9

1327 Words
WALANG ideya si Princess Grace kung gaano siya katagal na naidlip pero nagising siya na nananakit ang buong katawan. Parang sumisigid sa buto niya ang nararamdamang ginaw. Nang pagmasdan niya ang paligid ay malakas pa rin ang ulan pero hindi na kasinlakas ng bago siya nakatulog. “Lyndon,” tawag niya sa nobyong tulog pa rin nang mga sandaling iyon. Iyon lang ang salitang lumabas sa kanyang bibig. Nananakit kasi ang lalamunan niya. Naalimpungatan ito. Kumunot pa ang noo bago parang nagulat. “Prin, bakit?” “Ginaw na ginaw ako.” Tinitigan siya nito habang parang nag-iisip ng dapat gawin. “Mamasa-masa pa rin itong damit ko na maipapandoble mo sana sa suot mo. Kung yayakapin kita, hindi ka ba magagalit?” Nagbuka si Princess Grace ng mga labi pero bago pa siya makapagsalita ay ininda na niya ang p*******t ng lalamunan. Kaya umiling na lang siya. Sumiksik si Lyndon sa tabi niya at saka siya niyakap. Hinapit siya nito. Totoong nakabawas sa nararamdaman niyang ginaw ang ginawa nito. Pero may palagay siya na hindi maganda ang lagay ng katawan niya. Parang pati ang mga buto niya ay nilalamig na rin. “Nanginginig ka, Prin,” pabulong na sabi nito. “H-hindi ko mapigilan,” sabi niya. “Ang sama-sama ng pakiramdam ko.” Hinigpitan pa ni Lyndon ang pagkakayakap sa kanya. Siya naman ay kusang isiniksik ang katawan dito. Malaking bagay sa kanya ang madama ang natural na init ng katawan ng binata. Kahit hindi niyon ganap na mapapawi ang nararamdaman niyang ginaw, ang pagiging sobrang lapit nila sa isa’t isa ay nakakabawas naman sa gumagapang na takot niya. Bihirang magkasakit si Princess Grace, pero kapag nangyayari naman iyon ay sinasabayan ng atake ng nerbiyos. Dahil iyon sa pagkakasakit niya noong bata pa siya. Na-trauma siya nang saksakan siya ng iba’t ibang aparato dahil sa sobrang taas ng kanyang lagnat na nauwi sa iba’t ibang komplikasyon. Mula noon, kapag nagkakasakit siya ay ninenerbiyos na rin siya. “Relax, honey. Walang masamang mangyayari sa iyo,” alo nito sa kanya. “Hindi na masyadong malakas ang ulan. Patila na rin siguro iyan. Pupunta ako sa pinakamalapit na puwedeng mahingan ng tulong.” “Nang ganitong dis-oras ng gabi? Baka mura pa ang abutin mo, Lyndon.” “Kaysa naman magkasakit ka nang tuluyan, Prin.” Umiling siya. “Yakapin mo na lang ako. Kahit paano ay gumiginhawa ang pakiramdam ko kapag yakap mo ako.” “Sure, honey,” malambing na sagot nito, saka lalong hinigpitan ang pagyakap sa kanya. “Subukan mong matulog, Prin. Kahit hindi ka gaanong maging komportable sa ganitong posisyon, subukan mong matulog. Makakatulong din iyon para gumaan ang pakiramdam mo. Siyempre, nakakadagdag ng sama ng pakiramdam itong sitwasyon natin. Humilig ka lang sa balikat ko. Wala kang dapat ipag-alala. Hindi kita iiwan.” Palibhasa ay nakayakap na rin siya kay Lyndon kaya nararamdaman na rin niya ang antok. NAGISING si Princess Grace nang nangangalay ang leeg. Nang kumilos ay nagulat pa siya nang makitang nakatitig sa kanya si Lyndon. “Good morning!” malambing na bati nito. “Akala ko, hindi ka pa magigising, eh.” “Kanina ka pa nakatingin sa akin?” tanong niya na biglang na-conscious. Hinagod niya ng mga kamay ang buhok at natuklasang nanlalagkit na iyon. Siguro ay dahil sa pagkakabasa niyon sa ulan nang nagdaang gabi. Marami pa namang in-spray doon sa spray net. “Hindi naman. Iniisip ko lang kung puwede kang magising sa pamamagitan ng tingin. Puwede pala,” nakangiting sabi nito. “Anong oras na ba? Hindi na pala umuulan.” “Alas-kuwatro nang madaling-araw. Katitila lang ng ulan. Pero sa tingin ko, hindi na uulan uli. Sobra naman kung uulan pa. Ilang oras ding walang tigil ang ulan. Prin, kaya mo na bang maglakad? Baka sakaling may biyahe na ng tricycle nang ganito kaaga.” “Kakayanin kong maglakad, Lyndon, kahit parang nanlalambot ako. Gusto ko na ring makauwi.” Tumango ito at inalalayan pa siya sa pagtayo. Pagdating nila sa kalsada ay wala pa ring gaanong nagdadaang sasakyan. Ilang sandali na silang nakatayo roon nang matanaw nila ang paparating na tricycle. “Sana’y walang laman nang makasakay na tayo,” sabi nito. “May naisip ako, Lyndon. Kung arkilahin na natin ang tricycle? Sumaglit tayo sa inyo dahil siguradong nag-aalala na rin ang nanay mo.” “Naisip ko nga rin iyon pero alam kong mas nag-aalala ang mga magulang mo, Princess.” “Mas malapit tayo sa bahay ninyo. Kahit magpakita lang tayo para hindi na mag-alala ang nanay mo,” giit niya. Tinitigan siya nito. “Aaminin ko sa iyo, gusto ko ngang gawin iyan. Pero kung papayag ako, lalong matatagalan ang paghahatid ko sa iyo.” “Aaminin ko rin sa iyo, natatakot akong umuwi. Hindi mo pa nakita kung paano magalit ang papa ko. Sa nangyari ngayon, himala na lang na hindi siya magalit.” “May naisip ako, Princess. Kung isama kaya natin ang nanay ko sa paghahatid sa iyo? Makakatulong siya sa atin para magpaliwanag sa papa mo.” “Sige,” sang-ayon agad niya. Nang hintuan sila ng tricycle ay nagpahatid sila sa bahay nina Lyndon. At nang malapit na sila roon, pakiramdam niya ay gustong umahon ng kanyang puso sa bilis ng t***k niyon. Kilala niya ang owner-type jeep nila. At walang dudang ang kanilang sasakyan ang nakaparada sa tapat ng bahay nina Lyndon. “Nandiyan si Papa,” kinakabahan niyang sabi. Bahagya lang tumango si Lyndon. Nabasa rin niya sa mukha nito ang pagkatensiyon. Kumapit si Princess Grace sa bisig ng boyfriend. Inabot naman nito ang kanyang kamay ay pinisil. “Hindi natin sinadya ang nangyari, Princess. Wala tayong dapat na ikatakot. Isa pa, wala naman tayong masamang ginawa.” “Pero—” Hindi na niya nagawang dugtungan pa ang sasabihin dahil huminto na ang tricycle sa mismong likuran ng owner-type jeep. Iniabot na ni Lyndon sa driver ang pamasahe nila. Bumaba na sila ng tricycle, pero parang walang puwersa ang mga binti niya upang humakbang. “Princess,” banayad na tawag nito sa kanya. Naramdaman niya ang pag-udyok nito na sumabay siya sa paghakbang nito. Nasa tarangkahan pa lang sina Princess Grace at Lyndon ay nakita na ni Princess Grace na palabas na ng bahay nina Lyndon ang kanyang mga magulang. Lalo siyang inatake ng takot. Walang dudang galit ang nasa mukha ng kanyang ama. Nakahawak naman dito ang mama niya na halatang nag-aalala. Nasa likuran ng kanyang mga magulang ang nanay ni Lyndon. Mababakas din ang pag-aalala sa mukha nito. “Saan kayo nanggaling?” sita agad ng papa ni Princess Grace. “David, huwag dito sa kalsada. Makakabulahaw tayo sa mga kapitbahay,” saway ng mama niya. “Mga anak, pumasok kayo,” sabi ni Aling Merlina sa malumanay na tinig. “Doon tayo sa loob mag-usap.” Gustuhin man nilang humakbang ay parang gusto naman ng papa ni Princess Grace na harangan ang daan. Nakakatakot ang galit na nasa mukha nito. “Sige na, David, doon na lang tayo sa loob. Tama si Merlina, sa loob natin pag-usapan anuman ang dapat na pag-usapan,” sabi ng mama niya. Hinila na nito ang asawa pabalik sa loob ng bahay. Pero bago tuluyang sumunod ay isang matalim na tingin muna ang iniwan ng papa ni Princess Grace sa kanila ni Lyndon. Sinalubong naman sila ni Aling Merlina. “Basa kayo. Saan ba kayo nanggaling?” nag-aalalang tanong nito. “Magpapaliwanag kami, `Nay,” sagot ni Lyndon. “Kanina pa po ba nandiyan sina Mama at Papa?” tanong ni Princess Grace. “Nanggaling sila rito kagabi. Nang malamang wala kayo ay umalis din sila. Ngayong umaga sila bumalik. Hindi ko sila masisisi sa nagiging kilos nila ngayon,” sagot ni Aling Merlina. “Diyos ko, mga anak, hindi ako nakatulog sa pag-aalala. Ano ba ang nangyari sa inyo?” “Magpapaliwanag kami, `Nay,” sagot ni Lyndon. “Sa harap na rin ng mga magulang ni Princess.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD