Hindi ito pinansin ng lalaki. “Gusto mo bang dalhin kita sa clinic?” tanong nito sa kanya. Umiling siya. “Hindi na, okay lang naman ako. Nahihilo lang ako nang kaunti.” “Anemic ka ba? Baka dapat ihatid talaga kita sa clinic para makapagpahinga ka muna ro’n.” “Huwag na. Gusto ko lang maupo,” aniya. Bahagyang iniling ang ulo at pinisil ang sentido. “Sige, aalalayan kita papunta sa inuupuan mo—” “Ako na!” singit ni Trinidad na sumulpot mula sa kung saan. Maingat siya nitong hinatak palayo sa lalaki. Nagulat pa ang class president. Pero wala naman ni isang naglakas-loob na itanong kung bakit palaging umaaligid si Trinidad sa kanya. Takot ang mga ito sa babae. Imbes na tunguhin ang upuan niya at giniya siya ng kaibigan palabas ng silid. “Saan tayo pupunta?” “Sa clinic,” sabi nito.

