Bernadette and Juniel - 8

1384 Words
MALAMIG ang pakikitungo ni Mariel sa panauhin ng anak nang gabing iyon. Naroon si Glenn para sunduin si Bernadette. Nang matapos ang dalaga sa pag-aayos sa sarili ay nagmamadali na siyang pumanaog. “Shall we?” Malapad ang ngiti ni Glenn. Gumanti ng ngiti si Bernadette. Hindi siya umiwas nang hawakan siya nito sa siko para alalayan hanggang sa makasakay sa kotse nito. SA ISANG mamahaling restaurant humantong sina Bernadette at Glenn. Isang romantic candle light dinner ang inihanda ng lalaki. Halatang gusto nitong magpa-impress. Bago matapos ang pagsasalo nilang iyon ay may dinukot sa bulsa ng pantalon si Glenn. A small velvet box tied with a gold ribbon ang nakikita niyang hawak nito. Madaling hulaan ang laman ng munting kahon na iyon subalit hinintay ni Bernadette ang sasabihin ng lalaki. “Pasalubong ko sa iyo,” mahinang wika nito. Kinabahan siya. Titig na titig sa kanya ang lalaki. Ganoon ang paraan nito para amuin siya o `di kaya’y may hihilingin ito sa kanya. Ginanap nito ang palad niyang nakapatong sa mesa. Hindi niya agad binawi ang kamay. Binuksan ng isa nitong kamay ang kahita. Mula roon ay humantad ang nangingislap na diamond ring. “For you...” bulong nito at saka buong ingat na isinuot ang singsing sa daliri niya. Matapos iyon ay dinala nito sa bibig ang kanyang kamay at saka kinintalan ng halik. Saglit na hindi siya nakapagsalita. “Ano`ng masasabi mo?” Napakurap si Bernadette matapos titigan ang singsing. Napakamahal namang pasalubong nito, sa loob-loob niya. Hindi ko yata matatanggap... “I must admit, pambayad iyan sa mga pagkukulang ko sa iyo. It was my fault kung bakit naputol ang communication natin. Pero sana, maintindihan mo dahil nagsisimula pa lang ako sa aking career noon. At ang lahat naman ng pagsisikap ko ay para sa `yo, para sa atin.” Maang na napatitig siya sa lalaki. “Kahit naman naiwan kita rito, alam kong hindi mo iyon iindahin. Tulad ko’y may mga priorities ka rin.” Pinag-iisipan niya nang husto ang sinasabi nito. “Here I am... nagbabalik sa `yo. At ang singsing na `yan ang katibayan. Hindi simpleng pagbabayad sa atraso ko sa `yo.” Pinag-aralan niya ang sariling damdamin. Wala siyang maramdamang excitement dahil bumabalik sa kanya si Glenn. Nalilito siya. Totoong wala silang formal breakup ng lalaki. Basta na lang naputol ang ugnayan nila sa nakalipas na mga taon. Magkasundo naman sila noon ni Glenn bagaman hindi naman niya masabing masaya siya sa piling nito. “Alam kong matindi ang pagtatampo mo sa akin. Hindi kita masisisi. Pero sana, bigyan mo ako ng isa pang chance. Kung kinakailangang ligawan kita uli ay gagawin ko.” “Babalik ka pa sa—” “Yes... at isasama na kita,” nakangiting tugon nito. Napaawang ang bibig ni Bernadette dahil sa sinabi nito. Bigla niyang naalala ang tungkol sa silent war na namamagitan sa kanila ng ina. Nais ng ina na makasal siya kay Juniel. Hindi niya alam kung dapat niyang ikatuwa ang pagdating ni Glenn. Right timing ito dahil may palagay siyang makakatulong ang lalaki sa kasalukuyan niyang suliranin. Ngunit naroon ang pagtutol sa kalooban niya sa naiisip na solusyon. Kaya naman disimuladong binawi ni Bernadette ang kamay niya at saka mabilis na inalis ang singsing. Bumadha ang pagtataka sa anyo ni Glenn. “I can’t accept this,” aniya sa mahinahong tinig. Bumakas ang kirot sa mga mata ng lalaki. At sa halip na tanggapin ang singsing ay kinuha iyon at ikinulong nito sa mga palad ni Bernadette. “Ayokong mag-isip ng negatibo kung bakit ayaw mong tanggapin ang singsing, Adette. Tell me... makikinig ako.” “Napakaaga pa para mapasaakin ang singsing na iyan. Keep it. May tamang panahon para ibigay mo sa akin iyan.” Walang nagawa si Glenn kundi ang muling ibalik sa bulsa ng pantalon nito ang singsing. MULING nasundan ang date nila ni Glenn. Napuna ni Bernadette na hindi na ito nagbabanggit tungkol sa singsing, bagkus ay ipinakikita nito sa kanya na karapat-dapat itong bigyan ng isa pang pagkakataon. Nag-e-enjoy naman siya kapag kasama ito. “Pumapasok ka ba `pag weekend?” tanong nito. Pauwi na sila galing sa pagdi-disco. She was exhausted. Among the things na compatible sila ni Glenn ay sa pagsasayaw sila magkasundo. “Hindi.” “Good. Swimming tayo sa Pangasinan.” “Malayo `yon,” reklamo niya. “Mauubos ang oras natin sa biyahe.” “All right, ikaw ang mag-isip kung saan tayo magsu-swimming,” nakatawang sabi nito. Natahimik siya. Bigla niyang naalala ang lugar na madalas na puntahan nila ni Juniel. Noon iyon, noong hindi pa sila aware sa plano ng kani-kanilang ina. Nagbago ang lahat. Hindi na rin sila nagkikita ni Juniel at may ilang araw na ring hindi nagkakausap. Dati-rati, kahit hindi magkita ay tatawag ito sa kanya sa telepono para lang inisin siya. “Sige. Sa Pangasinan na lang,” sang-ayon niya. “Friday bukas. Kapag hindi ako nakatawag, understood na susunduin na lang kita nang Saturday morning. Five o`clock. Gising ka na ba no’n?” Natawa siya. “Magse-set ako ng alarm clock, `no!” “ALA-UNA na, Princess,” pormal ang anyong bungad ni Mariel nang makapasok sa loob ng bahay ang dalaga. Nagpahatid na lamang siya sa tapat ng gate at tumuloy nang umuwi si Glenn. Expected na niyang naghihintay sa kanya ang ina. Dati-rati, ang kanyang ama ang matiyagang naghihintay sa pagdating niya. Mag-iisang linggo nang may tensiyon sa pagitan nila ng ina. “Noong una’y niyaya kang lumabas ng Glenn na iyan, umuwi ka nang past eleven. At ngayon ay madaling-araw. Anong oras ka naman uuwi sa susunod?” paninita nito. “Inaantok na ako, Mommy.” Kunwa’y naghihikab siya. “Aakyat na ako.” Nagtuluy-tuloy siya sa hagdan. “Don’t push me, Bernadette!” Tumaas ang tono ni Mariel. Natigilan ang dalaga. Bibihirang pagkakataon na tinatawag siya ng ina sa buong pangalan. At iyon ay kung galit ito sa kanya. Alam niyang nagtitimpi lang ito nang mga nakaraang araw. Bahagi pa rin ng pagrerebelde niya ang pag-uwi-uwi nang gabing-gabi na. Alam niyang alam ng ina kung sino ang kasama niya. “Good night, Mommy,” mahinahon pa rin niyang sabi at nagpatuloy na sa pag-akyat sa baitang. “Bernadette... kinakausap pa kita!” Nasa itaas na siya nang bumukas ang pinto ng kuwarto ng mga magulang. Napalabas si Benedict na halatang nagising sa narinig na sigaw ng asawa. Isang matipid na ngiti ang naging bati ni Bernadette sa ama bago siya tumuloy sa silid niya. “Sweetheart, gabi na,” marahang sabi ni Benedict na sinalubong ang asawang papaakyat sa hagdan. “Madaling-araw na, Benedict. Uwi ba ito ng matinong babae? Para sa kaalaman mo’y ngayon lang dumating ang anak mo. “Bukas na natin pag-usapan `yan. Halika na.” Inakbayan na nito si Mariel papasok sa kuwarto. Subalit pumiksi si Mariel. Lumapit ito sa pinto ng silid ng anak at malakas na kinatok iyon. “Open this!” Sa silid niya’y nakikiramdam lang si Bernadette. Nang matiyak niyang walang balak na umalis ang ina sa harap ng kanyang silid ay napilitan siyang pagbuksan ito. Subalit sa paraang ipinarinig lang niya sa ina ang pagbubukas ng seradura. At bago pa nakapasok si Mariel ay nakapasok na siya sa bathroom. Nagtagal siya sa loob ng banyo. “What’s happening to you, Princess?” Bahagyang lumambot ang tinig ng ina. “I’m having a good time. Masama ba iyon? Ikaw ang dapat kong tanungin, Mommy. What’s happening to you? Dati mo naman akong hinahayaang umuwi nang ganitong oras, `di ba?” Bakit sobra ang galit mo ngayon? Dahil si Glenn ang kasama ko?” Kahit hindi lumabas sa bibig ng ina, alam niya ang laman ng isip nito. Nangangamba ang mommy niya na hindi magkaroon ng katuparan ang kagustuhan nito dahil kay Glenn. “Alam mo naman pala,” ani Mariel habang nakasandal sa may pinto ng banyo. “Pinasasakitan mo ba ako?” Tinapos niya ang pagsisipilyo bago sumagot. “I don’t intend to.” “Oh, you do!” napipikong sabi ni Mariel. “I don’t want you to be with Glenn again, Princess. That’s an order!” matigas na utos nito at lumabas na. Nagkibit-balikat na lamang si Bernadette sa sinabi ng ina. Naikondisyon na niya ang sarili na hindi paaapekto sa galit nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD