CHAPTER 03

1693 Words
MAAGANG nagising si Earl kinabukasan. Ngayon kasi ang araw ng interview niya sa restaurant ng kaibigan ni Liam. Nasa kanya na ang address niyon. Wala siyang ideya kung paano pumunta doon pero confident siya na makakarating siya doon sa pamamagitan ng pagtatanong. Dapat daw ay alas-otso ay naroon na siya dahil ang mismong kaibigan ni Liam ang mag-i-interview sa kanya. Natapos na siyang kumain ng almusal at maligo ay tulog pa rin si Liam. Naiintindihan naman niya ito dahil nang maalimpungatan siya ng alas-kwatro ng madaling araw ay nasa harapan pa rin ito ng laptop nito at nakahubo’t hubad. Noong una ay medyo na-shocked siya nang matuklasan ang uri ng trabaho nito ngunit gaya nga ng rule nito, walang pakialamanan kaya ipinagkibit-balikat na lang niya ang nakita kagabi. Kung iyon nga ang trabaho ni Liam, dapat na siyang masanay doon. Matapos maligo ay naghanap na siya ng susuoting damit. Doon siya medyo nahirapan. Medyo luma na kasi ang karamihan sa mga damit niya. Sa pantalon naman ay walang problema dahil may maayos siyang maong. Sa damit lang talaga. Puro t-shirts na medyo kupas sa sobrang tagal na ang meron siya. Napahinto siya sa paghahanap ng damit nang maramdaman niya na gising na si Liam. “Mag-almusal ka na. Pinagtira kita ng pagkain sa lamesa.” Sandali niya itong nilingon at muling naghanap ng masusuot na damit. Isang kulay asul na t-shirt ang isinuot niya. Tinignan niya ang kanyang sarili sa malaking salamin na nasa likuran ng pinto ng aparador. Napangiwi siya. Kailangan niyang maging presentable dahil ito ang first job interview niya. “May problema ba?” tanong ni Liam sa inaantok nitong boses. Narinig pa niya ang paghikab nito. “Ah, eh… W-wala kasi akong maayos na damit para sa interview ko.” Hinubad niya ulit ang asul na t-shirt. Tiniklop at ibinalik sa salansan ng kanyang mga damit. Nagulat siya nang bigla na lang napunta si Liam sa kanyang likuran. Pinaharap siya nito dito. Hinawakan sa magkabilang balikat at sinipat ang kanyang katawan. Tumango-tango ito pagkatapos. “Tabi,” anito. Tumabi naman siya. May kinuha itong polo shirt sa mga damit nito. Kulay puti iyon na may logo sa dibdib. “Sa tingin ko kasya sa iyo ito. Last year ko pa iyan nabili noong hindi pa ako naggy-gym kaya fit na sa akin iyan ngayon. Gamitin mo muna.” Napamulagat si Earl. Hindi siya makapaniwala. “Seryoso ka?” “Oo. E, 'di ba, sabi mo wala kang maayos na damit, 'eto, maayos ito. Isukat mo na.” “Salamat!” Walang pagdadalawang-isip na kinuha niya ang polo shirt at isinuot iyon. Laking tuwa niya nang kasya iyon sa kanya. Saktong-sakto sa kanyang katawan. Yumukod si Liam sa ilalim ng kama at may kinuha naman itong sapatos. “Ano bang size ng paa mo, Earl?” “Size eleven…” “Sakto. Size eleven din ako. Ito na ang isuot mong sapatos para bagay diyan sa suot mo.” “Salamat talaga, Liam! Ang bait mo!” Masaya niyang isinuot ang sapatos at kasya naman iyon sa kanya. Nang tignan niya ang sarili sa salamin ay nakangiti na siya. Mukha na siyang presentable. Nakakadagdag tuloy ng confidence. Pagharap niya kay Liam ay nagulat siya nang sprayan siya nito ng pabango. Ngumiti na lang ito. Inayos pa nito ang kwelyo ng polo shirt na suot niya at tinapik-tapik siya sa balikat. “Galingan mo. Isipin mo ang pamilya mo sa inyo. Okay?” “Okay!” Nag-thumbs up pa siya dito. “Teka, ano nga palang number mo para naman may contact tayo.” Kinuha ni Liam ang cellphone nito at idinikta niya ang kanyang cellphone number. Matapos iyon ay dalawang susi ang ibinigay nito sa kanya. “Susi iyan sa gate at dito sa unit natin. Ipa-duplicate mo para meron ka rin. Mura lang naman iyon at makakakita ka naman ng nagdu-duplicate kahit saan. Sige na, lumakad ka na at baka ma-late ka,” anito. “Salamat ulit, Liam!” aniya sabay yakap dito. -----***----- DALAWANG jeep at isang bus ang sinakyan ni Earl bago niya narating ang Bon Restaurant-- ang restaurant ng kaibigan ni Liam. Narating niya iyon dahil sa kanyang pagtatanong. Hindi naman siya nahirapang hanapin iyon dahil along the high way lang ang naturang kainan. Medyo malaki ang Bon Restaurant. Parang kainan ng mga medyo nakakaangat sa buhay ngunit hindi naman ganoon kasosyal. Agad niyang kinausap ang guard na nasa entrance upang ipagbigay dito ang kanyang pakay. Inihatid siya nito sa office ni Bon Veracruz na siyang kaibigan ni Liam at may-ari ng restaurant na pag-a-applyan niya. “Sir, nandito na po 'yong mag-a-apply ngayon,” ani ng guard sa lalaking nakaupo at nakaharap sa laptop. “Okay. Papasukin mo na dito.” Medyo malumanay ang boses nito. Kinakabahan na pumasok na si Earl sa office ni Bon. Nakadagdag sa kaba niya ang lamig ng aircon. “Good morning po, sir…” Magalang na bati niya. “Have a seat.” Hindi pa rin siya nito tinitignan. Mukhang abala ito sa ginagawa nito. “Thank you po.” Habang tumitipa si Bon sa keyboard ay pinagmasdan ito ni Earl. May hitsura ito at mukhang mas matanda sa kanya. Maputi at maayos ang pananamit. Sakto lang ang katawan nito. Nakasuot ito ng salamin sa mata kaya para sa kanya ay nagmukha itong masungit. Lalo tuloy siyang kinakabahan. Hinintay niya na kausapin siya nito hanggang sa itiklop na nito ang laptop at harapin siya. Napansin niya na parang nagulat ito nang makita siya. “Can I have your resume?” Nagkaroon ng ngiti ang seryoso nitong mukha. “'Eto po.” Inabot niya agad dito ang hinihingi nito. Tinignan iyon ni Bon habang manaka-naka itong tumatango. Ipinatong nito ang kanyang resume sa gilid ng lamesa. “You’re hired, Mr. Earl Piamonte. Pwede ka nang magsimula bilang waiter dito sa Bon Restaurant bukas!” “Po?” Halos hindi siya makapaniwala sa sinabi nito. Ganoon kabilis? Wala nang interview? “You heard me right. I’ll just call my secretary para ihanda ang contract mo. Nakalagay na roon ang details na kailangan mong malaman, just read it.” “M-maraming salamat po!” Halos maiyak siya sa tuwa dahil sa mabilis na pagkakaroon niya ng trabaho. Utang niya ang lahat ng ito kay Liam. -----***----- BAGO umuwi ng apartment ay dumaan muna si Earl sa palengke at bumili siya ng isang kilo ng baboy at iba pang sangkap. Magluluto siya ng adobo para sa hapunan nila. Sa pamamagitan man niyon ay makapagpasalamat siya sa lalaki. Nang paglabas niya ng palengke ay may nakita siyang nagdu-duplicate ng susi kaya naman ipina-duplicate na niya ang susi sa gate at sa unit nila. Naglalakad na siya papunta sa sakayan ng jeep nang isang kulay pulang kotse ang huminto at bumusina sa tabi niya. Napatigil tuloy siya sa paglalakad upang tignan kung sino ang sakay niyon. Bumaba ang bintana sa driver’s seat at nalaman niya na si Bon pala ang may ari ng kotse. “Sir Bon!” Gulat na bati niya. “Pauwi ka na ba?” tanong nito. “Opo, sir. Papunta na po ako sa sakayan ng jeep.” “Sa apartment ka ni Liam nauwi, right? Sabay ka na sa akin. Dadaan ako sa kanto niyo.” “Naku, 'wag na po. Nakakahiya po. Isa pa, may dala po akong karne. Baka mngamoy diyan sa loob ng kotse niyo.” “Sige na. Ipapahiya mo ba ako, Earl?” Sa pagkakataong iyon ay medyo nagdalawang-isip na siya kung sasakay ba siya o hindi. Baka bawiin agad nito ang pag-hired sa kanya kung tumanggi pa siya kaya naman pumayag na rin siya at sumakay sa kotse nito. Sa tabi nito, sa unahan siya naupo. Nakakahiya naman kung sa likod dahil magmumukha itong driver niya. “Pasensiya ka na, sir, medyo mabaho na yata ako. Galing po kasi ako ng palengke,” aniya nang umusad na ang kotse. Ipinatong ni Bon ang kamay nito sa kanyang hita at pinisil iyon. “It’s okay. And besides, hindi ka naman mabaho. At pwede ba, 'wag mo na akong pino-po. Sini-sir mo na nga ako, e!” Mahina itong tumawa. Nakaramdam ng kaunting pagkailang si Earl sa pagkakapatong ng kamay nito sa hita niya ngunit hindi na lang niya ipinahalata dito. “E, kasi po este kasi boss ko kayo.” Pasimple niyang iginalaw ang kanyang hita. “I’m sorry.” Saka lang inalis ni Bon ang kamay nito doon. “So, magkasama kayo ni Liam sa apartment. Ngayon ko lang nalaman na may kasama pala siya doon. One time kasi nakapunta na ako sa apartment niya at hindi naman kita nakita.” “Ah, kakalipat ko lang doon kahapon, sir.” Iyon lang ang sinabi niya. Hindi na niya idinetalye dito kung paano sila nagkakilala ni Liam. Tumango-tango ito. “Magkaibigan lang ba talaga kayo ni Liam? I mean… mag-jowa ba kayo?” Mabilis siya nitong sinulyapan. “Po? Jowa? Parang kasintahan? Hindi po. Magkaibigan lang talaga kami ni Liam. Isa pa, parehas po kaming lalaki kaya imposible ang sinasabi mo, sir.” Sa hindi malamang dahilan ay malakas itong tumawa na ipinagtaka niya. “Parehas. Lalaki? I think, hindi mo pa masyadong kilala si Liam. Ayoko naman na ako ang magbuking sa kanya kaya ikaw na lang ang magdiscover.” Mas lalo siyang naguluhan sa sinabi ni Bon. “Anong ibig niyong sabihin, sir?” tanong niya. “Wala. Basta, malalaman mo rin naman siguro…” Hindi na siya nagsalita pa matapos niyon. Hindi na rin naman siya kinausap ni Bon. Ngunit nahuhuli niya ang pagnanakaw nito ng tingin sa kanya na nagiging dahilan para mailang siya siya lalo dito. Maayos naman siyang naihatid nito sa kanto kung saan naroon ang apartment nila ni Liam. Bago siya bumaba ng sasakyan ay nagpasalamat siya kay Bon. Natigilan siya nang makita niya si Liam na nasa tindahan sa kanto at naninigarilyo. Nakatingin ito sa kanya at kung tama ang tingin niya ay hindi maganda ang timpla ng mood nito. Parang galit kasi ang mukha nito na hindi niya mawari.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD