CHAPTER 12. Human world

3482 Words
King Dylan Umaga pa lang ay tinipon ko na ang lahat upang muli silang paalalahanan sa kani-kanilang mga tungkulin sa loob ng Kaharian. Ang pag-eesayo ng mga taga-lupa. Ang pagsasaboy ng Vethre sa loob at labas ng Kaharian. Maging ang pagsasagawa ng sandamakmak na sandatang pamuksa sa kalaban ay inaasikaso ng lahat. Kasalukuyan akong nakatayo sa tapat ng kwarto ni Samara kasama si Topea. "Kamahalan, susunduin ko lamang sa loob ng silid si Samara at hintayin niyo na lang kami rito." mabilis naman akong sumang-ayon. Lumipas ang ilang minuto ay nakita ko na si Topea kasama si Samara. Suot nito ay magandang kasuotan na mala-reyna ang dating sa mata ng mga makakakita. "Topea, iwan mo na kami ni Samara. Tutal ay nakapagpaalam na kami sa lahat, oras na para magtungo kami sa mundo ng mga tao," tugon ko. "Masusunod, Kamahalan. Mag-iingat kayo sa inyong paglalakbay." mabilis itong umalis. Sandali akong humarap kay Samara. "Batid kong sabik ka nang makita ang Lola mo." Huminga ito ng malalim kasabay ng matamis na ngiti at pagtango. Doon ay mas lalong humulma ang napakaganda niyang mukha. Hindi ko alam kung bakit napupuna ko ang bagay na iyon sa babaeng ito. Nagsimula na kaming maglakad papunta sa luma't dulong silid kung saan nakalagay ang mga kristal at binhi. Sandali akong natigilan nang masalubong namin si Spencer. "Kamahalan, maari ko bang makausap si Samara kahit maiksing minuto lang bago kayo umalis?" bungad niya. Mabilis akong sumang-ayon at binigyan sila ng oras. Hindi ko man alam ang rason ay alam kong hindi ko na dapat pang bigyan ng kahulugan. Samara Kasalukuyan kaming nakatayo ni Haring Spencer sa gilid ng mga naggagandahang bulaklak. "Batid kong nais mong makita at makasamang muli ang Lola mo. Sana'y maging masaya ka mamaya," sambit niya. "Salamat, Kamahalan," nakangiti kong sagot. "May nais nga pala 'kong ibigay sa 'yo." agad niyang kinuha ang isang bagay sa kanyang bulsa. Hanggang sa buksan niya ang kanyang palad at doon tumambad ang isang kwintas na kumikinang. "Para saan 'yan, Kamahalan?" tanong ko. Sa halip na sagutin ang tanong ko'y pinakawalan niya ang isang ngiti. "Ang kwintas na ito ay hango sa aking kapangyarihan." naglakad siya papunta sa 'king likuran at sinabi, "Gusto kong ingatan mo ang 'yong sarili sa oras na magtungo kayo sa Kaharian ng Siberian. Huwag mong aalisin ang kwintas na ito dahil poprotektahan ka nito sa mga nilalang na masama ang intensyon at mga nilalang na nagbabalak na kunin ka. Iyon nga lang ay limang beses mo lang ito maaaring gamitin dahil limitado ang bilang kung kailan mo ito pwede gawing panangga sa mga kalaban." Para akong naestatwa sa 'king kinatatayuan habang sinasabi iyo ni Haring Spencer. Kahit pa nalayo ako sa aking Lola, hindi pa rin ako nagkamali ng piniling Kaharian. Natitiyak kong mabuti ang hangarin ng mga taga-Haleia kaysa Gusio. "Salamat sa kwintas na ito, Kamahalan. Babaunin ko ang paalala mo sa aking pag-alis." natauhan na lang ako nang makitang na sa harap ko na ito. "I know I'm not the first King in this Kingdom, but I dedicate my rivière to thee. May your beauty turn it into a weapon of unstoppable force and boundless strength. This necklace will lead you to every step you take. They'll be light for your journey, Samara," he bent his head and kissed the back of my hand. "I am honored, Your Highness. I will do everything I can in this Kingdom," nakangiti kong sagot. Ngumiti rin ito at sinabi, "Hinihintay ka na ng aking kapatid, mag-iingat ka." nang lumingon ako sa 'king likuran ay nakita ko si Haring Dylan na nakatitig sa 'min. "Kailangan na natin umalis, Samara." napatingin ako kay Haring Spencer, sinenyasan naman ako nito na lumapit na kay Haring Dylan. Hanggang sa ihakbang ko na ang mga paa ko palapit kay Haring Dylan. Hindi ko maiwasang pakawalan ang ngiti sa 'king labi tuwing mapapaharap ako sa kanya. Wala rin akong ideya kung bakit. Marahil magaan lang talaga ang loob ko sa kanila ni Spencer, lalo sa kanya. "Handa ka na ba?" tanong niya. Agad naman akong umoo. Dahan-dahan niyang isinara ang mata ko gamit ang kanyang daliri. King Dylan Sa isang iglap ay napadpad kami sa mundo ng mga tao ngunit halos manlaki ang mata ko nang mapagtanto na wala kami sa bahay na dapat ay kinatatayuan namin ngayon ni Samara. Napakaraming tao sa paligid ang naglalakad, isang itong pamilihan. Alam ko ang lugar na kinatatayuan ko ngunit simula nang mabuhay ako bilang isang Haring Dylan ay hindi na 'ko nabigyan ng pagkakataon pa na mabuhay sa mundo ng mga tao. "Samara, pasensya ka na, mukhang napalayo tayo. Hindi ko alam kung saan ang daan patungo sa bahay ng Lola mo. May ideya ka ba?" tanong ko na ikinangiti niya. "Huwag ka mag-alala, Kamahalan, nandito tayo sa bayan. Naku po, pinagtitingingan ka ng mga tao." nang ilibot ko ang paningin ko sa paligid ay totoo nga ang sinabi niya. Ngayon ko lang din napansin na ang ang aking kasuotan ay hindi nagbago ngunit ang suot ni Samara ay napalitan katulad ng pananamit ng mga taga-lupa. Napalunok ako nang makita ang tatlong babaeng nagkukumpulan na ngayon ay nakatitig sa 'kin. Para bang nagbabalak ang mga ito na lumapit. Ilang sandali pa'y natanaw ko ang mga ito na palapit sa 'kin. "Excuse me? Artista ka ba? Can we-" Nagulat ako nang humarang si Samara sa harap ko. "Ganyan ba kayo kaharot? Nakikita niyo naman na may kasama siyang babae, lalapit pa rin kayo?" Maya-maya lang ay umalis na ang tatlong babae habang pasimple na nagbubulungan. Halatang nainis ang mga ito sa ginawa ni Samara. Ngunit bakit ang asal niyang iyon ay napangiti ako? Humarap sa 'kin si Samara at laking gulat nang hilain nya ang braso ko. "Okay lang ba kung ganito ang trato ko sa 'yo? Kailangan maging bossy ako tingnan para walang lalapit sa 'yo. Tingnan mo naman sila nakatitig lahat sa 'yo." Nginitian ko ito. "Ikaw ang bahala, Samara. Ang importante'y makarating tayo sa bahay ng Lola mo." "Salamat, Kamahalan!" nagagalak niyang sambit. Napalunok na lang ako nang hilain niya bigla ang braso ko. Sabay kaming naglakad ng mabilis kahit pa atensiyon ng mga tao ay na sa 'ming dalawa. "Mabuti sigurong bilhan kita ng damit. Ang kaso lang..." sandali kaming napahinto sa isang gilid na wala masyadong tao. "Ang kaso lang ano?" tanong ko. "Wala akong pera dito," sagot niya. Magsasalita na sana ako pero... "Alam ko na, Kamahalan. Gagamitin natin ang karisma mo roon sa aleng nagtitinda," sambit niya habang tinuturo ang isang direksyon kung saan may isang babaeng abala sa pag-aayos ng mga damit. "Hindi ko maunawaan ang pinupunto mo, Samara. Pero ikaw na ang bahala," tugon ko. Muli niyang hinila ang braso ko hanggang sa aming pagtawid, ang mga mata ng halos lahat ay nakatuon sa 'min. Ang iilan ay nakangiti, mayroon namang tumatawa't hindi mawari kung nang-iinsulto ba. Hanggang sa tumigil kami sa tapat ng isang tindahan ng mga damit. "Ale, pwede bang makisuyo? Uhmm, galing kasi sa shoot itong kasama ko. Naiwan kasi kami ng sasakyan kaya hindi nakapagpalit. Pwede bang humingi na lag ng damit? W-wala po kasi kaming dalang pera, kung hindi po pwede, ayos lang aalis na lang kami." akmang hihilain ni Samara ang kamay ko patalikod nang magsalita bigla 'yong babae. "Sandali lang, hija. Kawawa naman si pogi, sige na mamili na kayo ng damit dyan at hindi ko na ipababayad pa." titig na titig sa 'kin iyong babae, si Samara naman ay wagas makangiti. "Salamat, Ale. Kamahal- este Dylan, mamili ka na rito," pag-aaya ni Samara. "Kahit ano, ikaw na ang bahala, Samara," tugon ko na ikinamangha ng babae. "Hija, ang lalim naman ng boses nitong kasama mo," bulong nito kay Samara na may halong ngiti. Sa halip na pansinin ay pinili ko na lang na manahimik at tiisin ang bulong-bulongan ng mga tao. Si Samara ay patuloy sa paghahanap ng damit na babagay sa 'kin habang ang mga taong mapapadaan ay hindi maiwasan mapatingin sa 'kin. Kahit pa ang babaeng nagtitinda sa harap ko ay kanina pa 'ko kinukuhaan ng litrato. Hindi ako tanga para hindi mapansin ang bagay na 'yon. Sadyang wala akong pakialam. Kung hindi lang hiniling ni Samara na makita ang Lola niya'y hindi ko rin nais pa na mamalagi rito sa mundo ng mga tao dahil wala ng rason. Ilang sandali pa ay natapos din sa pamimili ng damit si Samara. "Kamahalan, halika na sa bahay." Bakas sa mukha ng babaeng nagtitinda ang gulat nang marinig niya 'yon. "K-kamahalan? M-mahal ba kamo, hija? Magkasama kayo sa isang bahay?" usisa ng babae. "She's my girl. And we're living together," nakangiti kong sagot na siyang ikinagulat niya. Gulat na napaharap sa 'kin sa Samara at ang katanungan kung bakit ko sinabi 'yon ay bakas sa kaniyang mukha. "Uhmm, salamat sa damit, Ale. Pagpalain ka nawa ni Bathala," sambit ni Samara. Akmang hihilain niya 'ko palayo nang hilain bigla ng babae ang kamay ko. "Ito pamasahe niyo pogi, kawawa ka naman este kayo ng nobya mo." sa halip na tumanggi ay mabilis ko itong kinuha. "Thank you," matipid kong sagot. Tuluyan na kaming umalis ni Samara. Sa aming paglalakad ay walang ni isa man ang kumikibo. "Kung nababahala ka sa sinabi ko kanina, 'wala lang iyon," tugon ko. "Huwag ka mag-alala, Kamahalan. Walang meaning 'yon sa 'kin." Huminto kami sa isang tabi nang makita ang isang tricyle palapit sa kinatatayuan namin. Agad itong pumarada sa harap namin. "Manong, pakidala naman kami sa Baryo Sinag, doon sa pinakadulo po, huh?" sambit ni Samara. Agad niya 'kong pinapasok sa loob at saka siya sumunod. Agad ko namang inabot ang perang bigay ng Ale kanina. "Manong, ito po bayad." sabay abot pera sa nagmamaneho. Sa loob ng halos kalahating oras na pagbibiyahe ay wala akong ginawa kung hindi makinig sa mga kwento ni Samara. Ang mga karanasan niya noon sa mga maliliit na bagay, ang mga pangyayaring nagdulot sa kanya ng saya at rason kung bakit hindi niya makalimutan ang isang bagayj, at ang mga ala-ala nila ng kanyang Lola. Sa bawat bigkas ng salita ay bakas ang kanyang kasabikan, at tono ng kanyang pananalita ay mas lalo kong nakikita ang tunay na nilalaman ng kaniyang puso. Hindi ko akalaing ang nilalang na nagtataglay ng pinaka-mapanganib na kapangyarihan sa buong Versaile ay nanggaling sa isang payak na buhay at malambot ang puso. Sa nakikita ko'y lalo akong nagkakaroon ng rason para kilalanin siya ng husto. Hindi ko alam kung bakit masaya akong makita na nakangiti siya. Kasabay ng pagtanaw sa mga magagandang tanawin, bigla ko na lang naisip ang isang katanungang ngayon lamang nabuo sa 'king isipan. Ano kaya sa pakiramdam na mamuhay ng payapa kasama si Samara? Batid kong mahirap sagutin. Hindi ko pa lubos na kilala si Samara ngunit ang loob ko sa kanya ay magaan. Ngunit, bakit ko nga naisip ang bagay na 'yon? "Para po, Manong, dito na lang," sambit ni Samara. Hindi ko namalayang nandito na pala kami. Pagbaba ay agad bumungad ang isang napakalawak na lupain, napapaligiran ng malalaking puno't halaman, isama pa ang mga bulaklak at sariwang prutas at gulay na nakatanim sa mahabang hilera sa may gilid. Isang matandang babae na nagwawalis sa tapat ng isang maliit na bahay ang bumungad sa 'min. Siya nga siguro si Divina, ang Lola ni Samara. "Lola!" sigaw niya. Tama nga ang naisip ko. Ang matanda ay si Divina. Mabilis itong kumaripas ng takbo at sinunggaban ng mahigpit na yakap si Divina. "Samara, apo ko..." maluha-luhang sambit ni Divina. Lola, siya po ang unang hari. Si Haring Dylan," pakilala sa 'kin ni Samara. Nang magawi ang tingin ni Divina sa 'kin ay agad siyang yumuko, tanda ng paggalang. "Kamahalan, salamat at muli kong nahagkan ang pinakamamahal kong Apo," pasasalamat niya. "Isang malaking karangalan na matupad ko ang kahilingan ni Samara bago kami magtungo sa Kaharian ng Siberian," sagot ko na ikinagulat niya. "Ibig sabihin ay sasabak na sa laban ang aking Apo?" tanong nito na may halong kaba. "Gano'n na nga, Divina." lalo pang gumuhit ang lungkot sa kaniyang mata. "Lola, 'wag ka na mag-alala. Ang importante nandito ako ngayon. Sobrang saya ko na nayakap ulit kita. Malaki ang pasasalamat ko kay Haring Dylan dahil hindi niya ipinagkait sa 'kin ang pagkakataong makabalik dito sa mundo ng mga tao kahit isang araw lang." Kahit papaano'y napanigiti si Divina. "Masaya rin akong nandito ka, Samara. Halina muna kayo sa loob at kumain." Sinenyasan ako ni Samara kaya naman agad akong sumunod papasok sa loob. Agad bumungad ang mga litrato ni Samara noong siya ay bata, maging ang larawan ng kanyang Lola ay naroon nakasabit sa pader. Hindi ko namalayang unti-unti ko na palang hinahawakan ang mga ito at maiging pinagmamasdan. "Kamahalan, napaka-cute ni Samara no'ng bata siya, 'di ba? Ang kaso lang nang lumaki siya ay wala siyang kahilig-hiig sa pag-picture. Dala na rin ng pagkatao niya't pagiging kakaiba. Nakita mo naman ang pananamit ng apo ko, parang lalaki hindi ba?" sambit ni Divina na ngayon ay na sa tabi ko. "Kahit pa anong kasuotan ng apo niyo'y napakaganda pa rin niya." nang mapatingin ako sa gilid ay naroon na si Samara, nakangiti ito sa 'kin habang bitbit ang mga damit na binili niya sa 'kin kanina. Ibig sabihin ay narinig niya 'ko? "Kamahalan, okay lang ba na doon ka muna sa kwarto ko magpalipas ng gabi? Huwag ka mag-alala hindi naman makalat doon," sambit ni Samara. Tumango naman ako at ngumiti. "Huwag ka mag-alala, Kamahalan. Mula nang umalis si Samara ay hindi ko pinakialaman ang mga gamit niya. Sa katunayan ay sumasaya ako dahil tuwing namimis ko siya ay pinagmamasdan ko lang ang kabuuan ng kwarto niya," saad ni Divina na halatang nasasabik ng husto sa presenya ng kaniyang apo. Napangiti na lang ako sa kanilang dalawa. Akmang tatalikod si Samara pero agad ko itong tinawag, "Samara?" "Ano 'yon, Kamahalan?" tanong niya. "Pwede bang diyan muna ako sa kwarto mo? Malaya kang gamitin ang natitirang oras mo kasama ang 'yong Lola. 'Wag mo na 'kong alalahanin," nakangiti kong tugon. Iinihakbang ko na ang paa ko palapit sa kanya at saka kinuha ang damit na binili niya sa 'kin. Kitang-kita sa mukha niya ang pagkagulat. "Sulitin mo ang araw na 'to kasama ang Lola mo, Samara. Dahil pagsapit ng bukang liwayway ay kailangan na natin umalis," tugon ko. "Masusunod, Kamahalan. Salamat," nakangiti niyang sagot. Agad akong nagtungo sa kwarto na itinuro niya. Pagpasok sa loob ay namangha ako sa 'king nakita. Napakalinis at sobrang ayos ng mga gamit dito sa loob. Para bang bihasa sa pagsasaayos si Samara sa kwarto niyang ito. Hindi ko tuloy maiwasang mapangiti habang inililibot ang aking paningin. Hanggang sa maisip kong magpalit na muna ng damit na binili namin este hiningi sa may Ale. Habang nakaupo sa kama ay 'di ko maiwasan mapangiti tuwing maririnig ko ang pagtawa ni Samara at ng Lola niya. Bigla na lang tuloy akong nakaramdam ng kaunting lungkot tuwing maiisip na bukas din ay magkakahiwalay na sila. Kung hindi lang kailangan ang tulad ni Samara sa Kaharian ng Haleia ay hindi ko na siya isasama pa sa pag-alis, ang kaso lang ay kailangan ko siya. Tuluyan na rin akong nagpalit ng damit at piniling magpahinga muna. Sa muling pagkakataon ay napasulyap ako sa aking kwintas. Isang kataka-taka sapagkat hindi ito kumikislap. Hindi na bale, ang mahalaga ngayon ay masaya si Samara. MALALIM ang paghinga ko nang mapabangon bigla sa kamang kinahihigaan ko. Hindi ko maawat ang puso ko sa pagkabog, para bang may kung sinong humabol sa 'kin, pero wala naman. Sinubukan kong alalahanin ang panaginip ko ngunit nanatiling blangko ang utak ko. Maya-maya lang ay nagulat ako dahil sumulpot si Inang Bathaluman. "Dylan, sa darating na makalawa ay muling susugod ang mga taga-Gusio sa Kaharian ng Siberian. Hindi kayo maaaring magtagal ni Samara dito sa mundo ng mga tao dahil ang kaligtasan ng lahat ay nakasalalay sa inyo. Kailangan niyo nang bumalik bukas sa Versaile, huwag mo nang patagalin pa," sunod-sunod niyang tagubilin. "Masusunod, Inang Bathaluman. Bukas din ng umaaga ay magtutungo na kami sa Kaharian ng Siberian. Nagpadala na rin ako ng liham sa Punong Ministro. Huwag kang mabahala," kalmado kong sagot. Sa isang iglap ay mabilis itong naglaho na parang bula. Palaisipan sa 'kin ang mga posibleng mangyari sa Versaile sa oras na hindi ko matulungan ang Punong Ministro. Malaki ang posibilidad na sirain ni Alucio ang lahat makuha lamang si Samara, ngunit hindi ako makapapayag. Hanggang sa maisipan kong lumabas ng silid. Laking gulat nang magkabungguan kami ni Samara. "Kamahalan, gising ka pala. Bakit parang namumutla ka?" tanong nito dahilan para mapahawak ako sa 'king pisngi. "Wala ito, Samara. Gusto ko lang sana magpahangin. Bakit nga pala gising ka pa? Maaga pa tayo bukas," sunod-sunod kong sinabi. "Hindi ako makatulog e. Nagkape kasi ako kanina," sagot niya. Sandaling namayani ang katahimikan nang magkatitigan kami bigla. "Uhmm... doon muna tayo sa sala, malamig ang simoy ng hangin doon." mabilis naman akong sumang-ayon. Pagdating sa sala ay agad kaming umupo. Magkaharap kami at ang espasyo ay hindi gano'n kalayo. Hindi kalakihan ang bahay ngunit masasabi kong maayos at napakalinis ng buong paligid. Hanggang sa magsimula na siyang magkwento. Maging ako ay nagbibitaw na rin ng mga simpleng bagay na gusto ko. Mga kahilingan kung mapagbibigyan lang sana 'ko na gawin, 'yon ay ang mamuhay ng naaayon sa 'king kagustuhan. "Ni minsan ba'y ninais mo na mapunta na lang sa mundo ng mga tao at mamuhay ng normal? Iyon bang araw-araw kang gigising na walang inaalalang Kaharian kung hindi sarili mo lang at ang taong... let's say iniingatan or minamahal mo." sandali akong napaisip sa tanong niyang iyon. "Kung ganon'n lang kadali na baguhin ang kapalaran, sa simula pa lamang ay ginawa ko na. Ang kaso lang hindi. Ang tanging makapagpipigil lang ay ang kamatayan." napabuntong hininga ako bago muling magsalita, "Ang isip ng tao sa tuwing sila ay may pinagdadaanan ay nagiging taliwas. Sa sobrang miserable kung minsan ay nasasabi na lang nila na sana'y magkaroon sila ng kapangyarihan na solusyunan ang lahat. Sa ikalawang buhay ko bilang Calvin Seranno ay minsan akong naging ganoon. Minsan akong humiling na sana'y isang araw matapos na ang paghihirap ko. Hanggang sa tuluyan akong bawian ng buhay dahil sa aksidente. Pero sa ikatlong buhay ko, hindi ko akalaing isa pala 'kong hari mula pa sa nagdaang siglo. At masasabi kong hindi madali kahit pa taglay ko rin ang kakaibang kapangyarihan. Dahil kahit gaano ko kagusto na maging payapa, ang delubyo ay palaging na sa paligid ko." Parang akong binabalot ng makapal na hangin habang binabanggit iyon sa harap ni Samara. Hindi ko magawang makipagtitigan ng matagal sa kaniya kaya naman panay ang lingon ko. "Pasensya ka na kung masyadong mabigat ang tanong ko, Kamahalan. Ang totoo niyan ay pareho na tayo ng nararamdaman. Pero wala e, wala na tayong choice. 'Wag ka mag-alala, sa ikatlong propesiya ay sisiguraduhin nating tayo ang magwawagi, hindi ang Kaharian ng Gusio. Isa pa, kahit naman gaano kadelikado ang buhay natin, pwede pa rin tayong masaya." isang ngiti ang kanyang pinakawalan na nakapagpapagaan ng loob sa 'kin. "Malaking tulong sa 'kin ang mga salita mo, Samara," nakangiti kong sagot. Isang malawak na ngiti rin ang kanyang pinakawalan. "Ikaw ba, Kamahalan, wala ka man lang bang natitipuhan? Ni minsan ba naisip mong bitawan ang pagiging hari?" para akong binuhusan ng mainit na tubig sa huli niyang tanong. "Gaya ng sabi ko noon, kailangan ako ng Kaharian kaya mainam na mamuhay ako ng walang ibang iniisip. Ngunit minsan ay mapaglaro ang tadhana," sambit ko. "Paano mo nasabi?" "May mga nilalang na hindi mo naman talaga gusto mula pa man sa unang pagtatagpo ninyong dalawa, pero kalaunan ay magugulat ka na lang dahil napapasaya ka niya," nang magtama ang mga mata namin ay bigla na lang lumakas ang ihip ng hangin dahilan para makita ko siyang mapayakap sa kanyang sarili. "Para sa sarili mo ba 'yang sinabi mo? O pangkalahatan?" tanong niya na halatang naniniguro. Sandali ko siyang tiningnan at sinabi, "Para sa mga taong nagmamahal pero takot sumugal. Mga nilalang na mas nanaising makipaglaban sa digmaan, kaysa umibig." "Takot kang masaktan sa pag-ibig, pero sa enerhiyang pwede mong ikapahamak, hindi?" Para akong pinaulanan ng palaso sa dibdib nang itanong niya 'yon. Hindi ko tuloy maiwasang mapaisip kung bakit nga ba? Pero mali. Alam kong mali na pairalin ang puso dahil bilang hari ay mas dapat na mangibabaw ang kagitingan ko para maprotektahan ang aking nasasakupan. Kung paiiralin ang aking panimdin ay maaari itong maging sagabal sa mga misyon ko. Nagpatuloy ang kwentuhan namin ni Samara. Ang gabing iyon ay maituturing kong makabuluhan. Kahit pa isang kahibangan na unahin ko ang ganitong bagay ay hindi alintana. Ang mahalaga ay natupad ko ang kahilingan ni Samara na makita at makasama ang Lola niya bago kami sumabak sa mga delubyong parating. Nagpasya na kami na pumasok sa loob para magpahinga hanggang sa tuluyan na kaming magpaalam sa isa't isa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD