Ang buong akala ko ay hindi na ulit magpapakita pa sa akin si JD matapos nang gabing dineretsa ko na siya. Matatauhan na siya at titigilan niya na ako. At higit sa lahat ay hindi na siya magpupunta pa dito sa bahay katulad ng mga ginagawa niya kapag may ginawa siyang mali sa akin. Lalo't legal na kami ni Paul kay Kuya. Ngunit kinabukasan lang din ng gabi ay bumalik ulit siya dito sa bahay na parang wala lang nangyari sa amin. Hanggang sa nasundan pa ulit ng mga ilang araw … pero may nagbago. Halos hindi niya na ako pinapansin at kung magtagpo man ang mga mata namin ay simpleng tango na lang ang ibinibigay sa akin. Hindi na kagaya dati na inaasar niya ako hanggang sa mabwesit na ako. Malamig na ang pakitungo niya sa akin. Halatang umiiwas na siya at hindi ako manhid dahil ramdam ko 'yon.

