CLAIRE
LET’S JUST SAY the two weeks that we talked about did not happen. May emergency ang company at kinailangan nilang bumalik ni Ninong after being here for five days. You see what I mean with long distance relationships? Wala pa kaming relasyon pero sobrang affected na ako. He dropped me off and picked me up twice from work then he went on his way. All those two days were actually fun. JP and I would eat out and walk around. Simple lang ang pinag-uusapan namin at iniwasan din namin ang mga topic tungkol sa trabaho.
Sa totoo lang, ang trabaho ay dapat iniiwan sa opisina. It’s okay to talk about how your day went but don’t spend so much time talking about business things.
The first week without him was the hardest. Palagi kong hinahanap ang amoy niya. I get irritable easily at work because of this. Kung dati ay tahimik lang ako kapag may hindi nasunod ang secretary ko. By the second week, I’m just about to explode.
“Arlene!” Katanghaliang tapat at sumasabay ang init ng ulo ko sa panahon. Idagdag pa na kahit todo na ang aircon ay nababanasan pa rin ako.
Nasaan na ba ang babaeng iyon?
May limang minuto pa naman bago mag-lunch ay hindi kaagad makapasok dito sa opisina ko.
“Arlene!” Halos maputol ang litid ko sa pagsigaw. Kapag wala pa siya rito ng isang minuto ay hahanap na ako ng kapalit niya.
“Arlene!” Humahangos na pumasok si Arlene sa loob ng opisina ko at nasa kalagitnaan ng pag-zipper ng kaniyang slacks.
“Ma’am, pasensiya na po kayo. Sumaglit lang po ako sa—”
“Kanina pa kita tinatawag pero hindi ka sumasagot!”
“Iyon nga po, Ma’am, ang sinasa—” Pero pinutol ko ulit ang sinasabi niya. I have no time to listen to her excuses. Bawal ang tatamad-tamad sa opisina.
“I don’t care anymore! I need you to do this memo again. Kulang ng letter s ang pangalan ko!”
It’s so petty but I do value perfection. Ang diperensiya lang ngayon ay hindi ko mapigil ang sarili ko sa pagsinghal. Para bang kung hindi ko mailalabas ang frustration ko ay magkakasakit ako.
“Okay po, Ma’am. Pasensiya na po kayo. Uulitin ko na lang po.” Nahihiya siya pero ngumiti pa rin at kinuha ang memo na ibinalik ko sa kaniya.
Arlene is one of the best secretaries I’ve had. Ang dalawang nauna sa kaniya ay ubod ng tamad at ang bagal pang mag-type. She is an asset to this company and now I feel such a b***h for shouting at her and treating her so poorly.
JP has not called me since he left and while I expected that, masakit pa rin pala kapag nagkatotoo ang ikinakatakot mo. I kept myself busy with the pile of work in front of me. Ang daming order ng perlas at kahit confident ako na may sapat kaming bilang ay nag-aalala pa rin ako na baka magkulang.
Maya-maya ay may naamoy akong mabango. Tumayo ako at hinanap ang mabangong amoy na iyon. I found it at Arlene’s table at hindi siya nag-iisa roon.
“Ma’am!” gulantang na sabi nIya. Habang nagta-type sa keyboard ay kumakain sila ni Bing ng madilaw na hugis kuwadrado. Durian candies!
“Arlene, Bing, bakit dito kayo kumakain?” tanong ko sa kanila.
“Ma’am pasensiya na po kung dito na kami kumain. Inaaya ko po kasi si Arlene pero gusto niyang matapos ang memo para maibigay kaagad sa inyo. Hindi po kasi niya na-save ‘yong file kaya inuulit niya from scratch. Tapos nagugutom na po ako kaya ang sabi ko ay dito na lang kami. Huwag po kayong mag-alala, hindi po kami magkakalat,” tugon sa akin ni Bing.
Si Bing ay receptionist namin sa lobby. Dalawa sila roon at marahil ay nauna nang mag-lunch ang kasama niya. Magkarelyebo kasi sila at hindi puwedeng mag-sabay para masigurong may sasagot sa guests.
Our company has a showroom on second floor at balak kong i-expand Iyon para sa jewelry designs ko. I haven’t made up my mind yet.
Tumango ako sa kanila at akmang tatalikod na kahit laway na laway ako sa durian candies na kinakain nila. Napansin siguro ni Arlene na nakatingin ako sa candy kanina kaya inalok niya ako.
“Ma’am, gusto niyo po ba ng durian candy? Masarap po itong dala ni Bing. Gawa po ito ng kaniyang ina.”
I took one and tasted it. Ang sarap at parang yema. Pero may hinahanap akong kasama nito. Nagpunta ako sa pantry at naghanap ng suka. Binitbit ko iyon papunta sa opisina ko at naupo sa silya.
My mood suddenly improved. Sarap na sarap akong isawsaw ang durian candy sa suka na nasa platito. I heard a knock after a few minutes at dala na ni Arlene ang memo na pinaulit ko.
“Ma’am, ito na—po ’yong m-memo.”
Titig na titig siya sa ginagawa ko sa candy.
“Okay, thank you. Meron pa ba si Bing na candies? Bibilhin ko na. Tsaka sabihin mo na rin na magdala bukas ng fifty pieces at pakitanong kung magkano. Masarap itong gawa ng nanay niya. Hindi katulad ng mga nabibili ko sa bayan na ubod ng tamis.”
“O-Opo, Ma’am. Sasabihin ko po sa kaniya. Paki-check na lang po nitong memo.”
“Salamat.” Akmang palabas na siya ng opisina ko nang tawagin ko siya ulit.
“Ano po ’yon, Ma’am?”
“Arlene, gusto ko sanang humingi ng dispensa para sa nangyari kanina. I don’t know what came over me. I was just very irritated and littlest things are getting into my nerves. Tapos ang init-init pa.”
Mataman niya akong tiningnan.
“Ma’am, may itatanong po ako sa inyo pero huwag kayong magagalit. May asawa at anak na po ako at nanggaling na po ako sa ganito. Sobrang lamig po rito sa office niyo pero hindi ko po alam kung bakit naiinitan kayo. Tapos hindi naman po kayo dating madaling mairita pero ngayon po ay nakakapanigaw na kayo. At ang malala po ay itong sinasawsawan niyo ng candy. Hindi po kasi, Ma’am, katugma ng suka itong durian candy,” sabi niya sa akin. Napakamot siya sa ulo niya.
“What are you trying to say?” natatawa kong tanong sa kaniya. Sarap na sarap ako sa kinakain ko.
“B-Buntis po ba kayo?”