AGAD na bumangon si Victoria nang mapansin niyang wala sa kanyang tabi si Edmundo.
"Saan naman kaya siya pupunta ng ganito kaaga?" inis niyang sabi nang mapansin niyang mag-aala-singko pa lamang ng madaling araw. Mabilis siyang lumabas sa kanilang kuwarto upang hanapin ito.
Halos mag-iisang buwan na rin silang magkasama ni Edmundo sa kanyang mansyon mula nang hilingin niyang makapiling ito nang lubusan.
"Brenda, nakita mo ba si Ed?" usisa niya sa isang katulong na kanyang nakasalubong nang makababa siya sa hagdan.
"Hindi po, Miss Victoria," sagot nito at nagpatuloy na sa paglilinis doon.
"Hindi man lang siya nagpaalam bago umalis," gigil pa niyang sabi habang mabilis na naglalakad patungo sa kanilang kusina. Naisip niyang magpahanda na lamang ng almusal kaysa mapagod sa paghahanap sa lalaking iyon.
"Good morning po, Miss Victoria," halos magkasabay na bati sa kanya nina Manang Saling at Melody.
Hindi na niya pinansin pa ang mga ito at dumiretso sa refrigerator upang kumuha ng fresh orange juice.
"Napansin n'yo bang umalis si Ed?" usisa pa rin niya sa mga ito nang makainom siya ng juice.
"Hindi---" Hindi na niya pinatapos pa ang sasabihin ni Manang Saling dahil mas lalo lamang siyang nainis kay Edmundo.
Kapag nalaman ko lang na niloloko mo 'ko, magbabago ang laman ng puso ko, giit niya sa kanyang isipan.
Kahit paano unti-unti nang nahuhulog ang kanyang loob kay Edmundo pero mababalewala iyon kapag nalaman niyang niloloko lang siya nito.
Palapit na siya sa kanilang kuwarto nang makasalubong niya ang kanyang asawa. "Kanina pa kita hinahanap," nakangiti pa nitong sabi kaya agad na nagsalubong ang kanyang mga kilay.
"Ako ang dapat magsabi no'n sa 'yo dahil wala ka na nang magising ako," giit niya.
"Sorry." Hindi na niya pinakinggan pa ang sinabi ni Edmundo dahil mabilis siyang pumasok sa kanilang kuwarto at ikinandado ang pinto niyon.
Nanlaki ang kanyang mga mata nang mapansin niyang halos mapuno ng mga talulot ng pula at puting rosas ang kanilang kama.
"Ano'ng ibig sabihin nito, Ed?" naiiyak niyang tanong nang pagbuksan niya ito ng pinto.
"Sorry," nakangiti pa ring sagot ni Edmundo. Mahigpit pa siyang niyakap nito matapos punasan ang kanyang mga luha, "Gusto sana kitang surpresahin pero---" malungkot pang paliwanag nito habang hinahaplos ang kanyang likod.
"Pero ano?"
"Pero hindi ko---"
Nagulat siya nang biglang kumalas sa kanyang mga bisig si Edmundo. Lumapit ito sa kanilang kama at may isang maliit na bagay na kinuha sa pinakagitna niyon.
"Will you marry me, my Victoria?" Muli siyang napaiyak nang lumuhod ito sa kanyang harapan at binigkas ang mga katagang iyon, habang hawak ang isang maliit na kahong may lamang singsing. "Will you be mine for a lifetime?"
Masyado mang mabilis ang kanilang relasyon, aaminin niyang minahal na niya nang totoo si Edmundo. Simula nang mapagtanto niya iyon ay hindi na siya pumasok pa sa kanyang sikretong santuwaryo. Inalis na niya ang malaking painting sa kanilang kuwarto at tuluyang isinara ang lagusang naroon. Nakapagdesisyon na rin siyang isantabi ang pag-aasam niyang mapabilang ito sa kanyang mga koleksyon.
"I will. I will marry you, Ed," nakangiti niyang sagot kaya sa sobrang kaligayahan ay muling siyang niyakap ni Edmundo at sinamsam ang kanyang mga labi.
I will be yours, for a lifetime.
APRIL 20, 2016 ginanap ang pag-iisang dibdib nina Victoria at Edmundo sa Sta. Clara Cathedral sa Dasmariñas, Cavite. Pareho na silang ulila sa mga magulang kaya ang mga malalapit lamang nilang kaibigan ang nakadalo rito.
Nang araw ring iyon ay napag-alaman nilang apat na buwang buntis na si Victoria kaya mas lalo pang nag-umapaw ang kanilang kaligayahan. Ayon pa sa ultrasound, kambal na lalaki ang kanilang magiging mga anak.
"Mahal, ano'ng gusto mong ipangalan sa ating mga anak?" ani Victoria habang marahang hinahaplos ni Edmundo ang kanyang tiyan.
"Gusto kong ipangalan sa kanila ay Yohann at Yoseff," sagot nito habang nakatitig sa kanyang mga mata.
Naglaho ang kanyang ngiti at saglit pa siyang natahimik dahil sa pagkabigla sa sinabi ni Edmundo pero hindi niya iyon ipinahalata rito.
"Gusto ko nang kakaibang pangalan kaya naisip ko na letter Y ang maging simula," paliwanag pa nito.
"Sige, 'yon ang ipapangalan natin sa kanila," aniya at muling ngumiti nang bahagya upang mapanatag ang loob nito. "Ed, puwede mo ba akong ikuha ng mansanas?" malambing pa niyang hiling upang mabago ang kanilang usapan, "Gusto ko, ikaw ang magbalat sa harap ko a."
"Sige, mahal ko. Babalik ako kaagad," sagot nito.
Muli niyang hinaplos nang marahan ang kanyang tiyan nang tuluyang makaalis si Edmundo sa kanilang kuwarto.
"Hanggang kailan mo ba 'ko guguluhin, Yoseff?"
Ito na ba ang kapalit ng ginawa niyang pagpatay rito? Gagambalain ba siya nito hanggang sa masira ang kanilang buhay? Hanggang sa malaman ni Edmundo ang kanyang mga kasalanan?
Nang una niyang makita si Yoseff ay agad niya itong pinagnasaan dahil sa maamo nitong mukha at matipunong pangangatawan. Inakit niya ito hanggang sa magkaroon sila ng relasyon upang magpakasasa siya sa katawan nito. Higit sa lahat, hindi naman niya minahal si Yoseff pero bakit hindi niya ito makalimutan kahit matagal na itong patay?
Bakit nga ba hindi kita makalimutan, Yoseff?
Bigla siyang napapikit nang muli niyang makita sa kanyang isipan ang nakangiting mukha ni Yoseff. Subalit sa isang iglap ay unti-unting nagbago ang mukha nito at naging si Edmundo.
Bakit minsan, ikaw ang nakikita ko kahit na si Ed ang kaharap ko?, naguguluhan niyang tanong sa kanyang sarili.
"Ano'ng iniisip mo, mahal?" Hindi niya napansing nakabalik na pala si Edmundo dahil sa malalim niyang pag-iisip.
"May naalala lang ako," matipid niyang sagot. Hindi na ito nag-usisa pa at agad na naupo sa kanilang kama.
Nang magsimulang magbalat ng mga mansanas si Edmundo ay palihim niyang pinagmasdan ang kabuuan ng mukha nito.
Bakit nga ba kayo magkahawig ni Yoseff? Sana hindi mo na malaman pa ang tungkol sa kanya, lalo na ang mga lihim ko.
Higit sa lahat, sana hindi ako nagkamali sa pagmamahal ko sa 'yo...
"Okay ka lang ba talaga, mahal?" Muli nitong puna sa kanya matapos siyang subuan ng isang hiwa ng mansanas.
Marahan siyang tumango at ngumiti nang bahagya upang mapanatag ang loob nito.
NANLAKI ang mga mata ni Victoria nang bumungad sa kanya ang mukha ni Yoseff nang siya ay magising. Hindi na siya napagsalita pa dahil marahas siyang hinalikan nito. Sinubukan niyang magpumiglas upang pigilan ito subalit hindi siya makaalis sa kanyang kinahihigaan.
Ed, tulungan mo 'ko. Tulungan mo 'ko... Wala na siyang nagawa kundi umiyak na lamang. Alam niyang wala siyang kahit anong saplot kaya natatakot siya sa posibleng gawin ni Yoseff.
"Akin ka lang, Victoria. Hindi ako makakapayag na maangkin ka ng iba," giit nito habang nakatitig ang mga mata nito sa kanya.
Saglit pa itong umalis sa ibabaw ng kanyang katawan upang malagyan ng duct tape ang kanyang bibig.
"Ako lang ang puwedeng umangkin sa 'yo..."
Muli niyang ipinikit ang kanyang mga mata nang simulan ni Yoseff ang pagdila sa kanyang leeg. Pinigilan niya ang kanyang sarili na matangay ng kakaibang sensasyong kaloob nito. Lalo na nang paglaruan nito ang malulusog niyang dibdib at ang kanyang p********e.
Huminto si Yoseff sa pagpapakasasa sa kanyang katawan nang mapansin nito ang kanyang tiyan.
"Aking Victoria, akala mo ba 'di ko malalamang nagpabuntis ka sa ibang lalaki?" nakangisi nitong sabi habang hinahaplos iyon. Subalit sa isang iglap ay naging mabalasik ang mga mata nito, "Hindi ako ang kanilang ama kaya dapat lang na alisin ko sila sa 'yo!" sigaw pa nito saka marahas na hiniwa ang kanyang tiyan gamit lamang ang matatalim nitong mga kuko.
"TAMA na, Yoseff! 'Wag mong patayin ang mga anak namin..."
Isang malakas na sampal ang naging daan upang magising si Victoria mula sa kanyang masamang panaginip. Agad niyang hinanap ang presensya ni Edmundo pero ang mabalasik nitong mukha ang bumungad sa kanya.
"Sino si Yoseff, Victoria?" mahina pero may diin nitong tanong sa kanya.
Hindi niya alam kung paano ipapaliwanag ang kanyang panaginip kaya muli na lamang siyang umiyak.
"Siya ba ang lalaking kasiping mo sa panaginip?!" giit ni Edmundo habang marahas na niyugyog ang kanyang katawan. "Hanggang sa panaginip ba naman, nagawa mong makipaglandian sa iba!"
"M-mali ang iniisip mo, Ed!" nanginginig niyang sagot dahil sa sobrang takot sa kanyang asawa. "Wala akong ibang lalaki. Wala, kaya paniwalaan mo 'ko," pagsusumamo pa niya rito.
"Hindi mo 'ko maloloko, Victoria!" muli nitong sigaw saka mahigpit na sinakal ang kanyang leeg.
"E-ed... Ta-ma na..." Hindi na siya makahinga pero ayaw pa rin siyang bitawan nito. Talaga nga bang papatayin siya nito dahil lang sa isang panaginip?
"Sigurado akong siya ang ama ng kambal sa tiyan mo kaya ka pumayag na Yoseff ang ipangalan sa isa sa kanila," panunumbat pa ni Edmundo pero hindi na niya narinig nang malinaw dahil tuluyan na siyang nawalan ng malay.
"VICTORIA!"
Ang nag-aalalang mukha ni Edmundo ang bumungad kay Victoria nang imulat niya ang kanyang mga mata.
"Maraming salamat sa Diyos dahil hindi ka Niya kinuha sa 'kin," umiiyak pa nitong sabi habang hinahaplos ang kanyang mga pisngi. "Mahal na mahal kita, Victoria. Hindi ko kakayanin kung mawawala ka sa buhay ko..."
Napaiyak na lamang siya nang maalaala niya ang kanyang masasamang panaginip.
"Ilang beses kitang niyugyog para magising ka pero umuungol ka lang kaya akala ko---"
"Tama na, Ed. Hinding-hindi kita iiwan," aniya habang pinupunasan ang mga luha nito.
"Ano nga bang napanaginipan mo kanina?" tanong pa nito kaya muling bumilis ang t***k ng kanyang puso dahil sa sobrang takot. Posible kayang narinig nito ang pagtawag niya kay Yoseff, gaya ng nasa kanyang panaginip?
"Mahal, okay ka lang ba?" Napansin kaya nito ang pamumutla ng kanyang mga labi at panginginig ng kanyang mga kamay.
"May kukuha raw sa ating mga anak habang nasa tiyan ko pa sila," pagkakaila na lamang niya habang nakatitig sa mga mata nito, "Hindi ko kakayanin 'pag nawala sila, kayong tatlo sa buhay ko, Ed," giit pa niya.
"Hinding-hindi ko hahayaang mangyari 'yon. Itataya ko ang buhay ko para sa inyo, para sa 'yo," pangako nito at mariing hinalikan ang kanyang mga labi.
Maraming salamat, Ed. Hindi nga ako nagkamali nang mahalin kita.
ILANG beses pang naulit ang panggagambala ni Yoseff sa mga panaginip ni Victoria subalit hindi pa rin niya ipinagtatapat kay Edmundo ang katotohanang kaugnay nito. Pilit pa rin niyang ipinagkakaila ang mga kakaibang nangyayari sa kanya gaya paminsan-minsan pagkahimatay dahil sa pagpapakita nito sa kanyang isipan.
"Mahal, dalawang buwan na lang, makakasama na natin sina Yohann at Yoseff," ani Edmundo habang matama nitong pinagmamasdan ang mga larawang kuha sa 4D ultrasound ng kanilang mga anak. Kasalukuyan silang inaayos ang nursery room ng mga ito nang muli silang mapatingin sa mga larawang iyon.
"Oo nga. Excited na rin akong mayakap at mahalikan sila," nakangiti niyang sagot saka niya marahang hinaplos ang kanyang tiyan.
Hinalikan pa iyon nang mariin ni Edmundo, "See you soon, Yohann at Yoseff. Sa araw na maisilang kayo, 'yon ang pinakamasayang araw sa buhay namin."
"Tama si Daddy n'yo," sang-ayon niya rito. Kinuha niya ang mga iyon at maayos na idinikit sa isang pulang cardboard.
Magkasama pa nilang binuo ang pangalan nina Yoseff at Yohann mula sa mga puzzle rubber mattings na may iba't ibang letra, na nakalatag sa sahig.
"Mahal, kapag nanganak ako, gusto ko nasa tabi kita a," paglalambing pa niya nang matapos ang kanilang pag-aayos.
"S'yempre, mahal. Hinding-hindi ko bibitawan ang kamay mo at mas lalo pang hihigpit kapag naisilang mo na sila," sagot nito at mahigpit siyang niyakap.
"Salamat---" Hindi na niya naituloy ang kanyang sasabihin dahil sa panlalaki ng kanyang mga mata. Kitang-kita niya ang unti-unting paglapit ni Yoseff sa kanilang mag-asawa pero hindi naman niya masabi iyon.
"Mahal, ano'ng nangyayari?" usisa nito nang maramdaman ang panginginig ng kanyang mga labi. Agad itong kumalas sa kanyang mga bisig upang masuri ang kalagayan niya.
"May nakikita ka ba na 'di ko nakikita?"
Hindi pa rin siya makapagsalita sapagkat halos isang pulgada na lamang ang layo ng mabalasik na mukha ni Yoseff sa kanyang mukha. Kaya napapikit na lamang siya upang paglabanan ang nararamdaman niyang takot.
Nananaginip ba siya nang gising o talagang minumulto na siya nito? Bakit ngayong lang nangyayari iyon gayong halos mag-iisang taon na siyang patay?
"Victoria, sabihin mo ano'ng nangyayari sa 'yo?!" sigaw ni Edmundo pero sinabayan ng pagbuka ng bibig ni Yoseff kaya tila ito ang kanyang kausap. "Please, lumaban ka sa kanya. Hinding-hindi ka niya makukuha sa 'kin," giit pa nito.
Ano bang kailangan mo sa 'kin, Yoseff?! Tigilan mo na kami. Manahimik ka na sa Impyerno! galit niyang sigaw sa kanyang isipan lamang.
"Hahatakin kita papunta rito sa Impyerno, Victoria!" gigil na sagot ni Yoseff at malakas na humalakhak. Mahigpit pa siyang sinakal at iniangat sa ere kaya nagpumiglas siya upang makawala sa mga kamay nito.
"Papatayin kita gaya nang ginawa mo sa 'min ni Nanay!" giit pa nito kasabay nang pagtusok ng mga matutulis nitong kuko sa kanyang tiyan. Halos mawalan siya ng ulirat nang maramdaman niyang unti-unting hinuhugot ang mga sanggol mula sa kanyang sinapupunan.
"Tama na! Tama na!"
"Ikaw ay aking obra, Victoria. Magagawa ko ang gusto kong gawin sa 'yo," ani Yoseff bago tuluyang lamunin ng kadiliman ang kanyang buong paligid.
Itutuloy...
©Mysterious Eyes | Xerun Salmirro