"Sigurado ka na ba sa pag-alis mo? Hindi na ba talaga magbabago iyan? Hindi ka naman ni minsan naging pabigat sa amin," malungkot na sabi ni Mang Kanor kay Adelaide.
Buo na kasi ang desisyon ni Adelaide na lumuwas patungong Manila upang hanapin ang kanyang pamilya. Matapos ang usapan nila ni Rita, nagpasya na siya na iwanan ang buhay na kinagisnan.
"Tay, alam ko na nag-aalala kayo sa magiging buhay ko roon sa Manila. Pero nais ko sanang kilalanin ang tunay kong mga magulang. Gusto ko ng bumalik sa kanila at matapos na ang walang hanggang pagdurusa ko."
"Hindi na ba sapat ang pagmamahal namin ng asawa ko sayo, Adelaide? Kaya mo bang iwanan kami?"
"Hindi ho sa ganoon, Tay,"
Kailangan magpakatatag si Adelaide kung gusto niyang makuha ang dating buhay niya. Ang mag-asawang ito ang nag-alaga at nag-aruga sa kanya sa loob ng ilang taon. Sa kanila rin umikot ang mundo ni Adelaide kaya ang lahat ng kinita ay sa inay niya na may sakit napupunta. Ang maliit nilang bahay na gawa lamang sa kawatan. Ito ang naging tahanan niya sa mga panahon na nawawala na siya sa sarili.
"Dahil ba sa naging pabigat na kami kaya gusto mo ng umalis? Kaya ba iiwanan mo kami na parang aso?!" tumaas na rin ang boses ng kanyang Itay.
"Alam mong hindi kayo ni minsan naging pabigat sa akin, Tay. Pero kailangan ko ho makilala ang magulang ko, lalo na ang kakambal ko. Isang dekada na ang lumipas at gusto ko na silang makita ulit. Huwag niyo naman po ipagkait sa akin ito,"
"Pero masaya ka naman sa amin, hindi ba? Hindi ka ba masaya kay Marco? Siya ang tumulong sayo. Kung mapapangasawa mo siya ay tiyak na hindi mo na kailangan pang magtrabaho sa loob ng club," hinawakan pa ng Itay ang kanyang dalawang kamay.
"Hindi ko na ho gusto pang balikan ang malaswang mundo na iyon, Tay. Dahil kay Inay kaya ako napunta roon, diba? Kaya ako nagbebenta ng laman. Pero tungkol naman kay Marco, matagal na ho kaming hiwalay. Hindi ko ho kaya na maging kabit habang-buhay."
"Pero naging kabit ka na rin naman, dapat tiisin mo iyon! Pwede ka rin maging legal na asawa niya kung nanaisin mo lamang," pamimilit pa rin ng Itay, ngunit buo na talaga ang desisyon ni Adelaide.
"Aalis ho ako, Tay, kahit anong sabihin niyo. Hindi na ho ako babalik sa buhay pagbibigay ng aliw."
Ang kaninang nakakaawa na mukha ng kanyang Itay ay napalitan ng matinding galit. Ito na rin ang isang dahilan kung bakit gusto ni Adelaide iwanan ang kilalang pamilya.
"Sa tingin mo ba tatagal ka sa Manila? Isa kang mangmang, Adelaide! Wala kang alam sa buhay na naghihintay roon sayo!"
"Alam ko ho, Itay, pero minsan na ho ako nanirahan doon bago ako napadpad rito," sagot naman ni Adelaide matapos makuha ang kanyang ilang matinong damit.
Sinundan pa siya ng kanyang Itay nang pumasok siya sa loob ng silid ng Inay na may sakit. Nakahiga ito sa manipis na kutson habang nakatingin sa kanya.
"Nay..." mahinang tawag pa ni Adelaide sa nag-iisang taong nagmahal ng totoo sa kanya.
"A-Alam ko anak... gusto ko lang ay mag-ingat ka roon. Bisitahin mo ako kapag nagkaroon ka ng pagkakataon."
"Nay, babalik ho ako. Huwag niyo po isipin ang mga pang-gastos niyo dito dahil kay Rica ang lahat ng naipon ko. Siya ang nagbibigay sa inyo para sa buwan-buwan na gastusin sa pagpapagamot at pagkain." Hindi napigilan ni Adelaide ang maluha.
Kung maaari lamang na isama ang kanyang Ina ay ginawa na niya. Ngunit hindi pa maaari ngayon dahil ang sarili nga ay hindi alam kung kaya bang buhayin pagdating sa Manila.
"Huwag mo akong isipin, anak. Ang isipin mo ay ang paghahanap sa pamilya mo. Huwag na huwag ka nang babalik sa ganoong buhay. Nagkakaintindihan ba tayo? Hinding-hindi ka na babalik sa ganoong buhay." Lumuluha ang kanyang Ina na mabilis pinunasan ni Adelaide.
Oras na ng kanyang pag-alis kaya kahit labag sa kanyang kalooban ay umalis pa rin siya. Dala ang lakas ng loob at kaunting halaga ng pera. Hindi na iniisip ang naghihintay sa kanya roon dahil nais niyang baguhin ang kanyang buhay.
Sumakay si Adelaide sa isang bus patungong Manila. Nakatulog pa siya sa tagal ng byahe kaya ng buksan niya ang mga mata, nasa Manila na siya.
"Excuse po, ito na ho ba ang Manila?" kinakabahan niyang tanong sa mamang nakasalubong.
"Ito na nga, bago ka ba rito? Kasi kung oo, mag-ingat ka sa mga mandurukot."
"Ho? May mandurukot po rito?" hindi siya makapaniwala dahil labis na nakakabahala ang naging babala nito.
"Oo, napakaganda mo pa naman at magiging puntirya ka ng mga kalalakihan. Umuwi kana habang may araw pa."
Nataranta si Adelaide kaya niyakap niya ang kanyang lumang bag. Kinapa pa niya ang kanyang limang libong salapi sa loob ng bag nang bigla siyang mamutla. Wala na kasi ang mga pera niya at may maliit na sira ang bag.
"Oh Diyos ko!"
"Nasaan ang mga pera ko? Nasaan?" tarantang sigaw niya at sinubukan hanapin sa daan ngunit wala na.
Hindi na magkanda-unahan sa pagtulo ang mga luha niya dahil sa takot. Wala na siyang ni kusing kaya paano pa siya nito kakain at tutungo sa dating tirahan ng mga magulang.
"Paano na ako nito? Paano na!"
Mukha siyang isang batang naligaw sa isang gubat na walang alam. Lalo na ng sumapit na ang dilim at hindi alam ni Adelaide kung saan nga ba siya tutungo. Gutom na gutom na siya dahil sa maghapong lakad at walang kain.
Nais niyang kumita ng pera ngunit isa lamang ang alam niya. Magbibigay ng aliw, ngunit ipinangako niya na hindi na ito kailanman gagawin.
Sa panahon ng kawalan ng pag-asa, isang magandang sasakyan ang tumigil sa kanyang harapan. Hindi siya agad tumingala upang tingnan kung sino ang bumaba rito. Nagulat lamang siya ng haklitin nito ang braso niya.
"Damn you! Nandito ka lang pala at kung saan kita lupalop pinahanap!" sabi ng gwapong lalaki na nakahawak ngayon sa braso ni Adelaide.
"T-teka, sino ka? Bitawan mo nga ako!" aniya pa at pilit na kumawala sa mahigpit na hawak ng lalaki.
"Tama na ang kadramahan mo, tangina! Tama na! Kundi dahil sa anak natin, wala na akong planong hanapin ka pa! Umayos ka bago pa nagdilim ang paningin ko at mabasag ko ang pagmumukha mo!" malakas na sigaw ng lalaki na nagbigay ng matinding takot kay Adelaide.
Kinaladkad siya nito papasok sa loob ng sasakyan. Nasasaktan siya sa uri ng hawak ng lalaki, ngunit hindi siya nagreklamo o nagsalita. Nakayuko lamang siya at pigil na pigil ang pagpatak ng mga luha.
"Ilang beses mo pa bang gagawin ito, huh?! Tatlong buwan kang nawala! Ano, huh? Wala na bang pera ang lalaki mo kaya ganun na lamang ang itsura mo?! Mukha kang basura!" maanghang na sabi ng lalaki.
"W-wala akong alam sa sinasabi mo, sir. Baka mali kayo ng babaeng kinuha—"
"I said shut the hell up, Adelaide! Hindi na ako natutuwa sa pagiging tanga mo! Sinaktan mo na nga ang anak ko at inubos mo pa ang oras ko sa kakahanap sa'yo! Kundi dahil sa bata, hahayaan na lang talaga kita maatay sa daan!"
"Pero nagsasabi ako ng totoo, hindi kita kilala,"
Tumitig pa sa kanya ang mga matatalim na asul na mga mata ng lalaki. Hindi ipagkakaila ni Adelaide na napakaganda ng mga matang iyon. Ang pinaka gwapong mukha nito na hindi mo papaniwalaan.
"Stop your bullshits, Adelaide. Bago pa ako maubusan ng pasensya at ako pa ang makapatay sa'yo," sabi nito.
Mabilis na pag-iwas ng tingin si Adelaide at nanahimik na lamang. Kung ano man ang nangyayari ngayon, tama lamang na hindi niya alam kung saan ang anak nito.
Tatlong oras pa ang naging byahe nila bago sila nakarating sa isang napakalaking mansion. Sa sobrang laki nito, hindi naitago ni Adelaide ang kanyang paghanga. Para iyong palasyo sa laki at ganda. Hindi nakaligtas sa kanya ang hardin na may maze at ang mga puno ng manga na nagkalat sa paligid.
"Get inside at puntahan mo ang anak ko," utos pa nito ng makababa sila. Ngunit hindi kumilos si Adelaide dahil hindi naman niya alam kung nasaan ang anak nito.
"Ano pa ang tinatayo-tayo mo dyan? Ang sabi ko ay puntahan mo ang anak mo!" hiyaw pa nito kaya naman dali-daling nagpunta si Adelaide sa mansion kahit wala siyang alam.
Hindi na siya nag-abala pa na buksan ang pintuan dahil kusa itong bumukas. Sumilip ang maliit na ulo ng bata sa siwang ng pintuan. Nang makita siya nito, mabilis itong tumakbo sa kanya at yumakap.
"Mommy! Mommy ko!" hagulgol ng batang lalaki na sa tantya ni Adelaide may limang taong gulang.
"H-Hindi ako ang mommy mo!"
"Ang tagal po kita hinanap mommy! Bakit mo po ako iniwan!" ani pa nito.
Dahil na rin sa gulat at takot, ipinaspas niya ang kamay ng batang lalaki kaya naman ito napabitaw sa kanya. Subsob ang bata sa lapag kaya naman mas lalong lumabas ang iyak nito.
"What the f**k did you do!" muling umalingawngaw ang boses ng lalake kanina at parang kurtina lamang hinawi si Adelaide kaya ito naman ang sumubsob ngayon sa lapag.
"Kababalik mo lang at sasaktan mo na naman ang anak ko huh!"
"H-Hindi ko naman sinasadya dahil nagulat lamang ako," katwiran ni Adelaide.
"Nagulat? Bakit? Ito ba ang unang beses na ginawa mo ito sa anak ko?"
"Hindi ko talaga alam ang sinasabi mo, sir. Maniwala ka sa akin, hindi ko talaga alam," lumuluhang sabi ni Adelaide.
Lumapit sa kanya ang binata at umupo sa kanyang harapan. Walang ingat na hinawakan ang panga niya at hinarap sa lalake.
"Don't you think I'm a fool para malaman na pakulo mo na naman ang putanginang ito? Tell me, Adelaide. Hindi pa ba sapat ang lahat ng ginawa mo sa amin ng anak ko?"
"Wala akong ginawa dahil hindi kita kilala. Baka ang kakambal ko ang tinutukoy mo—"
Pumihit pakanan ang mukha ni Adelaide dahil sa sampal ng lalaki sa kanya. Sa sobrang pagkabigla niya, hindi siya agad nakakilos. Sa sakit ng sampal, nalasahan niya ang dugo na nanggaling sa kanyang labi.
"Sa susunod na saktan mo ulit ang anak ko, hindi lamang 'yan ang matatanggap mo. Kung ang inaakala mo ay kaya pa kitang kahawaan, doon ka nagkakamali. Kung akala mo mabibilog mo pa ang ulo ko, huwag ka nang umasa," puno ng galit na bulong ng lalaki.
Dito lamang bumuhos ang masaganang luha ni Adelaide. Hindi niya alam kung paano siya nakarating sa ganitong sitwasyon, ngunit labis siyang naguguluhan sa nangyayari.
"Pumasok ka sa loob at maghanda ka para mamayang gabi," ani pa nito bago siya tuluyang iniwan.
Isang katulong na babae na kasing edad niya ang lumapit kay Adelaide upang tulungan siya. "Madam, okay ka lang ba? Intindihin mo na lang si sir dahil marami siyang pinagdaanan simula ng umalis ka," ani nito.
"Hindi ko maintindihan kung anong kinalaman nito sa akin. Dahil sa totoo lang, hindi ako ang asawa na tinutukoy niya," matapang niyang sabi.
"Alam ko," malungkot na sabi ng katulong.
"Alam mo na hindi ako ang babae niya, hindi ba? Tulungan mo akong sabihin sa kanya na maling babae ang kinuha niya! Hinahanap ko ang kakambal at pamilya ko kaya ako narito sa Manila!"
"Madam, kung maaari sa atin na lang muna ang tungkol sa bagay na ito. Sa ngayon, kailangan ka ng bata. I'm sorry kung sino ka man pero pwede bang kahit ilang araw lang ay iparanas mo sa bata ang pagmamahal ng isang ina? Hindi kita kilala pero kamukhang-kamukha mo talaga si Adelaide," malungkot na sabi ng babae.
"Pero Adelaide ang pangalan ko! Makakasiguro ka na hindi ako ang babaeng asawa niya. Wala akong alam sa mga nangyayari pero hindi kaya ang kakambal ko ang asawa niya?" naguguluhan tanong ni Adelaide sa katulong.
"Umalis na muna tayo rito at magtungo sa silid mo, madam. Huwag natin dito pag-usapan ang tungkol sa bagay na iyan.
"Pero bakit?"
"Dahil maaari mong ikapahamak ito," seryosong tugon ng katulong.
Dinala siya ng katulong sa isang magandang silid. Wala sa mood si Adelaide upang hangaan ang ganda ng paligid dahil na sa kapahamakan ang buhay niya.
"Pwede mo na bang ipaliwanag sa akin ang nangyayari?"
"Magpapakilala na muna ako sayo, madam. Ako si Rica, ako ang katulong ni Adelaide," inilapag pa nito ang mga larawan ng kamukha ni Adelaide.
Tumulo ang mga luha niya ng makita na ito ang kakambal niyang kay tagal niyang hindi nakita. Ito ang kakambal niya si Adeline.
"K-Kakambal ko ito! Nasaan ang kakambal ko? Pwede mo bang sabihin sa akin kung nasaan ang kakambal ko?" pagsusumamo niya.
"Hindi ko alam kung nasaan siya ngayon. Pero pwede bang ikaw muna ang dumito habang wala pa siya? Please, kailangan kita dito, miss. Hindi ko na alam ang gagawin ko sa bata. Naawa na ako sa kanya."
"Gusto mo bang magpanggap na ako ang kakambal ko?"
"Oo, hindi ka na rin naman makakaalis sa lugar na ito. Sukdulan na ang galit ni Senyor sayo kaya malabo na makalabas ka pa."
"Pero hindi ako ang kakambal ko!"
"Sa tingin mo ba paniwalaan ka pa niya? Walang maniniwala sayo dahil pinagbiyak ang bunga ng mga mukha niyo," hasik ng babae.
"Hindi ko kayang akuhin ang pamilya ng kakambal ko, Rica. Pasensya ka na pero hindi ko kaya," pagtanggi ni Adelaide.
"Kailangan mong magpanggap na siya at dumito kung gusto mong mabuhay ng matagal. Hindi na ligtas ang buhay mo simula ng tumuntong ka rito. Kailangan mo ng makipaglaro kay kamatayan kung nais mong mabuhay."
Umakyat sa buong katawan ni Adelaide ang takot ng sabihin ito ng babae. Walang mababakas na kahit anong pagbibiro sa mga mata ni Rica, kundi ang takot at tapang na kailangan nitong ipakita.
"Hindi ko alam kung ano ang nangyari sa kakambal mo pero kailangan mo dumito. Sana ay walang masamang nangyari sa kanya."
"Ano bang mundo niyo ang pinasukan ko?"
"Ang mundo kung saan ang pagpatay ang solusyon upang mabuhay ka," sabi ni Rica.
Ikinulong si Adelaide ng binatang hindi naman niya kilala, ang katulong naman na si Rica ang tanging nakakausap niya sa loob ng isang linggo na nananatili sa silid. Hinahatiran lamang siya ng makakain ng katulong at paminsan-minsang kinakausap na tanggapin ang gusto niyang mangyari.
Nalaman ni Adelaide na ang kakambal talaga niya ang asawa ng lalaking iyon at mayroon silang anak ngunit isang malaking katanungan pa rin sa kanya kung paano at saan ang kakambal na si Adeline. Maski ang katulong na si Rica ay walang alam kung saan makikita ang kakambal kaya naman kailangan ni Adelaide na makaalis sa lugar na iyon upang hanapin ang pamilya lalo na ang kaniyang kakambal.
Sa kanyang pagkakatulala, nararamdaman niya ang pagbubukas ng pintuan ng silid ngunit hindi na niya inabala ang sarili na tignan ito. Wala namang ibang pumapasok rito kundi ang katulong na si Rica. Nanatili siyang nakaupo sa gilid ng kama habang nakatulala sa madilim na kalangitan na nasisilip niya sa bintana.
"Hindi mo ba talaga kakainin ang mga pagkain mo?" Ang malamyos na boses na kay tagal niyang hindi narinig ang nagbalik sa kanyang ulirat. Mabilis siyang lumingon upang makita ang lalake.
Tulad ng unang beses na nasilayan niya ang lalaki, nakakagulat pa rin kung gaano ito ka-gwapo. Mukha itong lumabas sa magazine na binabasa lamang niya noon sa club kung saan siya nagtatrabaho.
"Tumayo ka dyan." Malamig na utos pa nito kay Adelaide.
Ngunit hindi kumilos si Adelaide at blankong nakatingin lamang sa lalaki. "Bingi ka ba? Hindi mo ba narinig ang sinabi ko? Ang sabi ko tumayo ka dyan at maghubad ka." Ibinato pa nito ang tangan na damit at niluwagan ang butones sa unahan ng suot na damit.
"B-Bakit ako maghuhubad? Anong gagawin mo sa akin?" Hindi naman naitago ni Adelaide ang takot.
Kahit na isa siyang bayarang babae at pinagsawaan na ang kanyang katawan, hindi pa rin maiwasan ni Adelaide ang matakot lalo na sa lalaking nasa harap niya.
"Hindi ko na kailangan pang ulitin ang sinabi ko, Adelaide. Kapag sinabi kong tuwad, tumuwad ka ng walang sinasabi pa. Ito naman ang dahilan kung bakit mo ako pinikot noon, hindi ba?"
"Wala akong alam sa sinasabi mo…"
"Pwede bang tigilan mo na ang pagpapanggap mo na parang wala kang alam sa kademonyohan ginawa mo! Tumayo ka na dyan at maghubad ka. Pagsilbihan mo akong puta ka!"
Dahil hindi sumunod si Adelaide, si Alistair na ang kusang lumapit. Pinunit niya ang suot na damit ni Adelaide na pang-itaas. "H-Huwag! Huwag nagmamakaawa ako!" Paglalaban ni Adelaide.
"f**k!" Malakas na sigaw ni Alistair ng tumama ang palad ng babae sa kanyang pisngi. Mas lalong nanlisik ang mga mata nito ng tumingin sa takot na takot na mukha ng asawa.
Ang mala-anghel nitong mukha na hindi niya matanggihan. Hindi rin maintindihan ni Alistair kung paano niya nagawang mahalin ang masamang babaeng ito.
"S-Sorry hindi ko sinasadya!" Garalgal pa nitong sabi at sinubukan hawakan ang mukha niya.
Nakaramdam ng pagka-alangan si Alistair ng makita kung paano bumagsak ang luha ng asawa. Nagtagis ang mga ngipin niya lalo na ng makita ang panginginig nito.
"Masaya ka ba sa ginagawa mo, Adelaide? Masaya ka ba huh? Hanggang kailan ka magiging puta ah?" puno ng lamig na sabi ni Alistair bago ito lumabas ng silid.
Naiwan si Adelaide na takot na takot habang tangan ang sirang pang-itaas. Niyakap niya ang kanyang sarili at doon binuhos ang mga luha.