Chapter 1: Macara

3966 Words
Malungkot kong pinagmasdan ang kakahuyang aming dinadaanan. Mabigat ang aking pakiramdam, gusto kong umiyak. Kung wala lang akong katabi at mga kaharap, kanina ko pa pinakawalan ang aking mga luha sa mata. Habang mabilis na tumatakbo ang bagon ng tren ay hindi ko maiwasang balikan, ang mga araw kung saan ako gumawa ng tula. Ang isang araw sa aking buhay na hinding-hindi ko makakalimutan. "Aray ko Sheena!" malakas kong sigaw nang itulak ako nito, natumba ako sa maruming sahig. "Nababagay lang iyan sa'yo, ambisyosa ka Ysadora!" Namuo ang masaganang luha sa aking mga mata. "Sheena, anong ambisyosang pinagsasabi mo?" "Hindi ba at kaya ka lang naman dumidikit sa akin ay para sumikat ka?" Paulit-ulit akong umiling. Nagsimula nang magbagsakan ang aking mga luha pababa sa aking mukha. "H-Hindi iyan totoo." Inirapan niya lang ako. "Huwag kang mag-alala Ysadora naging plastic lang rin naman ako sa'yo." sambit niya na tumawa pa, "Kumbaga ay napilitan lang rin akong kaibiganin ka." Tumalikod na siya. Nagmamadali akong tumayo. Hindi alintana ang mga gasgas sa binti na unti-unting humahapdi. Hinablot ko ang suot niyang palda na agad nasira sa higpit ng aking pagkakahawak dito. Tiningnan niya ako nang masama, halos lumuwa ang nanlilisik niyang mga mata. "Nananadya ka ba?!" sigaw niya sa galit na galit na boses, "Ayaw na nga kitang kaibigan, mahirap ba iyong intindihin?!" "Sheena.." Mabilis niyang dinampot ang walang lamang baso na basa ibabaw ng table. Nagsigawan ang mga estudyanteng naroroon. Ini-amba niya itong ihahagis sa akin. "Hindi mo pa rin ba ako naiintindihan?!" "Sheena..hindi t-totoong ginagamit lang kita." sambit ko sa nagsusumanong tono, "S-Sheena.." Malakas na sigawan ang namayani sa buong lugar nang malakas niyang ihagis sa akin ang baso na agad kong nasalo. Sa lakas ng impact nito ay nabasag iyon sa aking kamay. Nagsimulang umagos sa aking isang braso ang mainit, malapot na sariwang dugo. "Y-Ysadora.." gulantang na sambit niya habang nakatingin sa aking palad na dumudugo, "May sugat ka." Matapang akong tumayo. Tiningnan ko siya nang masama. "O sige, iyan ang gusto mo?" hamon ko sa kanya, "Magkalimutan na tayo. Hindi na rin kita kaibigan!" Tinalikuran ko siya at tumakbo ako palayo. Hindi ko siya nilingon kahit na narinig ko ang paulit-ulit niyang pagtawag sa aking pangalan. Patuloy akong tumakbo hanggang sa makarating ako sa likod ng aming school na magubat. Marami ditong tanim na iba't-ibang uri ng mga punong-kahoy na mayayabong ang dahon. "Kung ayaw niya sa akin e 'di ayaw ko rin sa kanya!" himutok ko habang patuloy sa aking paglalakad. Tumigil ako sa harapan ng malaking katawan ng puno. Marami ang malalaki nitong mga sanga. Marami rin itong malalapad na dahon. Pasalampak akong naupo sa tabi nito. Isininandal ko rin ang aking likod sa katawan nito. Marahan kong ipinikit ang aking mga mata habang unti-unting binubuksan ang dumudugo at nakakuyom kong kamao. "Anong ginagawa mo dito?" Idinilat kong muli ang aking mga mata. Mabilis kong muling itinikom ang patuloy sa pagdugong palad. Napangiwi ako sa kirot nitong hatid, ngunit nawala rin iyon nang magtama ang mga mata namin ng estrangherong nasa aking harap. "Bakit? Pag-aari mo ba ang lugar na ito?" Humalukipkip siya sa aking harapan habang pinagmamasdan ang aking dumudugong kamay. "Paano kung sabihin kong oo aalis ka ba?" Mabilis akong tumayo. Ayokong makipagtalo sa kanya lalo pa at may kirot at sakit ako ngayong iniinda. Nag-uunahang bumagsak muli ang aking mga luha. Pakiramdam ko ay walang lugar akong kinabibilangan. Sa paaralan man iyan o sa malayong likod na gubat ng aming silid-aralan. Mabagal akong humakbang palayo sa malaking punong iyon. "Sandali!" malakas niyang sigaw na ikinatigil ko, "Anong nangyari sa kamay mo?" Marahas niyang hinawakan ang aking kamay na may sugat. "Huwag mo akong hawakan!" pahisterya kong sigaw sabay tingin sa kanya nang masama, "Wala kang k-karapatan." Hindi niya binitawan ang aking isang kamay. Lalo pang humigpit ang pagkakakapit niya dito. "Kailangang agad itong maampat!" nag-aalala na ang kanyang magandang mga mata, "Mauubusan ka ng dugo!" Sa halip na matawa sa pagiging OA niya ay lalo pa akong naiyak sa pag-aalalang sa akin ay kanyang ipinapakita. "Marami pa naman akong dugo sa katawan." Wala sa sariling sambit ko, "Huwag kang ipokrito." Mabilis niya akong hinila paupo sa lilim ng malaking puno. "Marami ka pa ngang dugo sa katawan pero hindi mo dapat ito sinasayang." aniya na kinuha ang aking maysugat na kamay at dinala niya iyon sa kanyang maliit na bibig. "Hayaan mong tanggalin ko ang tinik." dagdag niya marahang sinipsip ang dugo na lumalabas sa sugat. Hindi niya iyon iniluluwa sa damuhan. "Anong ginagawa mo?!" tanong ko na mabilis hinila mula sa kanya ang aking kamay, hindi niya iyon binitawan. "Huwag kang malikot, iniinom ko ang dugo mo." Rumehistro sa aking mukha ang takot na hatid ng kanyang salitang binigkas. Ano siya monster? Umiinom ng dugo? Nang mapansin siya ang aking pag-aalala ay malakas siyang tumawa. Binasag noon ang tahimik na paligid. "Binibiro lang kita, tinatanggal ko ang maliliit na piraso ng mga bubog na naiwan sa loob ng palad mo." Hindi na ako nagpumiglas pa. Pinagmamasdan ko lang siya habang ginagawa niga iyon. Mukhang marami siyang alam na gawin sa mga ganitong alanganing sitwasyon. "Huwag mo akong titigan na para bang gusto mo na akong tunawin." sintemyento niya habang dinidilaan ang dugong nakadikit sa gilid ng kanyang labi, "Papayagan na kitang tumambay dito pero sa isang kondisyon." Maingat niyang ibinalot sa piraso ng pinunit niyang laylayan ng damit ang aking kamay na tumigil na sa pagdugo. "Anong klase ng kondisyon iyon?" "Gumawa ka ng tula tungkol sa ating dalawa," tiningnan ko siya nang masama, "Kunwari ay matagal na tayong magkakilala tapos isang araw ay nakalimutan mo ako." Napangisi ako habang kumukuha ng papel sa aking bag. Nagsimula na akong magsulat ng tula na hiniling niya. Sa ihip ng hanging, malamig sa balat Ako ay nagulat ikaw ay nasa aking harap Sa lilim ng punong, mayabong ang dahon Una kitang nakita, nakasandal, nakapikit at nagpapahinga. Sa lilim ng puno ikaw ay nakaupo Sa ilalim ng langit, langit na maulap Ako ay naupo sa iyong harap, habang tinitingnan ang mga mata mong kumikislap Sino ka? Saan tayo nagkakilala, Ikaw ay tumayo, at sa harapan ko'y ngumuso Ikaw sa akin ay tumingin sabay tanong sa akin; 'Ysa, hindi mo na ba ako nakikilala?' Ako ay umiling mga mata sa'yo ay nabaling Hindi kita kilala, ni bakas ng mukha mo, sa akin ay walang alaala Ysa ako ito ang mahal mong nobyo, Nagbalik ako, upang mahalin ka nang buong-buo. Ibinigay ko ito sa kanya habang pangisi-ngisi sa kawalan. "Ano ito? Anong malamig ang hangin? Ang init-init nga dito!" Malakas akong tumawa sa naging reaksyon niya. "Huwag ka ng umapela, ako ang gumawa niyan." may pagmamalaki sa aking tinig. "Exactly, para sa akin ang tula kaya dapat na maganda." pakikipagtalo niya sa hindi ko maintindihang dahilan. "Bahala ka, kung ayaw mong tanggapin 'yan huwag." wika kong tumayo na sabay hablot ng papel mula sa kanya. Mabilis siyang tumayo nang tumayo na ako. "Saan ka pupunta?" "May klase na ako, salamat sa pagpapagaling." taas ko ng aking kamay na nakabalot sa itim na tela, "See you around!" Kung alam ko lang na iyon na pala ang una at huli naming pagkikita, dapat ay hindi nalang ako pumasok sa klase. Hindi ko man lang nalaman ang pangalan niya, anong grade niya na at anong section niya. Magmula ng araw na iyon ay palagi na ako ditong tumatambay. At sa mga araw na iyon ni bakas ng anino niya ay hindi ko na nakita pa. "Bayan ng Macara, iyong mga bababa diyan ay tumayo na po at titigil na tayo sa Red Eyes station." anunsyo ng isang lalaki na malakas na nagsasalita sa microphone. Doon palang bumalik sa ulirat ang aking diwang nagbalik sa nakaraang lumipas na kanina. Mabilis akong tumayo. Isa-isa kong ibinaba sa gitna ng mga upuan ang aking mga dala. Sinakbat ko ang backpack at itinaas ang handle ng aking maleta. Ngumiti ako sa babaeng aking katabi sa upuan. "Excuse me po." Tumango siya sabay tayo upang bigyan ako ng daan. Unti-unting bumagal ang takbo ng tren. Marahan ring bumukas ang pintuan nito upang bigyang daan ang mga bababa dito. Nagpalinga-linga ako sa likuran ko pagkababa ng bagon. Ako lang pala mag-isa ang bumababa nang nasabing lugar. "Ako lang ang pupunta dito?" wala sa sariling tanong ko. Malakas akong umubo habang iwinawasiwas ko sa hangin ang aking dalawang kamay. Halos malunod ako sa alikabok na iniwan ng bagon ng tren na tuluyan na akong inabandona. "Hindi ko matandaan na disyerto na pala ang bayan nila Uncle Simon." muli ay sambit ko. Umatras ako nang ilang hakbang upang lumayo sa alikabok na patuloy na lumilipad sa ere. Tiningnan ko ang kabuohan ng lugar at halos mangilabot ako sa kakaibang hatid nito. Hinaplos-haplos ko ang aking dalawang braso na agarang nanindig ang aking maliliit ditong mga balahibo. "Nasaan si Uncle Simon?" tanong ko na nagpalinga-linga, wala akong nakikitang mga tao dito. "Akala ko ba ay susunduin niya ako dito? Nasa tama ba akong lugar?" Hindi nakaligtas sa akin ang kinakalawang ng riles ng tren. Kaunting sipa nalang dito ay bibigay na ito nang tuluyan. Ganundin ang naaagnas na mga letra na pangalan ng naturang estasyon. Halos mahulog na rin ang mga bold letters nito, kung saan binubuo ang Red Eyes Station. Sa aking harapan na tawid nvmg riles ay may dalawang daan, na alam kung ang isa doon ay ang aking pupuntahan. Hindi ko na matandaan pa ang itsura ng lugar ni Uncle dahil sa tagal na nang huli akong pumunta doon. Ang tanging natatandaan ko lang ay mukha itong ghost town sa araw. Dinukot ko sa bulsa ng aking bag ang dalang cellphone. Halos atakehin ako sa puso nang hindi ko iyon mahawakan. "Nasaan ang phone ko?" tanong kong ibinaba na ang bagpack sa ibabaw ng aking maleta. "Saan ka na phone?" Hinalughog ko na at lahat ang loob ng aking bag ngunit hindi ko ito makita. Sa ilalim na bahagi ng aking bag ay may maliit na papel akong nakita. Sulat kamay iyon ni Mama. Ysadora, Nasa akin ang phone mo, kinuha ko ito kanina dahil bawal ito sa boarding school na papasukan mo. Mag-iingat ka palagi anak, mahal na mahal kita. Nagmamahal, Mama "Hindi mo ako mahal Mama!" sambit ko na halos ibato na ang backpack na aking hawak. "Bakit bawal?" Nagsimula na namang magtubig ang bawat sulok ng aking mga mata. Nakakaramdam na naman ako ng sama ng loob. "Hija, ikaw ba si Ysadora?" anang pamilyar na tinig sa aking likuran, "Ysa? Ikaw na ba iyan?" Mabilis kong pinalis ang aking mga luha sa mukha. Nakangiti ko siyang nilingon kahit na alam kong bakas pa rin ang umagos na luha sa aking mukha. "Uncle Simon kumusta po kayo?" mabilis kong kinuha ang kanyang isang kamay at nagmano dito, "Si Auntie Minerva?" Malawak siyang ngumiti sa akin. "Abala sa bahay, hindi na sumama sa pagsundo sa'yo." tugon nito na hinawakan ang handle ng aking maleta, "Umiyak ka ba?" Mabilis akong umiling sa kanya. Hindi halos nagbago ang kanyang mukha. Kamukha siya ni Mama. "Hindi po." pagtanggi ko na mabilis nilamukos ang papel na hawak at inilagay ko iyon sa bulsa ng aking pantalon, "Nagkataon lang po na naiwan ko ang phone ko sa Zamora." "Ganun ba hija?" tumango ako nang marahan, "Hindi mo na iyon kailangan kapag nasa Macara ka." Hindi ako sumagot. "Halika na hija, nang makapagpahinga ka pa." aniya na humakbang na patungo sa nakaparada niyang sasakyan. "Sa una ay maninibago ka sa lahat, pero hindi magtatagal ay makakasanayan mo rin ang lahat ng mga bagay dito." Tumango lang ako habang sumusunod sa kanya. Kakaunti palang ang kulay puti sa buhok ni Uncoe Simon. Tinalo pa siya ni Mama na nabubuhay sa alaga ng black shampoo. Tahimik kaming lumulan na dalawa sa kanyang sasakyan. "Ilang taon ka na ba hija?" tanong niya sa akin bago niya sinimulang paandarin ang sasakyan, "Eighteen ka na ba?" Mabilis akong umiling habang isinusuot ang aking seatbelt. "Pa-eighteen palang po ako Uncle Simon next week." pagtatama ko sa kanya, "Hindi ko po maintindihan si Mama kung bakit niya ito ginagawa sa akin. Kasama ko silang dalawa ni Kuya tuwing sasapit ang aking kaarawan." "Ang balita ko ay nasaktan kang kaklase mo?" anitong sinumulan nang paandarin ang sasakyan papasok sa rough road na kalsada, "Nang dahil sa isang tula." Umayos ako ng aking upo. Bahagya akong humarap sa may banda niya. Gusto ko itong ipaalam sa kanya. "Iyon rin po ang sabi ni Mama sa akin paggising ko." patuloy kong saad, "Pero ang weird talaga Uncle Simon, wala akong matandaan na kahit na katiting sa mga pangyayaring iyon." Hindi kami close na dalawa, takot rin ako sa kanya. Ngunit sa hindi malamang dahilan ay nakikita ko sa kanya si Papa. "Iyong pangyayari lang na iyon ang hindi ko maalala." Hindi na siya sumagot. Biglang naging seryoso ang kanyang mukha na nasa daan ang buong atensyon. Papaliit nang papaliit ang makipot at baku-bakong daan. "Uncle Simon wala po akong natatandaan na ganito ang daan patungo sa iyong bayan, bakit naging rough road?" Saglit siyang sumulyap sa akin. "Niluma na ng panahon hija, mamaya ay makikita mo ang totoong hitsura ng bayan ko." Napangiti ako nang maliit nang dahil sa sinabi niya, mukhang marami ngang nagbago sa bayan nila. Baka hindi na rin ito mukhang ghost town kagaya noon. Ilang minuto pa ay bumungad sa amin ang isang downtown. Alam kong napakaganda nito kung--kung may mga tao lang akong nakikitang nagpapalaboy-laboy dito. Mga batang naglalaro sa tanghaling tapat, mga vendor ng kung anu-anong pagkain para sa nalalapit na tanghalian. Mga taong nag-uumpukan at nagchi-chismisan. At mga taong abala sa kanilang araw-araw na gawain. Sa arko nito ay nakasulat sa malaki at bold letters ang pagbati sa mga bagong dating. 'WELCOME TO MACARA DOWNTOWN' Kakaiba ang mga istruktura ng mga building dito, ganundin ang mga nagtatayogang mga bahay hindi kalayuan. Ang mga commercial buildings at iba't-ibang establishment ay sarado. Halatang niluma na rin ito ng mahabang panahon. "Uncle Simon bakit wala pong mga tao?" nababahala at inosente kong tanong sa kanya. Ghost town pa rin ito gaya ng aking naaalala noon. Ngunit malaki pa rin ang ipinagbago nito ngayon keysa noon. "Natutulog pa sila hija." tugon niya na nangingiti. Pa-simple kong sinipat ang aking pambisig na orasan at nangunot ang aking noo nang makitang alas onse pa lang. "Tanghali na po Uncle Simon." pagpupumilit ko sa kanya. Muli niya akong saglit na sinulyapan. "Gabi palang dito ngayon hija." Gabi? Ibig sabihin reverse? Dito ang araw ay gabi, tapos ang gabi dito ay siya namang araw? Ang gulo-gulo. "Hindi po ba normal ang oras dito sa bayan niyo?" pagtatanong ko upang maging malinaw ito. "You will see it later hija." Hindi na ako nagtanong pa sa kanya. Umakyat ang kanyang sasakyan sa isang matarik na daan. Pagkatapos noon ay naging patag nang muli ang daan. Sa gitna ng paligid na luntian. Walang imik na binuksan ko ang bintana ng kanyang sasakyan, habang pumapasok siya sa mataas at napakalaking gate. Sa itaas ng gate ay may nakalagay na 'WELCOME HOME'. Humalik sa aking mukha ang malamig na simoy ng hangin sa tanghaling tapat. Hindi ko itatanggi na maganda ang salubong sa akin ng paligid. Hindi ko maiwasang humanga sa kulay luntiang paligid. Berdeng-berde ang mga halaman at mahahalata mong alagang-alaga ito ng mga nakatira dito. Lumiko sa kanan si Uncle Simon kung saan may mga nakahilerang mga puno ng orange at mansanas sa magkabilang gilid, na parehong hitik na hitik sa bunga. Parang gusto kong bumaba at mamitas ng kanilang maraming mga bunga. "Nagustuhan mo ba ang lugar?" "Ang ganda po dito Uncle Simon, luntian na luntian!" "You never changed hija." makahulugan niyang tugon. Ngumiti lang ako sa kanya sa pag-aakalang papuri iyon. Tumigil ang sasakyan ni Uncle sa isa pang gate muli na may mas malaking bold letters na 'WELCOME TO SECRET ACADEMY' at sa ibaba nito ay may nakasulat na 'SEKRETONG AKADEMYA' . Tapos sa ibaba nito ay may crest na kulay itim na may halong kulay na hilaw na pula, na may nakasulat sa baba na 'BAYAN NG MACARA'. Automatic na bumukas ang gate at may dalawang lalaking mabilis na sumaludo sa amin. Mukha silang puyat na puyat dahil sa nanlalaki ang kanilang mga eyebags. Tumigil ang sasakyan sa harapan ng isang malaking building, ito na ba ang school ko? Baka naman ito ang dorm? Walang imik kaming pumasok dito na kahit araw ay bukas ang mga ilaw. "Magandang gabi po Senyor Simon," bati ng isang babaeng gaya ng mga lalaki na puyat. Humihikab pa siya sa aming harap. Para kaming pumasok sa isang hotel na may limang palapag kasama na ang lobby. "Good evening," tugon ni Uncle rito na humihikab na rin. "Ito nga pala ang pamangkin ko, si Ysadora." "Hi!" nakangitin kong bati sa kanya. "Ikinagagalak kitang makilala Ysadora," anitong may binuklat na malaki at makapal na notebook, "Pwede bang pakisagot ng tama ang mga itatanong ko?" tanong niyang ngumiti nang malawak kaya ngumiti ako at tumango. "Whole name?" "Ysadora B. Ydades." "Age and birthday?" "July 11, 1999 I'm still seventeen." "Blood type?" Mabilus akong tumingin kay Uncle Simon na nakatayo lang doon at hinihintay akong matapos i-interview. "She is AB+." tugon nito, ngumiti ito nang magtama ang mga mata naming dalawa. "Okay, your room is 201 may dalawa ka doong roomates," paliwanag niya sa akin, doon ko palang napansin ang malaking letra sa likod niya na '18' at handa na sana akong magtanong kaya lang biglang sumingit si Uncle Simon. "Pakisamahan mo siya sa kanyang magiging kwarto Ella, upang makapagpahinga." baling niya sa babaeng kasama ng unang babae na mukha nang natutulog na manok. "Masusunod po Senyor Simon," bakit ang pormal nila? "Halika na Ysadora, ihahatid na kita." lingon nito sa akin. Hindi ko maiwasang hindi humanga sa ganda ng loob ng naturang building. Hindi basta ito building dahil mahahalata ang makalumang desinyo dito. Kahoy ang ilang hagdang walang sawang gumagalaw ng akyat-baba. Ang astig kahoy na escalator! Sumunod lang ako sa kanya hanggang sapitin namin ang nakapinid na pintuan. Kumatok siya dito. "Hi!" bukas ng isang babae sa pintuan na may malawak na ngiti. Nakasuot siya ng isang terno ng pantulog na damit at halatang nabulabog ito sa kanyang pagtulog. Hanggang balikat ang kanyang buhok na alun-alon, nakakainggit. "Carley, si Ysadora ang bagong magiging ka-roomate niyo." pagbibigay alam ng babaeng aking kasama. "I know!" nakangiti pa rin niyang saad, "Kanina ko pa nga siya hinihintay." Wait, alam niyang darating ako? "Sige na, ikaw na ang bahala sa kanya ha?" pagbibilin ng babae dito, "Pamangkin iyan ni Senyor Simon." "Sige, thank you Ella." Bago ako tuluyang makapagpaalam sa kanya ay mabilis na siyang naglaho sa aking harapan. Hindi ko alam kung tumakbo o gumamit siya ng mahika para agad maglaho. Naburo ang aking mga mata sa nilakaran niya. "Nasa ibaba na si Ella," aniyang nahulaan ang aking iniisip, "Welcome to our dorm nga pala," aniyang nilawakan ang bukas ng pinto, "Halika ka pasok ka na." sambit niyang kinuha ang aking maleta, "Actually tatlo tayo dito pero hindi pa umuuwi  si Nyca kaya tayo munang dalawa." "Thank you, Carley." "Walang anuman iyon," halakhak niya nang mahina, "Diyan ang higaan mo." turo niya sa bakanteng kama. Tahimik kong tinungo ang itinuro niyang kama, marahan ako ditong naupo. Malapit sa bintana ang aking kama, kaya natatanaw ko ang mainit na paligid sa labas ng building. Ibinaba ko dito ang aking bagpack na dala. Itinabi ko naman sa gilid na bahagi nito ang aking dalang maleta. "Mamaya nalang ako mag-aayos ng aking mga gamit." bulong ko nang mahina. "Kumusta nga pala ang naging biyahe mo?" kapagdaka ay tanong niya, naka-upo na siya sa gilid ng kanyang kama. "Ayos lang naman, siya nga pala paano mo nalamang darating ako ngayong araw?" Hindi ko naman siya siguro ma o-offend. Ngumiti siya nang malawak, "Basta. Narinig ko lang na darating ka. Base sa iyong boses at sa iyong papalapit na mga yabag." tugon niya, "Matulog ka na, alam kong pagod na pagod ka sa iyong biyahe." Walang imik siyang nahiga sa kanyang kama. Hinila niya ang comforter at agad iyong ibinalot sa kanyang katawan. "Ysadora matulog ka na, may pasok na tayo mamaya." Sinulyapan ko siya, nakabalot pa rin siya sa comforter. May pasok na kami agad mamaya? Anong oras kaya? "Alas otso ng gabi hanggang alas kwatro ng umaga." Naririnig niya ba ako? Sinasagot niya ang mga tanong ko! Narinig ko ang malalim niyang pagbuntong-hininga. Mabilis akong nahiga sa aking kama. Hindi na ako nagpalit ng aking suot na damit. At nang dahil sa labis na pagod ay mabilis akong nakatulog. Sa sobrang pagod ko ay halos marinig ko na ang aking sarili na malakas na humihilik. "Ysadora gising na.." tapik sa akin ng malambing na tinig. "Inaantok pa ako Kuya," sambit ko na tumagilid sa kabila ng aking kama, "Five minutes." "Ysadora, mala-late na tayo kapag hindi ka pa bumangon diyan. Gising na, Ysadora.." "Hmmn..five minutes Kuya Ichiban." "Tatawagin ko nalang si Senyor Simon--" Mabilis akong napabalikwas ng bangon nang marinig ang pangalan ni Uncle Simon. Tama, nasa lugar niya ako ngayon! "Anong oras na?" tingala ko sa kanya na nakatayo sa tabi ng aking kama, nakaligo na siya at nakabihis na rin. "Sorry.." "Seven palang naman pero kung hindi ka pa babangon diyan ay mauubusan na tayo ng pagkain." Mabilis akong tumayo. Wala sa sariling naghalungkat ng aking mga pang ilalim na damit sa aking maleta. Nagmamadali akong tumakbo patungong banyo. "Hindi diyan ang CR Ysadora, dito!" turo niya sa kabilang pinto, ano ba ito? Ang tanga ko talaga! Tumawa lang siya na agad ko ring ikinatawa. "Sorry ulit." sambit ko bago tuluyang pumasok dito. Halos wisik-wisik lang ang aking ginawa. Hindi ko pa rin talaga alam kung bakit gabi ang pasok ng mga estudyante dito na sa halip ay sa araw gawin. "Ito ang uniform mo, salit-salitan lang ang kulay like Monday is red, Tuesday is black, Wednesday is red and Thursday is black." turo niya sa tig dalawang piraso ng uniform na nakalatag sa ibabaw ng aking kama. "Ibinigay 'yan ni Ella kanina, kapag black ang uniform natin red ang rubbershoes, kapag red naman 'yong black na rubbershoes at kapag P. E which is training natin white shoes ang gamit natin with a pair of white uniform, you will know it later." aniyang ngumiti sa akin nang maliit. Nagulo ang utak ko doon, wala na yata akong matandaan. Kitang-kita ko ang hubog ng katawan niya sa black uniform na suot. Black long sleeve ito na may ternong black na palda na hanggang gitna lang ng hita, nangingibabaw doon ang kulay niyang napakaputi. I was wondering ilang gluta kaya ang nilaklak niya? "Ano na?" inip niya nang tanong. Mabilis kong kinuha ang black na uniform at agad na isinuot iyon. Takte, mababaliw yata ako ngayon dahil sa nasobrahan ako ng tulog. Isinuot ko ang necktie na may isang patak ng pinturang pula. "Tapos ka na?" tanong niya nang matapos akong magsuklay ng buhok, mabilis akong tumango. "Tayo na." "Teka..." pagpigil ko sa kanyang paghila sa akin. "Bakit?" "Wala ba tayong bag?" nahihiya kong tanong sa kanya, "Lalagyan ng ballpen, notebook at papel." Malawak siyang ngumiti sa akin, naiiling. "Ang inosente mo." pagak siyang tumawa, "Wala tayo noon, ang lahat ng ituturo sa atin ay ma re-restore sa utak natin." ano daw? Langya, makakalimutin pa naman ako, madalas pa akong magkamali. "Chill, tandaan mong kaibigan mo ako." sabay hawak niya sa dalawang balikat ko, ngumiti ako. "Tara na!" sabay hila niya sa akin palabas ng aming silid. So paglabas namin ay tumambad sa akin ang hallway na kanina ay walang katao-tao. Puno na ito ngayon ng maraming estudyanteng naglalakad palabas ng kanilang mga kwarto. Katulad ng suot naming uniform ni Carley ang uniform na suot nila. Grupo-grupo at individual silang naglalakad patungo sa umaandar na kahoy na escalator.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD