V

1742 Words
Yoseff...  Ilang beses na napalingon ang isang matangkad na binata dahil sa pagtawag ng isang malamyos na tinig sa kanyang pangalan.  Halika rito, Yoseff... "Nasa'n ka? Magpakita ka sa 'kin..." Hindi siya sinagot nito kaya nagpatuloy na lamang siya sa paglalakad sa isang madilim na daan kung saan tanging ilang kandilang nakalutang sa ere ang nagbibigay ng liwanag. Aking Yoseff, hanapin mo ako... "Sino ka ba? Ano'ng gusto mong sabihin sa 'kin?" Bigla siyang napahinto nang maaninag niya ang isang babaeng nakaupo sa sahig at nakatalikod pa sa kanyang gawi. Kapansin-pansin din ang napakahaba nitong itim na buhok, na nakalatag nang paikot sa katawan nito. "Ikaw ba 'yong tumatawag sa 'kin?" usisa niya rito subalit hindi pa rin siya sinagot nito.  Akma sana niyang ihahakbang ang kanyang mga paa palapit sa babae subalit may kung anong puwersa ang pumigil sa kanyang buong katawan. Ilang saglit pa ay hindi na rin siya makapagsalita man lang.  Ano bang nangyayari sa 'kin? Sino ka ba? Ano'ng koneksyon mo sa buhay ko? Sunod-sunod niyang tanong sa kanyang sarili habang matama pa rin niyang pinagmamasdan ang dahan-dahan nitong pagtayo at pagharap sa kanya. Akala niya malalantad na ang mukha nito subalit naikubli pa rin iyon nang mahaba nitong buhok. "Ikaw ay aking obra, Yoseff. Hinding-hindi ko hahayaang maangkin ka ng iba..." giit pa nito habang unti-unting lumalapit sa kanya.  Ano'ng ibig mong sabihin?  Huminto ito sa paglalakad hanggang sa halos isang metro na lamang ang kanilang pagitan.   "AKIN KA LANG, YOSEFF!" bigla nitong sigaw kasabay nang mabilis na pagpulupot nang mahaba nitong buhok sa kanyang buong katawan. Unti-unti siyang nanghina dahil sa mahigpit na pagpiga nito sa kanya subalit isang tinig ang kanyang narinig bago siya tuluyang nawalan ng malay. Anak, babalikan kita... "SALAMAT sa Diyos, nagising ka na, Hijo," giit ng isang matandang babae nang unti-unting imulat ni Yoseff ang kanyang mga mata. "Kanina ka pa binabangungot e," paliwanag pa nito. Nakahinga siya nang maluwag dahil masamang panaginip lamang pala ang kanyang naranasan. Kasalukuyan pa rin siyang lulan ng isang bus patungo sa Maynila. "Maraming salamat po," aniya habang inaayos ang kanyang pagkakaupo. "Nasa'n na po pala tayo ngayon?" "Malapit na tayo sa Cubao," sagot nito kaya agad napalitan ng kasabikan ang nararamdaman niyang pagtataka tungkol sa kanyang panaginip.  Mabilis pa niyang kinuha ang kanyang pitaka at matamang pinagmasdan ang larawan nilang mag-ina, na kuha noong siya ay walong taong gulang pa lamang. Malapit na po tayong magkita uli, 'Nay, maluha-luha niyang bulong sa kanyang sarili.  "Hijo, tiga-sa'n ka nga pala?" Napabaling siya sa kanyang katabi nang muli siyang kausapin nito. "Ako po si Yoseff," pagpapakilala muna niya rito.  "Tawagin mo na lang akong Nanay Saling," sagot naman nito. "Galing pa po ako ng Marinduque, 'Nay Saling. Sa Dasmariñas Cavite naman po ang punta ko ngayon," paliwanag pa niya. "Pareho lang pala tayo ng ruta, Yoseff. Sabay na tayong dalawa, tutal sa Bacoor naman ang punta ko." "Sige po, 'Nay Saling." "Mabuti naman may makakasama pa rin ako sa biyahe," nakangiti nitong sagot kaya napangiti na rin siya. Mabilis na napalagay ang loob niya kay Nanay Saling dahil naaalala niya rito ang kanyang ina, na matagal na niyang gustong makapiling. PAREHONG napaiyak sa labis na kaligayahan ang mag-inang Amelia at Yoseff nang muli silang magkita makalipas ang mahigit sampung taong pagkakalayo. Mahigpit pa silang nagyakapan dahil sa pananabik na makapiling ang isa't isa.  "Miss na miss ko po kayo, 'Nay," ani Yoseff saka humalik sa noo ng kanyang ina. "Ilang taon din akong nangulila sa 'yo. Pero 'wag kang mag-alala, Yoseff dahil hinding-hindi na tayo magkakalayo pa," naiiyak namang sagot ni Amelia.  "Salamat po," ani Yoseff habang marahang pinupunasan ang kanyang mga luha. Mula nang manilbihan siya sa pamilya Avila bilang katiwala ay ihinabilin na niya ang pagpapalaki at pangangalaga kay Yoseff sa kanyang inang si Alicia, na yumao kamakailan lamang. Kaya napagpasyahan niyang isama na ito sa mansyon ng mga Avila upang makabawi sa kanyang mga pagkukulang dito. "Binatang-binata ka na talaga, anak. Ang tangkad mo na't napakakisig," nakangiti niyang papuri rito sapagkat nang huli niyang makita ang kanyang anak ay payat pa ito dahil sa pagiging sakitin.  "G'wapo pa rin naman po dahil mana sa inyo ni Tatay," natatawa ring sagot ni Yoseff. "Wala ka bang naiwang kasintahan sa Marinduque?" bigla niyang tanong dahil sa edad nito, sigurado siyang may kasintahan na ito. "Wala po. Maraming nagpapalipad-hangin pero alam n'yo namang pag-aaral muna ang importante sa akin," paliwanag nito. "Mabuti naman, anak. O siya, ihahatid na kita sa magiging k'warto mo," aya na niya rito.   "Sobrang laki po talaga ng mansyon," ani Yoseff na manghang-mangha habang inililibot ang mga mata sa kanilang buong paligid.  "Oo, anak. Kaya baka maligaw ka rito kapag gumala-gala ka nang mag-isa," paliwanag niya. Sa kabila ng kalakihan nito, anim na tao lamang ang kasalukuyang naninirahan dito. Silang mag-ina, dalawa pang katulong, isang guwardiya at ang kanilang amo. "Si Nanay talaga, palabiro pa rin," natatawang sagot ng kanyang anak habang nakasunod sa kanya. Ipinaalam na niya sa kanilang amo ang paninirahan ni Yoseff kaya pinayagan sila nitong magsama sa iisang kuwarto. Inilipat na lamang ng kuwarto ang dalawa pang katulong na sina Grace at Mary Ann. HALOS mag-iisang linggo nang naninirahan si Yoseff sa mansyon pero hindi pa rin siya nagkakaroon ng pagkakataong makita o makilala ng personal ang kanilang amo.  Ayon sa kuwento ng kanyang ina, nag-iisang anak lamang ng mag-asawang Edmundo at Elizabeth ang dalagang si Victoria. Siya ay dalawampu't isang taong gulang na, kaya mas matanda ito ng tatlong taon sa kanya. Naging ulilang lubos ito nang mamatay ang mga magulang nito tatlong taon na ang nakakaraan dahil sa pagbagsak ng eroplanong sinasakyan ng mga ito pabalik sa Pilipinas mula sa Spain. Ipinamana kay Victoria ang ari-arian ng mga Avila sa buong Cavite at sa iba pang panig ng Pilipinas kaya maraming kalalakihan ang nanligaw sa kanya upang makamkam ang mga iyon. Subalit wala siyang napili sa kanila dahil alam niya kung ano ang tunay nilang hangarin sa kanya. Isa pa, wala siyang naging kaibigan sa kanilang lugar dahil sa pagiging mailap sa ibang mga tao. Mas pinipili niyang mag-isa kaysa makisalamuha sa iba kaya iyon ang dahilan kung bakit hindi pa sila nagkakatagpo nito. Pawang sa mga larawan sa buong mansyon lamang niya nakikita si Victoria. Base sa mga iyon, masasabi niyang katangi-tangi ang taglay nitong kagandahan. Siya ay may maputi at makinis na balat. May napakahaba at itim na itim na buhok na hanggang sa puwitan nito. Matangkad at balingkinitan ang katawan. Bilugan ang mukha nito, na may matangos na ilong at maninipis subalit mapupulang mga labi. Ayon pa sa kanyang ina, may lahing Espanyol ang pamilya Avila kaya ganoon ang katangiang taglay ni Victoria.  "Kailan ko kaya siya makikita nang malapitan?" bulong niya habang kasalukuyang nakatingin sa malaking painting ng pamilya Avila na nasa b****a nang mahabang hagdan. Ilang beses na niyang pinagmasdan nang ganoon katagal ang larawang iyon dahil sa kahalihalinang ganda ni Victoria. "Nasa'n si Manang Amelia?" Agad siyang napalingon nang marinig niya ang malamyos na tinig ng isang babae.  "M-magandang umaga po, Señorita Victoria," nahihiya niyang bati sa kanyang kaharap dahil tama nga siya ng hinuha. Agad siyang napayuko nang maisip niyang posibleng narinig nito ang kanyang mga sinabi, "Nasa palengke pa po si Nanay kaya kung may ipapagawa po kayo, sabihin n'yo na lang po sa 'kin," paliwanag pa niya. "Sige. Sumunod ka sa k'warto ko dahil may kailangan akong ipaayos sa 'yo sa banyo," sagot nito saka ito umakyat sa mahabang hagdan patungo sa ikalawang palapag ng mansyon.  "Opo, Señorita," aniya habang sinusundan ito ng tingin. Mabilis niyang hinanap ang isa sa mga katulong upang makahingi ng mga kailangan niyang gamit. Nang maibigay ni Grace ang mga iyon ay agad na siyang nagpunta sa ikalawang palapag ng mansyon.  Nang makarating siya sa harap ng kuwartong ng kanilang amo ay nagdalawang-isip pa siyang pumasok. Sapagkat naalala niya ang mahigpit na habilin ng kanyang ina, na 'wag na 'wag siyang papasok doon.  "Ano pang ginagawa mo r'yan?" giit ni Victoria nang buksan nito ang pinto at makita siya roon. "Bilisan mo na," iritable pang sabi nito kaya mabilis siyang kumilos.  "Sige po. Pasensya na..." Siguro naman, hindi siya susuway sa sinabi ng kanyang ina dahil may pahintulot naman iyon ng kanilang amo.  Sinuri niyang mabuti ang bawat bahagi ng banyo subalit wala siyang napansing kakaiba roon. Akma sana niyang tatanungin si Victoria pero bigla nitong binuksan ang shower kaya nabasa siya. "Maluwag na ang pihitan ng shower kaya minsan nahihirapan na akong patayin," paliwanag pa nito bago pa siya makapagsalitang muli.  Napatango na lamang siya saka niya inikot ang pihitang iyon gamit ang dala niyang liyabe-tubo upang muling humigpit.  "Maayos na po uli, Señorita Victoria," aniya nang mapatay ang shower.  "Pasensya na kung nabasa ka," paghingi nito ng paumanhin habang nakatitig sa kanya.  "Okay lang po," sagot niya saka pinigaan ang basang-basa niyang pang-itaas, na hindi na niyang naisipang hubarin dahil sa hiya sa kanyang kausap.  "Maraming salamat sa 'yo, Yoseff," nakangiti pang sabi nito kaya napansin niya ang paglabas ng magkabilaang dimples nito.  "Walang anuman po, Señorita. Mauuna na po ako sa baba baka hinahanap na ako ni Nanay," pamamaalam niya rito. "Sige." Palapit na siya sa pintuan upang lumabas nang muli niyang mapansin ang isang malaking painting sa harap ng kama. Sa pagkakataong iyon ay napatitig na siya sa hubo't hubad na larawan ni Victoria, na para sa kanya ay perpekto ang pagkakahubog.  "Ano'ng napapansin mo sa painting, Yoseff?" Hindi agad siya nakasagot dahil sa biglaan nitong pagsulpot sa kanyang tabi.  Paano kung sabihin kaya niyang sa kanyang mga paningin ay tila isang diyosa ang kanyang nakikita, ano kayang magiging reaksyon nito? "Alam mo ba na isang kilalang pintor ang nagpinta nito. Hiniling niyang maipinta ako nang minsang makita niya akong namamasyal sa bayan," masaya pa nitong pagkukuwento sa kanya sa kabila ng patutuloy niyang pananahimik. Lihim siyang napangiti dahil bigla niyang naisip kung sakaling siya naman ang humiling kay Victoria na kanyang maiguhit ay pumayag kaya ito? May angkin siyang kakayahan sa pagguhit na masasabi niyang mapapagbuti pa niya kung makakapag-aral lamang siya sa isang unibersidad.  "Yoseff? Ano'ng ginagawa mo rito?" Nahinto ang kanyang pag-iisip nang marinig niya ang boses ng kanyang ina. "May ipinaayos ako sa kanya, Manang Amelia." Si Victoria na ang sumagot para sa kanya kaya tinanguan na lamang niya ang mapanuring mga mata ng kanyang ina. "Aalis na po ako, Señorita," aniya bago tuluyang lumabas sa kuwartong iyon. Itutuloy... ©Mysterious Eyes | Xerun Salmirro
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD