Nakangiti akong inaawit ang mga awitin ng April Boys. Hindi ko alam pero ang gaan ng pakiramdam ko ngayon. Paano kasi, malapit na makapasok sila Hanz sa Record Rocks Company.
Isang Linggo na ang nakalipas mula noong huli kaming magkita at hindi pa ulit iyon nauulit dahil nga busy sila. Naiintindihan ko naman ‘yon kaya hindi ko siya inaabala kahit pa sobrang miss ko na siya. Madalas ko lang siyang kumustahin sa pamamagitan ng text pero hindi ako tumatawag. Doon naman ay kontento na ako.
Sa April 12 ay birthday ko na. Doon na lang siguro kami babawi ni Hanz sa isa’t isa.
Tiningala ko ang kalangitan at napansin kong nag-aagaw na ang kulay kahel at asul nito. Tumalon ako mula sa puno na inuupuan ko para umuwi. Tiyak kong magagalit na naman si Tiyang Luisa kung wala na naman siyang madatnan na pagkain.
Pagdating ko sa bahay napansin kong bukas ang bintana ng kuwarto ko at nakita ko roon si Tiyo Rudy, hawak niya ang alkansiya ng ipon ko.
“Tiyo!” sigaw ko at kumaripas ng takbo. Nadatnan ko siyang hawak na ang pera ko.
“Tiyo, pera ko po iyan. Pang-aral ko po ‘yan,” sambit ko pero parang bingi ito. Binitiwan niya ang alkansiya ko at tinalikuran ako pero agad ko siyang pinigilan.
“Akin po ‘yan! Pinaghirapan ko po iyan para sa pag-aaral ko!” sigaw ko.
Dahil malapit ako sa kaniya ay naamoy ko ang alak sa kaniya. Hindi siya nagsalita, bagkus tiningnan niya lang ang kamay kong nakahawak sa braso niya at naglakbay pa ang tingin niya sa katawan ko. Napabitaw at napaatras ako dahil sa paraan ng tingin at ngisi niya.
“Ngayon ko lang napansin na makinis ka pala kapag malapitan at kapag ganitong solo lang kitang kasama,” sambit niya at hinaplos ang braso ko. Nakaramdam ako ng takot sa kilos at titig niya sa akin kaya itinulak ko siya at akmang tatakbo na pero nahablot niya ang braso ko.
“Bitawan ninyo po ako. Isusumbong ko kayo kay T-Tiyang . . .” Nanginig ang boses ko.
“Bakit? Titikman lang naman kita. At isa pa, sa tingin mo paniniwalaan ka niya?” tanong niya at doon ay nawalan ako ng pag-asa. Kailan nga ba ako pinaniwalaan ni Tiyang?
“Nakita mo na? Alam mo sa sarili mo na hindi ka niya paniniwalaan—” Hindi ko siya pinatapos at malakas ko siyang itinulak. Aalis ako rito kaysa sirain niya ang buhay at pangarap ko.
“Talagang matigas ang ulo mo, Raia!” Nanginig ako nang marinig boses niya kaya nadulas at napilayan pa ako.
“Huwag ka na magtangkang tumakas, Raia. Pagbigyan mo na lang ako at sisuguraduhin kong hindi ka na masasaktan ni Luisa,” sambit niya pero umiling ako. Pahiga akong umaatras papuntang kusina palapit sa mesa habang umiiyak.
“Sandali lang naman, Raia. Huwag lang tayo magpaabot kay—”
“Tulong! Tulungan ninyo ako! Baba—” siyang nakalapit sa akin at tinakpan ang bibig ko.
“Gaga ka talagang bata ka. Talagang sinasagad mo pasensya ko,” sambit niya at pumaibabaw sa akin. Sinikmuraan niya ako kaya nanlambot ako, isinubo rin niya sa bibig ko ang bungkos ng perang hawak niya.
Ngumisi lang si Tiyo at dahan-dahan nang naghuhubad ng short. Tanging pag-iyak lang ang nagagawa ko nang makita ko ang isang kutsilyo sa ilalim ng mesa.
“Titikman lang kita bago ka pa magkaroon ng tiyansang umalis dito,” wika niya at hinalikan ako sa leeg ko. Kahit nandidiri ako ay hinayaan ko siya roon habang inaabot ang kutsilyo. Sinira niya ang damit ko sa bandang dibdib at unti-unti nang bumaba ang halik niya. Kaya binigay ko ang lakas ko para maabot ang kutsilyo at mabilis ko iyong itinarak sa tagiliran ni Tiyo.
Napatigil siya sa ginagawa niya kaya nagkaroon ako ng tiyansang makaatras at makatayo. Kumuha ulit ako ng kutsilyo habang pinagmamasdan siyang nanghihina sa lapag.
“Tulong, Raia. D-dalhin mo ako sa ospital,” wika niya. Hindi ko iyon pinansin at tumakbo paalis doon pero mabilis niya akong nahawakan sa paa kaya nadapa ako.
“Akala mo talaga matatakasan mo ako kahit ganito ako?” sambit niya. Pilit kong tinutulak ng paa ko ang kamay niya pero nahatak niya ako. Napaharap ako kaya napahiga ako at muli siyang umibabaw sa akin.
“Papatayin kita! Hayop kang bata ka, papatayin mo pa ako—”
Dahan-dahan siyang bumagsak sa dibdib ko nang isaksak ko sa dibdib niya diretso sa puso ang kutsilyo. Nabitawan ko ang kutsilyong nakatarak sa kaniya at tumayo habang nanginginig akong nakatitig kay Tito.
“H-hindi ko sinasadya. Ipinagtanggol ko lang ang sarili ko,” bulong ko habang nakatingin kay Tito Rudy na wala ng buhay.
“Raia! Nagluto ka na—Rudy?” Mabilis na nilapitan ni Tiyang Luisa si Tito Rudy.
“Ano’ng ginawa mo sa asawa ko, Raia?”
“T-tinangka niya akong gahasain Tiyang. P-pinatanggol ko lang po ang sarili ko,” wika ko at nilingon si Tita.
“Hayop ka! Pinatay mo ang asawa ko. Gagawa ka pa ng kuwento. Malandi ka!” sigaw ni Tiyang at sinugod ako ng sabunot.
“Aray ko po, Tiyang! Totoo po ang sinasabi ko—” Sinampal niya ako at tumagilid ang mukha ko sa lakas ng sampal niya.
“Hayop ka! Mabubulok ka sa kulungan!” sigaw niya.
May mga ilang tao na rin ang nagsilapitan at tumingin sa amin. Napansin ko rin ang isang kumare ni Tiyang na sinenyasan niya. Kumaripas iyon ng takbo. Hindi ko alam kung saan siya pupunta pero natatakot ako sa puwedeng mangyari.
Malakas akong itinulak ni Tiyang sa kumpol na nakikiusyoso. “Hawakan ninyo ‘yan at baka tumakas!”
Muling dinaluhan ni Tiyang ang asawa niyang wala ng buhay habang umiiyak. Tiningnan ko ang mga taong nakatingin sa akin. Mga tingin na puno ng takot at panghuhusga na parang sobrang sama kong tao.
Napalingon ako nang makarinig ako ng tunog nang paparating na pulis. Gustuhin ko mang tumayo para idepensa ang sarili ay hindi ko na magawa.
“Pinatay ng batang ‘yan ang asawa ko! Hulihin ninyo ‘yan at ikulong!” sigaw ni Tiyang. Ngunit umiling ako.
“Wala p-po akong kasalanan,” sambit ko. Mabilis akong nilapitan ni Tiyang at sinampal ulit pero agad din siyang pinigilan ng mga pulis.
“Itatanggi mo pa? Makukulong ka! Sisiguraduhin ko ‘yan. Gagawin ko lahat para lang mabulok ka sa kulungan! Dalhin ninyo na ‘yan!”
Umiiling ako habang dahan-dahan akong inaakay ng mga pulis. “W-wala po akong kasalanan.”
“Sa presinto ka na magpaliwanag, hija. May karapatan kang manahimik. Kumuha ng sariling abogado at kung wala kang kakayahan ay gobyerno ang magbibigay sa ‘yo,” sambit ng pulis. Sa puntong iyon ay napuno nang takot ang dibdib ko.
Mali ba ako dahil ipinagtanggol ko ang sarili ko?
Mali ba ang ginawa ko?
Hindi ko naman siya sinadyang patayin. Natakot lang akong masira ang buhay at pangarap ko, pero sa nangyayari ngayon ay mas masisira pala ang buhay ko kapag nakulong ako. Ngunit wala akong kasalanan. Paano ko ipagtatanggol ang sarili ko?
Pumatak ang luha ko habang dahan-dahang umaandar ang mobil papunta sa presinto. Sa puntong ito, wala akong ibang kailangan ngayon kung hindi si Hanz. Mabuti na lamang at naibulsa ko ang aking cellphone bago ako isinama ng mga pulis. Mabilis ko itong kinuha para i-text si Hanz. Sa ngayon, siya na lang ang mahihingian ko ng tulong. Magsisimula na sana akong mag-type ng isang text ang natanggap ko.
Text message from: Hanz
Rai, pasok na kami sa Record Rocks! Pagpirma na lang ng kontrata at magsisimula na kaming mag-record. Kita tayo pag-uwi ko, mamamasyal tayo. Babawi na rin ako sa ‘yo sa ilang araw na hindi tayo magkasama.
Pumatak ang luha ko sa screen ng cellphone ko kasabay ng ngiti sa labi ko. Dahil doon ay umatras ang pag-text ko para humingi ng tulong. Hindi ko kayang sirain ang gabing ito para sa kaniya.
Text message to: Hanz
Ang galing! Congrats sa inyo. Unti-unti nang matutupad ang pangarap mo. Masaya ako para sa ‘yo!
Pinindot ko ang send at agad ko na rin itinago ang cellphone ko. Niyakap ko ang aking sarili upang aluhin mag-isa dahil walang ibang gagawa nito para sa akin.