"Balot! Penoy! Balot po kayo d'yan!?" Malakas kong sigaw habang nagpepedal ng bisekleta. Nasa likurang upuan ang basket ng balot na paninda ko. Kasama doon ang chicharon at pugo. At sempre, hindi mawawala ang suka at asin para sa mga bibili.
Hapon na pero naghahanap-buhay pa rin ako. Aabutin ako ng gabi dito sa daan kapag hindi agad naubos itong paninda ko. O 'di kaya. . .hanggang sa mapagod na ang lalamunan ko sa kakasigaw at paa ko sa kakapedal, doon lang ako magpapasyang umuwi.
Pero baka may magandang naidudulot ang pagtitinda ko ng balot. Pakiramdam ko, gumaganda ang boses ko. Nahahasa ang lalamunan ko sa pagsigaw at baka hindi magtagal ay maging singer pa 'ko. Naku, dagdag kita 'yon 'pag nagkataon!
"Balooot!" Mahabang sigaw ko. Dinama ko pa ang boses ko na para bang kay ganda sa pandinig ko ang pagkabigkas ko ng balot. Pangisi-ngisi pa 'ko habang lumilingon sa mga nadadaanan kong kabahayan habang sumisigaw. May mga taong abala sa kanilang buhay at parang walang naririnig na nagbebenta ng balot. O sadyang hindi sila interesado? Humaba ang nguso ko.
"Ang sarap-sarap kaya ng balot," nakanguso kong usal. Kulang pa ba ang boses ko? Baka nga. O baka kulang sa ensayo. Dapat masanay ako sa matataas na nota at mahahabang paghinga para mas maganda ang maging resulta.
"Balot!" Sigaw ko uli.
Well, hindi naman talaga ito ang pinangarap kong trabaho. Gusto ko sanang mangibang-bansa, doon sa Malca. Nandoon kasi si Mama e. Gusto ko siyang hanapin. Ilang oras lang ang biyahe papunta roon sakay ng eroplano. Oo, ilang oras lang pero ilang taon ng hindi umuuwi si Mama. Wala rin kaming balita doon ni Nana. Basta ang huling balita raw sa kaniya, may pamilya na raw doon. Pero hindi rin sigurado ang balitang 'yon.
Minsan, napapatanong tuloy ako sa sarili ko kung bakit kay dali akong iwan ng mga magulang ko. Ang sabi ni Nana, nabuntis lang daw si Mama at hindi pinanagutan. At nang manganak naman si Mama sa akin, hindi rin niya ako pinanagutan. Ang akala nga raw ni Nana noon e. . .para sa'kin ang pag-alis niya. Iyon pala, para takasan ang responsibilidad niya sa'kin. Dahil siguro, aksidente lang akong nagawa. Iyon bang hindi sinasadya at hindi rin kagustuhan. O baka, kagustuhan nilang pareho pero wala pa 'ko sa plano. Ganito pala 'yong hindi pinaghandaan, pababayaan na lang.
"Itlog-pugo, balot!" Sigaw ko uli.
Pwede akong panghinaan ng loob pero hindi ko gagawin 'yon. Lumaki akong walang magulang pero hindi rason 'yon para sumuko ako sa buhay. Kasama ko ang Nana ko at mahal na mahal niya 'ko. Gusto ko lang talagang makita si Mama sa personal. Dream iyon para sa'kin. Kasi hindi ko alam ang pakiramdam kapag kaharap ko na siya. At iyon ang gusto kong maramdaman. Na kahit man lang isang saglit ay maramdaman kong may nanay ako. Kapag natupad ko 'yon, magiging kumpleto na 'ko. Kasi ang hirap na wala kang kinalakhang magulang tapos pakiramdam mo, palaging may kulang.
"Matumal yata ang benta ngayon ah," bulong ko. Huminto muna ako sa gilid at pinunasan ang salamin. May scatchtape na ang frame nito dahil wala pa 'kong pambili ng bago. Mahal kasi magpasukat ng salamin. Itong sa'kin, baka dagdagan uli ng grado.
"Allyssa?" Agad kong sinuot ang salamin ko para makita kung sino ang tumatawag sa'kin. Nakahinto sa harapan ko ang malaking motor niya. Bumaba siya roon at nakangiting nakatunghay sa'kin pagkaalis ng helmet.
"Uy, Alex!" Bati ko sa kaniya. Mukha siyang galing sa trabaho niya. Nakasuot pa siya ng itim na suit. Mukha siyang professional tignan pero bodyguard lang daw siya at hindi sa opisina nagtatrabaho.
"Aga mo yata ngayon?" tanong ko.
"Oo e," maiksing sagot niya. Matagal na kaming magkakilala at magkaibigan nitong si Alex pero ni kahit minsan, hindi pa niya sinasabi sa'kin kung saan siya nagtatrabaho.
Nakita ko siyang pumunta sa likuran at kumuha ng isang balot.
"Ang dami mo pang benta ah. Matumal ba ngayon?" Aniya.
"Oo. Kanina pa nga ako nag-iikot e. Dadalawa pa lang ang bumili. Ikatlo ka na kung hindi mo uutangin 'yan," wika ko at nagbiro sa huli. Ngumiti naman siya.
"Kailan pa 'ko nagkautang sa'yo?" Tanong niya at saka hinigop ang sabaw ng balot.
"Biro lang! Ito naman," wika ko at tinaas ang salamin gamit ang daliri. Maliit kasi ang ilong ko kaya madalas bumaba itong salamin ko.
"Siya nga pala. . .kamusta na 'yung eskwelahang ina-apply-an mo for scholarship?" Tanong niya. Napangiwi ako.
"Legwak pa rin e," sagot ko.
"Pinipili lang yata sa unibersidad na 'yon e... 'yong mga magaganda lang," dugtong ko. Kumunot naman ang noo niya.
"Grabe naman 'yon. Aanhin mo naman ang mukha kung wala namang talino. Anong klaseng university 'yon?" hindi makapaniwalang wika niya.
"At isa pa. . .maganda ka, Allyssa. Matalino pa. E, kung ganda lang pala ang gusto nila at hindi ang talino mo. . .sa iba ka na lang mag-apply kung ganiyan," wika niya.
"Sayang lang ang talino mo sa gano'ng klase ng paaralan na ganda lang ang gusto," dagdag niya at inisang subo ang buong binalatan niyang balot.
Kumuha pa siya ng isa at mabilis ding kinain. "Hoy! Hanggang dalawa lang, Alex. Baka ma-highblood ka," awat ko sa kaniya.
"Alam ko," sagot naman niya.
"Kaya lang. . .wala na 'kong ibang alam e. Nasubukan ko na kasi lahat. Iniisip ko tuloy, huwag na lang kaya akong mag-aral? Pero ayoko naman ng ganito lang. . .tindera lang ng kung ano-ano," wika ko at sinulyapan ang hawak naman niya ngayong chicharon. Nilalagyan niya 'yon ng suka sa loob. Sumubo agad siya ng isa pagkatapos lagyan ng suka.
"Paano ang pangarap mong makita ang Mama mo? Maganda nga na makapagtapos ka e para kapag nagkita kayo, may maipagmamalaki ka sa kaniya at para mas ma-realize niyang mali na inabanduna ka niya," aniya. Bumuntong-hininga ako.
"Ewan. Hahanap na lang muna siguro ako ng trabaho. At saka. . .dalawang taon na 'kong istambay. Hindi ko naman kasi kayang suportahan ang pag-aaral ko dahil magkano lang ang kinikita ko sa araw-araw kahit na marami akong raket. Pangkain pa namin ni Nana," problemado kong bulalas.
Nahinto siya sa pagnguya at tinignan ako. "Mabuti nga ikaw e. . .mukhang maayos ang trabaho mo. Malaki siguro ang sinasahod mo. Dahil kahit isang trabaho lang sa'yo, sumasapat na. May magarang motor ka pa nga e," wika ko at sinulyapan ang motor niya. Mukhang mamahalin at matulin ang takbo.
"Samantalang ako, heto. . .bisekleta lang ang meron at kung ano-anong raket ang pinapasukan pero nagkukulang pa rin," pagod kong saad at saka sinundan ng mabigat na buntong-hininga.
Ang hirap na nga ng buhay, pag-aaral na nga lang ang paraan para sana makahanap ng mas maayos na trabaho nang makaangat naman sa hirap ng buhay, tapos ay ganito pa. Pinagkakaitan ako ng scholarship. Ang hirap kasi sa mundong 'to, bumabase na ngayon ang mga tao sa itsura. Iyon na lang ba ang mahalaga ngayon? Panglabas na anyo?
Inabot sa akin ni Alex ang singkwenta pesos. Agad ko 'yong nilagay sa belt bag na suot ko.
"Ipasok mo naman ako sa trabaho mo," pakiusap ko.
"Baka pwede ako do'n," dugtong ko. Tinignan niya ako at umiling.
"Delikado roon, Allyssa," wika niya.
"May bakante pero mas delikado kaysa sa trabaho ko," seryosong wika niya. Hindi ako nabahala sa itsura niya. Sa halip ay mas natuwa ako sa narinig mula sa kaniya. May bakante raw.
"Ipasok mo 'ko. Sige na, please?" Nagniningning pa ang mga mata ko habang nakatunghay sa kaniya. Hinawakan ko pa ang kamay niya para mas makatotohanan. Nilingon niya ang kamay naming magkahawak at saka ako tinignan. Iba naman ngayon ang reaksyon ng mukha niya. Hindi ko mawari kung ano.
"Pag-iisipan ko pa," wika niya at nag-iwas ng tingin. Sumimangot naman ako.
"Hmmp! Lagi ka namang ganiyan e," nagtatampong saad ko at binitawan ang kamay niya.
Inayos ko ang takip ng basket ng balot at umayos ng upo sa bisekleta.
"Diyan ka na nga!" Padabog na paalam ko at nagpedal na.