Nianna's POV
Pagkatapos ng trabaho, eksatong 5pm, inabangan nga ako ni Mara sa exit ng kumpanya. Seryoso ang mukha niya habang naglalakad patungo sa direksyon ko.
Agad niya akong sinalubong at hinawakan sa balikat. "Kaya mo pa ba?" bakas ang pag-aalala sa tanong niya.
"Kaya pa naman," pilit kong ngiti.
Pero biglang nanlaki ang mga mata ni Mara at may napansin siya sa leeg ko. "Teka... ano 'tong itinatago mo?"
Bigla akong napaatras, pero huli na. Nakita na niya ang chikinini na pilit kong itinago sa ilalim ng suot ko. "Teka, ano 'yan—"
Bago pa man niya mabanggit nang malakas ang salitang 'yun, mabilis ko nang tinakpan ang bibig niya at hinila siya papasok sa paparating na elevator.
Grabe, siksikan kami sa loob dahil ang daming sumakay na mga empleyado na pauwi na rin. Tahimik lang kaming dalawa habang hawak ko pa rin ang braso niya, natatakot na baka may makapansin sa amin.
Nang makarating kami sa ibaba, hindi muna ako dumeretso sa condo. Naglakad-lakad muna kami ni Mara sa malapit na park para makapag-usap nang masinsinan.
Doon ko unti-unting ikinuwento sa kaniya ang buong pangyayari sa buhay ko—mula sa maling pinto sa Unit 109, hanggang sa nalaman kong CEO pala si Carlo. Halos malaglag ang panga niya at hindi talaga siya makapaniwala sa mga narinig niya.
"Basta Mara, please... huwag na huwag mong ipagsasabi kahit kanino," pagsumamo ko sa kaniya habang unti-unting nang lumuluha ang mga mata ko sa tindi ng kaba at stress.
"Oo nga, hindi ko ipagsasabi! Ano ka ba naman, Nianna? Kaibigan mo ako. Kapatid na ang turing ko sa'yo, kaya safe sa akin 'to," seryoso niyang sabi, na agad namang gumaan sa pakiramdam ko.
"Kahit kay Lucas, huwag mong sasabihin, ha?" pag-uulit ko pa habang pinupunasan ang luha ko.
"Oo nga, sabi eh!" tugon niya, medyo nairita na sa paulit-ulit kong pagsumamo. "Tikom ang bibig ko, pramis."
Gabi na nang makabalik ako sa condo. Pagod na pagod ang katawan at utak ko mula sa unang araw ko bilang secretary. Bitbit ang bag ko, mabibigat ang mga hakbang na lumabas ako ng elevator sa 5th floor.
Pero bago ko pa man marating ang pinto ng Unit 108, awtomatikong bumukas ang pinto ng Unit 109.
Iniluwa niyon si Carlo. Nakabihis na siya ng simpleng itim na t-shirt at shorts, malayo sa pormal na suot niya kanina bilang CEO sa opisina. Mukhang lalabas siya para magtapon ng basura o may bibilhin.
Napatigil ako sa paglalakad. Napatigil din siya nang makita ako.
"Kakauwi mo lang?" tanong niya, mababa ang boses pero ramdam pa rin ang awtoridad.
"O-Opo, Sir..." sagot ko habang nakatitig sa sahig, pilit na naman na itinatago ang leeg ko gamit ang buhok ko.
Tumingin siya sa akin nang matagal, tila may napapansin sa reaksyon ko. Lumapit siya ng ilang hakbang kaya mas lalo akong nadikit sa pader ng hallway.
"Sino 'yung kasama mo kanina sa tapat ng elevator sa lobby?" seryoso niyang tanong. "Nakita ko kayo bago ako sumakay ng sasakyan ko. Bakit parang balisa ka at may tinatakpan sa leeg mo?"
Agad akong napalunok. Paano ko sasabihin sa kaniya na nahuli na ako ng best friend ko?
"A-Ah, si Mara po. Kaibigan ko sa marketing," pautal-utal kong sagot. "Wala naman po kaming pinag-uusapan na iba... tungkol lang po sa trabaho."
Naningkit ang mga mata ni Carlo, halatang hindi naniniwala. "Siguraduhin mo lang, Miss Torres. Dahil kapag nalaman kong nakarating ang nangyari sa atin sa ibang tao, hindi lang trabaho mo ang mawawala sa'yo."
Pagkasabi niyon ay nilagpasan niya ako nang walang lingo-lingon. Naiwan akong tulalang nakatayo sa tapat ng pinto ko, habang mabilis na naman ang kabog ng dibdib ko.
Paano na 'to? Safe nga ba talaga ang sikreto namin kay Mara?
Carlo's POV
Pagkatapos kong iwan si Nianna sa hallway, dumeretso agad ako sa elevator para bumaba sa lobby ng condo. May dumating kasi akong parcel na kailangang kunin sa front desk.
Pagkakuha ko sa package, mabilis din akong umakyat at bumalik sa loob ng unit ko.
Pero imbis na buksan ang parcel, inilapag ko lang ito sa counter at ang cellphone ko agad ang hinawakan ko. Ilang araw na akong umaasa na sasagutin ni Sophia ang mga tawag ko. Kahit alam kong busy siya, hindi ko pa rin mapigilang magbakasali.
Ilang segundo pa lang ang lumilipas nang biglang mag-ring ang phone ko. Ang pangalan niya ang lumabas sa screen.
Awtomatikong gumaan ang pakiramdam ko at napangiti ako nang malawak. Sa wakas, sinagot na rin niya.
"Hello, babe?" bungad ko sa kaniya habang abot-pisngi ang ngiti ko.
Huminga ako ng malalim, pilit na itinatago ang pananabik sa boses ko. "Ang daya mo, alam mo ba 'yun? Pinaasa mo ako. Akala ko talaga nandito ka na sa condo ko noong nag chat ka..."
Napatigil ako sandali. Muntik ko nang masabi na may ibang babaeng nakapasok sa unit ko dahil akala ko talaga ay siya na 'yun.
Agad kong binago ang ekspresyon ng mukha ko, nagpabebe at kunwaring nagtampo sa kaniya sa video call. "Akala ko talaga dumating ka na."
"Sorry, babe. Babawi ako sa'yo soon," malambing na sambit ni Sophia mula sa kabilang linya.
Pero sa hindi inaasahang pagkakataon, may isang pamilyar na boses ng lalaki ang biglang umalingawngaw sa background ng call niya.
"Hi, hon," sabi ng lalaki.
Kasunod niyon, nakita ko sa camera ang paglapit ng lalaki at ang marahas na paghalik nito kay Sophia.
Para akong napakuan sa aking kinatatayuan. Halos hindi ko maigalaw ang buong katawan ko sa tindi ng gulat at umaapoy na galit na biglang sumunog sa dibdib ko.
Natataranta namang inilayo ni Sophia ang anggulo ng camera, halatang hindi niya inaasahan na makikita ko 'yun.
"Sino 'yan, babe?!" sigaw ko, hindi ko na napigilan ang boses ko. "Bakit... bakit may kasama kang lalaki?! Are you cheating on me?!"
Hindi na siya nakasagot dahil bigla na niyang ini-end ang call.
"SHT!"
Sa tindi ng galit na hindi ko mailabas, buong lakas kong sinuntok ang lamesa sa harap ko. Pero hindi pa ako nakuntento. Humarap ako sa pader at sunod-sunod na suntok pa ang itinamod ko roon hanggang sa mamula at rumesponde ang sakit sa mga kamao ko.
Kasabay ng pagkirot ng mga kamay ko ang paglandas ng mga luha sa mukha ko. Umiiyak ako sa tindi ng galit at pagkabigo. Niloko niya ako. Lahat ng ito, pambubudol lang pala.
Akala ko pumunta siya ng Canada para mag-aral at magsumikap para sa future naming dalawa. 'Yun pala, may kinakasama na siyang ibang lalaki doon.
"Paano mo nagawa sa akin 'to, Sofia?!" sigaw ko.
Hindi ko na kaya pang manatili sa loob ng apat na sulok ng unit ko dahil nasasakal ako sa galit. Agad akong lumabas, sumakay ng elevator, at dumeretso sa bar na malapit lang dito sa condo.
Doon ko ibinuhos ang lahat ng sama ng loob ko. Sunod-sunod ang pag-order ko ng alak at uminom ako nang husto para lang manhidin ang utak ko. Habang umiikot na ang paningin ko, tinawagan ko si Marco para ayain siyang pumunta.
Buti na lang at dumating siya agad. Sa tindi ng emosyon ko, wala na akong itinira at ikinuwento ko sa kaniya ang lahat.
"Okay lang 'yan, bro. Hindi niya deserve iyakan. Marami pang babae riyan na pwede mong mahalin," pag-aalo sa akin ni Marco sabay tapik sa balikat ko.
"Pero mahal ko siya, eh!" sagot ko, ramdam ko ang panginginig ng sarili kong boses dahil sa pait. "Siya 'yung una kong pinangarap na makasama habambuhay. Akala ko ako lang ang lalaki sa buhay niya... 'yun pala ang kati-kati niya!"
Ilang tao na sa katabing table ang napapalingon sa amin dahil sa lakas ng boses ko, pero wala na akong pakialam kung ano ang sasabihin ng sinumang nakakarinig. Totoo naman ang sinasabi ko. Gago ako dahil naniwala ako sa mga pangako niya.
Patuloy pa rin ako sa pag-inom hanggang sa tuluyan na akong nilamon ng dilim.