Napanganga at natulala lamang si Jeff habang niyayakap siya ng kanyang ina na si Nanay Joyce. Matagal na panahon na din ang pangungulila ni Nanay Joyce sa anak dahil ang buong akala niya ay patay na ito. Pero nasa harapan niya na ang anak at yakap-yakap niya na ng mahigpit.
“Anak. Ikaw na ba yan?” sabay tingin niya sa mukha ni Jeff “Parang hindi umiba ang mukha mo. Ano ba ang nangyari sa’yo, anak? Paano ka nabuhay??”
“Jeff. Ang nanay mo oh” sambit naman ni Nathan sa kanya na wala pa rin imik habang tumutulo ang mga luha “Pansinin mo naman siya”
“Anak?? Bakit? Hindi mo na ba ako nakikilala?” hipo sa pisngi ng anak “Ako ito, ang nanay mo”
Tumingin naman sa wakas si Jeff sa mga mata ng ina “Naaalala po kita, nay” tanging sambit niya habang tumutulo ang mga luha “Hindi ko lang kaya na kausapin ka kasi nahihiya ako sa’yo”
“Ha?? Bakit ka naman nahihiya, anak?”
“Kasi matagal din na panahon akong nagtago” sagot ni Jeff habang puno ng luha ang mga mata “Hindi ko alam kung paano kita haharapin nay. Sorry po. Sorry po talaga nanay”
“Huwag ka nang humingi ng tawad sa akin, anak” habang hinihimas ang buhok ng anak “Ang importante sa akin ay nasa harapan na kita ngayon at buhay na buhay ka” dugtong ni Nanay Joyce “Miss na miss ka ng nanay. Kung alam mo lang kung ilang gabi ako umiiyak nang pagkawala mo, anak”
“Miss na miss po din kita nanay” sagot ni Jeff habang yakap niya din ito ng mahigpit
Pagkatapos ng yakapan ng mag-ina ay nagdesisyon sila na pumasok ng silid at para doon ipagpatuloy ang kanilang kuwentuhan.
Ikwinento nga ni Jeff ang nangyari sa kanya sa loob ng maraming taon. Simula sa pagkuha at pagsinunggaling sa kanya ni Alvin hanggang sa makita siya ni Don Rolando sa daan at dinala sa Espanya at inampon.
May halong inis, awa, at galak ang nararamdaman ni Nanay Joyce sa mga totoong nangyari at sa pagbabalik ng kanyang anak. Hindi siya talaga makapaniwala hanggang sa ngayon na buhay si Jeff.
“Ngayon ay alam ko na. Alam ko na ang nangyari sa’yo” sambit ni Nanay Joyce “Nagkamali pala ako sa’yo, Riley” sulyap niya kay Nathan “Hindi pala ikaw ang dapat sisihin sa pagkawala ng anak ko kundi si Alvin na yon. Pinagkatiwalaan ko siya. Kaya pala hindi na siya nagpakita noon at bumalik siya dito pagkalipas ang tatlong taon. Kaya pala”
“Opo nay. Kahit na ako ay niloko niya. Akala ko ay patay na kayo at kami na lang ang nabuhay” sagot ni Jeff “Binuhay niya ako sa kanyang ilusyon at sa kanyang kasinungalingan. Pero nalaman ko isang araw ang totoo iyon. At iniwan ko siya”
“Mabuti na lang ay nakita ka ni Don Rolando” sulyap niya sa matandang lalaki at ngumiti “Salamat sa’yo dahil inalagaan mo ang anak ko, Don Rolando”
“Walang anuman, Mrs. Dy” sagot ni Don Rolando “Napabuti at napakatalinong bata ang anak ninyo kaya hindi naging mahirap sa akin na alagaan siya”
“Maraming Salamat talaga” sagot uli ni Nanay Joyce at tumingin uli siya sa anak “Ano ang plano mo ngayon anak?”
“Katulad ng sinabi ko sa’yo kanina, nay. Ipagpatuloy ko pa rin ang pagsasagawa ko ng plano laban kay Jean” paliwanag niya sa ina “Sa ngayon ay unting-unti na natutupad ang mga plano ko dahil nagpapanggap ako na walang naalala”
“Sigurado ka ba diyan anak?? Baka mabisto ka ni Jean”
“Hindi nay. Ngayon ay siguradong-sigurado na ako na babagsak ang Jean na yan” sagot niya
“Sige anak. Kung iyan ang plano ay okay lang sa akin” pagsang-ayon ni Nanay Joyce “At kung may maitutulong ako sa mga gagawin mo, sabihin mo lang”
“Meron nay. Huwag na huwag ka lang magsabi kahit kanino na buhay ako at kung ano ang tunay kong pagkatao kay Jean dahil ang alam niya ay ako si José Hidalgo, isang kamukha ng kanyang namatay na kapatid”
“Sige anak. Masusunod iyan. Huwag kang mag-alala”
“Salamat nay” sagot ni Jeff “Teka po, kamusta na pala ang anak ko na si Sky? Balita ko ay nandoon siya nakatira kay Jean”
“Oo anak pero parati na siyang bumibisita sa bahay namin” kuwento ni Nanay Joyce
“Baka ano na ang pinapapasok ni Jean sa utak ng anak ko”
“Hindi anak. Napakabait ni Sky, sa katunayan nga ay parati niyang pinupuntahan ang puntod mo hanggang ngayon. Miss na miss ka na din ng anak mo”
“Talaga nay?” at doon naantig ang puso ni Jeff sa nalaman mula sa ina “Miss ko na din ang anak ko, nay”
“Gusto mo bang papuntahin ko siya dito?”
“Huwag po. Huwag muna ngayon”
“Bakit anak?”
“Basta. May oras din ang pagkikita namin at hindi pa ngayon. Sana maiintindihan mo nay”
“Sige anak. Nirerespeto ko ang desisyon mo”
“Excuse me po, nay” sulpot ni Nathan sa asawa at napatingin naman sina Jeff at Nanay Joyce sa kanya “Kailangan na po natin umalis. Baka hinahanap ka na Cindy, magdududa pa yon”
Nalungkot ang mukha ni Nanay Joyce sa paalala sa kanya ni Nathan. Tumingin naman siya sa anak na parang ayaw itong umalis. “Anak… Ayaw kong umalis. Baka hindi na kita makikita sa susunod eh” sambit ni Nanay Joyce na parang bata.
“Sige na po, nay. Umuwi ka na po muna sa inyo” sambit ni Jeff sa ina “Balang araw ay magkakasama rin tayo sa iisang bahay kasama si Sky. Maghintay ka lang, nay. Hindi na ako aalis”
“Pangako yan ha??”
“Promise po yan. Hinding-hindi ko na kayo iiwan ng anak ko” sagot ni Jeff at niyakap muli ang ina at hinalikan sa noo “Mahal na mahal kita nanay”
Nagdesisyon nga silang umalis dahil nga baka hinahanap na siya ni Cindy sa bahay. Hindi nila nakita at namalayan ay may nakatingin pala na mata sa hindi kalayuan sa kanilang paglabas ng silid. Nakita niya din si Jeff na lumabas upang sunduin ang kanyang mga bisita sa elevator.
‘Kumpirmado. Buhay nga siya. Kitang-kita ko ang pagmumukha ng taong sumira ng pamilya namin noon. Humanda ka Jeff’ sambit ni Stephen sa kanyang sarili.
***
Dumerecho kaagad si Stephen sa paaralan para pumasok. Habang papasok siya ng gate ay hindi siya mapakali sa kanyang nasaksihan. Buhay nga ang taong sumira sa kanilang pamilya at sa kanyang pagbabalik ay sigurado siya na muli masisira ito.
Naiinis talaga siya kay Jeff at gustong-gusto niya itong balikan sa isang silid ng hotel at harapin. Pero natatakot naman siya na harapin ito dahil baka hindi siya makapagpigil sa kanyang sasabihin. Kahit papaano ay nirerespeto niya pa rin ang ama ng kanyang mahal na si Sky.
Speaking of Sky, gusto niya na magbigay ng distansya sa kanilang dalawa at umiwas sa kanya dahil wala na siyang may ipagmumukha pa sa dalaga. Nalaman niya nga kasi na buhay ang ama nito at ayaw niya itong ipaalam.
Sa kanyang paglalakad ay nakita siya ni Sky at tinawag pero tulad ng inaasahan ay hindi niya pinansin ang dalaga at nagmamadali itong pumasok sa kanyang silid-aralan.
“Bakit hindi niya ako pinansin friend?” tanong ni Sky sa kaibigan “Galit ba siya sa akin?”
“Hindi ko nga alam eh. Sinabi ko sa kanya na magkikita kayo ngayon pero hindi siya dumerecho dito” paliwanag ni Sara na hindi naman totoo
“Baka ayaw niya na sa akin, friend” lungkot na mukha ng dalaga.
“Hindi naman siguro. Baka nakalimutan niya lang”
“Nakalimutan?? E siya nga minsan ang pumupunta sa room ko noon” sabat naman niya “Baka ayaw niya na sa akin”
“Friend naman. Huwag ka ngang mag-isip ng ganyan. Makakausap din kayo”
“Sana nga, friend. Sana nga”
“Ayan ka na naman oh. Napaka-nega mo” dugtong ni Sara sa kaibigan “Hay naku, gutom lang yan. Tara” sabay tayo ng kaibigan niya
“Saan tayo pupunta?”
“Sa dining hall. Kakain tayo dun. Dami mo na kasing iniisip eh”
Habang nakaupo ang dalawa at kumakain ay hindi pa rin maalis sa isip ni Sky ang hindi pagpansin sa kanya ni Stephen.
“Friend..?” tawag niya ulit sa kaibigan habang ngumunguya ng pagkain
“Yes?”
“Wala ba siyang sinabi sa’yo tungkol sa akin?”
“Hmmmm. Wala naman, friend. Bakit?”
“E hindi ko pa rin alam kung bakit hindi niya ako pinansin kanina”
“Haaay friend. Akala ko okay ka na. Hindi pa pala”
“Naninibago lang kasi ako kay Stephen eh”
“Oh sige. Ito na lang” habang linapit niya ang kanyang ulo “Hihintayin natin siya sa last period niya. Tapos kakausapin natin si Stephen, okay na ba yun?”
Lumiwanag ang mukha ng dalaga sa naging mungkahi ng kanyang kaibigan. “Sige friend. Mabuting ideya yan”
“Good. Oh diba? Okay ka na ngayon”
“Salamat talaga friend. Kaibigan talaga kita”
Binantayan nga nilang dalawa sa labas ng silid si Stephen. Umaasang magkikita sila at makakausap niya na ito ng lubusan. Gusto niya kasi sabihin sa binata ang totoo rin niyang nararamdaman na gusto niya rin ito.
Habang papalabas ang mga estudyante sa silid na iyon ay inaabangan naman nilang dalawa si Stephen na lumabas. Nang pagkalabas ng binata ay tinawag muli nila ito pero hindi sila pinansin at nagmamadaling lumakad palabas ng campus.
“Sorry friend” sambit ni Sara sa kanya “Akala ko papansinin niya tayo”
“Okay lang. Baka ayaw niya na akong kausapin” sagot ni Sky na tila dismayado sa ginawa ni Stephen “Uwi na tayo, friend. Pagod na ako”
“Ayyy. Nanghihina ka na?? Kawawa ka naman” sambit ni Sara na parang nag-aalala “Sigurado ka ba talaga na okay ka?”
“Don’t worry, friend. Okay na okay ako” pilit na ngiti ni Sky sa kaibigan
“Sige na nga. Uwi na lang tayo”
***
Nagmamadaling pumasok ng bahay si Stephen. Hinahanap niya ang kanyang ina na si Cindy dahil sasabihin niya na talaga ito na buhay si Jeff.
Natagpuan niya ang si Cindy na nakahiga sa kama at nagpapahinga. Umupo si Stephen sa tabi ng ina at nagmano dito.
“Ang aga mo ata, anak” at nakita niya si Stephen na seryoso ang mukha “May problema ka ba, anak?”
“Meron po” sagot nito
“Ha??” sabay pagbangon ni Cindy sa kama “Sandali. Ano ba yun, anak?”
Hinawakan ni Stephen ang dalawang kamay ng ina at tumingin siya sa mga mata nito “Mommy, may dapat kang malaman”
“Oh okay” tanging sambit niya na parang nagtataka sa mga galaw ng anak “Parang seryoso ‘to ah. Ano ba yun anak? May girlfriend ka na ba?”
“Hindi po yon. Tungkol po ito kay Daddy”
“Ano ang tungkol sa kanya?”
“Si Jeff po. He’s alive”
Napatawa na lamang ng malakas si Cindy sa sinabi ng anak niya. Hindi siya talaga dito naniniwala “Stephen. Ano na naman ba ‘to?? Kung gusto mo lang ako biruin, okay! Napatawa mo na ako”
“Mom. Pero totoo ang mga sinasabi ko sa’yo” paninindigan ni Stephen “Nakita ng dalawang mata ko na buhay siya. Kaya pala ginagabihan si Daddy dahil doon siya pumupunta kay Jeff”
“Stephen. Ano ba??! Huwag kang magbiro ng ganyan”
“Pero hindi nga ako nagbibiro. Totoo ang nakita ko, tapos nakita ko din na pumasok sina Daddy at Lola Joyce sa silid na kung saan nakatira si Jeff” salaysay niya sa ina
“Paano mo naman natunton ang lugar na iyon kung ganon?”
“Hindi ako pumasok sa first period ko dahil sinundan ko sila” patuloy pa din ang pagkuwento niya sa ina “Narinig ko kasi sila kahapon ng hapon na nagkwekwentuhan”
“Ano ang kanilang pinagkukwentuhan?”
“Na buhay daw ang anak ni Lola Joyce na si Jeff. Gusto niya daw itong makita. Kaya kaninang umaga ay umalis sila at pumunta doon sa hotel na kung saan doon naninirahan si Jeff”
“Ganon?? Kaya pala nagmamadali ang matanda kanina na umalis kasama si Nathan” sambit nito “Pero ang paalam niya sa akin ay pupuntahan niya lang ang kanyang apo, yun pala ang kanyang anak na. Sinunggaling talaga ng matandang yan”
“E ano ang plano mo ngayon, Mommy?” tanong niya sa ina “Gusto mo ba siyang makita?”
“Hindi. Huwag muna ngayon, anak” sagot ni Cindy “Hindi pa ako handa na makita at makausap ang Jeff na yan”
“Pero…”
“Huwag muna. Okay??”
“Kahit si Daddy?? Hindi mo ba siya tatanungin tungkol diyan?”
“Stephen. Tumahimik ka na. Ako na ang bahala kakausap sa Daddy mo”
***
Dakong alas-nwebe ng gabi ay nakauwi na si Nathan sa kanilang bahay. Gaya ng dati ay nandoon nakabantay ang asawa niya sa sofa at naghihintay sa kanyang pagdating.
“Saan ka naman ba nanggaling?” tanong nito na kakapasok lang ni Nathan sa bahay.
“Wala ako sa mood, Cindy. Please. Huwag mo akong awayin”
“Pero ako meron” sabay hawak ni Cindy sa kamay ng asawa na parang pinipigilan ang paglakad “Magsabi ka nga ng totoo, Nathan. Sino ba ang pinupuntahan mo??”
“Wala ka nang pakialam doon, okay?? Wala!” pagbuklas ng kamay niya sa kamay ni Cindy.
“Kay Jeff ba??” natigilan si Nathan sa sinabi ng asawa at lumingon siya dito “Oh bakit?? Hindi ba totoo?”
“Ewan ko sa’yo. Marami ka nang iniisip” sambit ni Nathan “Matulog ka na kaya para kumalma yang utak mo”
“Sagutin mo muna ang tanong ko. Buhay ba si Jeff??!!”
“Nahihibang ka na ba?? Kahit patay ay sinasali mo sa kapraningan mo?”
“Hindi ako praning, Nathan. Alam ko na alam mo na totoo ang mga sinasabi ko”
“Ewan ko sa’yo. Maghanap ka nga ng kausap mo” at tuluyan nang umakyat si Nathan sa kanilang silid at nagpahinga.
Itutuloy…