Earlier years…
Avez’s POV
“Avez, bilisan mo na riyan, nandito na si Llander! Alam mong hindi siya puwedeng ma-late. Nadadamay pa sa kabagalan mo, eh!” may halong inis nang tawag sa akin ni Mommy. Umikot ang mga mata ko. Pareho lang naman ang oras ng pasok namin ni Kuya Llander, eh. Saka maaga pa naman, ah!
“Yes, Mommy! Palabas na po ako!” pasigaw kong sagot. Hindi ko alam kung narinig ba niya, kasi pababa na siya ng hagdan kanina.
Kababata ko si Llander pero mas matanda lang siya ng ilang taon sa akin. Matalik kasing magkaibigan ang mga Daddy namin, at malapit lang din ang bahay nila dito sa amin. Pero iyong mas malaking mansion talaga nila ay nasa Ilocos.
Paglabas ko ay tumayo na agad si Kuya Llander – always my super pogi na Kuya-kuyahan. Sa totoo lang, mas gusto ko sana na may kuya o ate, kaya lang ako ang panganay, tapos iyong kapatid ko naman ay mas ma-attitude pa sa akin. Kaya thankful ako na mayroon si Kuya Llander kasi parang may kuya na rin ako.
Grade 9 na ako ngayon sa high school, habang si Kuya Llander naman ay graduating na sa senior high. Nasa iisang school lang kami kaya madalas ay sumasabay na ako sa kaniya sa pagpasok sa school mula pa noong ako ay nasa Grade 7.
“Kayong dalawa, huwag nang kung saan-saan pa gumagala, ha? Umuwi na kayo agad mamaya pagkatapos ng klase!” mahigpit namang bilin ni Mommy. Napapailing na lamang ako.
“Of course, naman, Tita! Ito lang namang si Avez ang pasaway. Pero huwag kayong mag-alala, hangga’t nandito ako, hindi makakagawa ng kalokohan iyan,” paniniguro pa ni Kuya Llander sa Mommy ko. Marahas akong bumuntong-hininga at umiling na lang.
Dahil 18 na si Kuya Llander, pinapayagan na siyang mag-drive mag-isa. Mayroon na rin naman siyang lisensya. At mula noong 13 years old pa lang siya ay marunong na talagang mag-drive.
“Kuya, magkakampi tayo, ‘di ba? Bakit parang mas kampi ka na ngayon sa Mommy ko? Kapag ganiyan ka rin lang naman, hindi na ako sasabay pa sa iyo!” humalukipkip ako at parang batang sumimangot. Alam ko kasing kapag nag-inarte na ako ng ganito ay hindi niya ako matitiis.
“I’m always on your side, Avez. Siyempre kailangan kong sabihin iyon sa Mommy mo para hindi siya mag-alala, hindi ba?” depensa naman agad niya. Lumingon ako sa kaniya at inobserbahang mabuti kung nagsasabi ba siya ng totoo.
Nang mapagtantong hindi naman siya nagsisinungaling, nakahinga ako nang maluwag. “Kung gano’n, punta tayo ng mall mamayang hapon, ha? May gusto lang akong bilhin.”
Bahagya naman itong lumingon sa akin at nakakunot pa ang noo. “Ano naman iyon?”
“Basta! Huwag mong babanggitin kina Mommy at Daddy kasi baka mapagalitan ako,” pakiusap ko naman. Lalo namang lumalim ang kunot ng noo niya nang muling bumaling sa akin.
“Bakit ka naman nila pagagalitan? Saka, sa mall ka naman pupunta kaya wala namang masama doon, ‘di ba?” tanong pa niya.
Lumabi naman ako. Hindi ako sigurado kung sasabihin ko ba sa kaniya. Pero may mga bagong labas na crime and investigatory fiction books ngayon sa national books store kaya gusto kong bumili. Alam ko, nagtataka rin sina Mommy at Daddy kung bakit mga ganoon ang binabasa ko kaysa fashion books or teenage fiction books.
But those kinds of materials bore me easily. Mas ginaganahan akong magbasa kapag tungkol sa mga mysterious cases, crimes, injustices and other investigative stories ang binabasa ko. Sa ganoong mga aklat talaga ako ginagahan.
“Alam mo ba, nagpunta na naman iyong isang talent manager sa bahay. Narinig ko na kinukumbinsi na naman si Mommy na magmodelo ako! Nakakairita!” reklamo ko. Sa totoo lang, maliban sa kaibigan kong si Arianna, kay Kuya Llander ko lang nasasabi iyong lahat ng totoong saloobin ko.
“Nasubukan mo naman last year, ah? And you were really amazing. Hindi maikakailang anak ka nga ni Tita Zynia,” papuri naman niya sa akin.
“Well, na-enjoy ko rin naman talaga iyong mga first job ko as a model. Pero ayaw kong doon mag-concentrate. Mas gusto kong matuon ang atensiyon ko sa pag-aaral ko,” katuwiran ko naman.
“Wala namang masama kung gugustuhin mong maging modelo habang nag-aaral. Ang kukunin mo lang na trabaho, eh, iyong magagawa mo during free time mo. Ayaw mo no’n, may sideline ka, tapos may sarili ka pang pera, hindi ba? Mas mabibili mo iyong ibang gusto mo na hindi mo na kailangang humihingi pa sa parents mo,” payo naman niya.
Natigilan ako at biglang napaisip. Sa totoo lang, wala naman akong problema sa allowance. May sarili rin akong pera sa bangko dahil sa trust fund na nakapangalan sa akin, at mayroon ding gano’n ang kapatid ko. Pero magkakaroon lang ako ng full control doon kapag nasa legal age na ako.
“I think that’s a good idea! Magaling ka talaga!” natatawang sagot ko. Tumawa rin siya at muli akong nilingon.
“Avez, may I ask you for a favor?” maya-maya ay tanong niya sa akin.
Agad naman akong tumango. “Oo naman! Ikaw pa ba, eh, ang lakas mo nga sa akin!” mayabang na sagot ko.
“Can you stop calling me Kuya?” hindi siya tumingin sa akin pero nakita kong humigpit nag pagkakahawak niya sa steering wheel.
“B-Bakit naman? Nagsasawa ka na ba sa topak ko?” nagulat kong tanong. Alam naman niya na gustong-gusto ko siyang tinatawag na kuya kasi sa kaniya ko lang nakikita ang pagiging isang kuya.
“We’re bestfriends, right?” tumango ako. “Can we just treat each other as equal? Just call me by my name…” hiling pa niya.
Natahimik naman ako. Sa totoo lang hindi naman mahirap iyong hinihiling niya. Medyo nalungkot lang ako na hindi ko na siya puwedeng tratuhin na parang kuya ko. Maybe this is his way of helping me to be more mature, madalas kasi ay isip-bata ako.
“O-Okay… if that’s what you want… Llander,” pagpayag ko. Medyo mabigat sa loob ko iyon, pero ayaw ko namang sumama ang loob niya kapag hindi ko siya mapagbigyan.
“Thanks!” ngayon naman ay lumapad na ang ngiti niya at ngumiti rin ako nang lingunin niya ako. Palihim akong bumuntong-hininga.
Pagdating namin sa school ay naroroon na agad si Arianna malapit sa building kung nasaan ang classroom namin. Kumaway siya sa amin kasi kilala naman niya ang sasakyan ni Kuya Llander… ay Llander na lang pala ngayon.
“Sabay tayong mag-lunch mamaya, ha? May ibibigay ako sa iyo,” bilin naman ni Llander bago ako bumaba.
“Sabay kami ni Arianna na kakain mamaya, eh,” katuwiran ko naman. Saglit siyang nag-isip.
“Sige, mamayang hapon na lang! Bye!” kumaway pa siya sa akin.
“Thanks! See you later!” kumaway na rin ako sa kaniya nang ganap na makababa. Sa kabilang building pa kasi siya. Iyong classroom kasi ng senior high school ay nasa compound na ng college department.
“Hi! Ang aga mo yata ngayon?” pansin ko kay Arianna.
“May gusto akong ipabili kay Daddy kaya kailangan kong magpa-impress. Kaya tulungan mo ako, ah?” sagot nito.
Natawa naman ako. Actually, hindi naman mahina sa klase si Arianna, talagang malaro lang siya at hindi masyadong seryoso.
“Hay, naku, halika na nga!” anyaya ko na sa kaniya at hinila na siya papunta sa classroom namin. Nasa third floor pa iyon kaya kailangan naming magmadali.
“Hoy, siya nga pala, kelan mo ba ako ilalakad kay Llander?” tanong nito.
Natawa naman ako. “Seyroso ka ba? Ano namang nagustuhan mo doon?”
“Ay, wow! Maraming puwedeng magustuhan sa kaniya, mayaman, guwapo, matalino at higit sa lahat, genetleman! Siya talaga ang ideal jowa ko,” eksaheradang sagot nito kaya natawa ako.
“Fifteen ka pa lang, iyan na agad ang iniisip mo? Hindi ba puwedeng mag-aral munang mabuti para–”
“Tse! Nakakatamad mag-aral kapag walang inspiration, ano! Palibhasa ikaw, boring ka kaya hindi ka nakaka-relate!” asik nito sa akin.
“Hindi ako boring. Hindi ko pa lang talaga hilig ang mga ganiyan. Saka gusto kong magraduate na with high honors kaya nakatutok lang muna ako sa studies ko!” depensa ko naman sa sarili.
“Ah, basta! Ilakad mo na ako sa kaniya. Malay mo, magustuhan niya ako, ‘di ba?” giit pa nito.
“Ay, naku, ewan ko sa iyo! Huwag mo akong idamay diyan. Kung gusto mo, puntahan mo siya at sabihin mo sa kaniyang gusto mo siya,” nailing na tanggi ko naman. Hindi ko talaga lubos maisip kung bakit karamihan sa mga kaklase ko, parang hindi kumpleto ang buhay nila kung wala silang jowa. Ano iyon, uso-uso lang?
“Sige, ganito na lang, sabihin mo na lang sa akin kung ano iyong mga hilig niya. Iyong mga favorite niya, gano’n,” pangungulit pa nito. Hindi ko naman siya nasagot agad dahil naririto na kami sa tapat ng pintuan ng classroom namin.
“Good morning, Avery!” bati sa akin ng classmate naming si Miko. Dahil doon ay agad umugong ang tuksuhan mula sa mga kaklase ko. At maging itong si Arianna ay lihim na nangingiti.
“Hi,” tipid ko lang na tugon at pumasok na. Dumiretso ako sa upuan ko at ipinatong sa ibabaw niyon ang bag ko.
“Sabay naman tayong mag-lunch mamaya, Avery,” pabulong na pakiusap ni Miko na sumunod pala sa akin. Pagkatapos ay may ipinatong na isang pulang rosas sa ibabaw ng mesa ko. Lalo tuloy lumakas ang kantyawan at ang iba ay talagang kinikilig.
Napakamot naman ako sa ulo ko. “Miko, si Arianna ang kasabay kong kakain mamaya. Isa pa, kunin mo itong bulaklak mo. Ngayon pa lang ay sinasabi ko na sa iyo, wala akong panahong makipag-boyfriend. Kaya ibaling mo na lang sa iba ang atensyon mo.”
“Ay basted!” humahalakhak na pambubuska ng isang lalaking classmate namin. Nasundan din iyon ng ilang pang-aasar.
Malungkot namang nilisan ni Miko ang mesa ko at laylay ang balikat na naupo sa puwesto niya. Ramdam ko ang ilang mga matang nakatutok sa akin pero mas pinili kong dedmahin na lamang sila.
Nanahimik na ang lahat dahil dumating na ang adviser namin. Science ang first subject namin na sobra kong nae-enjoy maliban sa Math. Pero mas magaling talaga ako sa Math.
“Alright, good morning, everyone!” bati ng adviser sa amin. Tinugon din naman namin siya ng ‘good morning’ nang sabay-sabay.
Hanggang nagsimula na siyang i-review iyong na-discuss na lesson kahapon.
“Now, let me see if you really do understand our lesson. Who can explain to me with example the Le Chatelier's Principle?” maya-maya ay tanong ni Ma’am Rosena.
Kani-kaniyang yuko naman ang iba kong kaklase, habang ang iba ay nag-browse ng mga lecture notes nila. Kumunot naman nag noo ni Ma’am kasi walang gustong mag-recite.
Dumako ang mga mata niya sa akin kaya napalunok ako. “Ms. Huizon, will you tell me something about this principle?”
Huminga ako nang malalim at unti-unting tumayo. Tiningnan ko pa ang ibang mga classmate namin na tila ba nakikiusap na sagutin ko nang maayos iyong tanong para hindi na sila tawagin pa kung sakali.
“Le Chatelier's Principle…” bahagya akong kinabahan. “It deals with how chemical equilibria shift in response to changes in concentration, temperature, or pressure.”
“Yeah! Will you give me an example so that your classmate will understand better?” kasunod niyang tanong. Tumango naman ako.
Tinungo ko ang board para mas ma-explain ko nang maayos ang naiisip kong example. “Imagine a seesaw perfectly balanced with equal weights on both sides. If you add weight to one side, the seesaw will tip. To bring it back to balance, you either need to remove weight from that side or add an equal amount to the other side."
Nag-drawing pa ako sa board para ma-connect ko sa principle na pinag-aaralan naming iyong example ko. Tahimik lang na nakikinig ang mga classmate ko pero kitang-kita ko iyong paghanga sa mga mata nila.
“As you can see, this is how a chemical system at equilibrium will adjust itself to counteract any disturbances, just like the seesaw trying to balance out.” Nag-drawing pa ulit ako ng mga diagram ng chemical equations, na nagpapakita kung paano inililipat ng pagdagdag o pag-alis ng mga reactant o produkto ang equilibrium.
Napasinghap pa ako nang magpalakpakan ang mga kaklase ko pagkatapos kong mag-explain. Maging si Ma’am Rosena ay tumatango-tango at malapad ang ngiti habang nakatingin sa akin.
“Very good, Ms. Huizon. Kahit kailan talaga, ikaw ang pinakamagaling sa klaseng ito,” papuri ni Ma’am sa akin.
“Salamat po, Ma’am!” ibinalik ko sa lalagyan iyong board marker at biglang tumayo naman iyong isang kaklase ko na si Doris. Nahuli ko pa ang pag-irap niya sa akin.
"I have an example, too!" presinta ni Doris.
“Really? Wow! Let’s hear it,” natutuwang sagot naman ni Ma’am.
“Babanat na naman iyong pabida! Ayaw talagang patalo sa iyo, eh. Talaga namang hindi ka niya kayang sabayan,” pabulong na komento ni Arianna. Nanlaki ang mga mata ko at binigyan ko siya ng babalang tingin. Umismid lang ito. Inis kasi siya talaga kay Doris mula pa noong una.
Confident na pumunta sa board si Doris at halatang gusto lang akong pasikatan kasi tinapunan pa niya ako ng nanunuyang tingin. "So, imagine...uh...a boat on the water. If you throw a heavy rock into the boat, um...the water level rises, right? And that’s like...um...equilibrium shifting?"
Medyo huminto siya at nag-iisip. Para bang hindi siya sigurado sa susunod niyang sasabihin, "And then...if you remove the rock, the water level goes down, so it balances...sort of like... our topic the Le Chatelier’s Principle?"
Kumunot naman ang noo ng mga kaklase ko at halatang nalito sa paliwanag ni Doris. Napalunok si Doris at halatang biglang kinabahan sa pag-connect niya ng analogy niya sa lesson namin.
Sinubukan pa niyang dagdagan iyong paliwanag niya pero lalo lang gumugulo kaya may ilan nang nagbibigay ng side comment. Medyo hindi na kasi akma talaga iyong ibinibigay niyang example. Gayunpaman ay nanahimik ang iba naming kaklase at hinihintay ang reaction ni Ma’am.
"I appreciate the effort, Doris, but that example doesn’t quite capture the idea of dynamic equilibrium and how systems respond to changes in conditions," maingat na saad naman ni Ma’am.
May ilang mga bumungisngis sa mga classmate namin noong mamula na si Doris dahil sa pagkapahiya. Maging si Arianna ay hindi itinago ang reaksyon niya. Hindi na rin tumingin sa gawi ko si Doris kahit gusto ko sana siyang bigyan ng ‘it’s okay smile’. Bumalik siya sa upuan niya at itinuloy na ni Ma’am ang pag-discuss ng lesson namin.
Oras na ng lunch at nasa usual spot kami ni Arianna dito sa school cafeteria. Hindi matigil-tigil si Arianna sa pagsasalita tungkol sa pagkapahiya ni Doris kanina nang gusto nitong tapatan iyong explanation ko ng lesson sa first period.
Ginagaya pa niya iyong kinakabahang hitsura at pagkautal-utal ni Doris kanina. Pagkatapos ay kakagat sa sandwich niya at tatawa nang tatawa.
"Nakita mo ba iyong hitsura niya kanina noong patigilin na siya ni Ma’am kasi malayo naman sa hulog iyong mga sinasabi niya? Ang epic no’n! Bida-bida kasi. Gusto kang tapatan, eh, hindi ka naman kaya!" tumawa na naman si Arianna at talagang nag-e-enjoy siya sa ginagawa.
Luminga naman ako sa paligid kasi baka may makarinig sa mga sinasabi niya. "Tumiigl ka na Arianna. Hindi naman nakakatuwa na may napahiya tayong classmate, eh. Mamaya niyan ay baka may makarinig pa sa iyo," mahinang saway ko sa kaibigan.
Pero hindi nagpaawat si Arianna at tuloy-tuloy lang sa mga komento niya, " Oh, come on, siya ang nagdala nito sa sarili niya! Lagi siyang nakikipagkumpitensya sa iyo, at sa pagkakataong ito, lalo lang siya napahiya at nasunog."
Nasa ganitong eksena kami nang bigla na lang sumulpot si Doris sa likuran ni Arianna at tiningnan ito nang masama. "What did you just say, Arianna?" galit na asik nito sa kaibigan ko.
Taas ang kilay lang naman siyang nilingon at tiningala ng kaibigan ko. "You heard me," patuyang sagot ni Arianna. "Maybe next time, you should actually understand what you’re talking about before you try to show off."
Mabilis na rumehistro ang galit sa mukha ni Doris. "At least hindi gaya mo na bunganga mo lang ang magaling. Tingnan natin kung gaano ka katalino ngayon," angil ni Doris at biglang hinila ang buhok ni Arianna mula sa likuran. Napatayo din ako sa gulat dahil sa ginawa nito.
Agad din namang naabot ni Arianna ang buhok ni Doris at ngayon ay nagsasabunutan at nagsasampalan na silang dalawa. Idagdag pa ang walang patumanggang pagmumurahan nila at pagpapakawala ng insulto sa isa’t isa.
"Stop it! Both of you!" sigaw ko at sinubukan kong hilahin palayo si Doris kay Arianna. Ngunit dahil doon ay aksidenteng nasiko ako nang malakas ni Doris sa tagiliran ko kaya malakas akong dumaing.
The pain radiated through my ribs, and I stumbled back, clutching my side. Ilang sandali pa nga ay nagdatingan na ang mga teacher namin para paghiwalayin ang dalawa. Ngunit hindi tumitigil ang mga ito na magpalitan ng masasakit na mga salita.
Iyong isang teacher ko naman ay paluhod na humarap sa akin dahil nakita ang hitsura ko. "Are you okay?" nag-aalalang tanong niya at inalalayan akong makaupo. Napangiwi ako kasi ramdam ko pa rin iyong sakit sa tagiliran ko.
Habang hinahatak sina Arianna at Doris papunta sa opisina ng principal, unti-unting bumabalik sa dati nitong ingay ang cafeteria. Nakaupo lang ako, hawak pa rin ang tagiliran ko. Naghahalo ang emosyon ko tungkol sa away at tensyon sa paligid.
Dinala naman ako sa clinic at doon ay kitang-kita ang mapulang marka. “Mukhang nasaktan ka talaga kanina, ah? Iyan oh, may gasgas ka pa pala sa braso. Kalmot ba iyan?” tanong ng nurse habang itinataas ang kaliwang braso ko.
“Okay lang po ako, hindi naman na po masyadong masakit,” magalang na tugon ko.
Magsasalita pa lang siya nang biglang dumating ang humahangos na si Llander. Base sa hingal at pawis nito sa mukha ay halatang tumakbo ito nang mabilis mula sa kabilang compound papunta rito sa clinic.
“What the hell happened to you? sino ang may gawa nito, sabihin mo agad!” galit niyang tanong sa akin.
“Hey, Mr. whoever you are, ano ba ang ginagawa mo rito?” taas ang kilay na tanong ng nurse kay Llander.
“Pasensiya na po, Nurse. Nag-aalala lang ako para kay Avez,” katuwiran naman agad ni Llander saka humarap sa akin.
“Kumusta ang pakiramdam mo? Saan ang masakit sa iyo?” magkasunod niyang tanong at talagang bakas ang matinding pag-aalala sa mukha niya.
“Okay na ako. Nadamay lang ako kasi nakipag-away si Arianna sa isa naming kaklase. Umawat ako, kaya ito…” paliwanag ko naman agad. Para kasi siyang mananakit na dahil sa galit na nakikita ko sa mukha niya.
“Bakit ka pa kasi umawat? Sa ganiyang away, hayaan mo lang. Minsan o sa madalas, kung sino pa ang umaawat ay siya pa iyong mas nasasaktan. Tingnan mo ngayon, oh!” sermon niya sa akin.
Napangiwi tuloy ako habang iyong nurse naman ay parang nangingiti. Nalito tuloy ako kasi wala namang nakakatawa sa siwasyon namin pero bakit kaya siya nangingiti?
“Okay lang talaga ako. Sige na bumalik ka na sa klase mo,” taboy ko sa kaniya.
Umiling siya at hinawakan ang dalawang kamay ko. Dumilim naman agad ang mukha niya nang makita ang gasgas sa braso ko. “Damn it! Tingnan mo nga? Iyan ba ang okay, ha? Nasugatan ka na! Patingin iyong iba mo pang injury at nang–”
“Excuse me, hijo… trabaho ko iyan. Lumabas ka na nga muna roon at naiistorbo mo kami!” maawtoridad na utos ng nurse.
Halatang tutol si Llander sa sinabi nito pero sa huli ay wala rin siyang nagawa. Mabigat ang mga yabag na umalis siya at naghintay na lamang sa labas.
Noong talagang okay na ako ay dumating naman ang president ng student council at sinabing kailangan din daw ako sa principal’s office. Tumango lamang ako at pilit na winawala iyong kirot sa tagiliran ko. Hindi ko maintindihan kung bakit makirot pa rin, eh, ilang minuto naman na ang nakalipas.
"This behavior is absolutely unacceptable," panimula ni Sir Benitos na principal ng high school department. "Ang mga ganitong pisikal na sakitan ay mapanira, delikado at napaka-immature.
Agad namang inilapit ni Doris ang mukha niya sa Principal’s table. “Sir, siya po ang nagsimula. Nagkakalat siya ng chismis tungkol sa akin.” itinuro pa niya si Arianna. “Iniinsulto niya ako dahil lang sa may kaunting mali iyong na-recite ko kanina sa Science!”
Sinamaan naman siya agad ng tingin ni Arianna. "I didn’t start anything! You're the one who made a fool of yourself in class, and you couldn’t handle the fact that people were talking about it. It’s not my fault you’re so sensitive!"
Nanlaki naman ang mga mata ni Mr. Benitos noong sabay na tumayo ang dalawa at tila magbabardagulan na naman. "Sit down, both of you."
Ngunit halatang walang balak magpatalo ang kaibigan ko at hindi man lang kinakabahan na halatang pikon na rin ang principal. "Kung hindi ka sana nag-feeling know-it-all, eh, di sana walang masasabi ang iba. Gagawa-gawa ka ng katangahan mo tapos ayaw mong mapag-usapan?!"
Kumuyom ang kamao ni Doris at ngayon ay namumula na siya sa matinding galit. "At sa iyo pa talaga nanggaling iyan, ah! Alam ng lahat na inggit ka lang kasi nga–"
"Enough!" galit na putol ni Mr. Benitos sa lumalalang argumento ng dalawa. Agad namang natahimik ang buong silid at ang dalawa ay bumalik sa mga upuan nila. Ramdam ko ang tensyon at para talagang mag-uumpisa na naman silang mag-away. At sa harap pa mismo ng principal.
Isa-isang tiningnan ng principal ang dalawa. "You’re both missing the point," banayad at mababa na ang boses na saad niya. "Ito ay hindi tungkol sa kung sino ang nagsimula. This is about your inability to handle conflict maturely. Hinayaan ni’yo na mangibabaw ang mga emosyon ninyo kaysa ang makapag-isip muna. Ngayon ay sinasayang ni’yo ang oras ko, ang oras nating lahat na puwede sana nating gamitin sa mas kapaki-pakinabang na bagay.
Magsasalita sanang muli si Doris pero itinaas ng principal ang kamay niya para pigilan ito. "I don’t care who said what. What I care about is that both of you decided that fighting was the solution."
Mukha namang naaburido si Arianna at hindi mapakali sa kinauupuan niya. Ngunit halatang pigil na pigil niya ang sarili na makabitiw na naman ng salita.
“Starting tomorrow, you’ll be working together on community service projects around the school," pormal na saad ni Mr. Benitos. Parehong nanlaki ang mga mata ng dalawa at saka tinapunan ng masamang tingin ang isa’t isa.
"Together?" sabay na tanong nina Arianna at Doris, bakas ang gulat sa mga tono nila.
Tumango naman si Mr. Benitos. "Yes, together. I believe that if you can learn to cooperate, you might be able to resolve this tension between you. I expect you both to act like the young adults you are."
Muling natahimik ang buong opisina at lumingon naman sa akin ang principal kaya kinabahan tuloy ako. "Thank you for stepping in to try and stop the fight. I appreciate your efforts, but next time, please make sure to get an adult involved before getting hurt yourself."
Napatango naman ako nang sunod-sunod. Halos hindi na ako humihinga kasi akala ko ay kasali din ako sa punishment. Ngunit ngayon, kahit papaano ay gumaan na rin ang pakiramdam ko.
****
Hello guys,
Ngayon pa lang sinasabi ko na po, na ang story na ito ay hindi lang mag-focus sa love story. Marami pong scene dito na talagang magpapakita ng realistic scenario ng buhay. Gusto ko lang pong gumawa ng story na mas maiintindihan natin iyong mga kabataan ngayon. Lalo na alam ko marami po akong parents na readers. I want to share stories inside a story that we can all relate in many ways. Kaya halo-halong genre talaga ito. May RomCom, Drama, Mystery, Crimes, Legal battles at siyempre hindi mawawala ang erotic scenes. Basta medyo umiba po tayo ng kaunti sa mga typical Billionaire and Mafia Stories para naman may bago ring mabasa na hindi puro same na lang ang takbo ng storyline. Sana po magustuhan ni'yo ito. Maraming-maraming salamat po!!!