Vincent Napa-angat ako ng mukha nang maramdaman ko ang pagpisil ni Patricia sa kamay ko. "Hi Babe." bati nito sa akin na pilit ang ngiti. Pinagmasdan ko ng ilang sandali ito saka ko tinanggal ang kamay ko. Huminga muna ako ng malalim bago umayos ng upo. Biglang bumalik sa ala-ala ko lahat ng mga nalaman ko. "Why?" tanong ko sa kanya na may halong galit at hinanakit. Hindi ko mapigilan ang emosyon ko sa mga oras na 'yon. Alam kong hindi ito ang tamang oras para magalit ako dito pero hindi ko mapigilan ang nararamdaman ko. Gusto kong maintindihan kung bakit kailangan nitong ilihim sa akin ang tungkol sa kalagayan nito. Umiwas agad ito ng tingin at hindi tumugon pero kitang-kita ko na pinigilan nito ang luha. Nasasaktan akong makitang ganoon ang asawa ko kaya hindi rin ako nakatiis.

