Sa Himig ng Balaklaot

2044 Words
Mahugong ang buong kalangitan at tila baga isang malakas na pag-ulan ang darating. Mabilis na nilisan ni Antonette ang dyip na sinasakyan ng dumaong sa terminal sa ilalim ng Star Mall at nagmamadaling lumakad papalabas upang sa gayon ay hindi maabutan ng nag-aapura ring pag-ulan. Umihip ang maugong na simoy ng hangin at kasunod niyon ang manaka-naka hanggang sa mabigat na patak ng ulan. Pagluhang dala'y kabigatan ng nararamdaman. Madaling sinakop ng hamog dulot ng matinding buhos ng ulan ang buong paligid ng Alabang. Salamat na lamang at madaling nakapanaog ng bus si Antonette hindi alintana ang mga nangagmadali rin na pasahero, basta lamang maka-alpas panaog ay yaring mithiin. Kay daling napuno ng bus hatid ng pag-ulang mabigat. Kundi pa yata bumuhos ang malakas na pag-ula'y hindi pa mapupuno ang mga nangaghihintay na bus at maka-alpas patungong hantungan. Naka-upo si Antonette sa unahang hanay at pang-apat na hilera kaya naman natatanaw ang pagbuhos ng matinding ulan. Kinuha ni Antonette ang pang-ulong hatinig upang sa ganoon ay makapakinig naman ng magandang awitin. When the fighting is over Coz our mouths have just run dry As out feeling gets closer There's nothing can hold us now Gave all this time just to be let down Can you explain to me What has become of us With words released We can never take them back Taimtim na pinakikinggan ni Antonette ang bawat himig at liriko ng musika na pinamagatang 'The fight is over' ng bandang Urbandub habang malungkot na sumisilay sa isipan ni Antonette ang nagdaang mga pangyayari na tila baga isang panaginip lamang at pinag-iisipan kung bakit ganoon na lamang ang ng nangyari sa kanila ng kasintahan. Dati-rati'y maayos naman ang ipinakikitang ugali ng kasintahan, subalit simula noong magsama sila'y gayon na lamang ang paghihigpit at paghihinala na waring may ginagawang masama si Antonette. Ganoon nga yata talaga ang mga lalaki, makikita mo ang tunay na ugali kapag nagsama na sa iisang pawid. Marahil nga ay nakatadhana ang lahat na mangyayari at nakasulat na ang lahat ng ito at yaong hinihintay na lamang na maganap. Subalit, ganoon nga ba talaga? Kung gayon ay salungat ito sa maraming kasabihan na 'ikaw ang gumagawa ng sarili mong kapalaran'. Alin nga ba sa dalawa ang totoo? Napabaling ang tingin ni Antonette sa kunduktor ng bus ng makalapit ito sa katabing niyang pasahero at iniabot ang perang pambayad kasunod niyon ang pagtanggal ng pang-ulong hatinig. "Magallanes kuya," pagkuwan ay usal ni Antonette. Maagap na iniabot ng kunduktor ang sukling pera't bilyete kay Antonette at saka sinilid ito sa pitaka. Kasabay ng pagpapatuloy ng pagdaloy ng bus sa kahabaan ay gayon din ang pagbuhos ng lalong tumitinding pag-ulan. Tahimik itong natatanaw ng mga pasahero ng bus mula sa salaming bintana na wari bagang kumakapa ang lahat sa tinatahak na tadhana. Hindi mo maririnig kahit na ang maliliit na patak ng ulan sa loob, maging ang tunog ng makina'y nakisasabay rin sa katahimikan ng mga pasahero. Napaluha na lamang si Antonette sa nadaramang sakit at kahit gustohin man na makipaghiwalay sa kasintahan ay hindi magawa. Mahal ni Antonette ang kasintahan at kahit na anong sakit ay makakayang tiisin pisikal man o damdamin. Martir? Oo. Isang dakilang martir si Antonette sa ngalan ng pag-ibig. Isang martir na naghahanap lamang ng pag-ibig sa taong ini-irog, subalit ang lahat ay may hangganan. "Saan ka na naman nanggaling at bakit ngayon ka lang nakauwi?" bulyaw ng kasintahan ni Antonette. Kararating lamang ni Antonette galing sa trabaho at gawa ng matinding trapiko ay anong oras na ito nakauwi sa inuupahan na bahay nilang magkasintahan. "Traffic kasi..." isang malakas na sampal ang yumanig sa buong katawan ni Antonette bago pa man matapos ang sinasabi. Maagap na hinawakan ni Antonette ang namumulang pisngi at tahimik na napaluha. Ibig mang sumagot, walang  ibang magawa kundi lumuha na lamang 'pagkat batid ni Antonette na lulubha pa ang lahat kapag nagkataon. "At sasagot ka pa a!" "Aray! Nasasaktan ako Bobby," impit na usal ni Antonette ng maramdaman ang mahigpit na paghawak ni Bobby. Hindi pa rin lumilingon si Antonette sa kasintahan matapos sampalin kahit pa halos kaladkarin na ito patungong kama. "Ma..." "Magallanes!" Napukaw ang ulirat ni Antontte ng marinig ang sigaw ng kunduktor ng bus at muli ay narinig nito ang pagsigaw. Pupungas-pungas na kumurap si Antonette at pinagmasdan ang daang tinatahak at nang mapagtantong papahinto na ang bus sa himpila'y nagmadali itong tumayo. Mabuti na lamang at nagising si Antonette sa ginawang pagsigaw ng kunduktor 'pagkat kung lumalim ang pagkaka-idlip ay paniguradong malayo ang patutungohan ng Magallanes. May pagtataka man na sumilay sa isipan ni Antonette ng makitang maliwanag na sumisikat si haring araw ng makababa'y isinawalang-bahala na lamang ito. Ganoon naman talaga, sa lugar na kung saan malakas ang hagupit ng tag-ula'y paniguradong may lugar na tag-init. Sapagkat ang bawat lugar na ito'y magkakapareho ang panahon na dinadaluyan, nagkakaiba lamang ay sa pag-ihip ng hangin. Walang lingon-likod na tinungo ni Antonette ang bagtasin ng himpilan ng LRT hindi alintana ang mga taong nakasasalubong. Mga taong sa unahan ay may kani-kaniyang pinagmamadali patungo sa kanilang hantungan, gayon na rin ang nasa likurang wari ay nakikipaghabulan sa paglalakad. Sa kanan naman ay mga sasakyang nagmamadali sa pag-uunahan pabalik-panaog sa magkaisang dako; nagsisilbatuhan ang mga pampasaherong bus na animo'y nagtatawag, mga kotse na waring mauubusan ng kalsada sa pagmamadali't hindi makapaghintay na manguna sa karera ng kahabaan. Mga tinig na rito mo lamang mapakikinggan sa lungsod ng Metro Manila. Pinasya na lamang ni Antonette na gamitin ang asensor kaysa akyatin pa ang mataas na hagdan. Maaari naman sanang tungohin ni Antonette ang kabilang dako ng Alphaland upang doo'y sumakay ng dyip papuntang PRC subalit mas pinili na lamang nito na tahakin ang himpilan ng LRT at hindi naman ito nagmamadali. "PRC!" Sigaw ng tagatawag ng pasahero sa likuran ng dyip na naghihintay sa gilid ng kalsada sa tapat ng Shopwise Magallanes. Mabilis na kinakawayan ang mga nakikitang pasahero, inaakalang iisa lamang ang patututungohan. "Kunting usog lang po, sampuan 'yan," dugtong pa ng may sumakay na dalawa. Maagap na sumakay si Antonette nang makitang malapit nang mapuno ang dyip na naghihintay. Pagkuwan ay umalis agad ang dyip at iniabot ni Antonette ang perang pambayad. "Bayad ho, makikisuyo na lang". Maagap naman na iniabot ng mga kapwa pasahero ang bayad ni Antomette at nang maiabot sa tsuper ay bahagyang sinulyapan ang mga pasahero sa hulihang salamin. "Ilan sa biente?" tanong ng tsuper. "Isa lang ho," tugong naman ni Antonette at iniabot ng tsuper ang sukli. Sa biyahe, muling kinuha ni Antonette ang pang-ulong hatinig upang sa gayon ay muling makarinig ng musika. Ito lamang kasi ang nagbibigay buhay sa makulimlim na tinatanglaw ng buhay ni Antonette, mga awiting kay sakit pakinggan subalit kay sarap naman ulitin. Masakit dahil sa bawat lirikong iyong maririnig ay tumatagos sa kailaliman ng iyong damdamin at masarap sapagkat kahit papaano ay tinutulungan ka na umahon sa burak ng kalumbayan. Mga awiting sumasalim sa nadarama't pinagdaanan ng mga mang-aawit na siyang sumasakop sa kaluguran ng ating mga kaluluwa. "Umuwi ng tila bang lahat nagbago na Nawalan na ng sigla ang 'yong mga mata Ngayon ko lang naramdaman ang lamig ng gabi Kahit na magdamag na tayong magkatabi Bakit ka nag iba? Meron na bang iba? Sana sinabi mo Para 'di na umasang may tayo pa sa huli Sana sinabi mo Hahayaan naman kitang sumaya't umalis " Sana nga ay ganoon na lamang kadali ang lahat na kalimutan tulad ng mga awitin na pagkatapos mong kantahi'y paniguradong mararating mo rin ang katapusan. Subalit minsan, tulad din ng awitin, nagiging palasak ang damdamin na hinahayag at kalauna'y nilalamon ka ng sarili mong sistema. Sana nga sa mga panahong ito'y hindi mangyari ang bagay na iyon kay Antonette, at sa pagtatapos ng awiti'y ibang himig naman ang mapakinggan. At minsan sa sobrang sarap pakinggan ng mga awiti'y paulit-ulit lamang natin itong pinakikinggan kahit pa madalas ang pagkatok ng sakit sa ating mga puso, sapagkat may mga taong mas nararamdaman ang buhay kapag nakadarama ng sakit. Nagpabaling-baling ang paningin ni Antonette nang makababa sa dyip matapos makarating sa hantungan, waring may hinahanap na kung sino. Paglipas ng sandali'y napahinto ang mga mata ni Antonette sa isang kainan na nagngangalang Lugawan sa Tejeros. Isa itong kainan sa kahabaan ng Pasong Tamo rito sa Makati, at dinarayo ito ng maraming tao sa kadahilanan na masarap ang pagkain dito, lalong-lalo na ang kanilang lugaw, pares, at mami. Tila nga yata hindi nawawalan ng tao sa bawat oras na magdaraan ka rito at mas lalo pa yata kapag sa oras ng kainan, at kung makikita mo ma'y suntok sa buwan lamang ito. Maliban na lamang sa oras na ito 'pagkat waring pinagkaloob ng pagkakataon na silang dalawa lamang ang maging parokyano. Hindi ganoon kalaki ang kainan na ito at hindi rin naman ganoon kagara, maliban na lang sa panlasa ng lipunan. Hindi nagdalawang-isip si Antonette na tungohin ang kainan at naupo sa harapan ng isang lalaki na marahil ay kanina pa naghihintay. Kayumanggi ang kulay ng balat ng lalaki, bahagyang hubog ang katawa't hindi rin naman kagandahang lalaki. "Kumusta?" wika ng lalaki kay Antonette nang makaupo ito. "Ayos lang," tugon ni Antonette. "Kumain ka na?" "Hindi pa nga e," agarang usal ni Antonette. Bahagyang lumiwanag ang mukha ng lalaki't nagturan, "tamang-tama at naka-order na ako ng makakain natin." "A ganoon ba? Hindi ka na sana nag-abala pa," nag-aalangang sabi ni Antonette. Bahagyang ngumiti ang lalaki, "wala iyon, ikaw pa malakas ka sa akin." "Salamat ulit." walang tauling usal ni Antonette. Magsasalita na sana si Cocoy, ang katagpuan ni Antonette, nang biglang dumating ang pinumedidong pagkain. Umuusok pa ang pares na siyang inihain ng serbidor ng kainan sa kanilang dalawa. Isang pumedidong natatangi lamang sa karihang ito. Lumipas ang mga sandali na tanging pag-inog lamang sa mainit na sabaw ng pares ang kapanahunan. Isang panahon na malimit na nagaganap sa lugar na ito na siyang pinagsasaluhan ng iba't-ibang uri ng mga parokyano, at siya na ring pinagsasaluhan ng dalawang may nakaraan na wari bagang ginugunita ang nagdaang nakalipas. Datapwat sa pana-panaho'y sumisilip ang isang istoryang hindi na maitago-tago pa ng damdaming namimighati. Kuwentong nais nang kumawala sa damdaming nasasakal sa nakaraang sakit tungo sa kaluwalan ng pakiramdam. Di-wasto man ang pasya ni Antonette na iluwal ang nadarama sa ibang tao'y para sa nakararaming nakararanas ng pighati'y dapat lamang ito upang maibsan ang sakit na tinatamasa. Sapagkat sa paningin lamang ng iba'y hindi ito wastong tahakin ng sinumang hindi ibig panghawakan ang buhay. Sinimulang magkuwento ni Antonette sa nakaraan nila ni Bobby, isang istoryang hindi lang iisa ang nakararanas kundi pangkaraniwan sa magkakaparehong tadhana ng pag-iibigan, na marahil ay itinadhana ito para kay Antonette upang maging mas malakas kaysa nakaraan. Isang pagkuwentong pagluluwal ng damdamin na tila bagang isang pagluwal ng mabibigat na butil ng pag-ulan sa nagbibigatang mga ulap sa kalangitan hanggang sa luminaw ang panahon ng umaga. Walang ibang ibig si Antonette sa mga oras na ito kundi ang maibsan ang hindi makayang sakit na nararanasan, ang bigat ng damdamin na ni minsan ay hindi niya hinangad at kusang dumating. Nakakatuwang isipin na minsan talaga sa mundong ito ay madaya para sa mga taong nagmamahal, nasasaktan at patuloy na masasaktan para lamang makamit ang naturang pag-ibig na kahit ni minsan ang pag-ibig na ito'y hindi magiging lubos sa bawat sandali. Lahat ay naibuhos ni Antonette at kahit pa ang luhang hindi mapigil ay nagkusang bumagsak, subalit gayon pa man ay pilit na nilalabanan ni Antonette ang pagbuhos ng ulan sa kaniyang mundo. "Maaari pa kaya tayong magkabalikan?" Pagkuwan ay wika ni Cocoy. Isang nagbabaka-sakaling pagbasag sa kasalukuyang istorya. Marahil ay sa napagtantong hindi pa huli ang lahat upang maibalik ang nakalipas na pag-iibigan. Hindi inasahan ni Antonette ang itinuran ng lalaki, gayon man hindi rin naman ito nabigla 'pagkat batid naman na nanghihinayang ang lalaki sa nangyari sa kanilang dalawa. "Alam mo naman yatang wala na akong nararamdaman para sa iyo, Coy. Pasensiya ka na at wala akong ibang makausap, kailangan ko lang ng malalabasan ng sakit ng loob patungkol sa amin ni Bobby." agarang turan ni Antonette sa di-nagbabagonng tono. Isang alanganing ngiti ang ibinigay ni Coy kay Antonette. Hindi man ipinahalata'y nasaktan ang kalooban ni Cocoy, gayon pa may walang dalawang isip na tinanggap ni Cocoy ang sagot ni Antonette. Isang sagot sa katotohanan ng buhay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD