[CHAPTER 008]
Emergency nursing ang kinuha ko habang si Anica naman ay Geriatric nursing pero kadalasan ay kami ang nagiging assistant ng mga nurse dito para mag alaga ng mga pasyente.
Matapos pumunta sa kanya kanyang pasyenteng inalagaan ay nag lunch break na din kami ni Anica.
“Aba... Akalain mo nga naman, bumalik ka pa pala dito? Akala ko pa naman nabahag na ‘yang buntot mo” hindi pa man ako nakakapasok ng pinto sa cafeteria ay boses na agad ni Yvonne ang bumungad sa akin.
Kung mamalasin ka nga naman talaga. Kung hindi malignong lalaki sa mansion ay bruhang babae naman sa hospital ang makakasama ko. Grabeng pag subok naman ito Lord.
“Huwag mo ng pansinin... Ganyan talaga kapag mga tuta ng nakatataas, parating kumakahol” si Anica sa akin.
“Hoy!!! Narinig ko yung sinabi mo... Pakiulit nga?” si Yvonne na mataas na ang kilay.
“Eh, narinig mo naman pala eh... Bakit ko pa uulitin, unless kung bungol kang talaga!” sabat naman ni Anica.
“Aba’t talagang—”
Hinawakan ko ang kamay ng kaibigan para pigilan.
“Kung papatulan mo ‘yan. Ikaw lang ang maiirita... hayaan mo na” awat ko sa kanya.
“Abay tarantado eh...” si Anica.
“Tandaan mo nasa loob tayo ng Hospital” paalala ko sa kanya.
“Pasalamat ka na lang talaga at mabait ang kaibigan ko sayo... kung hindi baka makalbo kita ng wala sa oras” usal ni Anica sa huli.
Hinila ko na sya at baka kung ano pa ang masabi nya. Baka mag cause pa iyon ng gulo sa loob ng cafeteria.
“Kumalma ka nga... Co-intern natin ‘yon. Mag ingat-ingat ka naman” ako kay Anica ng makaupo kami sa isang mesa.
“Pano’y sya naman ang nangunguna...” hindi parin sya kumakalma.
“Ikaw na ang nag sabi, hawak sya ng nakatataas sa school natin. Wala tayong laban don, kahit na wala naman tayong ginagawa sa kanya ay baka ang ending hindi pa tayo makabalik ng Saint Benedict College”
Napabuntong hininga na lang ang kaibigan ko. Hindi nadin sya nag salita at mukhang gets nya nadin naman ang sinasabi ko.
Ganoon pa man ay nakaailang subo pa lang kami sa kinakaing pagkain nang bumukas ang pinto ng cafeteria. Nag palinga-linga ang nurse na pumasok doon na animo’y may hinahanap na kung sino. Maging ang lahat ng nasa loob ay napalingon sa kanya.
Nang mag tama ang pareho naming mata ay agad itong lumapit sa pwesto namin.
“Pasensya na sa istorbo, Ace... pero pinapatawag ka ni Dr. Rubi sa opisina” anang babaeng Nurse sa akin.
“Ha? Bakit daw?” may nagawa na naman ba akong kasalanan?
“Hindi ko din alam eh... Basta kailangan mo daw agad pumunta doon”
Wala pa man ding nasasabi sa akin si Doc ay kinakabahan na ako. Tatanggalin nya na ba ako sa hospital? O baka naman nalaman na ng school ko ang ginawa kong kapalpakan?
Tinignan ko ang kaharap na si Anica na maging sya ay nag tataka din sa nangyayari.
Hindi naman umalis ang nurse na pinag utusan ni Doc Rubi na hanggang ngayon ay nag iintay parin sakin para sumama sa kanya.
“Mukhang importante ang ibabalita sayo ni Doc Rubi. Pumunta ka na” ang kaibigan ko ng hindi ko alam ang gagawin.
Sana hindi ito tungkol kay Eugene.
“Sige... babalik na lang ako dito” paalam ko sa kanya at sumama na nga sa nurse.
Bukod kay Doc Rubi ay may kasama pa itong lalaki sa loob ng kanyang opisina. Nakapormal ang kanyang suot at tuwid na tuwid ang tindig. Napansin ko pa ang singkit nyang mga mata. Kung titignan ay masasabi kong may lahing hapon ang isang ‘to.
“Doc hanap nyo daw po ako?” tanong ko ng makapasok.
Sabay naman nila akong nilingon ng mapansin ang aking presensya.
“Mabuti naman at nakarating ka na... maupo ka” nakangiting saad ni Doc sa akin saka ako pinaupo sa katapat na lalaki.
Wala man lang itong kareaksyon reaksyon sa mukha.
“Ang sabi po ng nurse na sumundo sa akin ay pinapatawag nyo daw po ako. May problema po ba?” hindi ko man pinapahalata ay nag aalala na talaga ako.
“Wala namang problema... pero magandang Balita din ito para sayo” si Doc saka nilingon ang lalaking kaharap ko.
Nangunot naman ang aking noo.
“Ano po bang balita iyon? At sino po ba ang lalaking ito?”
“Ace... sya ang kanang kamay ng pamilya La Sierro. Pinadala sya dito dahil pinababalik ka ng Don sa mansion nila”
Parang may kung anong matinis na bagay ang pumasok sa tenga ko dahil sa nadinig.
Ano kamo? Ako? Pinababalik ng Don?