HINDI umiimik si Earl nang kasabay niyang nag-a-almusal si Liam. Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin siya nakaka-get over sa pagkapahiya sa nangyari kagabi. Pakiramdam niya kasi ay pinagtatawanan siya ni Liam ng palihim. O hindi naman kaya ay nagagalit ito sa kanya ngunit hindi lang nito sinasabi.
“O, ang tahimik mo?” puna nito sa kanya. “Huwag mo nang isipin 'yong nangyari kagabi. Wala iyon sa akin. Parehas naman tayong lalaki,” balewalang sabi nito.
Marahang umangat ang mukha ni Earl. “P-pasensiya na talaga, Liam. Ang totoo niyan, nahihiya ako sa iyo dahil doon.”
“Ano ka ba? Wala sabi iyon. Ang isipin mo ngayon ay ang first day mo sa trabaho mo. Pag-igihan mo. Huwag mo akong ipapahiya kay Bon. Alam mo naman na ako ang nag-recommend sa iyo sa kanya.”
“Oo naman! Hindi kita ipapahiya!” Sa mga sinabi ni Liam, kahit papaano ay nawala ang pagkailang niya dito. Mukhang okay lang naman talaga dito ang nangyari kagabi. Nag-o-overthink lang siguro siya masyado.
Tinapos na niya agad ang pagkain at naligo na. Matapos iyon ay nagbihis na siya at pumasok sa kanyang trabaho. White shirt at maong pants ang suot niya. Iyon daw muna ang susuotin niya ngayon. May kaba pa rin sa dibdib ni Earl lalo na’t unang araw niya bilang waiter sa restaurant ni Bon. Ayon dito, may gagabay naman sa kanya sa unang araw niya. Kailangan niyang pagbutihin ito dahil si Liam ang nagrecommend sa kanya kay Bon. Hindi pwedeng mapahiya ito dahil sa laki ng utang na loob niya dito.
Pagdating sa restaurant ay sinalubong siya ng babaeng secretary ni Bon. Wala daw si Bon dahil may pinuntahan. Ibinigay ng secretary sa kanya ang kanyang ID. Isang lalaking waiter ang tinawag nito at sinabihan siya na mag-observe muna sa gagawin nito.
Nang may mga dumating nang tao sa restaurant at kumilos na ang waiter ay mataman pinanood ni Earl ang bawat kilos nito. Pinag-aralan niya sa pamamagitan ng panonood kung paano ito humawak ng tray at kung paano ito makipag-usap sa mga tao. Dapat pala palaging nakangiti at malinis ang hitsura. Kinausap niya ang waiter at nagprisinta siya na siya naman ang kukuha ng order at magse-serve sa susunod na customer. At nagawa naman niya iyon ng maayos. Mukhang hindi naman pala ganoon kahirap ang trabahong ito.
Pagsapit ng breaktime niya ay nakita niyang dumating si Bon.
Pinatawag siya nito sa opisina nito sa hindi niya alam na dahilan. Nagmamadali tuloy siya sa pagtapos ng tanghalian upang mapuntahan ito agad. Pagpasok niya sa office nito ay nakaupo ito sa mini sofa at naninigarilyo.
“Good afternoon, Sir Bon. Pinapatawag niyo daw ako?” aniya.
“Yes, Earl. Lock the door.” Tumayo ito at itinapon ang sigarilyo sa trash bin.
Sinunod niya ang sinabi nito. Ni-lock niya ang pinto at lumapit sa kanyang amo. Tinitignan lang siya nito mula ulo hanggang paa. Huminto ang mata nito sa kanyang mukha sabay ngiti.
“I like you,” sabi nito.
“Salamat, sir, at nagustuhan niyo ang trabaho ko.”
“No. I like you. Ikaw mismo.”
Naglakad si Bon paikot sa kanya. Siya naman ay hindi makagalaw dahil sa sinabi nito. Gusto daw siya nito? Ano ba si Bon? Bakla?
Huminto ito sa harapan niya at tinignan siya ulit sa mukha. “Pwede kang hindi na magtrabaho dito. You can be my partner, sa bahay ka na lang. Sa gwapo mo kasing iyan, sigurado ako na marami ang aaligid sa iyo. Ayoko ng may kaagaw, Earl.”
Tama na. Bakla nga ito.
“Sir, hindi po tayo talo, e…” Kakamot-kamot sa ulo na sagot niya.
“Earl, nagka-girlfriend ka na ba?”
“Hindi pa, sir.”
Totoo ang sinabing iyon ni Earl. Sa edad niyang nineteen ay hindi pa siya nagkakaroon ng nobya. Ewan niya pero wala naman kasi siyang nagugustuhang babae kahit may ilan na hayagang nagpapakita ng pagkagusto sa kanya. Hindi niya binibigyan ng pansin ang mga iyon. Marahil ay naka-focus lang talaga siya sa kanyang pamilya at kung paano niya mapapaginhawa ang buhay ng mga ito.
“Talaga? Kahit s*x?” Umiling siya. “Wow! So, virgin ka pala. Gusto mo, ako ang magbinyag sa iyo? Kung ayaw mo akong maging partner, pwede naman kitang tikman na lang. Pranka akong tao, Earl. Kapag may gusto ako, sinasabi ko. Kaya, tell, me… Magkano ang presyo mo?”
Bahagya siyang napaatras dahil hindi na niya nagugustuhan ang usapan. “Sir, sorry po pero hindi po talaga ako pumapatol sa kapwa ko lalaki. Lalaki po kasi ako--”
“Oh, really? Ikaw? Lalaki? Maybe sa panlabas na anyo, lalaki ka. Pero, amoy kita, Earl. At hindi nagkakamali ang pang-amoy ko. Katulad din kita, alam ko…” Naguguluhang napatingin siya kay Bon. “Tell me, magkano ka?”
Pagkatao at dignidad na niya ang binibili ni Bon. Napatiim-bagang siya habang unti-unting kumukuyom ang kanyang kamao. “Sir, hindi niyo po mabibili ang pagkatao ko. Oo, mahirap lang ako pero pinalaki ako ng mga magulang ko ng maayos. Kaya kung ganito lang po pala ang kapalit ng pagtanggap niyo dito sa akin, magre-resign na lang po ako.” Mahinahon pa rin niyang sabi.
Hinubad niya ang kanyang ID at itinapon iyon sa basurahan. Tatalikod na sana siya dito ngunit hinawakan siya ni Bon sa kanyang braso at nang mapaharap siya ay siniil siya nito ng halik. Nagulat si Earl kaya naman naitulak niya ito sabay suntok sa nguso.
“f**k you! Akala mo kung sino kang gwapo!” sigaw nito sa kanya nang makita ni Bon na dumudugo ang nguso nito. “Get out! At huwag ka nang babalik dito!!! Pagsisisihan mo ito!!!” Galit na galit na sigaw nito.
Nagmamadali naman siyang umalis sa lugar na iyon.
-----***-----
NAGULAT si Liam nang alas-kwatro pa lang ng hapon ay umuwi na si Earl. Ang alam niya kasi ay alas-nueve pa ng gabi ang tapos ng trabaho nito. Bagsak ang balikat nito at halatang malungkot. Naramdaman niya agad na may hindi magandang nangyari kaya tinanong niya agad ito.
“W-wala na akong trabaho, Liam. Pasensiya na. Hindi ko kasi gusto ang pinapagawa sa akin ni Bon,” pagtatapat ni Earl sa kanya.
Hinila niya ito sa kama upang doon maupo. “Bakit? Anong nangyari? Anong pinapagawa sa iyo ni Bon?” Naguguluhan niyang tanong.
“Gusto niya kasing may mangyari sa amin kapalit ng perang ibibigay niya sa akin. Hindi ako pumayag tapos nasuntok ko siya. Hindi ko kasi kayang ipagpalit ang dignidad ko sa pera niya. Sorry talaga, Liam. Nabigo kita. Mas lalo tuloy akong nahihiya sa iyo dahil sa nangyari…”
Napailing siya sa sinabing iyon ni Earl. Alam niya na nagsasabi ito ng totoo. Kilala niya si Bon at gawain talaga nito ang magbayad ng lalaki kapag nagustuhan nito. Ngunit hindi niya akalain na pati si Earl na alam nitong kaibigan niya ay tataluhin nito. Parang nagkaroon tuloy siya ng galit para kay Bon.
Tinapik-tapik niya sa balikat si Earl. “Hayaan mo na. Makakahanap ka pa naman ng ibang trabaho…”
“Hindi mo ako papagalitan?”
“Bakit naman kita papagalitan? E, ikaw itong naagrabyado? Kung meron man akong dapat kagalitan, si Bon iyon. Malibog talaga ang hayop na iyon! Ihahanap na lang ulit kita ng ibang trabaho at sisiguruhin kong okay na nag susunod mong amo.”
Umiling ito sa kanya. “Huwag na, Liam. Ako ay nahihiya na sa iyo, e. Ang dami mo nang naitulong sa akin. Hayaan mo na lang ako na ako ang maghanap ng trabaho. Kaya ko naman siguro iyon.”
“Huwag mo na akong tanggihan pero sige, habang hinahanap kita ng trabaho, maghanap ka rin. Kung sino ang mauna, edi, do’n ka. Okay ba sa iyo iyon?”
“Sige. Mas okay nga iyon. Salamat talaga sa iyo, Liam!”
-----***-----
KINABUKASAN ay agad na kumilos si Earl para maghanap ng trabaho. Nakita naman ni Liam ang dedikasyon at kagustuhan nito na makahanap ng trabahong tutustos sa pamilya nito. Palagi nga nitong kinukwento sa kanya ang buhay nito sa probinsiya at hindi niya maiwasang maawa sa bagong kakilala. Minsan daw ay dalawang beses lang sa isang araw sila kumakain tapos isang pack ng instant noodles lang ang ulam. Para na daw iyon sa kanilang magkakapatid at sa nanay at nanay nito. Naging masalimuot man ang buhay niya pero hindi naman niya naranasan ang bagay na iyon kaya masasabi niyang marami pa rin pala talaga siyang dapat ipagpasalamat.
Isang gabi ay pagod na pagod na umuwi si Earl. Walang gana itong umupo sa upuan sa dining area nila. Kinuha nito ang baso sa ibabaw ng lamesa, kinuha ang pitsel at nagsalin ng tubig upang uminom. Habang siya ay tinitignan ang kanyang sinasaing.
“Kumusta ang apply mo?” tanong niya dito. Humila siya ng upuan paharap dito at umupo.
Umiling si Earl. “Wala. Tatlong araw na akong ng-a-apply pero karamihan sa gusto nila ay nakapag-college kahit under graduate lang. Ang hirap pala talaga kapag ganitong high school lang ang natapos…” Malungkot nitong sagot.
“Okay lang 'yan. Makakakita ka rin ng trabaho. Wala pa rin kasi akong makita para sa iyo, e. Teka, luto na yata 'yong sinaing ko. Mukhang gutom ka na. Kumain na tayo.”
Tumango lang si Earl sa kanya. Tumayo na ito at naghubad ng suot na t-shirt. Nakita na naman niya ang katawan nito na bagaman at wala namang muscles na katulad sa kanya ay makinis at maganda naman. Nagpalit ito ng pambahay na damit at tumulong sa paghahain.
“Sana, bukas makahanap na talaga ako. Kailangan ko na talaga. Nauubos na kasi ang pera ko sa pamasahe at pagkain sa labas.”
“Magdasal ka lang palagi. Sige na, kumain na tayo. Nagluto ako ng sinigang…”
Sa gitna ng pagkain nilang dalawa ay biglang tumawag kay Earl ang magulang nito. Sa harap niya ay sinagot nito ang cellphone at nakita niya ang pagkabahala sa mukha nito.
“Ano?! Si tatay?! Opo… A-ako pong bahala. Magpapadala po agad ako ng pera bukas. Sige po. Mag-ingat po kayong lahat diyan. Miss ko na kayo…”
Biglang naiinggit si Liam kay Earl dahil sa obserbasyon niya ay close ito sa pamilya nito kahit mahirap lang ang mga ito. Samantalang siya, may-kaya nga ngunit wasak naman ang pamilya.
Matapos ang tawag na iyon ay hindi na halos ginagalaw ni Earl ang pagkain nito kaya hindi na siya nakatiis at tinanong na niya ito. “Ano ba daw nangyari sa inyo?”
“Ang tatay ko kasi… inatake sa puso. K-kailangan daw nila ng pera na pambayad sa ospital kaya iyong kalahati ng pera ko dito ay ipapadala ko muna sa kanila…” Naluluha nitong sagot sa kanya.