“Hmmm… hmmm…”
Naghahalo si Amethyst ng soup na niluluto nang maramdaman ang mahigpit na yakap ng asawa mula sa kanyang likuran. Napapikit sya at matamis na ngumiti nang madama ang matigas nitong dibdib na lumapat sa kanya. Mas lalo pa nyang isinandal ang sarili. Sumiksik naman ang mukha nito sa kanyang leeg at nilanghap ang kanyang amoy.
“Ang bango…” bulong nito.
“Ng?...” natatawa nyang tanong dito.
“Asawa ko…”
“Akala ko ng niluluto ko.” Sinundan nya iyon ng isang hagikgik. Pumisil ang kamay nito sa kanyang bewang. Otomatiko naman syang napaiktad.
“Mamaya na tayo mag-almusal, baby. Exercise muna tayo,” malambing nitong sabi.
Natawa naman sya. Iba kasi ang exercise na tinutukoy ng asawa. Hinarap nya ito at mariin na hinalikan sa labi. Agad namang sinapo ng lalaki ang kanyang batok at mas hinapit pa sya sa bewang upang mas palalimin pa ang sukling paghalik sa kanya. Pinatay nya muna ang apoy ng nilulutong pagkain, saka sila pumunta ng kwarto para doon ituloy ang naumpisahan.
>>>>
Nakahilig si Amethyst sa dibdib ng kanyang asawa. Tulog na ito base sa mababaw na paghinga. Itinaas nya ang braso at tinitigan ang bracelet na bigay nito. Second wedding anniversary nila. Pero kung susumahin ang mga taon na kasama ang lalaki ay halos mag-pipitong taon na sila.
Dalawampung taong gulang noon si Ame nang makilala nya ang batang-batang abogado na si Miguelito Dimatimbang. Ito ang nanging abogado nya nang sampahan nya ng kaso ang mga taong kumupkop sa kanya. Inampon lang pala sya ng mag-asawang kinilalang mga magulang upang mapagtakpan ang totoong negosyo ng mga ito, ang pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot.
Kalbaryo ang dinanas ni Ame sa naging mga magulang. Beinte anyos sya nang pagtangkaan na gahasain ng ama-amahan dahil nalulong na rin sa ipinagbabawal na gamot. Maswerteng nakaligtas si Ame mula rito. Bumalik sya sa bahay ampunan na pinanggalingan at doon nya nakilala si Miguel. Ito ang tumayong abogado nya nang magsampa ng kaso sa mga magulang sa tulong na rin ng mga madre sa ampunan. Naipanalo nito ang kaso, at doon nag-umpisa ang pagkakakilanlan nila sa isa't-isa.
Lahat ng paghihirap ni Ame mula sa mga magulang ay nabawi nya sa pag-aalaga at pagmamahal na nilaan sa kanya ni Miguel. Walang araw na hindi sya pinasaya ng nobyo. Hindi rin ito nagsawang iparamdam sa kanya kung gaano sya nito kamahal. Palaging sya ang priority ng lalaki. Tinulungan sya nitong makapag-aral muli, at dahil doon ay nakakuha sya ng magandang trabaho.
Nag-ipon sila, at doon ay nagpasya silang magpakasal.
>>>>
Napahawak si Amethyst sa kanyang dibdib nang tumagos ang katawan ni Miguel sa kanya. Madilim ang mukha ng lalaki at basa ang mga pisngi. Nilingon nya ang lugar na pinupuntirya ng asawa. Sinundan nya ito at doon naabutan ang lalaking nakahandusay sa sahig. Ang ama-amahan nya! Hindi nilulubayan ng suntok ng lalaki hangga't hindi basag ang mukha nito. Galit na galit ang mukha ni Miguel. Ang mga mata nito ay nanlilisik at nagtatagis din ang mga panga. Nalipat ang tingin nya sa kamay nitong puno na ng dugo. Walang umaawat sa asawa nya. Nakititig lamang ang mga armadong lalaki sa ginagawa nitong pagpaparusa sa lalaking naging dahilan ng kanyang pagkamatay.
Nakatakas mula sa kulungan ang ama. Pinaulanan nito ng bala ang sinasakyan nyang kotse patungo sana sa opisina ng asawa. Hindi na nakaligtas pa si Amethyst dahil sa mga tinamong tama ng bala. Halos dalawang taon na rin ang nakakaraan, ngunit parang kailan lang.
“Hmmm… hmmmm… hmmm…”
Nasa gitna ng karagatan si Amethyst. Nakasakay sya sa isang bangka na yari sa kawayan. Balot iyon ng magaganda at iba't-bang kulay ng mga buhay na bulaklak. Nagliliparan sa kanyang paligid ang mga maliliit na paru-paro. Siyang siya ang mga ito sa awiting paulit-ulit nyang kinakanta.
Mataas ang sikat ng araw. Asul na asul ang karagatan. Palutang-lutang lang sya don at walang halos maabot ang kanyang tanaw. Sanay na sya. Minsan ay sa gitna ng kagubatan napapadpad ang kanyang kaluluwa. Madalas ay sa lugar kung saan binawi ang buhay nya. Napatingala si Ame nang marinig ang boses ng kanyang asawa.
“Mahal na mahal kita…” garalgal ang tinig nito.
Pumikit si Amethyst, at sa kanyang pagmulat ay nakaupo na sya sa kama, katabi ang asawang may hawak na alak at sa kabilang kamay naman ay ang kanilang larawan. Tinangka nyang haplusin ang mukha ni Miguel, ngunit tumagos lamang ang kanyang kamay.
Nahahabag sya para sa asawang naiwan. Malayong malayo na ang hitsura ng lalaki sa dati nitong hitsura nang nabubuhay pa sya.
“…Mukha ka nang taong gubat, baby…”
Muling pumatak ang luha ng lalaki saka inisang lagok ang alak sa babasaging baso. Palagi nyang nadaratnan na ganon ang asawa pagkagaling nya sa paglalakbay.
Matagal na nyang tanggap ang sinapit ng kanyang buhay, ngunit hindi nya maihanda ang sarili sa paglisan sa mundong kanyang pinanggalingan. Hindi nya maiwan ang asawa. Gusto nya itong samahang magdalamhati, umiyak at masaktan.
“Amethyst…bumalik ka na… please,” bulong nito.
Nahiga sa kama at idinipa ng asawa ang dalawang braso. Maliwanag pa pero lasing na ang kanyang asawa. Tumawa ito maya-maya, pero nanatiling pikit ang mga mata. Dumukwang sya at pinagmasdan ang mukha ng lalaking minahal nya at patuloy na minamahal ng kanyang patay nang puso.
“Madaya ka! Nang-iwan ka!” sigaw nito.
“…Nandito lang ako, baby… hindi kita iniwan…”
“S-Sana…isinama mo na lang ako, baby…” muling umagos ang luha mula sa gilid ng mga mata ni Miguel.
Hinalikan nya ito sa noo, kahit pa alam ni Ame na tatagos lamang ang kanyang mga labi.
“…Kung pwede lang, baby…kung pwede lang…”
Muling pumikit si Amethyst, at sa kanyang pagmulat ay nasa himpapawid na sya. Kasama ang mga ibon, sabay-sabay silang lumipad.
>>>>
Nakaupo si Amethyst sa isang malaking bato. Nakatanaw sya sa papalubog nang araw. Naramdaman nya ang pagtabi ng kung sino sa kanya gilid. Nilingon nya iyon at napangiti nang makita ang isang batang cute na cute. Bilog na bilog ang pisngi nito. Hangang balikat ang kulot na kulot na buhok, parang buhok ng isang cherubim. Hindi nya mawari kung lalaki o babae ang bata. Nakasuot ito ng damit na kulay krema. Tuwid lamang ang cut niyon at basta na lamang nilagyan ng butas upang maisuot ang ulo at dalawang kamay ng bata. Umabot iyon ng hanggang tuhod.
“Kailan ka aalis dito?” boses bata, ngunit tila matanda makipag-usap ang bata.
“Hindi ko pa sya kayang iwan eh, lalo na sa kalagayan nya.”
“Paano kung hindi na sya bumalik sa dati? Habambuhay ka na dito sa lupa? Hindi na dito ang mundo mo, Amethyst. OA ka na sa extension!”
Natawa sya sa bata. “Hindi pa kasi sya nakaka-move on. Hirap talagang maging maganda.” Nilangkapan nya ng biro ang sinabi sa bata.
“Eh kung ikaw na ang gumawa ng paraan para maka-move on na sya sa'yo?” suhestyon nito. Ngumiti ang bata sa kanya. Lalong namintog ang pisngi nito at lumabas pa ang dalawang bungi sa harapan.
“Paano ko gagawin yon?” biglang nagka-interest si Ame sa sinasabi ng bata.
“Makihalubilo ka sa mga tao, hindi yung liwaliw ka nang liwaliw. Hanapin mo ang isang taong makakaramdam sa presensya mo. Kapag nagtama ang mata nyo ng taong yon, sya ang gawin mong koneksyon dito sa lupa.”
“Di ko magets.”
“Kaluluwa tayo pero may mga tao pa rin na nakakakita sa atin, at minsan ay hindi nila alam na patay na tayo. Akala nila normal lang tayo na nakakasalubong nila sa araw-araw na pamumuhay nila. Sa kaso mo, hindi mo maiwan ang asawa mo dahil hindi pa rin sya nakaka-move on sa pagkawala mo. Ang dapat mo sigurong gawin ay hanapan sya ng taong muling magpapatibok ng kanyang puso. Kung paano mo gagawin iyon ay ikaw na ang bahalang dumiskarte.”
Napaisip si Ame. May point si bagets. Ang kailangan ni Miguel ay isang taong mamahalin at din magmamahal dito, nang sa gayon ay hindi na malungkot ang asawa.
Sabay silang tumayo ng bata. Sa isang iglap ay nasa isang lugar na sila na maraming tao. Busy ang lahat, may kanya kanyang trabaho. May mga nag-aabang ng sasakyan, may tumatawid, may mga nagkakape sa coffee shop, may mga naghahagaran, may hinuhuli. Normal ang paligid, sila lamang ang hindi.
Inilibot nya ang paningin. Nagtama ang mga mata nila ng isang lalaki. Napapalakpak si Ame.
“Nagtama ang mata namin ng lalaking iyon. Tumango pa sya sa akin!” tuwang tuwang sabi nya sa bata.
Nasapo naman nito ang noo. “Dahil kaluluwa na rin sya, Amethyst. Ang lamang mo lang sa kanya, hindi pa nya alam na patay na sya. Yung hinahabol ng mga pulis kanina na snatcher, nabiktima sya non.”
Nakaramdam ng pamimigat ng dibdib si Ame. Naawa sya don sa lalaki. Ganoon din sya noon, nung hindi pa nya alam na patay na pala sya.
Naglakad sila nang naglakad ng batang akay nya. Tumatagos lang ang katawan ng mga taong nakakasalabuong nila. Hanggang sa lumagos si Ame sa isang nagmamadaling babae. Napahinto sya sa paglalakad. Nilingon ang babaeng nilagusan para lamang makitang huminto rin ito. Nilingon sya ng babae. Gulat ang namutawi sa mga mata nito. Nagkatitigan sila.
“Hindi ka totoo…” umiiling na bulong nito.
Nagkatinginan silang dalawa ng batang akay nya. Nakatalikod na ang babae at may pagmamadali sa lakad nito.
“Sya na ang hinahanap mo, Amethyst. Wag mo na syang pakawalan.”
Pagbaling nya muli sa bata ay wala na ito sa kanyang gilid. Pumikit si Ame. Sa pagdilat ay nasa kwarto na sya ng babaeng nakabangga kanina. Hindi nalalayo ang bahay nito sa bahay nila ni Miguel. Dumukwang sya sa natutulog na babae. Pinakatitigan nya ang mukha nito.
“…Pamilyar ka sakin, sis. Nagkita na ba tayo noon?…” kausap nya sa nakangangang natutulog na babae.
Itutuloy…
Please Like and Follow <3