; napitas ay tanging pintog ng pangako. Ako, kapus-palad, sapul pa no’ng paslit ay nakatingala na sa rangya ng ulap; ngayo’y ngalay na at ngawit. Malakas ang ulan sa araw ng libing. Ang mga dumalo ay halos hindi nagtagal sa sementeryo. Isa-isang umuwi dahil sa sungit ng panahon. Sa loob ng ilang minuto at ang pamilyang naulila na lamang ang makikitang nakatayo sa puntod. “Julian, tara na, umuwi na tayo anak...” Akag ng ina kay Julian. “Inay, mauna na po kayo. Gusto ko pa pong magpaiwan muna dito...” “Pero, anak...” “Sige na po, inay...” “Pero anak, nangangalit ang panahon.” “Inay pakiusap po... kung maari lang sana...” “O, siya, basta’t wag kang pagagabi rito...” “Opo, inay.” Matagal ng nakaalis ang lahat. Si Julian ay naroon pa rin, patuloy pa ring umiiyak. Malayang dumaloy sa kanyang mga pisngi ang mga luha. Hinayaan niyang sumaboy kasama ng ulan. Binaybay ang batis, pati ilog hanggang sa pusod ng karagatan. Ang kanyang buhay mula noon ay umaayon na lamang sa bugso ng alon. Walang direksiyon. Magulo ang sarili at madilim ang kanyang paligid. Hanggang sa dumating ang isang umaga. “Hoy, Julian! Alam mo ba? Iyong bisita nila Mang Kulas. Iyon bang matandang babae na dumating kahapon galing Maynila… Naku! Ang yaman pala no’n…” “E, ano naman ngayon?” “O, heto tingnan mo, naambunan ako ng dalawang ube… pasyal ka roon.” Ang masiglang akay ng kababatang si Daniel na ipinaglihi yata sa kadaldalan. Ipinamaypay pa nito ang perang natanggap. “At bakit naman ako pupunta? Para magpalimos? Kahit mahirap lamang ako, hindi ko gagawin iyon.” “Bakit? Bakit ka ka’mo pupunta roon? Simple lang, dahil ito na ang oportunidad na matagal mo nang inaantay… heto na, dumating na!” “Anong oportunidad naman ngayon ang pinagsasabi mo?” “E, ano pa? Ang pangarap mong pumasok sa seminaryo ay matutupad na sa pamamagitan ng milyonaryang iyon...” “Paano?” “Narinig ng dalawang tainga ko mula sa bibig ng Donya Lucia na iyon na nagpapaaral siya ng mga seminarista.” “Nagpapaaral?” “Hindi lamang ‘yan. Nandito rin siya upang maghanap ng mga kabataang may bokasyon. At handa siyang tumulong sa lahat ng gastusin kung kinakailangan.” “‘tol, seryoso ka niyan ha… hindi ka nagbibiro?” “Totoong lahat ang mga sinasabi ko, at katunayan niyan ay inirekomenda na kita sa kanya.” “Talaga? Totoo?...” “Oo, kaya pumunta ka na ngayon din dahil inaantay ka na niya.” Kakaripas na sana ng takbo ang binata ng bigla siyang hawakan sa kamay ng kababata. “Oppps! Teka muna. Paano na si Minda?” Napakamot sa ulo si Julian. “Hanggang ngayon ba naman?” Matagal kasi silang naging magkaribal ng panliligaw sa dalaga, ngunit siya ang mapalad na pinili ng dilag. “Seguro naman ngayong papasok ka na ng seminaryo ay puwede ko na siyang ligawan muli. E, bawal ang may nobya ro’n.” Ngumiti na lamang ang binata. Ilang minuto lang at makikita na itong kausap ang Donya. Kinagabihan ay hindi siya dinalaw ng antok. Nakaupo siya sa isang upuang parang papag na yari sa kawayan na pinanday niya sa ilalim ng punong mangga. Nasa labas siya ng bahay, nagpapahangin. Pinagmamasdan ang kalangitan. Kahit madilim ang gabi, makulay pa rin ang paligid. Nagkikislapan kasi ang mga bituin, puno ng pag-asa sa pagsikat ng bukas. Habang nakatingin sa kawalan ay sumagi sa isipan niya ang larong ‘Dr. Kwak-kwak’ at ang paliwanag ng ‘speaker’ nila noong nakaraang ‘retreat’, isang buwan bago ang gradwisyon. “Maghahawak-hawak tayo ng kamay…” Ang pasimunong hatak nito sa mga partisipantes. “…at tayo’y bibilog. Pagkatapos ay bubuhul-buhulin natin ang ating mga sarili…” “Pero sir, wala pa po tayong Dr. Kwak-kwak.” Ang komentaryo ng isang mag-aaral. “Ay oo nga pala! Maraming salamat Lito.” “Si Julian na lamang po...” Ang suhestiyon nito, na sinang-ayunan ng karamihan. Kaya siya ay ihiniwalay sa grupo. Pinatalikod at pinapikit ang dalawang mata. Narinig niyang nagkakagulo sila. Pagkatapos niyon ay tinawag na siya upang ayusin sila sa pagkakabuhol. Nahirapan man siya ay nagawa pa rin niyang maibalik sa ayos ang bilog ng grupo. Bilang pabuya ay tumanggap siya ng isang rosaryo. Pinaupo na sila matapos ang aktibidad na iyon upang makinig sa pagpapaliwanag. “Ang ‘paglikha’ sa Genesis ay isang mito lamang...” Ang bungad nito sa kanyang tagapakinig. “Reverend...” Ang magalang na tawag ng isang estudyante sa kanilang speaker. Isa kasi itong deacon. “Kung mito lamang po ang ‘creation story’, ang ibig po bang sabihin ay kathang isip lamang ito, at hindi talagang nangyari?” Ang pagpapatuloy nito sa kanyang katanungan. “Oo at hindi…” Ang agarang tugon ng reberendo. “Kung kasaysayan ang pagbabasehan maari nating sabihin na hindi nga ito totoong nangyari. Ngunit kung dedepende tayo sa ating pananampalataya, puwede nating tanggapin na ginamit ng Diyos ang isang tao upang ikuwento kung paano nagsimula ang lahat.” “Bakit po?” Ang tanong ng isang naguguluhan. “Hija… kung si Adan at Eba ang kauna-unahang taong nilikha ng Diyos, e sino ba ang naroon upang panoorin ang mga pangyayari at isulat ito sa ating bibliya? E, di wala!” “E, bakit po naisulat sa bibliya?” Ang muling tanong ng dalaga. “Dahil ito ay salita ng Diyos!” Ang walang gatol na sagot ng magpapari. Napansin ng dayakono na ang lahat ay litung-lito na sa kakaibang impormasyong kanilang narinig, kaya minabuti niyang ipaliwanag na ito ng maayos. “Ang ‘creation story’ ay isang mito lamang, ngunit ito ang pundasyon ng ating pananampalatayang katoliko. Sa pag-aaral ng mga eksperto sa bibliya, ang kasaysayan ay nagsimula sa panahon ni Abraham. Ayon sa kanila, sa kuwento ng eksodo ay naranasan nila ang tunay na habag ng Diyos kaya daw naisulat ang ‘paglikha’. Ang dahilan ay upang ipahayag sa pamamagitan ng literatura na ang Diyos ay mahabagin.” Pinindot nito ang ‘overhead projector’ na nakapatong sa lamesa. Tumambad sa kanila ang mga nakasulat sa ‘slide’. I. Buod ng Paglikha Unang Araw: Kadiliman – magkaroon ng liwanag. Ikalawang Araw: Pinagsama-sama ang tubig sa langit at tubig sa silong. Ikatlong Araw: Sa silong ay pinagsama-sama ang tubig. Lumitaw ang parte ng lupa at pinausbong ang mga halaman at puno. Ikaapat na Araw: Inilagay niya sa himpapawid ang buwan, mga bituin at araw. Ikalimang Araw: Sa silong ay inilagay ang mga hayop, mga isda, at mga ibon. Ikaanim na Araw: Pinagsama-sama ang lahat ng uri ng nilikha. Dito rin nilikha ang tao. Ikapitong Araw: Pahinga. Ginawa niyang banal ang araw na yaon. Biglang dumilim ang buong silid. Brown out? Hindi! Sadyang pinatay lamang ng reberendo ang ilaw. At saka muling nagsalita. “Ang kadiliman at tubig sa kanilang kultura ay may kahulugan na ‘chaos’ o magulo, o isang masalimuot na sitwasyon. Ang unang tatlong araw ay may katangian ng paghihiwalay at paglalagay. Sa ikaanim na araw naman, binigyang diin ang pagkakaroon ng iba’t ibang uri. Ang ibig ipakahulugan nito ay inilagay ng Diyos ang lahat ng bagay sa tamang lugar. Mapapansin na sa kabuuan ng Paglikha, ang kadiliman ay binigyang liwanag. Ang paligid na lubog sa tubig ay pinatuyo ang kabilang dako upang lumitaw ang lupa. Pinagsama-sama ang dakong tuyo, gayundin ang tubig. At pinagsama-sama din ang bawat uri.” Muling nagliwanag. At nakangiti nitong ipinagpatuloy ang pagpapahayag ng Salita ng Diyos. “Ang Diyos ang liwanag natin. Kaya kung susumahin ang buong kuwento, ang konklusyon ay ganito. Ang mitong ito ay isang piyesa ng literatura sa panahon ng mga Israelita, pero hindi kilala ang taong nagsulat nito. Ito’y naisulat upang ipahayag ang kanilang karanasan sa isang mahabaging Diyos. Ito’y sa panahon ng eksodo. Ang kahulugan kasi ng habag o awa ay ang kusang pakikiisa o pakikiramay upang isaayos ang masalimuot o magulong sitwasyon. Sa kasaysayan ng eksodo ay tunay na magulo ang sitwasyon, at sa pamamagitan ni Moises ay naramdaman nila ang habag ng Diyos. Inayos ng Diyos ang masalimuot na sitwasyon ng kanilang buhay. Ito ang pilit ipinapakita sa ‘creation story’, dahil ang paglikha ay isang kilos-pag ayos sa mundong balot ng kadiliman at lubog sa tubig. At higit sa lahat ito’y isang teolohiya dahil ang mensahe ng Diyos ay buhay. Tunay na nagsasalita sa araw-araw nating buhay. Kapagka tayo ay nalilito o di kaya’y nahihirapan sa bigat ng problema, ang Diyos ay naririyan sa ating tabi, kusang lumalapit upang maging katuwang natin sa paglutas ng bawat suliranin.” Noon ay hindi niya ito lubos na naunawaan, ngunit ngayon ay malinaw na para sakanya ang lahat. Ang Diyos ay mahabagin. Siya ay pag-ibig. Sa nararanasan niya ngayon, ang Diyos ay buhay, tunay na narito at kusang tumutulong upang isaayos ang kanyang bukas.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD