CHAPTER 1 - Meet Allison Tolentino

2470 Words
NAKANGITING pinagmasdan ni Allison ang kanyang huling painting. Isa iyong babaeng naliligo nang hubad sa sapa. Halos isang buwan din bago niya iyon matapos. Hindi niya ibinibenta ang mga obrang itinuturing niyang masterpiece dahil pangarap niyang mai-display ang mga iyon sa sarili niyang art exhibit balang-araw. Kung mayroon mang magkainteres sa kanyang obra ay reproductive print o kopya lamang ang kanyang ibinibigay. Ilang taon na ring pagguhit at pagpinta ang kanyang ikinabubuhay. Noong una ay hobby lamang ito para sa kanya, kalaunan ay pinagkakitaan niya na rin dahil sa mga taong tumatangkilik sa kanyang mga obra. Iyon nga lang ay hindi siya nakakasingil ng rate na kasing taas ng sa mga propesyonal. Kaya naman nag-iipon siya upang makatuntong ng kolehiyo at kumuha ng kursong fine arts. Gayunman, malaking tulong na ang ginagawa niya sa kanila ng kanyang inang si Laura. Mula sa kanyang mga komisyon sa pagguhit at pagpinta ay natutulungan niya ang kanyang ina sa mga bayarin sa bahay, tubig, kuryente, pati na ang pagkain nila sa araw-araw. Ang kanyang ina naman ay isang mananahi. Nagbibenta ito ng mga basahan, kurtina at mga pajama ng bata. Silang dalawa na lamang ang magkasama sa buhay. Bata pa siya nang iwan sila ng ama niyang lasenggo at babaero. Palagi niya noong nakikitang sinasaktan ng kanyang amang si Roberto ang kanyang ina. Halos araw-araw may bagong pasa ang kanyang ina dahil sa pambubugbog ng tatay niya. Kahit kailan ay hindi naramdaman ni Allison ang pagmamahal ng isang ama. Pakiramdam niya, ang tingin ng ama niya sa kanya ay isa lamang utusan- tagabili ng alak at sigarilyo, tagatimpla ng kape, at taga-utang sa tindahan. Wala siyang halos magandang alaala sa pagkabata dahil ayaw siyang payagang maglaro ng ama kasama ng ibang bata. Ang gusto nito ay matuto siya sa lahat ng gawaing bahay kagaya ng kanyang ina. Isang araw ay bigla na lamang itong nagsabing aalis na at mag-aasawa ng iba, gayong kasal ito sa kanyang ina. Imbes na malungkot sa pag-alis nito, ipinagpasalamat pa iyon ni Allison dahil sa wakas ay natapos din ang paghihirap nila lalo na ng kanyang ina sa kamay nito. Ipinangako niyang hindi niya dadanasin ang dinanas ng kanyang ina sa kanyang ama. Walang sino mang lalaki ang makakapanakit sa kanya. Walang sino mang lalaki ang hahayaan niyang makapasok sa kanyang buhay. Ang kanyang inang si Laura na ang mag-isang nagtaguyod sa kanya. Taga Leyte ito at mayroon silang bahay sa probinsya ngunit naibenta iyon pati na ang kanilang lupa nang maisipan ng kanyang ama na sa Maynila na sila manirahan. Gustuhin man nilang bumalik ngayon na iniwan na sila ng kanilang padre de pamilya ay wala na silang babalikan. Dahil sa hirap ng buhay sa Maynila, hindi na nga siya nakatuntong ng kolehiyo. Mabuti na lamang at pinagkalooban siya ng Diyos ng talento. Natapos ang kanyang pagmumuni-muni nang marinig ang pagtawag ng kanyang ina. Mayroon daw naghahanap sa kanyang isang kliyente. Inalis niya ang suot na apron upang harapin ang kliyente. Paglagos niya sa sala ay nakita niya ang isang babaeng may kulay ang buhok, nakasuot ng oversized T-shirt at short. Mayroon itong mga tattoo sa katawan. Maganda ito, maganda ang katawan, at mukhang kasing edad niya lamang. “Allison Tolentino, right?” nakangiting tanong nito sa kanya. Tumango si Allison habang nakangiti. “A friend recommended you to me. Magaling ka raw mag-paint.” “Sakto lang,” mapagkumbaba niyang tugon. Ipinakita niya sa babae ang ilan sa kanyang mga samples at napabilib niya ito. “Couple painting sana ang ipapagawa ko,” wika pa ng babae. Iniabot nito sa kanya ang isang reference photo. Kaagad niyang ipinagpalagay na kasintahan nito ang kasama sa larawan dahil nakayakap ang lalaki sa kanyang kliyente. Romantically sweet ang dalawa base sa kanyang obserbasyon sa larawan. Napako ang paningin niya sa lalaki. Halatang may lahi ang lalaki. Kulay berde ang mga mata nito, matangos ang ilong at mayroong manipis na mga labi. Maganda ang mga ngiti nito. May mangilan-ngilan itong freckles sa mukha na lalong lamang nakadagdag sa kagwapuhan nito. Hindi naman porke ayaw niya sa mga lalaki ay hindi na siya marunong mag-appreciate ng kagwapuhan. Lumabi siya. Mukhang playboy, wika ng kanyang isip. “Pwede bang huwag mong i-post sa social media kapag natapos mo na?” hiling ng babae. Napaisip si Allison, ngunit mayroon talagang mga kliyenteng ganoon. Iyong iba ayaw i-post sa social media dahil may hinihintay na okasyong dumating at matapos, at iyong iba ay gusto lang ng privacy. Pero ayon sa kanyang instinct, may ibang dahilan ang babae at malalaman niya iyon. Nang mapagkasunduan ang presyo ng proyekto ay umalis ang babae. Sinimulan naman iyon kaagad ng dalaga. Dahil ibinigay ng babae ang social media account nito, napagpasyahan ni Allison na i-stalk iyon. Hindi niya naman gawain ang mang-usyuso sa buhay ng ibang tao lalo na ng kanyang mga kliyente, ngunit ewan niya ba at parang may nagtutulak sa kanya na gawin iyon. Halos mahalungkat na niya ang lahat ng photos at posts ng kanyang kliyente nang makita niya ang isang larawang sa tingin niya ay siyang kanyang hinahanap. Larawan iyon ng kanyang kliyente at ng kasama nitong lalaki sa ipinapagawang couple portrait. Ngunit may iba pa silang kasama sa larawang iyon. Inisa-isa niyang tingnan ang bawat account na naka-tag sa nasabing picture. Davis. Iyon lang ang nakalagay na pangalan sa account ng lalaki. Ini-stalk niya rin ito at kaagad umakyat ang lahat ng dugo niya sa kanyang ulo nang makita niyang may ibang babae itong kasama sa mga picture na kanyang nakita. Romantically sweet din ito sa kasamang babae. Marami rami rin ang pictures ng mga ito na magkasama. Sa tingin niya ay ito ang tunay na karelasyon ng lalaki dahil ito ang kayang i-display nito in public. Third party marahil ang kanyang kliyente. “Babaero!” mahina niyang usal. Napaikot ang mga mata niya at saka siya napabuntong hininga. Bakit ba may mga babaeng pumapayag na maging third party o kabit? Pero kasalanan pa rin ng mga lalaki kasi hindi sila makontento sa isa! Napahigpit ang hawak ni Allison sa hawak niyang lapis. Ni-relax niya ang sarili. “Mind your own business, Allison!” wika niya sa sarili. “Ang mahalaga, hindi ka mauuto ng mga ganyang lalaki.” She smirked. Para sa kanya pareparehas lang ang mga lalaki, iba iba lang ng paraan kung paano manakit. Sa una lang sila magaling at nagpapakitang gilas, sa huli sasaktan ka lang at iiwan. Wala pa siyang nakikilalang matino sa buong buhay niya. Natapos ang kanyang proyekto. Nagustuhan iyon ng kanyang kliyente at dinagdagan pa ang bayad sa kanya. “Allison, anak!” tawag sa kanya ng kanyang ina. Mabilis naman siyang lumabas ng kanyang working area upang puntahan ang ina. Nakaupo ito sa harapan ng sewing machine nito. Napansin niya ang lungkot na nakarehistro sa mukha nito. “’Nay, bakit po?” nag-aalalang tanong niya. “Sira na, anak,” tugon ni Laura. Lumipat ang tingin nito mula sa anak patungo sa sewing machine. Nahinuha naman kaagad ng dalaga ang tunutukoy ng ina. “Matanda na rin ho kasi ang makina ninyo, Inay,” wika ng dalaga. “Palitan na lang ho natin.” Ang makinang iyon ay mahigit sampung taon na rin. “Saan naman ako kukuha ng pambili ng bago, anak? Sayang nga at nangangalahati na sana ako sa mga order sa aking basahan. Malaki laki rin sana ang kikitain ko. Kung sana natapos ko man lang bago sumuko ang makinang ito, hindi na ganoon karami ang bubunuin kong balanse para makabili ng bago.” Nagbuntong hininga ito. Hindi umimik si Allison. Nagtungo siya sa kanyang kwarto at kinuha ang wallet na pinaglalagyan ng iniipon niyang pera. Hindi talaga siya makabuo ng kahit dalawampung libo lang. Palagi iyong nababawasan para sa iba’t ibang gastusin at bayarin. Ngayon nga ay mababawasan na naman ito. Iniabot niya ang sampung libo sa kanyang ina. “Ano ito, anak?” “Pandagdag po ng pambili ninyo ng makina,” tugon niya. “Iyong magandang klase na ho ang bilhin ninyo. Iyong magtatagal kagaya ng makina ninyong iyan,” nakangiting wika niya. Mas mahalaga ang kasiyahan ng kanyang ina kaysa ano mang bagay sa mundo. Kinuha ni Laura ang kamay ng anak at inilagay roon ang pera. “Nag-iipon ka para makapag-aral ng kolehiyo, hindi ba? Itago mo na lang iyan. Gagawan ko na lang ng paraan para makabili ako. Mangungutang na lang ako,” aniya. “’Nay, malaki rin ang porsyentong babayaran ninyo sa pautang. Tanggapin na ninyo iyan. Kahit naman sengkwenta na ang edad ko, pwede pa rin naman akong magkolehiyo. Siguro naman sa edad na iyon, nakaipon na ako,” pabirong wika niya. “Sa inyo na iyan, Inay. Wala kayong ibang libangan. Ayaw kong makita kayong nalulungkot at nababagot.” Napangiti si Laura at tinanggap na rin ang pera. “Huwag kang mag-alala, anak, ibabalik ko ito sa iyo.” “Kahit huwag na po, Inay. Sa inyo na iyan. Sigurado namang kikitain ko pa iyan. Wala ba kayong bilib sa akin?” Ngumiti si Laura. “Syempre mayro’n. Hindi lang bilib, kundi bilib na bilib!” Kapwa sila napalingon ng kanyang ina nang marinig ang boses ni Abbey. Ito ang kababata at matalik na kaibigan ni Allison. Itinuturing na niya itong kapatid. Nangako silang walang iwanan at hindi ipagpapalit ang kanilang pagkakaibigan sa kahit na ano at sino man. Si Abbey ay isang pre-k tutor. Maayos na rin ang kinikita nito dahil kadalasan ang mga batang tinuturuan nito ay anak ng mayaman. “Bes, may sasabihin ako sa iyo, pero ipangako mo munang hindi ka magagalit sa akin,” wika ni Abbey. Naghihintay sila noon sa sala ng meryendang inihahanda ni Laura. “Bakit, ano ba iyan?” salubong ang kilay na wika ni Allison. “Ba’t naman ako magagalit?” “Mangako ka nga muna na hindi ka magagalit.” “Sabihin mo na lang kasi! Dami dami mo pang arte.” Naiinis niyang wika. Ganoon talaga sila mag-usap, minsan barahan ngunit walang pikunan. “May gusto ako.” Ipinatong nito ang kamay sa tuhod ni Allison. Natigilan si Allison. Napatitig siya nang mataman sa mga mata ni Abbey. “Hoy bes, ha, porke hindi ako nagkakagusto sa lalaki ay babae na ang gusto ko! Ang tagal tagal na nating magkaibigan. Tumigil ka, hindi tayo talo!” Nanlaki ang mata ni Abbey. Sinundan iyon ng malakas na tawa. “Sira!” anito. “Siraulo ka talaga! Hindi kita type, ano!” Tawa ito nang tawa. “Hindi pa naman kasi tapos ang sasabihin ko. May gusto ako. May gusto akong lalaki!” Natawa rin si Allison, pero kaagad din iyon napalitan ng hindi maipaliwanag na negatibong pakiramdam. Kapwa sila ‘no boyfriend since birth’ ni Abbey. Ikinakatuwa niya iyon dahil alam niyang pareho silang hindi masasaktan ng kahit na sinong lalaki. Hangga’t maaari hinihikayat niya si Abbey na maging katulad ang paniniwala sa kanya upang maproteksyonan ito. Ngayon nga na mayroon na raw itong nagugustuhan ay hindi siya natutuwa. “Sino naman?” Nasa tono niya ang disappointment. Kanino namang lalaki nahumaling at nauto ang kanyang matalik na kaibigan? “Si Carter Davis!” mabilis na tugon ni Abbey. “Model siya at medyo sikat na ring YouTuber. Nakita mo na siya for sure sa social media, sa TV ads, catalogues and magazines. May billboard na rin. Pero kasi taong kweba ka naman, malamang hindi mo siya kilala.” Nagpangalumbaba ito. “Ang gwapo niya sa personal, bes!” kinikilig nitong wika. “Nakita mo na sa personal?” hindi makapaniwalang tanong ni Allison. “Kaibigan siya ni Sir Kevin, tito ni Marky.” Si Marky ay isa sa mga batang tinuturuan nito. “Kanina nagpunta siya kayna Sir Kevin. Medyo mapapadalas daw ang pagpunta niya ro’n kasi tutulungan niyang makapasok sa agency niya si Sir Kevin na may balak ding maging modelo. Ang gwapo niya, bes, makalaglag-panty!” Kinuha nito ang isang magazine sa sukbit na bag. Nasasabik nitong ipinakita kay Allison ang mga larawan ni Carter. Kumunot ang noo ni Allison nang makita iyon. Hindi siya maaaring magkamali na iyon ang lalaking kasama ng kliyente niya sa couple painting na huli niyang ginawa. Kompirmado dahil Davis ang apelyido nito. “Naghahanap ka ng sakit ng ulo, bes!” seryosong wika ni Allison sabay lapag ng magazine sa mini table nasa harap nila. “Ligaya ng puso naman! Masyado ka talagang bitter, Allison!” irap ng isa. “Sinasabi ko sa iyo pagsisihan mo iyan. Huwag kang iiyak sa akin kapag nasaktan ka na!” “Ang advance talaga mag-isip!” naiiling na wika ni Abbey. “Alam mo ba, hindi siya suplado? Kapag nginingitian ko siya, nginingitian niya rin ako.” Kilig na kilig ito. “Sa sabado, magpupunta ako sa salon at kailangan ko ng bonggang makeover! Tingnan ko lang kung hindi niya ako agad yayain ng date!” “Babaero iyan, bes!” natitiyak na wika ni Allison. Natigilan si Abbey. “Paano mo naman nasabi? Aber! Kilala mo ba si Carter?” Nagpameywang ito. “Basta babaero iyan, maniwala ka sa akin. Kung ayaw mong masaktan sa bandang huli, makinig ka sa akin.” Nagbuntong hininga si Abbey. “Alam kong sanggang-dikit tayo, pero pagdating sa ganyang bagay, hindi tayo magkaparehas ng paniniwala. I’m sorry, but I have to disagree with you. Hindi lahat ng lalaki kagaya ng tatay mo, okay?” Sandaling natahimik si Allison. Iniisip niya kung sasabihin niya sa kaibigan ang nalaman niya tungkol sa Carter na iyon. Yaman din lamang at nasabi niya nang babaero ito, bakit hindi niya na lamang lubos lubusin? “Hindi ka naniniwala sa akin?” mapanghamong tanong niya sa kaibigan. Handa na siyang ipakita rito ang kanyang pruweba. Nang akmang tutugon na si Abbey ay tumunog ang cellphone nito. “Kailangan ko nang umalis,” wika nito pagkababa ng cellphone. “Pupunta na ako kayna Sir Kevin. Ipapahatid na lang daw ako sa driver nila. Aalis kasi sina Marky mamaya at hindi makakauwi bukas, so kailangan baguhin ang schedule just for today.” Napakagat labi ito. “Sana nandoon si Carter, my love!” Umikot ang mata ni Allison. “Kinikilabutan ako sa ‘yo!” aniya. Sinundan niya ng tingin ang kaibigan habang paalis ito. Mukhang hulog na hulog na ito sa Carter Davis na iyon. Hindi iyon maaari! Hindi siya makapapayag na mapunta ang kanyang best friend sa isang babaero. Aywan niya ba at unang tingin pa lang niya kay Carter ay hindi na maganda ang kanyang pakiramdam, lalo na nang matuklasan niya ang kalokohan nito. Akala niya ay iyon na ang huling beses na makakaengkwentro niya ito, hindi man sa personal, nang ito ay kanyang maiguhit. Mukhang masusundan pa iyon at natitiyak niyang hindi maganda ang kanilang magiging paghaharap.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD