Malaikah‘s PoV
INABOT ako ng three minutes sa pag-akyat ko sa hagdan. At kahit na isang empleyado ay wala akong nakasabay. Kasalanan ni Uncle Trex kung bakit ako ganito ngayon! Naiinis, naasar at nanggigil ako sa kanya.
Kung hindi ko lang mahal ang boyfriend ko, hindi ako papayag sa set up na ito. Mas gugustuhin ko na lang na humanap ng bagong trabaho kaysa nandito ako.
Nagtungo ako sa office na nasa third floor. Pagbukas ko ng pinto busy ang lahat. Aligaga ang isang bading habang sinesermunan nito ang isang babae na nasa ikaapat na table. Air-conditioned ang office at nasa fifteen kaming lahat dito dahil bawat tatlong mahabang lamesa may tag-limang office chairs at computer pati na rin printers.
“Ikaw si Miss Ventura?” tanong sa akin nito na tinignan ako mula ulo hanggang paa.
Napatango ako sa kanya. “Y-Yes, ma’am.” Nakilala ko ang bading na ito dahil nakasabay ko na siya noon sa elevator.
“Bakit ngayon ka lang? Hindi ba nasabi sa iyo ni Angelo na kailangan mong gumawa ngayon ng product review? Kailangan na iyon para sa susunod na advertisement dahil kinukuha na iyon sa akin ng brand owner,” seryosong sabi nito sa akin.
“Wa-Wala namang sinabi si Angelo n---”
“Kasalanan na ng boyfriend mo iyan. Doon ang office table mo sa may tabi ng bintana.” Itinuro nito ang office table ni Angelo at nakita ko roon ang tumbler ng boyfriend ko at ang jacket nito.
“Salamat.” Kaagad akong nagtungo roon para simulan ang aking trabaho. Ini-on ko ang computer at mukha ko ang aking nakita. Kahit sa trabaho pala ay nakikita ako palagi ni Angelo. Mas lalo lang tuloy akong nai-inlove sa kanya.
Isinuot ko ang head phones at ini-log in ang account ni Angelo. Nakita ko ang mga emails ng mga brand owners at ang schedule ngayon na product na kailangan niyang magawan ng marketing plan ay ang ibinebentang juice ng PH Refillers.
Binasa ko muna ang tungkol sa product, at saka ako umisip ng magandang marketing plan. Habang ginagawa ko iyon nakatingin lang sa akin ang bading na si Drei.
“Alam mo ba ang gagawin mo?” paniniguro pa nito sa akin.
“Oo naman, ma’am,” nakangiting sagot ko rito. One hundred percent sure ako na kaya ko ang aking trabaho. Business communication ang course ko kaya naman magagamit ko rito ang napag-aralan ko.
“Sige, gawin mo pagkatapos ipakita mo sa akin. Ako ang mag-a-approve,” mataray na sabi nito bago niya ako talikuran.
Nginitian ko lamang ito ay sineryoso ang aking trabaho. Binuklat ko ang folder na ibinigay sa akin ni Angelo. Naroon ang pangalan ng product, inayos ko muna ang pagkakasunod-sunod ng marketing plan. Gumawa ako ng pointers, mula sa produkto na kailangang ibenta at kung sino ang dapat na bumili. Juice iyon na p’wede para sa lahat. Online marketing ang naisip ko, gagawa ng promotional videos at saka lalagyan ng caption para maging catchy sa mga bibili.
Isinandal ko ang aking likod sa office chair at saka tinignan ang ginawa ko. Tumingin ako sa announcement board na nasa tabi ko. Binasa ko ang pangalan ng mga kasama ni Angelo sa trabaho. Ang leader ay si Drei at ang assistant nito ay si Tella na isang photographer.
Mula sa announcement board nakita ko rin kung sino sa mga members ng Team Love ang palaging naka-pin ang pangalan. Masipag sa trabaho at walang absent. Pangalan ni Tella lahat ang naroon. Kumunot ang aking noo dahil naka-pin ang pangalan ni Angelo bilang isa sa mga tamad na pumasok.
Araw-araw itong nagpapaalam sa kanya na papasok sa trabaho pero bakit ganito? Totoo kaya ito o gawa-gawa lang ng mga kasama nito sa trabaho.
Matapos kong maayos ang marketing plan ay ipri-nint ko iyon. Kinuha ko ang tumbler ni Angelo na nasa office table ko at saka ako tumayo para magtungo sa may water dispenser na nakita ko sa may sulok.
“Finacee ni Angelo, walang laman iyan,” sabi ng lalaki na nakasuot ng dark green na jacket. May highlights ang under cut nitong kulot na buhok. “Hindi pa kasi dumating iyong nagde-deliver ng tubig.” Tumayo ito at saka nito inabot ang bottled water nito. “Ako nga pala si Nate, ako ang visual artist dito,” nakangiting pagpapakilala nito sa akin.
“Ako naman si Malaikah, fiancee ni Angelo. Salamat dito, a,” nakangiting sabi ko pagkatapos abutin ang tubig na ibinigay nito. “Kanina pa kasi ako nauuhaw.”
Ngumiti naman ito sa akin. Napansin ko na nasa likod ko lang pala ang table nito. Muli akong umupo at ganoon din ito.
“Kapag na-approve na iyan ni Drei, gagawin na natin ang promotional videos ng product bago. Kapag okay na kay Sir Trex, p’wede na iyang ipasa sa product owner,” paliwanag naman nito sa akin.
“Akala ko wedding and events lang ang hinahawakan ni Sir Trex,” mahinang sabi ko rito.
Nagkamot naman ito ng ulo at saka umiling. “Marami pa siyang negosyo, Malaikah.”
Bumukas ang pinto ng office namin at bumungad doon si Uncle Trex. Nakahalukipkip ito habang nakatingin sa mga empleyado na biglang nagsitahimik.
Magkadikit naman ang upuan namin ni Nate dahil ipinapakita ko sa kanya ang ginawa ko. Patungo sa amin si Uncle Trex na seryosong-seryoso ang mukha.
Inayos ni Nate ang upuan nito. May isang dipa na espasyo kasi sa pagitan namin ni Nate.
“Tapos na ba iyong product proposal ng PH Refillers?” seryosong tanong nito sa akin.
Iniabot ko rito ang na-print kong strategy plan. Sumandal ito sa may board ng office table ko at saka binasa ang mga nakasulat doon.
“Online marketing?” mahinang tanong nito sa akin.
“Iyan ang uso ngayon, sir. Maraming nagbebenta ng mga products nila online at ginagawan nila iyon ng promotional videos na katulad ng mga napanood ko sa advertisement sa TV,” mahinang paliwanag ko rito.
Hindi ito kumibo. Nag-angat ako ng tingin at nakita kong ngumisi lang ito.
Ibinaba nito sa akin ang papel. “Ulitin mo. Hindi ako kumbinsido.” Tumalikod ito at saka muling naglakad sa pangalawang table row. “Mag-focus kayo sa trabaho at hindi sa pakikipag-usap sa katabi ninyo. Nasa trabaho tayo at wala tayo sa palengke,” mapang-asar na sabi nito habang palakad-lakad sa kabilang row.
Ikinuyom ko ang aking mga kamay. Naiinis ako rito at talagang pinapahirapan niya ako.
Ano pa ang kailangan kong ulitin?
Mas lalo lang akong nainis kay Uncle Trex. Akala ko mabait siya pero ang totoo, pakitang tao lang pala ang lahat. Marahil nahihiya lang ito kay Angelo pero ang totoo hindi talaga ako gusto ni Uncle Trex para sa pamangkin nito.