CHAPTER 13

1943 Words
THIRD PERSON POV Tahimik na kumakain ng almusal ang mag-asawang Ian at Rannicia kasama ang kanilang anak na si baby Levi. Si Michelle ay nagsabing hindi sasabay sa kanilang mag-breakfast at kikitain daw ang isang kaibigan na rati rin nitong katrabaho tutal ay weekend ng araw na iyon. Iniisip ni Ian kung nagdahilan lamang ba si Michelle para maiwasan siya. Alam naman niyang nahihirapan ang babae na makita siya sa iisang bubong at wala itong magawa para sa nararamdaman nito para sa kanya. Kaya naman para hindi na mahirapan si Michelle ay aalukin ito ni Ian ng ibang trabaho para hindi na ito kailangang makisama sa kanila ni Rannicia sa iisang bahay. Ihahanap niya ito ng ibang bahay na mas malapit sa magiging trabaho nito oras na tanggapin nito ang iniaalok niya. Mamaya ay tatawagan niya si Denver, ang kanyang kaibigan at isa sa mga tao sa kanyang talyer, para magtanong kung may alam itong ibang pwedeng maging trabaho ni Michelle. Maging si Ian ay kailangan ding makaiwas kay Michelle dahil simula nang umamin ang babae sa kanya na mahal na siya nito ay parang mas lalo pa siyang na-attract sa babae. Lagi niyang naiisip ang mga maiinit na sandaling namagitan sa kanilang dalawa. At hinahangaan niya ang tapang nito na magtapat sa kanya ng totoong damdamin nito. Idagdag pa na ang sarap ng niluto nitong breakfast nang umagang iyon. Nasa ganoong pag-iisip si Ian nang tumunog ang doorbell sa labas ng gate ng kanilang bahay ni Rannicia. Nagkatinginan sila ng asawa. Siya na ang nag-volunteer na lumabas para tingnan kung sino ang nasa labas ng gate ng bahay. Pagkabukas ni Ian ng gate ng kanilang bahay ay nanlaki ang kanyang mga mata rahil sa pagkabigla. Nasa harapan niya ngayon ang kanyang nag-iisang kapatid na si Yuki. Yuki: Kuya Ian! Masayang-masayang niyakap ni Yuki ang kapatid nitong si Ian. Si Yuki ay nakatira sa probinsya kung saan ipinanganak at nagkaisip si Ian. Ngayon na lang ulit nagkita ang magkapatid pagkatapos ng binyag ni baby Levi. Pagkatapos makabawi sa pagkabigla ay niyakap pabalik ni Ian ang kapatid na si Yuki. Maya-maya ay bumitaw siya sa pagkakayakap sa kapatid. Ian: Yuki, buti napadalaw ka. Tumawa naman si Yuki at pinalo pa sa kanang braso ang kapatid. Yuki: Naku, Kuya. Plano kong magtagal dito. Na-miss ko kaya ang nag-iisa kong kapatid. Okay lang kaya kay Ate Rannicia na magtagal ako rito? Nakangiti namang tumango si Ian. Ian: Oo naman. Alam niyang ikaw na lang ang nag-iisang pamilya ko matapos pumanaw ng mga magulang natin. Pagkabanggit sa mga magulang ay biglang nagkaroon ng lambong ang mga mata ni Ian. Bigla ring nawala ang ngiti sa mga labi ni Yuki nang makitang lumungkot ang mukha ng kapatid nito. Yuki: Sinisisi mo pa rin ba ang sarili mo rahil sa pagkawala nila, Kuya Ian? Wala ka namang kasalanan, Kuya. Umiwas ng tingin si Ian sa kanyang kapatid. Ian: Maraming taon na ang lumipas, pero hindi pa rin maiwasang minsan ay maisip ko ang mga pinaggagagawa ko noon. Pati ang pag-aaral ko ay hindi ko natapos dahil sa mga naging kasalanan ko. Nakakaunawang ngumiti si Yuki bago nagsalita. Yuki: Matagal na iyon, Kuya. Hindi mo naman hinayaang mapariwara ka nang tuluyan. Tingnan mo nga at may sarili ka ng talyer na malaki ang kinikita. Tapos may sarili ka na ring pamilya. Mahal na mahal ka pa ni Ate Rannicia. Nang sabihin iyon ni Yuki ay medyo gumaan ang pakiramdam ni Ian at ngumiti sa kapatid. Ian: Sana ay ganyan din ang iniisip ng mga tao sa baryo natin. Bumuntung-hininga si Yuki at tinapik nito ang braso ng kapatid sa paraang pinapagaan ang loob. Yuki: Hindi naman mahalaga ang iniisip nila, Kuya. At saka ilang taon na ang nagdaan. Paniguradong limot na ng mga tao ang mga nangyari noon. Lalo na sa panahon ngayon, lahat ay madaling makalimutan. Muling ngumiti si Yuki. Nakita naman nitong unti-unti nawawala ang lungkot sa mukha ng kapatid. Yuki: Hay naku, Kuya. Bakit ba tayo nagda-drama? Kararating ko lang dito tapos drama na agad? Tapos ang init pa rito sa labas. Masisira ang skin ng kapatid mo. Niyakap pa ni Yuki ang sarili na parang pinoprotektahan ang balat mula sa sikat ng araw. Sukat doon ay biglang natawa si Ian at muling gumaan ang pakiramdam na kanina ay medyo bumigat dahil sa muling naalala ang namayapang mga magulang. Ian: Pagpasensyahan mo na ang kapatid mo at mas inuna pa ang mag-drama kaysa alukin kang pumasok ng bahay. Napansin ni Ian ang malaking bag sa paanan ni Yuki maliban pa sa maletang bitbit nito. Itinuro ni Ian ang maleta at natatawang nagsalita. Ian: At talagang balak mong magtagal dito, ah. Malakas namang tumawa si Yuki. Yuki: Uy, Kuya. Dito sa maleta nakalagay ang mga item for my online selling business. Syempre kahit nagbabakasyon ako ay dapat kumikitang kabuhayan pa rin. Tumawa naman si Ian at binuhat na ang malaking bag. Ian: Oo nga pala. May pinagbilinan ka ba ng bahay natin? Lumakad na sina Ian at Yuki papasok ng gate ng bahay. Habang isinasarado ni Ian ang gate ay nagsalita si Yuki. Yuki: Naaalala mo ba si Mang Teban? Siya na muna ang titingin-tingin sa bahay ng mga magulang natin habang nagbabakasyon ako. Si Mang Teban ang dating katiwala ng mga magulang ni Ian noong nabubuhay pa ang mga ito. Muli na namang naalala ni Ian ang mga magulang at ang dati niyang buhay na basta na lamang niya iniwan dahil sa mga masasaklap na kaganapan sa buhay niya noon. Isang parte iyon ng buhay ni Ian na hindi niya kailanman ikinuwento sa asawang si Rannicia rahil hindi niya alam kung matatanggap siya nito oras na malaman nito ang mga nagawa niya rati. Kaya hindi rin alam ni Rannicia ang tungkol sa maalwang buhay niya kasama ang mga magulang at kapatid noon. Ang alam lang ni Rannicia at ng kanyang mga biyenan ay isa siyang High School dropout na maraming ginawang kalokohan noon kaya nahinto sa pag-aaral. Kaya hindi siya nagustuhan ng biyenang babae ay dahil sa pagiging High School dropout niya. Kung malalaman ng biyenang babae ni Ian ang totoong dahilan kung bakit huminto siya sa pag-aaral ay baka isumpa pa siya nito at maging si Rannicia na kanyang asawa ay baka pagsisihang pinakasalan siya. Papasok na sana si Yuki sa loob ng bahay ng mag-asawang Ian at Rannicia nang biglang bumukas ang main entrance door at lumabas roon ang hipag na si Rannicia habang karga-karga nito ang anak na si baby Levi. Rannicia: Oh, wow! Yuki! Nice to see you again! Yuki: Ate Rannicia! Baby Levi! Masayang lumapit si Yuki kay Rannicia at basta na lang iniwan ang bitbit na maleta. Hinagkan ito sa pisngi. Pagkatapos ay kinintalan ng halik ang noo ng pamangkin. Yuki: Kumusta na, Ate Rannicia? Tuwang-tuwa si Yuki na makita ang hipag. Gustung-gusto nito si Rannicia para sa kapatid dahil ito ang isa sa mga naging dahilan kaya inayos ng Kuya Ian nito ang buhay nito. Rannicia: I know! Halika sa loob. Marami akong ikukwento sa 'yo. Pumasok na sa loob ng bahay sina Rannicia at Yuki kasama si baby Levi. Yuki: Naku, Ate Rannicia. Chika mo lang 'yan. Magtatagal ako rito kaya marami tayong mapagkukwentuhan. Nang makita ni Ian na masayang nagkukwentuhan ang kanyang asawa at kapatid kasama ang kanyang anak ay napuno ng saya ang kanyang puso. Sana laging ganito. Sana ay tuluyan na niyang makalimutan ang nakaraan. Nakangiting umiling si Ian nang makita ang maleta ng kapatid na basta na lang nitong iniwan pagkakita sa hipag at pamangkin nito. Bitbit sa kanang kamay ang malaking bag ng kapatid ay binitbit naman niya ang maleta gamit ang kanyang kaliwang kamay. Pagkatapos ay pumasok na rin sa loob ng bahay at marahang sinipa pasara ang main entrance door. ---------- Natatawa si Michelle sa kaibigang si Vina habang nagpapa-autograph ito sa idol nitong si Yessa na siyang nagmamay-ari ng bakeshop kung saan sila kumakain ng breakfast ngayon. Sumusulat ng dedication si Yessa sa hawak na box of cookies ni Vina na binili nito kanina kasabay ng breakfast nila. Vina: Grabe, Miss Yessa. Sobrang ganda niyo po sa personal. Kung maganda na po kayo sa mga food magazine na nagfi-feature sa bakeshop niyo, mas sobrang ganda niyo pa po sa personal. Pina-follow ko po lahat ng social media accounts niyo pati social media accounts ng Yessa's Sweets Shop. Nire-recommend ko na rin po sa iba kong friends itong bakeshop niyo. Sobrang sarap po ng mga ino-offer niyo rito. Lalong-lalo na 'yong doughnuts. Ngumiti naman si Yessa at nagpasalamat. Yessa: Why, thank you. Glad to hear that. I hope mas dumalas ang pagpunta niyo rito, Vina. Sumulyap si Yessa kay Michelle at ngumiti. Ngumiti namang pabalik si Michelle dito. Vina: Syempre naman po, Miss Yessa. Natutuwa talaga akong nakita ko po kayo rito ngayon. Kasi hindi ko po ito in-expect. Weekend ngayon kaya hindi ako umasang makikita ko ang idol ko ngayon. Kitang-kita sa mga mata ni Vina ang galak nang makita ang idolo nitong si Yessa sa personal. Nagkibit-balikat si Yessa. Yessa: Well, maraming order ngayon kaya isu-supervise ko 'yong delivery boy namin. The guy over there. Hinayon ng mga mata ni Yessa ang lalaking nakatayo sa isang gilid at chini-check ang mga order para sa araw na iyon. Nabasa ni Vina na Marcus ang pangalan ng lalaki sa nameplate na nakakabit sa uniform nito. Vina: Ay, Miss Yessa! Yummy! Pwede bang siya na rin ang i-serve next time? Matamis na ngumiti lang si Yessa. Yessa: Okay, I have to go. It's going to be a long day. Nice meeting you again, Vina. Enjoy your meal. Muling sumulyap si Yessa kay Michelle at tumango naman si Michelle dito. Nang nakaupo na ulit si Vina ay kilig na kilig pa rin ito rahil sa nakita na nito ang idolo at nakapagpa-autograph pa. Vina: Someday magkakaroon din ako ng sarili kong bakeshop, Michelle. Ngumiti si Michelle sa kaibigan. Michelle: Why not? Hindi masama ang mangarap. Dito sa Yessa's Sweets Shop naisipan nina Michelle at Vina na magkita at mag-breakfast. Dating katrabaho ni Michelle si Vina sa company ng kanyang Tita Melba. Naging malapit sila sa isa't isa at naging tunay na magkaibigan kahit na sandaling panahon lang siya nagtrabaho sa company ng kanyang tita. Alam nina Michelle at Vina ang lahat ng tungkol sa isa't isa. Alam ni Vina ang planong paghihiganti ni Michelle sa taong nagmamay-ari ng company na pinagtatrabahuan nito. At alam ni Michelle ang pagiging mistress ni Vina ng isang mayamang lalaki. Vina: Oh, bakit ka ba nakipagkita ngayon? Nakataas ang isang kilay ni Vina kay Michelle. Ngumisi naman si Michelle. Michelle: Gusto kong hindi sumabay ng breakfast doon sa mag-asawa para isipin ni Ian na talagang iniiwasan ko siya. Para mas believable ang acting ko. Tumawa naman si Vina nang marinig ang sinabing iyon ni Michelle bago sumubo ng isang kutsarang apple pie na nasa harapan nito. Vina: Girl, feeling ko mas effective 'yang tactic mo ngayon. Nakangiting tumango si Michelle. Michelle: I know. At kaya nakipagkita rin ako sa 'yo ay para i-level up ang seduction ko kay Ian. Hindi pwedeng magpatumpik-tumpik ako sa aking mga plano. Napakunot naman ang noo ni Vina. Vina: What do you mean? Matamis na ngumiti muna si Michelle bago nagsalita. Michelle: Makikipag-close ka roon sa kaibigan ni Ian na nagtatrabaho sa kanyang talyer. Si Denver. Gusto kong akitin mo 'yong kaibigan niya at wala naman akong duda na magagawa mong maakit ang kanyang kaibigan. Mas lalong kumunot ang noo ni Vina. Vina: Oh, tapos? Anong magiging pakinabang niyon sa iyo? Isang mala-demonyong ngisi ang sumilay sa mga labi ni Michelle. Michelle: Malalaman mo rin. Just do what I say. ---------- to be continued...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD