MADALING tumulong sa iba pero mahirap tulungan ang sarili natin. Bakit? Kasi mas naka-pokus tayo sa pangangailangan ng ibang tao samantalang naisasantabi natin ang sa ‘tin.
Habang hindi ito masama dahil likas sa ‘ting mga tao ang pagiging matulungin, nakapagdudulot ng malaking suliranin ang gawaing ito lalo na kung ang pag-uusapan ay ang ating sariling kapakanan.
Sinasabi ko ito kasi danas ko noong kabataan ko na unahin ang ibang tao bago ang aking sarili. Masaya kasi sa pakiramdam kapag nakakatulong ako. Akala ko sapat na ‘yun para magampanan ang purpose ko sa buhay na ito pero napagtanto ko na hindi lang pala sa ibang tao umiikot ang mundo ko. Dapat alam ko ring alagaan ang sarili ko para sa ikabubuti ko. Hindi ako sanay na alagaan ang sarili ko kaya na-challenge ako na gawin ‘yun.
At habang nagkaka-edad ako, dala-dala ko ang mga natutuhan kong self-care tips na ina-apply ko sa ‘king sarili kapag nakakaramdam ako ng pagkapagod na hindi maidaan sa pagtulog o malalim na paghinga.
“Love?” Napukaw ako sa malalim na pag-iisip nang magsalita si Isay.
Magkasama kami ngayon sa bath tub habang naliligo at nagkukuwentuhan. Ang alam ko kinukuskos ko ang likod n’ya pero saglit akong tumigil.
“Hmmm?” Sabi ko bago pinagpatuloy ang masuyong paghilod sa makinis na likod ng mahal ko. Hindi ko rin napigilang halikan ang balikat n’ya.
“May naging topic kasi kami ng mga classmate ko tungkol sa pagtulong.” Pinakinggan ko lang s’ya sa sinasabi n’ya kasi parang interesante ang paksang binabanggit n’ya.
“Nag-share kasi ‘yung isa naming kaklase na nade-drain na raw s’ya sa buhay n’ya kasi breadwinner s’ya sa kanila tapos working student pa s’ya. Nakakapagod lang daw na isipin at unahin ang ibang tao kahit na pamilya naman n’ya ‘yun. Posible bang mapagod ka sa pagtulong kahit na mahal mo sa buhay ang tinutulungan mo?” Nilingon pa talaga ako ni Isay nang tanungin n’ya sa ‘kin ‘yun kaya napangiti ako. Nagsalubong kasi ang mga kilay ng mahal ko at bakas sa mga mata n’ya na naghihintay s’ya sa isasagot ko. Bahagya muna akong napa-isip bago ako nagsalita.
Samantala, tinalikuran na n’ya ulit ako habang pinagpatuloy ko na ang pagkuskos sa likod n’ya.
“Posible ‘yun lalo na kung wala ka ng time sa sarili mo. Kung oo ka na lang ng oo sa kanila kahit na pagod ka na. Darating talaga ‘yung point na made-drain ka kaya naiintindihan ko ang pinagdaraanan ng kaklase n’yo, Love. Mahirap maging breadwinner tapos nag-aaral pa s’ya. Doble ‘yung pasakit nu’n sa kan’ya kaya sana kayanin n’ya.” Sabi ko. Tumango si Isay bago kami nagpalit ng pusisyon. This time, ako naman ang hinihiluran n’ya ng likod. Natawa pa ako ng kilitiin ako ng luka-luka.
“Paano ba tayo tutulong nang hindi napapagod o na-de-drain?” Tanong n’ya. Napaisip ulit ako bago sumagot.
“May mga limitasyon ang pagtulong lalo na kung hindi na bukal sa loob natin na ginagawa ito. Ibig sabihin, gusto nating huminde pero wala tayong magawa dahil nasa dugo na talaga natin ang pagiging matulungin. Pag ganu’n kasi eh nagiging obligasyon na natin ang pagtulong sa ibang tao kaya hindi na ‘to nagiging magaan. Tungkol naman sa tanong mo kung paano ba tumulong nang hindi napapagod o na-de-drain?” Narinig ko s’yang nag-hum habang pinag-iisipan kong mabuti ang susunod kong sasabihin.
“Lahat ng pagtulong ay nagre-require ng effort, emosyonal man, mental, pisikal o pinansyal. Nakakaramdam lang naman tayo ng pagod o pagka-ubos sa ginagawa natin kapag mali ‘yung klase ng pagtulong natin sa ibang tao. Gawin nating halimbawa ‘yung kaibigan ko na lagi kong pinapautang noon.” Narinig kong natawa si Isay kasi alam kong naalala n’ya na lagi ko ‘yung kinukuwento sa kan’ya.
“Lagi ko s’yang pinapahiram ng pera dahil may extra naman ako. At sa tuwing ginagawa ko ‘yun, masaya ako kasi nakakatulong ako. Pero ‘yung pangungutang n’ya, naulit nang naulit hanggang sa ‘pag wala akong naipapahiram kasi short at tight din ang budget ko eh nakakaramdam ako ng lungkot at sumasama ang loob ko.”
“Hanggang sa napagod na lang ako sa pagtulong sa kan’ya kasi paulit-ulit na eh. Dumipende na s’ya sa ‘kin at naging kargo ko na s’ya.”
“So, ano’ng ginawa mo?” Napangiti ako sa tanong ni Isay habang inaalala ko ang ginawa ko para solusyunan ang problema ko.
“Pinasok ko s’ya ng trabaho. Sakto kasi may nagbukas na milktea shop sa tapat ng clinic at nangangailangan sila ng service crew. Sinubukan ko s’yang ipasok du’n at natanggap naman s’ya. Ngayon, may regular na s’yang kita kaya hindi na s’ya nanghihiram sa ‘kin ng pera.” Proud kong sabi.
“I am so proud of you, Love.” Sabi ni Isay kaya kinilig ako.
“Merong kasabihan na “Bigyan mo ng isda ang taong nagugutom at kakain s’ya ng isang araw. Pero turuan mo s’yang mangisda at kakain s’ya habambuhay.” Para sa ‘kin, gan’yan ang tamang pagtulong. Pero sa kaso ng kaklase n’yo, sana matutuhan n’yang unahin ang pangangailangan n’ya para hindi makompromiso ang kapakanan n’ya. Di ba nga “You can’t pour from an empty cup?” So, para maging effective tayo sa lahat ng ginagawa natin, kailangan alagaan din natin ang ating sarili.” Pagtatapos ko.
Naramdaman kong hinigit ako ni Isay bago n’ya pinulupot katawan ko ang mga braso n’ya. Ipinatong din n’ya sa balikat ko ang baba n’ya bago ako hinalikan sa pisngi. Napangisi naman ako magkadikit ang mga hubad naming katawan. Nagpatuloy kami sa paglalambingan s***h landian hanggang sa lumamig na ang tubig at nag-decide na kaming tapusin ang paliligo namin.
Isa sa mga bagay na natutuhan ko ay mag-show up para sa sarili ko at unahin ang mga pangangailangan ko bilang indibidwal para mas maging epektibo ako sa mga ginagawa ko sa buhay.
Be there sa iba but also be there para sa sarili mo.
Habang hindi ito applicable sa lahat ng tao depende sa disposisyon natin sa buhay, wala namang masamang huminto at magsuri lalo na kung nakakaramdam tayo ng pagkapagod, pagkaburyong, kawalan ng motibasyon at pagkabalisa sa takbo ng ating buhay.