CHAPTER 2

1019 Words
Hindi maalis-alis ang ngiti sa mga labi ni Isla habang papalapag na ang eroplano. Sabik na sabik na siyang makita si Clay, ang artistang kanyang hinahangaan. Tila ba isa siyang maswerteng babae na biniyayaan ng kaitas-taasan ng lalaking ipapakasal sa kanya. Noong una ay tutol siya dahil ayaw niyang maikasal sa lalaking hindj pa naman niya nakikilala at nakikita. Malaki ang galit niya sa kanyang mga magulang dahil nagpapaniwala pa ito sa isang makalumang pagtatakda. Ngunit nang malaman niya kung sino ang lalaking papakasalan niya ay umiba ang ihip ng hangin. Para siyang nanalo sa lotto. Agad siyang tumugon sa kanyang mga magulang at dali-daling nag-empake. Pagkalabas niya ng eroplano ay kitang-kita niya ang mga mukha ng binata na nasa iba't-ibang monitor screen sa loob ng airport. Nagmomodelo ito ng isang selpon. Sikat na sikat si Clay Verdera at hindi pa rin makapaniwala si Isla na siya mismo ang mapapakasalan nito. Abot tainga ang kanyang mga ngiti habang hila-hila ang kanyang nag-iisang bagahe. Hindi na siya nag-empake ng maraming kagamitan dahil bibili na lamang siya kapag naayos na niya ang kanyang sarili. Maraming nagkakandarapa kay Clay Verdera at isa na siya roon. "Susunduin niya kaya ako?" bulong ni Isla sabay lingon sa kaliwa't kanan. "Siguro hindi kasi baka dumugin siya ng mga tao rito," dugtong pa niya at nakaramdam siya roon ng kaunting kalungkutan ngunit hindi dapat siya panghinaan ng loob. Habang naghihintay ng masasakyan ay may isang lalaking nakasuot ng pormal na damit ang lumapit sa kanya. Nakasuot ito ng salamin at hindi malaman ni Isla kung sa kanya nga ba ito nakatingin. "Isla Aurora Randal?" tanong nito na may baritonong boses. Nagtatakang tumango naman si Isla at may ibinigay naman ang lalaki sa kanya na isang kapirasong papel. Kinuha naman niya iyon at binasa. Mr. Noah Verdera Kumabog naman ang dibdib ni Isla nang mabasa ang pangalang iyon. Nakatatandang kapatid ito mismo ni Clay. John, will be escorting you to your destination. Iyon lamang ang nakasaad sa sulat. Nilingon naman ni Isla ang lalaki na ngayon ay nagngangalang John. Tumango naman ito at nagsimulang maglakad si John at dala-dala na nito ang kanyang nag-iisang bagahe papunta sa sasakyan nito. Dali-dali naman siyang sinundan ni Isla dahil ayaw niyang maiwan siya nito. Habang nasa byahe ay saka niya lang napagtantong matagal na rin pala simula nang makauwi siya ng Pilipinas. Hindi rin kasi naging maganda ang buhay niya rito dahil na rin sa nangyari sa kanilang pamilya. Isa na rin siguro sa naging rason kung bakit hindi naging maganda ang kanyang ala-ala ay dahil sa mga nam-bully sa kanya noong nag-aaral pa lang siya. Lumubog ang negosyong pinamamahalaan ng kanyang ama at dahil doon ay sunod-sunod na kamalasan ang humantong sa kanilang buhay. Hanggang sa nagdesisyon ang kanyang ina na lumabas ng bansa at magsimulang muli. Naging maganda ang pamumuhay nila at nagkaroon na rin sila ng sari't-saring mga negosyo rito sa Pilipinas. Ang kanyang ama at ina pa rin ang namamahala sa kanilang negosyo dahil ayaw na nila maulit ang naranasan nila dati na kahit ultimong pinagkatitiwalaan nilang kaibigan ay tinraydor sila at itinakbo ang kanilang pera. Halos isang oras din ang kanilang binyahe dahilan upanv makaidlip ng kaunti si Isla. "Naririto na po tayo, Miss Isla," wika ni John at dahil sa malalim ang boses nito ay agad namang naalimpungatan si Isla. Marahang kinusot-kusot pa nito ang kanyang mga mata dahil sa hindi makapaniwalang nakikita niya. Para siyang nasa isang pelikula dahil ang bahay na nasa kanyang harapan ay tila isang mansyon. Napapaligirin din ito ng mga trimmed na mga halaman at higit sa lahat ay mayroong isang eleganteng fountain sa gitna. Berdeng-berde ang mga damuhan. Kulay marmol ang pintura ng buong kabahayan na may halong kulay kahoy. Nang makalabas siya ng sasakyan ay doon niya lang nakita ang apat na taong tila naghihintay sa kanya. Nakatayo sila sa pintuan at sa baba ng hagdan ay mga nakatayong mga kasambahay. Halos mahigit ang kanyang paghinga nang makilala ang apat na nasa itaas at iyon ay sina Mr. Francisco Verdera, Mrs. Miranda Verdera, ang ama at ina ni Clay. Naroroon din si Noah at si Clay. Napalunok naman ng wala sa oras si Isla habang binabaktas paakyat ang hagdan. Dala-dala naman ng isang kasambahay ang kanyang bagahe. "Isla, iha," salubong ni Mrs. Verdera nang makaharap na ang dalaga rito. Natigilan naman si Isla nang yakapin naman siya nito ngunit agad naman siyang natauhan at niyakap niya ito pabalik. "Kumusta po," wika ni Isla sa kanilang pagkakayakap. "Mabuti naman, iha. Kumusta ang byahe mo?" tanong naman nito nang kumawala na ito sa pagkakayakap. "Maayos naman po," sagot ni Isla na may ngiti sa kanyang mga labi. Ramdam niya rin na tila nakatingin sa kanya si Clay. "Isla," tawag ni Mr. Verdera at kinamayan ang dalaga. "Welcome to our home and soon to be yours." Namumulang napangiti naman si Isla dahil hindi niya alam kung ano ang magiging reaksyon niya para rito. "Welcome, Isla Aurora," wika ni Noah at hindi ikakaila ni Isla na namangha siya sa angking kagwapuhan ni Noah. Mistula rin itong isang artista. Napayuko naman si Isla bilang pasasalamat. "Maraming salamat po." Nang lilingunin na sana ng dalaga si Clay ay wala na ito sa kanyang pwesto. Nagtatakang nilingon naman ito ni Mr. Verdera at kitang-kita ni Isla ang pagkuyom ng mga palad nito na agad na hinawakan ng kanyang asawa. "Pasensya ka na kay Clay, iha. Halika sa loob at nang makapagpahinga ka na muna," wika ni Mrs. Verdera at tumango naman si Isla. Nakaramdam siya ng lungkot na tila ba ayaw sa kanya ng binata. Hindi naman niya inaasahan na magugustuhan siya nito agad ngunit ang tila malamig na pagsalubong sa kanilang unang pagkikita ay isang malaking hudyat na ayaw siya nitong makapasok sa kanyang buhay. "I'll take care of her, Ma," wika ni Noah at tumango naman ang mag-asawa sa kanya. Tama nga ba na sumang-ayon siya sa kanyang mga magulang? Nadala nga lang ba siya sa bugso ng kanyang damdamin at pagtingin sa binata? Dahil ngayon pa lang ay ramdam niya na ang isang malaking harang sa pagkatao ng isang Clay Verdera.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD