Tahimik ang mansyon kapag gabi. Hindi katulad sa baryo kung saan kuliglig, aso, at tawanan ng mga kapitbahay ang maririnig. Dito, kakaiba ang katahimikan—mas organisado, halos may sariling ritmo. Ang mga yabag ng kasambahay sa pasilyo, mahihinang kaluskos ng kurtina, at tunog ng pinggan mula sa kusina.
Nasa likod ako at tinutulungan si Nanay at Manang Belen mag-ayos para sa hapunan. Ang bango ng amoy ng nilagang baka na niluto kanina pa, hinaluan ng bango ng bagong saing na kanin at alak na inilabas para sa mesa.
“Aya, dalhin mo itong pitsel ng tubig sa dining,” utos ni Nanay.
Hindi siya tumitingin dahil abala sa paghanda ng dessert.
“Po? Ako?” napatigil ako, hawak pa ang basang kamay galing sa paghuhugas.
“Oo. Diretso lang, ilapag mo sa dulo ng mesa. Pagkatapos ay bumalik ka agad.”
Huminga ako nang malalim sak pinunasan ang mga kamay bago kinuha ang pitsel. Medyo mabigat 'yon, pero kaya. Bago lumabas ay sinilip ko pa ang sarili ko sa repleksyon ng kabinet, inayos ang buhok na may mga tumatakas na hibla.
Pagbukas ko ng malalaking double doors at sinalubong agad ako ng lamig sa dining hall. Mahaba ang mesa, nakaupo roon ang pamilya.
Sa gitna ay si Don Alfredo Madriaga. Tuwid ang likod sa pagkakaupo, parang isang guro sa unibersidad na hindi kailangang magsalita para maramdaman ang presensya. Sa kanan niya, si Ma’am Celeste—mahinhin na humakain at may titig na parang nakikita lahat ng ayaw mong ipakita.
Nasa kabilang dulo si Ma'am Sofia na agad kumaway nang makita ako. “Aya!” bulong niya, pasimple pero masigla.
At sa tabi niya—si Sir Zed. Tahimik, ang focus nasa plato saka inabot ang baso ng tubig. Bahagya siyang sumulyap sa akin bago ibinalik ang tingin. Walang sinabi, pero sapat para maramdaman ko ang init na gumapang sa tenga ko.
Pinilit kong huwag manigas sa kinatatayuan ko.
Lumapit ako nang dahan-dahan at inilapag ang pitsel. “Magandang gabi po.”
Sandali akong tiningnan ng lahat.
“Who is this?” tanong ni Ma’am Celeste. Kalmado ang tono pero matalim ang pagkakasabi. “Do we have new help?”
Para akong binuhusan ng malamig na tubig. Hindi ko alam kung sasagot ako, pero nauna na si Sofia.
“No, Mama. This is Aya,” mabilis niyang sagot. “Anak nina Mang Ben at Aling Myrna. She helps them this summer. And she’s my friend.”
Friend. Ang gaan ng salitang iyon sa bibig niya. Parang binigyan ako ng upuan sa mesa na hindi ko naman hinihingi.
Nakangiti pa siya. “She’s really good with plants. And she draws so well. Sometimes she keeps me company in the sunroom.”
Bahagyang kumunot ang noo ni Ma'am Celeste at parang sinusukat ang sagot. Hindi siya nagsalita agad, pero ramdam ko ang bigat ng pagsusuri niya.
“She’s pretty. And young.” Walang ngiti pero hindi mo rin mahihimigan ang pagkaaliw. Mas parang obserbasyon na kailangang timbangin.
Sa gilid ay napansin kong bahagyang gumalaw si Sir Zed. Pinahid niya ang labi gamit ang table napkin, saka sumulyap nang mabilis sa banda kung nasaan ako. Isang tingin na halos hindi ko mahuli kung hindi ko lang siya binabantayan mula sa gilid ng mata.
“Ben’s daughter?” dagdag ni Don Alfredo, mababa ang boses pero malinaw. “How old are you, hija?”
“Sixteen po,” mabilis kong sagot, halos hindi humihinga.
Tumango siya at parang may kinokompyut. “So you’ll be in college soon. Do you know what course you want?”
Lalo akong kinabahan. Pero alam kong hindi pwedeng wala akong isagot. Pinilit kong tumingin kay Don.
“Agriculture po.”
Napa-“wow” si Ma’am Sofia. At si Mrs. Madriaga, lalo lang tumiim ang tingin. At ramdam ko rin na nakikinig si Sir Zed sa mabagal niyang pag-inom sa baso.
Ngumiti nang bahagya ang Don. “Agriculture? That’s rare for girls your age. Most would say business, medicine, or law.”
Huminga ako habang pilit na binubuo ang boses. “Gusto ko po kasi sanang ipakita na mahalaga ang ginagawa ng tatay ko. Na hindi lang basta trabaho ang pagiging hardinero.”
Wala agad nagsalit kaya damang dama ko ang sariling t***k ng puso ko, mabilis at malakas.
Tumango si Don Alfredo. “That’s admirable. We need more people who see value in what others overlook. Study well, and you’ll go far.”
Gumaan ang loob ko sa maliit na ngiti ni Mr. Madriaga. Pero habang gumagaan iyon, lalo namang bumibigat ang titig ni Ma’am Celeste.
“Ambitious words for someone your age,” aniya sa diretsong tono. “I hope you understand that it’s not easy,” paalala niya bago diretsong tumingin sa'kin.
Para akong natigilan. Hindi malakas ang boses niya, pero ramdam ng balat ko ang lamig ng titig. Sapat na iyon para mag-init ang pisngi ko at mapayuko.
Nagpatuloy ang hapunan. Habang nag-uusap sila tungkol sa negosyo. Tungkol sa land development sa kabilang bayan, at bagong greenhouse. I kept doing what I was told. Tahimik akong nagbuhos ng tubig sa bawat baso.
Pagdating ko kay Sir Zed, nakababa ang tingin niya. Inangat niya lang nang kaunti nang maabot ko ang baso niya.
“Thank you,” mahina niyang sabi na halos hindi narinig ng iba.
Muntik na kong mapahinto kung hindi lang muntik nang umapaw ang sinasalin ko. Tumango lang ako at nagmamadaling umatras, pero hindi ko mapigilan ang bilis ng t***k ng puso ko. Parang siya lang ang narinig ko kahit puno ng usapan ang mesa.
“Zed will handle most of the groundwork,” dagdag ng Don, diretso sa anak niya.
Tumango si Sir Zed, steady, walang sinayang na salita. Para bang natural na lang sa kanya ang responsibilidad.
“Aya,” biglang tawag ni Sofia. “You should show Mama your sketchpad sometime. She draws the garden so well.” May himig ng pagmamalaki
Halos mabitawan ko ang pitsel. “Naku, Ma’am Sofia…”
Tinapunan ko ng mabilis na tingin si Mrs. Madriaga na mukhang hindi na gustong pakinggan ang sinasabi ng anak.
Pero ngumiti lang siya. “She’s shy. But she’s really good.”
Mula sa gilid, tumingin si Sir Zed. Diretso, saglit, pero sapat para mapako ako sa kinatatayuan ko.
“If you’re serious about it,” singit niya sa mababang tono, “keep drawing. Small things become big when you do them consistently.”
Bahagyang lumambot ang boses niya, halos hindi ko inaasahan. Simple lang ang sinabi niya, pero para sa akin, ibang klase ang tama ng bawat salita.
“Th-thank you,” bulong ko, halos hindi marinig.
Napansin ko si Mrs. Madriaga na bumaling kay Sir Zed bago muling tinapunan ako ng tingin na waring gustong iparating na makakaalis na ko.
Kaya pagbalik ko sa kusina, agad kong ibinaba ang pitsel. Sila Nanay at Manang Belen parehong nakatingin na parang hinihintay ang balita.
“Buhay ka pa,” biro ni Manang at bahagyang natawa pa.
“Anong nangyari?” simpleng tanong ni Nanay.
“Wala po. Nilagyan ko lang ng tubig,” kunwaring sagot ko.
Pero sa loob-loob ko, malinaw pa rin ang lahat. Yung paraan ng tingin ni Ma’am Celeste—parang kutsilyong dumudulas sa balat. At yung tahimik pero malamlam na titig ni Sir Zed, na parang hindi ko alam kung iniintindi niya ako o sinusukat.
Habang nakahiga ako at hawak ang sketchpad na hindi ko nagamit buong araw. Binuksan ko 'yon at tiningnan ang guhit ko ng kalachuchi. Naalala ko ang sinabi ni Don Alfredo. At ang mas simpleng linya ni Zed.
You'll go far.
Keep drawing.
Napangiti ako nang bahagya pero hindi ko alam kung bakit. Siguro dahil sa kakaibang pakiramdam na marinig na may halaga ang isang bagay na mahalaga para sa akin.
Pero agad ding sumagi ang imahe ni Ma’am Celeste. Yung mga mata niyang mapagmasid kung tumingin. Kita ang pagiging kalmado, pero kayang pumutol ng kahit anong pangarap sa isang salita.
At doon ko lang naisip na baka mali na napansin ako ng pamilya nila. Ang liit ng mundo ko, at ang laki ng sa kanila. Baka mas ligtas kung invisible na lang ako.
Pero paano ako magtatago kung mismong pangalan ko ay narinig ko mula sa labi ni Sir Zed?
Pinikit ko ang mga mata saka niyakap ang sketchpad. Hindi ko pa alam kung saan hahantong ang lahat, pero isa lang ang malinaw—hindi ko makakalimutan ang unang gabi na nakaharap ko sila, lahat, sa iisang mesa.