Nagsisimula talaga ang araw ko sa pang-aasar kay Alice. Natutuwa kasi ako sa mga reactions niya lalo na kapag bumubusangot na siya sa sobrang kainisan. Wala, gusto ko lang talaga siyang asarin. Araw ngayon ng periodical test namin at nagsisipag-review na ang mga kaklase ko. Nakita ko naman si Alice na nakaupo na sa upuan niya at mukhang magrereview na. Pero napansin ko ang matamlay niyang mukha habang kinukuha ang notes sa kanyang bag. Gusto ko siyang pangitiin nung time na yun pero pang-aasar talaga ang forte ko. Umupo ako sa silya sa harap niya at dun ko lalo napansin na malungkot siya. Itatanong ko sana kung bakit siya malungkot pero iba ang nasabi ko. Napunta tuloy sa akin ang usapan pero pasalamat ako kasi napatawa siya. Laking tulong ng hotdog! Di ko lang din alam kung bakit lagi na lang hotdog ang ipinapaulam sa akin ni Mama. Napupurga na ako sa hotdog na iyan. Naalala ko rin na medyo mabababa ang mga nakuhang results ni Alice last time. Sana this time, nakapagreview siya ng maayos.
Sabay namang dating ni Lisa na binigyan agad kami ng issue ni Alice hanggang sa may nasabi akong di ko naman talaga dapat sabihin kaso di ko na mabawi. Nagsimula na naman ang asaran nang mabanggit na naman ang tungkol sa hotdog hanggang sa umabot sa pustahan. Naisip ko pa noon na magandang pagkakataon to kung ako ang mananalo kaso hindi sumali si Alice. Pinipilit siya ni Lisa kaso wala raw siyang tiwala sa itsura ko. Haha! Di naman ako gagawa ng masama pero may balak akong kakaiba. Sa pang-aasar ko, nainis na siya at muntik pa kong mahampas, buti na lang magaling akong umilag at nakatakbo agad. Pero habang tumatakbo papalayo ay natatawa ako.
Dumating ang lunch break at eto na nga, hotdog ang ulam ng pogi niyong bida pero bukas talaga may mangyayaring himala. Nagpatuloy naman ang tests namin hanggang sa last subject namin sa hapon. Nag-aayos na ako ng gamit hanggang sa naka-receive ako ng text galing kay Mama. Galing daw sa bahay yung 2 lalaking pinagkakautangan ni Papa at naniningil kaya pinapauwi niya na agad ako. Nagmadali na rin ako at walang ibang kasama si Mama sa bahay kundi ang bunso naming si Elisa. Di na ako nakapagpaalam kina Alice at Lisa sa sobrang pagmamadali hanggang sa nakita ko ang 2 lalaking tinutukoy ni Mama. Alam kong ako ang inaabangan nila kaya nilapitan ko na sila.
"Ikaw ang anak ni Senyo di ba? Pasabi sa tatay mo kung ayaw niyang magkagulo, magbayad siya ng utang niya hindi ung tinataguan niya kami."
"Pasensya na po kayo. Kahit po kami, di rin po namin alam kung asan si Papa. Magdadalawang linggo na po siyang di umuuwi sa bahay."
"Wala akong pakialam! Basta magbayad kayo tapos ang usapan! Di niyo alam kung anong kaya naming gawin sa pamilya niyo."
Pinipilit kong lakasan ang loob ko kahit nanginginig ang kamay ko sa galit at takot. Tinapik pa ako nung isa saka sila umalis nang makitang dumarami na ang naglalakad sa lugar na pinupwestuhan naming 3. Napalingon ako sa likod nang makitang malapit na sa akin sina Lisa at Alice. Inaasahan ko na ang tanong nila at sinagot ko naman agad. Di lang ako nagpahalata bagkus ay sinabi kong kamag-anak ko ung 2. Siguro ay medyo kinakabahan din akong mabuko kaya napahaba na rin ang explanation ko. Binara naman ako ni Alice na siya namang pang-aasar ko rin sa kanya sa pagtawag sa kanya ng "Aling Lisyang." Nagpaalam na rin ako agad sa kanilang dalawa at nagmadali ng sumakay sa tricycle pauwi. Habang nasa daan, tinatawagan ko si Mama sa cp pero di niya sinasagot. Kinakabahan ako dahil hindi ko alam kung ano na bang nangyari sa bahay. Nakahinga lang ako ng maluwag ng makitang ayos naman si Mama at si Elisa. Nilapitan ako ni Mama at niyakap. Umiiyak siya habang sinasabing muntik na raw saktan nung 1 lalaki si Elisa buti na lang daw at nasangga niya. Patuloy siyang umiiyak habang tinatanong kung ano na bang nangyari kay Papa. Labis na lungkot at galit ang naramdaman ko sa pag-iyak ni Mama at hinayaan kami ni Papa sa ganitong sitwasyon.
After naming kumain, lumabas muna ako saglit para bumili kina Aling Nena. Malapit na ako sa bahay nina Alice nang makita ko si Aling Linda sa may tapat ng gate nila na parang may hinihintay. Paikot-ikot siya dun na parang di mapakali. Babatiin ko sana siya pero bigla naman siyang tumalikod at pumasok sa loob ng bahay kaya nagdiretso na lang ako sa paglalakad. Pagbalik ko, hindi ko na siya nakita sa may gate. Baka dumating na ung hinihintay niya.
Kinaumagahan, napansin ko na agad na mukhang pukto ang mata ni Alice. Nilapitan ko si Lisa na noo'y nasa may pinto at kausap yung isa naming kaklase.
"Uy Lisa, may nangyari ba kay Alice? Mukhang pukto ang mata oh."
"Ahhh, ehh. Di ko rin alam eh."
Nilapitan namin si Alice saka ako nagtanong ng pabiro. Sabi nya naman ay dahil di raw siya mapakali sa results ng exam. Di naman ako palagay sa sagot niya dahil mukhang di naman yun ang dahilan. Baka isa ring dahilan ung nakita ko kagabi. Yumuko lang naman siya at di na nagsalita. Gusto ko pa siyang tanungin sa kung anong nangyari kaso baka siya mainis kaya tinapik-tapik ko na lang siya sa ulo saka umalis.
Bumalik na ako sa upuan ko at nagbasa na lang ng notes kaso naiisip ko pa rin siya kaya lumingon ako at nakita ko si Lisang nilagyan ng panyo ang mukha ni Alice.
"Teka, umiiyak ba siya?"
Napatayo ako bigla at tumama ang tuhod ko sa silya sa unahan ko. Ipinikit ko na lang ang sakit dahil ayokong ipahalata sa iba kasi strong ako. Malapit na ako nang mapansin ko si Lisa na nakatingin sa akin habang umiling. Napahinto ako. Lalapit pa rin sana ako kaso dumating na si Sir. Wrong timing naman talaga oh. Kinuha ko ang test paper ko without even taking a glance on it. Di ko pa alam kung anong score ko ay nakatingin pa rin ako kay Alice na nung mga oras na yun ay napapaghalatang kabado. Inilagay ko na lang ung papel ko sa bag - di naman halatang di ako interesado - at balik-tanaw na naman kay Alice habang unti-unti niyang tinitingnan ung score niya sa test. Nakakatawa yung dahan-dahan niyang pagtanggal ng kamay niya sa papel para makita ang score niya. Nanlaki pa ang mga mata niya. Nilapit niya pa ng husto yung papel at niyakap ito. Sa ganung punto, alam ko na, na maganda ang kinalabasan. Halatang-halata ang kasiyahan ni Lisa at may paghampas pang nalalaman. Nakakatuwa lang din na makita si Alice na masaya.
Buti naman tumawa ka na.
Nakangiti akong nakatingin sa kanya. Tumingin din siya sa sa akin at ngumiti.
Maiba tayo. Nakalimutan kong tanggalin yung ibabaw ng kanin sa malutuan ko. Kitang-kita pa rin ang pinagbakasan ng hotdog dun pag iniaangat ko ung ulam ko. Tsk! Sa sobrang pagmamadali ko kasi kanina, ipinatong ko na lang agad ung ham sa ibabaw ng kanin ni hindi ko na rin nakuha yung sukli kong dos kay Tita sa carinderia. Balak ko pa sanang ayusin ang mga natitirang sablay kaso higit-higit na ko nitong si Lisa palapit kay Alice. So, lakasan na lang to ng loob at diskarte. Smooth na ang flow ng mga pangyayari. Ako na rin ang nanalo sa pustahan dahil syempre ako ang nagbukas ng baunan ko. Kumakain na sila eh! Pero itinadhana ata talagang sumablay ngayon. Di ako makakain kasi di ko mailipat ung ham dun sa takip. Andun lang siya sa ibabaw ng kanin ko at naghihintay ng soulmate niya hanggang sa sinimulan na ni Lisa ang paghirang at nabuking na ang lolo niyo. Di sila magkaintindihan sa pagtawa nang dahil lang sa bakas ng hotdog. Kaso, wala na silang magagawa dahil kahit anong sabihin nila, walang hotdog dun at ako pa rin ang nanalo.
Natapos ang maghapon sa klase na masaya si Alice. Pasalamat ako at nawala ang lungkot sa kanyang mukha at naging maayos din ang lahat ng tests niya. Medyo binilisan kong maglakad papalabas ng classroom sa pag-aalalang baka pumunta na naman sa bahay yung 2 lalaki kahapon. Di kasi sinasagot ni Mama ang tawag ko kanina pa. Dire-diretso ang lakad ko nang may narinig akong sumitsit sa gilid at nakita ko yung lalaking tumapik-tapik sa akin kahapon. Sumandal pa siya sa may pader ng tindahan at nagsimula na namang magtanong kung nasaan si Papa. Pero gaya ng sinabi ko kahapon, ganun din ang sinabi ko ngayon. Wala talaga akong alam. Kumunot ang noo niya at ibinuga sa akin ang usok ng kanyang sigarilyo dahilan para mapaurong ako at maubo. Napansin ko lang ding iba ang ugali niya kesa dun sa isang lalaking kasama niya kahapon kaya mas dapat akong mag-ingat sa mga sasabihin ko. Masyado tong agresibo at mukhang papatol sa bata. Naalala ko tuloy si Elisa. Umalis siya at ibinato ang upos na sigarilyo sa may paanan ko. Napansin ko naman agad sina Lisa at Alice papalabas ng gate kaya sinalubong ko na lang para di sila magduda kaso pansin kong iba ang expression ni Alice.
Para mapunta sa ibang usapan, sinabi ko na yung ipapagawa ko kay Lisa. Iba sana ang balak ko kaso baka masyado akong mahalata. Tutal free naman ako pag weekends, gagawin ko ng pagkakataon to. Salamat kay Lisa at agad siyang pumayag. Nakatingin sa akin si Alice na tila dudang-duda sa sinabi ko. Itong dalawang to kasi, pag may kakaiba akong sinabi, ayaw agad maniwala. Lalo na tong si Alice! Walang katiwa-tiwala. Eh ang pogi ko pa man din. Inasar ko na lang tuloy at nakita ko na naman ang ka-cutan ng kaibigan naming to. Ayos na sana ang buong araw ko, pero naiopen pa nga rin ni Lisa yung about sa hotdog. Ibinigay ko na nga sa kanila yung hotdog, sila pa yung galit! Tamang nagmamalasakit lang naman ako sa mga taong gutom. Haha! Malapit na kami sa may paradahan ng tricycle nang makita namin ang Papa ni Lisa. May date raw silang mag-ama kaya di makakasabay sa amin ni Alice. Dahil may nakasakay na dun sa labas, kaming 2 ang magkatabi sa loob. First time ko siyang makatabi dahil laging ako ang nasa angkas pag kaming 3 ang magkakasabay. Nagulat ako sa tanong niya about dun sa 2 lalaki kahapon pero kalmado ko pa rin siyang sinagot. Ang dami kong naiisip na itanong sa kanya at kasama na dun yung pangungumusta sa pamilya niya pero ang bilis niyang sumagot na okay lang daw naman. Yung feeling na sinabi niyang maayos daw pero parang hindi naman yun ang naramdaman ko nun. Pinipilit kong magpaka-seryoso pero talagang barado ata ako sa babaeng ito. Haha!
Malapit lang yung paradahan kina Alice kaya siya palagi ang nauunang bumaba. Nagpaalam na rin kami sa isa't isa at nagsimula na akong maglakad. Malapit na rin naman ang sa amin noon, at nilalakad na lang talaga yun dahil medyo makipot na ang daan papasok. Medyo nagmadali na rin ako sa paglalakad dahil naalala ko si Mama. Buti na lang at wala namang nangyaring kung ano ngayon. Napalagay na ako at dumiretso sa kwarto para magpalit. Nasa kalagitnaan noon ng pagluluto si Mama nang mapansin niyang paubos na pala ang aming mantika kaya iniutos niyang bumili muna ako ng mantika at pati asin kina Aling Nena.
"Kuya, sama ako!"
"Oy Lisa, dito ka lang! Wag ka ng sumama sa kuya mo at hapon na. Baka magkasipon ka pa at malamig na. Umupo ka na lang jan."
"Ayy.. Minsan lang naman ehh. Sige na Maaaa."
"Elisa, sundin mo si Mama. Padilim na oh. May mumu na sa labas na nanghahabol ng batang di sumusunod sa magulang." Hehe
Umalis na ako at bumili na kina Aling Nena. Nakasalubong ko naman pauwi si Alice. Bibili rin pala siya kina Aling Nena. Nag-offer pa akong samahan siya kaso ayaw. Naisip niya pa rin talaga na wag makaabala. Nagpaalam na rin ako sa kanya at nakauwi naman ako ng maayos sa bahay. Itinawag ko kay Mama ung mantika at asin pero walang sumasagot. Pati sinaing muntik nang masunog dahil naiwanan na. Tinanong ko si Elisa kung asan si Mama at sinabi niya lang na kausap daw si Papa. Patakbo akong pumunta sa may likuran namin sa pag-asang makikita ko si Papa pero hindi pala. Sa cp lang pala sila magkausap at hindi sa personal. Iyak si Mama ng iyak habang ako naman ay nakatago lang sa may gilid, nakikinig sa usapan nilang naka-loud speaker naman. Hindi pa raw makakauwi si Papa. Ang masaklap nito, di niya sabihin kung asan siya at magpapadala na lang daw siya ng pera pambayad dun sa 2 lalaking pinagkakautangan niya. Ang totoo niyan, naiinis ako kay Papa sa ginagawa niya ngayon. Di man lang ba niya naisip ang pwedeng mangyari sa amin pag bumalik yung 2 lalaki?