Jassie POV
Kakayanin ko ’to. Kahit tambak ang gawain sa school at may part-time pa ako sa office, kailangan kong panindigan. Inaantok na ako. Iidlip lang ako sandali, tapos babalik na sa thesis. Kailangan ko na ’tong matapos, may defense na kami.
Nasa baba ako, sa may kusina, laptop sa harap ko. May pinapagawa pa sa akin sa office. Parang matutuyo yata ang utak ko sa dami ng iniisip.
Maya-maya, may narinig akong alulong ng aso.
Bigla akong kinilabutan.
“Naku ano ba ’yan…” bulong ko, napapahawak sa dibdib. Tahimik ang buong bahay, kaya mas lalo akong kinabahan. “Makaakyat na nga lang.”
Pero parang… ang lapit ng tunog. Hindi galing sa labas.
Huminto ako. Nakinig.
Doon ko napansin, galing sa cellphone.
Biglang may tumawa.
“Hoy!” sigaw ko, sabay lingon kay Keano na nasa may sala, halos mangiyak-ngiyak sa kakatawa. “Buwiset ka! Wala ka bang magawa?”
Naniningkit ang mga mata ko sa inis habang nakatingin sa kanya.
Tawa pa rin siya nang tawa. “Grabe ka naman matakot. Isang sound effect lang ’yon.”
“Tingin mo nakakatawa ’yon?” galit kong sabi sabay talikod.
“It’s already late,” sabi niya, medyo humina na ang boses. “Matulog ka na kasi.”
“May tatapusin pa ako sa office. Konti na lang,” sagot ko, kahit ramdam kong bumibigat na ang talukap ko.
“Okay, sige. Pero sa kuwarto na. Doon muna tapusin. Para kung makatulog ka, maayos na.”
Napatingin ako sa kanya. Hindi ko alam kung aasarin ko pa o magpapasalamat. Pero pagod na pagod na talaga ako.
“Fine,” maikli kong sagot.
Pagod at antok na ako kaya hindi na ako nakipagtalo kay Keano. Tahimik akong umakyat, dala ang laptop at mga papeles.
Habang naglalakad ako paakyat ng hagdan, narinig ko siyang nagsalita ulit.
“Next time, horror playlist naman. Para mas effective.”
Huminto ako saglit.
“Subukan mo ulit, Keano,” sabi ko nang hindi lumilingon, “ikaw ang magiging thesis ko.”
Narinig ko ang pigil niyang tawa.
At kahit inis ako, hindi ko mapigilang mapangiti ng kaunti.
Keano POV
Pagsilip ko ulit kay Jassie, payapa na siyang nakatulog. Bukas pa ang laptop niya, nagkalat ang mga papel, highlighter, at notes sa kama. Halatang lumaban talaga bago sumuko sa antok.
Napailing ako.
“Itong batang ’to…” bulong ko sa sarili.
Dahan-dahan kong kinuha ang laptop para hindi siya magising. Tiningnan ko ang gawa niya—marketing layouts, reports, presentations na pinapagawa sa kanya sa office. Ang pinakialaman ko lang naman ay ’yung nasa Office folder.
Pero napahinto ako.
Maayos ang formatting. Malinis ang branding. Consistent ang color palette. May strategy pa sa captions at projections. Hindi mukhang gawa ng part-timer na student. Mukhang gawa ng isang seasoned marketing associate.
Napatingin ako kay Jassie. Tulog na tulog pa rin, bahagyang nakabukas ang labi, may bakas pa ng pagod sa mukha.
“Tinalo pa ang mga empleyado ko ah…” mahina kong sabi.
Kapag nagpe-present ang iba kong staff, madalas kailangan ko pang i-revise o i-polish. Pero ito? Presentable na agad. May utak. At hindi lang basta may utak—above average pa.
Bigla kong naisip, hindi ko nga pala siya nakakamusta tungkol sa grades niya. Sa dami ng ginagawa niya, school, thesis, part-time, hindi ko man lang natanong kung okay ba siya.
May something kay Jassie.
Habang tumatagal, mas napapansin ko. Simula nang mag-work siya sa office, nagbago ang aura niya. Hindi na siya yung laging defensive o may distansya. Mas composed. Mas confident. Mas… babae.
Dati, parang may invisible wall sa pagitan namin. Ngayon, unti-unti kong nararamdaman na nababawasan iyon.
Lumapit ako sa kanya at inayos ang kumot. Hindi niya namalayan.
“Overachiever ka pala,” bulong ko.
Bakit parang ako ang naiilang ngayon?
Pinatay ko ang laptop at inayos ang mga gamit niya sa side table. Bago ako tumalikod, napatingin ulit ako sa kanya.
Hindi ko alam kung kailan nagsimula, pero hindi na lang ito basta responsibilidad.
At hindi ko rin alam kung dapat ko ba ’tong ituloy o pigilan habang maaga pa.
Keano POV
Hindi ako agad lumabas ng kuwarto.
Nakaupo lang ako sa gilid ng kama, nakatingin kay Jassie habang mahimbing ang tulog niya. Tahimik ang paligid, tanging mahina niyang paghinga lang ang maririnig.
Bigla siyang gumalaw.
“Defense… layout… wag mong galawin…” mahina niyang bulong habang tulog.
Napangiti ako. Kahit sa panaginip, trabaho at thesis pa rin iniisip.
“Grabe ka,” bulong ko. “Ako nga hindi ko iniisip ang office pag tulog na.”
Bahagya siyang napasimangot, parang may kaaway sa panaginip. Bigla niyang hinanap ang unan, pero kamay ko ang nahawakan niya.
Nanigas ako.
Mainit ang palad niya. Mahigpit ang kapit.
Hindi ko alam kung aalisin ko ba o hahayaan ko.
“Keano… deadline…” bulong niya ulit.
Napailing ako. “Oo na. Ako na bahala sa deadline mo.”
Hindi niya narinig ’yon. Tulog na tulog pa rin.
Dahan-dahan akong sumandal sa headboard, hindi inaalis ang kamay ko sa pagkakahawak niya. Ewan ko ba kung bakit hindi ko magawang bitawan.
Dati, hindi ko kayang tumabi sa kanya nang ganito nang hindi naiilang. Ngayon… parang natural na lang.
Napatingin ako sa mukha niya. Wala yung supladang tingin. Wala yung mataray na sagot. Simple lang. Tahimik. Totoo.
May kung anong kumurot sa dibdib ko.
Mali ’to.
Napapadalas na ang pagtingin ko sa kanya. Napapadalas na ang pag-aalala ko. At mas delikado, napapadalas na rin ang pagngiti ko dahil sa kanya.
Bigla siyang gumalaw ulit at mas lumapit. Halos nasa balikat ko na ang ulo niya.
“Grabe ka, Jassie…” mahina kong sabi. “Hindi ka marunong rumespeto ng personal space.”
Pero hindi ako umalis.
Sa halip, ako pa ang bahagyang nag-adjust para mas maging komportable siya.
Sandali akong napapikit.
Siguro okay lang ’to. Saglit lang naman.
Pero habang nakahawak siya sa kamay ko, isang bagay ang malinaw,
Hindi na lang ito basta convenience.
At hindi ko na rin masabi sa sarili ko na wala lang ’to.