"Na-kakonsensya ako sa nangyari. Paano na lang kung malaman ni Zharalyn? Paano na lang…!" bulong ni Rhazalyn sa sarili.
Ayaw niyang magalit ang kapatid sa kanya; baka maging delikado pa ito para sa kalusugan ni Zharalyn dahil may sakit ito. Hindi niya ginusto ang nangyari; wala siyang kamalay-malay na uuwi pala ang asawa nito.
"Grrrrr…! Tanga mo, self! Sana hindi na lang ako uminom ng sleeping pills," pag-aalburuto niya. Pero alam niyang hindi siya makakatulog nang wala iyon. Sinisisi niya ang kanilang mga magulang—kung tinatrato lang sana siya ng mga ito bilang tao, hindi siya magkakaganito.
Ang lahat ng nangyari ay nag-iwan ng sugat sa kanyang pagkatao. Pakiramdam niya ay isa lamang siyang hangin; lalampasan lang siya ng kanyang mga magulang o kaya ay ang kambal niya lang ang kakausapin. Hindi siya itinuring na pamilya—kahit sana katulong na lang, pero wala. Si Zharalyn lang ang tanging kakampi niya sa lahat.
"Ano ba ang pamilya?" tanong niya sa sarili habang nakatingin sa malayo.
Ayaw na niyang mag-isip ng masama kaya itinuon na lamang niya ang atensyon sa kambal. "Paano kung mag-bonding kami? Papayagan kaya siya?" Naisipan niyang tawagan ito.
"Hello, kapatid? Busy ka ba? Pasyal tayo sa Batangas, tayong dalawa lang. Ano, game?"
"Hi, kapatid! Hindi naman," tugon ni Zharalyn sa kabilang linya. "Sige, paalam lang ako, tapos update kita."
Maaga pa lamang ay gising na ang magkambal na sina Rhazalyn at Zharalyn. Sabik na sabik silang magtungo sa dalampasigan ng Nasugbu, Batangas. Taon-taon, tuwing sasapit ang kanilang kaarawan, ay dinadala sila ng kanilang Manang sa lugar na iyon upang magdiwang.
Sa wakas, nakarating din sila. Sinalubong sila ng malawak na dagat at mainit na sikat ng araw. Agad silang nagbihis at tumakbo patungo sa tubig.
"Ang lamig ng tubig, Rhazalyn!" wika ni Zharalyn habang nagtatampisaw.
"Oo nga! Tara, maglangoy tayo!" yaya naman ni Rhazalyn.
Buong araw silang naglaro at hindi alintana ang init dahil sa labis na kasiyahan. Nang sumapit ang hapon, nilantakan nila ang kanilang paboritong pagkain: inihaw na liempo, pritong manok, at sariwang mangga. Matapos kumain, nagpahinga sila sa ilalim ng puno ng niyog habang pinagmamasdan ang papalubog na araw.
"Ang ganda-ganda talaga rito sa Nasugbu," wika ni Rhazalyn.
"Oo nga. Sana lagi tayong makapunta rito," sagot ni Zharalyn.
Kinabukasan, matapos ang masarap na almusal ng pandesal at tsokolate, nagpasya silang galugarin ang isang bahagi ng dalampasigan na hindi pa nila napupuntahan. Nabalitaan nila sa mga lokal na may isang kuweba malapit sa mga batuhan na puno raw ng mga kakaibang bato at halaman.
"Rhazalyn, tara na! Gusto ko nang makita ang kuweba," excited na sabi ni Zharalyn.
"Sige, pero mag-ingat tayo, ha? Baka mapahamak tayo," paalala ni Rhazalyn, na laging maingat.
Nang makapasok sila sa kuweba, bumungad ang isang madilim at malamig na lugar. Ginamit nila ang kanilang mga cellphone bilang ilaw. Nakakita sila ng mga makikintab at matutulis na bato.
"Ang ganda! Parang mga brilyante," manghang sabi ni Zharalyn.
Habang lumalalim sila, nakarinig sila ng agos ng tubig. Sinundan nila ito hanggang sa makita ang isang maliit na talon na bumabagsak sa isang natural na pool. Napakalinaw ng tubig at may mga makukulay na isda sa ilalim.
"Wow! Hindi ko akalain na may ganito kagandang lugar sa loob," ani Rhazalyn. Nagpahinga sila sa tabi ng talon, ninanamnam ang kapayapaan ng kalikasan.
Sa ikatlong araw, naglakad-lakad sila sa kakahuyan. Nakakita sila ng isang napakalaking puno na ang mga ugat ay halos nakalabas na sa lupa. Sa balat ng puno, may nakitang ukit si Zharalyn.
"Rhazalyn, may nakasulat dito!"
Lumapit si Rhazalyn at binasa ang ukit: "Huwag kalimutan ang nakaraan, upang maunawaan ang kasalukuyan, at maharap ang hinaharap."
Isang matandang lalaki na naka-barong Tagalog ang lumapit sa kanila. "Ang punong ito ay tinatawag na 'Puno ng Buhay.' Sinasabi na ang sinumang umupo rito at magbasa ng nakasulat ay magkakaroon ng karunungan at pag-unawa," paliwanag ng matanda.
Marami pang ikinuwento ang matanda tungkol sa kasaysayan ng bayan. Bago ito umalis, nag-iwan ito ng paalala: "Ang buhay ay kayamanan at karunungan na hindi mananakaw ninuman."
Naiwan ang magkambal na nag-iisip. "Sana maunawaan ni Rhazalyn kung bakit ako naglihim sa kanya," tahimik na panalangin ni Zharalyn sa kanyang isip.
Sa huling araw, nataon na may pista sa bayan. Sa tulong ng kanilang kaibigan na si Marie Chua, nakisali sila sa saya. Puno ng banderitas ang kalsada at amoy ng mga kakanin tulad ng bibingka at puto bumbong ang humahalimuyak.
"Ang saya-saya rito, Rhazalyn!" tuwang-tuwang sabi ni Zharalyn habang kumakain sila ng bibingka. Nanuod sila ng parada, bumili ng mga souvenir, at nakinig sa mga pagtatanghal sa plasa hanggang magtakip-silim.
Kinabukasan, habang nag-e-empake, naramdaman nila ang lungkot at saya.
"Rhazalyn, inaayos ko na ang mga gamit natin. Baka may maiwan pa tayo," sabi ni Zharalyn.
"Sige, kambal. Tutulong na rin ako," sagot ni Rhazalyn.
Nagpaalam sila sa dagat bago sumakay sa sasakyan. "Paalam, dagat. Salamat sa mga masasayang alaala," sabi ni Zharalyn.
Habang nasa biyahe pabalik, napagtanto nila na kahit gaano pa kasarap ang bakasyon, wala pa ring papantay sa pakiramdam ng pagiging malapit sa isa't isa. Ang suporta ng bawat isa ang kanilang tunay na tahanan.
Hindi na sinagot ni Rhazalyn ang kanyang kambal. Sa halip, hinalikan niya ito sa noo—isang tahimik na pangako ng pagmamahal bago sila tuluyang makabalik sa realidad ng kanilang buhay.