Page 3

1444 Words
Dinala niya 'ko sa palagi naming tinatambayan no'ng high school. Naalala kong dito kami gumagawa ng assignments noon at projects. Bumaba ako sa motor at halos hindi ko maramdaman ang mga tuhod ko dahil sa panlalamig. Inalis ko ang helmet at nanginginig kamay na inayos ang buhok ko at salamin. Pinagmasdan ko ang lugar. Halos walang pinagbago pero makikita na kung gaano kaluma ang tambayan namin. Kubo ito dati at may mga pader pa. Ngayon ay lapag na lang ang meron at saka bubong. Pero pwede pang tambayan. Preskong hangin at huni ng mga ibon ang maririnig. Kaya nga paborito namin dito dahil tahimik at presko. Nakakapresko rin ng isip at damdamin. "Na-miss ko dito," usal ko. Nilingon niya 'ko at kinuha sa'kin ang helmet at nilagay sa side mirror ng motor. Sabay kaming umupo sa papag ng kubo. "Dito tayo gumagawa noon ng projects. Dito mo rin ako tinuturuan ng subject na kahinaan ko," wika niya at saka tumawa sa huli. "Sa math!" Natatawang saad ko. Tumango-tango siya. "Oo, sa math," sang-ayon niya. "Ang trabaho ko ay bodyguard," wika niya. "Alam ko. Sinabi mo 'yan dati sa'kin e," ani ko. "Pero ang trabaho ko ay hindi kasing hirap ng math. Mas mahirap pa doon," seryosong wika niya at nilingon ako. "Hindi lang utak ang kailangan, Allyssa. Kailangan din ng lakas, tapang at katapatan sa trabaho," wika niya. Mas lalo siyang naging seryoso. "Matapang ako," agad kong saad. "Mapagkakatiwalaan at malakas," dugtong ko. Napailing siya sa'kin. "Sa motor pa lang, halos isumpa mo na ako dahil sa takot," wika niya. "First time ko e," palusot ko. "Wala bang babaeng bodyguard sa inyo?" Tanong ko. Umiling siya. "Wala. Pero pwede," wika niya. "Edi, ako na lang!" Malakas kong sabi. Tinignan niya ako na para bang binabasa kung nagbibiro lang ako. "Seryoso ako, Alex. Gusto kong pumasok sa trabaho mo. Para kasama kita lagi," wika ko at nginitian siya sa huli. "Buwis buhay," makahulugang saad niya. "Bodyguard nga e. Alam ko na 'yon. Ang gawain ay magprotekta," wika ko. Bumuntong-hininga siya na para bang natatalo sa mga sagot ko. "Magte-training ka muna. Mapili si Boss," wika niya. "Sa trabaho ba ako tuturuan? O tuturuan mo lang ako?" Magkasunod kong tanong. "Sa trabaho na. Pero kapag walang trabaho, tuturuan din kita para mas mabilis kang matuto at mas mahasa ka lalo na sa pakikipaglaban," aniya. "Laban?" Tanong ko. "Kaya nga buwis buhay, Allyssa," makahulugang wika niya. "Game ako," kahit kinakabahan ay iyon ang naisagot ko. "Sumama ka sa'kin bukas," wika niya. Gumuhit ang matamis na ngiti sa labi ko at niyakap siya. "Salamat, Alex!" Nakangiting sabi ko habang mahigpit siyang yakap. Bumitaw ako at nakita kong naestatwa siya. "Napano ka?" Untag ko sa kaniya. "Uy!" Malakas ko ng untag sa kaniya. Nabalik naman siya sa ulirat. "Natulala ka na diyan," natatawang wika ko. "Ano nga pa lang requirements?" Tanong ko nang parang nahimasmasan na siya. Tumikhim siya at umayos ng upo. "Hindi na kailangan. Sila na kasi ang magba-background check sa'yo," sagot niya. Namangha ako. "Wow! Ang galing naman," bulalas ko. "Masungit ba ang boss niyo?" Tanong ko. "Palagi," tipid na sagot niya. "Babae o lalaki?" Tanong ko uli. "Lalaki," tipid uling sagot niya. "Kwentuhan mo naman ako para may ideya naman ako bukas," wika ko. Nilingon niya 'ko. "Ayaw ni Boss ng matatakutin. Dapat may kusa ka. Handa ka dapat palagi sa laban. At higit sa lahat, katapatan. Ang hindi tapat sa kaniya--" nahinto siya sa pagsasalita. "Anong mangyayari?" Tanong ko. Pinakita naman niya ang baril na nakasuksok sa pantalon niya. Napalunok ako. "Papatayin?!" Mangha kong tanong. "Papasok ka pa ba? Maaga pa para umatras, Allyssa," aniya. Natakot ako do'n pero baka tinatakot lang ako nitong si Alex para hindi ako makasama sa trabaho niya. "Oo naman!" Masiglang sagot ko. *** Hinatid ako ni Alex sa bahay. Nagmano pa siya kay Nana. "Bihira ka na kung bumisita dito, Alex," nagtatampong sabi ni Nana. Nahihiyang ngumiti si Alex at nilingon ako. "Busy po sa trabaho, Nana," magalang niyang sagot kay Nana. Nakita ko naman ang bisekleta kong nakaparada na sa pwesto niya. Mabuti at nakauwi ng maayos. "Baka naman inaabuso mo iyang katawan mo, Alex?" Nag-aalalang tanong ni Nana sa kaniya. Tumungo naman ako sa kusina para ipagtimpla siya ng kapeng paborito niya. Kapag timpla ko, hinding-hindi niya matatanggihan dahil paborito niya 'yon. "Hindi po, Nana," sagot naman niya. Naririnig ko pa rin sila mula rito dahil maliit lang ang bahay namin. Kaming dalawa lang naman ni Nana e. Iyong tahian niya dati, naging garahe na lang ngayon ng bike ko at tambakan ng ibang gamit. Dinala ko sa kaniya ang kapeng tinimpla ko. "Itong si Allyssa, inaabuso ang sarili," sumbong ni Nana kay Alex. Nilingon naman ako ni Alex at makahulugang tinitigan. "Nana... ayos lang po. At saka, magagaan lang naman ang trabaho ko kahit inaabot na 'ko ng madaling araw kung minsan," sagot ko at tinabihan siya. "Pagsabihan mo nga itong kaibigan mo, Alex," wika ni Nana. Tumawa naman si Alex. "Matigas po ang ulo niyan, Nana. Kailangan pong iuntog kung minsan para lumambot," pabirong wika ni Alex at saka sumimsim sa tasa ng kape. Ngumuso ako. "Ang sabi ko nga sa kaniya, siya na lang ang magpatuloy ng tahian ko. Pero hindi raw niya gusto dahil hindi niya hilig," pailing-iling na saad ni Nana. "Mas gusto pa niyang magtrabaho sa labas kaysa dito lang sa bahay," dagdag ni Nana. "Isasama po ako ni Alex bukas sa trabaho niya, Nana," nakangiting wika ko. "Gano'n ba? Mabuti kung gano'n. Para nababantayan ka nitong si Alex. Saan-saan ka kasi nagsusuot para humanap ng raket," ani ni Nana. Napatango na lang si Alex at ako naman ay ngumuso lang. Bago umalis si Alex ay sinabi ni Nana na dito na lang siya maghapunan. Tatlo kami ngayon sa kusina para maghanda ng hapunan. "Kailan mo liligawan itong si Allyssa, Alex?" Nakangiting tanong ni Nana. Mula sa pagbabalat ng bawang ay tinignan ako ni Alex. Ako naman ay hinihiwa ang sitaw. "Nana!" Awat ko sa kaniya. Tumawa naman siya. "Hindi ko pa po siya sinasagot, Nana," sagot naman ni Alex sa kaniya kaya binato ko siya ng sitaw. "Hoy! Hindi kita nililigawan! Kapal ng mukha nito," nakasimangot kong usal. Tumawa naman si Alex kaya tumawa na rin si Nana. "Basta, Alex. . .ikaw ang manok ko," wika ni Nana at kinindatan si Alex. "Nana naman. Parang ang dami ko namang manliligaw. At saka 'yang si Alex, maraming chics 'yan. Paiba-iba kada linggo," wika ko at nginisian si Alex. "Hindi po 'yon totoo, Nana. Si Allyssa lang ang gusto ko e. Kahit na may pagkapraning," aniya kaya muli ko siyang binato pero sibuyas naman ngayon. Agad niyang nasalo. "Kayo talagang dalawa. Bagay na bagay talaga kayo," nakangiting saad ni Nana. "Gutom lang 'yan, Nana. Manuod ka na lang muna ro'n ng TV at magluluto na 'ko," pag-iiba ko ng usapan. "At ikaw naman, Alex. . .huwag mo 'kong titigan ng ganiyan at baka maipakain ko sa'yo itong sitaw na hilaw," banta ko sa kaniya. Pailing-iling na umalis ng kusina si Nana. "Wala naman akong ginagawa ah," inosenteng tanggi niya. "Style mo, bulok!" Tinulungan ako ni Alex sa pagluluto kaya mabilis na natapos. Salo-salo kaming kumain ng hapunan. Adobong sitaw lang ang ulam namin at mukhang magkukulang ang sinaing dahil ang lakas kumain ni Alex. Nang matapos ang hapunan ay tumulong si Alex sa paghuhugas. Nagpahinga lang kami saglit at nanuod ng drama sa TV. Maya-maya pa ay nagpaalam na siyang uuwi na. Tulog na si Nana dahil maaga 'yong natutulog. Maaga ring nagigising. Gano'n yata talaga kapag matanda na. "Pakisabi na lang kay Nana na umuwi na 'ko," wika niya. Hinatid ko siya sa labas ng gate. Sumakay siya sa motor niya at kinuha ang nakasabit na helmet. "Sunduin kita bukas," aniya. "Anong oras?" Tanong ko. "Seven," sagot niya at sinuot ang helmet. "Sige. Ingat ka sa pagda-drive. Gabi na at uso ang disgrasya," paalala ko. "Yes, mahal," sagot naman niya. "Siraulo!" Angil ko sa kaniya. Binuhay niya ang makina. "Good night," matamis niyang sabi at agad na umalis. Hindi muna ako pumasok agad at tinignan muna siya hanggang sa mawala siya sa paningin ko. Inayos ko ang salamin at humawak sa mababang gate namin. Ang bilis niya talagang magmaneho. Sana safe siyang makauwi. Napaisip tuloy ako kung kailangan ba ng gano'n sa trabahong papasukan ko. Mabilis magpatakbo ng motor at baka kailangan din ng motor. Kapag gano'n nga ang mangyayari, mukhang marami akong dapat matutunan. Bahala na. Basta ang mahalaga sa'kin ngayon, magkaroon ng mataas na sweldo, permanenteng trabaho para madaling makaipon ng pera para makita ko na si Mama. Napatingin muna ako sa langit bago nagpasiyang pumasok sa loob.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD