CHAPTER 7
Mas lalong lumakas ang tunog ng alingawngaw sa buong mansyon. Rinig ang tensyon sa paligid kaya naman mas tumindi ang kaba na nararamdaman ni Pink.
"A-ate mahuhuli na tayo nandiyan na sila..." nauutal niyang wika.
"Ate, kaya mo ba talaga? Sumuko na lang kaya tayo?" naiilawan na sila ng patrol.
"Ate," muling tawag ni Pink.
Nagha-halucinate na ang ate niya. Kung anu-ano na ang sinasabi nito. Hindi naman magiging malubha ang kalagayan nito kung hindi espesyal na pana ang tumama. Ginagamit iyon ng mga bandido sa Inglaterra upang walang makapasok sa kanilang kuta nang mabilisan. Gagana lamang iyon kung sakaling makalabit, magalaw, makanti, o madikit lang ang balat mo sa pising manipis. Ngunit hindi lang iyong isang ordinaryong pana. Kaya niyong lumiko at ma-detect ang puntiryang target.
Napatingin si Pink sa kabilang gawi nang makitang may paparating.
"Nakita ko na sila!" sigaw ng isang bantay. Maaaring apatnapung metro ang layo sa kanila. Kaagad itong nagpaputok.
Dali-dali naman silang nagtago upang hindi matamaan ng bala. Lumiko ito upang tawagin ang mga kasamahang nagbabantay sa gabi. Iyon na lang pagkakataong mayroon sila.
Tumingin si Pink sa kanyang ate. Garalgal pa rin ang boses niya "A-ate, huwag mo naman akong iwan. Hindi ko kaya... ikaw na lang ang meron ako. Ate gising na po," tuluyan ng kumawala ang mga luhang kanina pa gustong tumulo.
Idinikit ni Violet ang daliri sa labi ni Pink. "F-funny, Pink! I am sure that there's no funeral after when I die. Pwede pang party. Iyong may clown at cake. Let’s go! We need to hurry,” buong tapang na tumayo na tumayo ang ate niya sa kabila ng panghihina.
"Akala ko patay ka na," maluha-luha niyang wika,at niyakap ang kapatid ngunit hindi mahigpit.
Ngumisi si Violet, "hindi madaling mamatay ang masamang damo. Atsaka, sa braso lang naman ang tama ko. Yakang-yaka ko na ito." Kumindat pa ang kapatid niya.
"Ate, sa braso ang tama mo at malapit na iyan sa dibdib mo. Masakit ba?" inalalayan niya ito.
"Malamang, Pink, kase sugat ito, next saan tayo dadaan–" hindi pa tapos magsalita ang ate niya nang bumukas ang lihim na lagusan mula sa halamanan na ikinagulat nito. Medyo madilim-dilim sa gawing iyon.
"Sabi mo nakita mo na sila, pare!" sabi ng isang bantay nang lumiko sa gawi nila.
"Oo p're! Sigurado akong nandito lang sila. Dito ko lang sila nakita!"
"Lagot tayo nito kay Madam Helga!"
"Siguradong mawawalan tayo ng trabaho, dude!" rinig pa nila ang pag-uusap sa labas.
Bumulong si Pink "Mamaya ko na ikekwento kung papano ko nalaman ang lagusan na ito," nahulaan na niya kasing magtatanong ang ate niya.
SA KABILANG BANDA...
"Madam, wala po sila, Ms. Violet sa kanilang mga silid!" pagbibigay alam ng bagong mayordoma at bahagyang yumukod bilang paggalang.
Napangiti na lang si Helga. Kabisado na niya kasi kung papaano tumatakas si Violet. Laging tarangkahan lang ang daan nito. Nagising siya sa mahimbing na pagkakatulog nang tumunog ang sirena at umilaw ang patrol.
Nawala ang pagkakangisi niya nang dumating ang dalawang bantay na nakadistino sa labas ng mansyon.
"Madam Helga, huminto po ang mga lasers at hindi na naka-activate!"
"Madam Helga sa likod po sila dumaan."
Nag-isip si Helga at hindi muna nagsalita, "Matilda, pati si Pink ay kasamang tumakas tama ba?" tanong ni Helga sa mayordoma.
"O-oho, Madam," nauutal na wika nito.
Tumango-tango siya "Bago nga ito," napangiti nang malademonyita si Helga dahil sa narinig. Ngayon lang kasi sumama si Pink sa kalokohan ng magaling nitong kapatid. Alam niyang takot ito sa kanya. Kaya ganon na lang ang tuwa niya sa mga nangyayari.
Pinag-iisipan niya ang parusang kamatayan sa dalawa sa oras na makita ang dalawa. Pagkatapos, mahimbing na siyang makakatulog sa gabi habang naliligo sa salapi.
Kampante pa rin siyang nakaupo at umiinom ng champagne habang nilalasap ang masarap na lasa. Pinapaikot-ikot niya pa ang kopita sa kanyang kamay.
"Nandiyan lang sa paligid ang mga walanghiya kaya hanapin niyo!" sigaw niya.
Kaagad namang nasindak ang mga pobreng naninilbihan sa kanya. Halos mapalundag pa ang isa habang tumutugon sa utos.
"Yes, Ma'am!" sumaludo ang dalawa at sabay na umalis na parang mga sundalo.
Dumating naman ngayon ang tatlong bantay. Napansin niyang nagsisikuhan pa ang mga tauhan niya.
"Ikaw na kasi ang magsabi!"
"Ikaw na nga!"
"Ikaw na!"
"Ikaw naman kasi ang nakakita!"
"Ano? Wala pang magsasalita sa inyo o gusto niyong mawalan ng trabaho!" halata ang pagkayamot sa mukha ni Helga. Hindi naman siya nabigong masindak ang mga tauhan niya.
"Madam Helga, nakita po namin sila sa likod—" napasigok ito dahil sa takot.
"At nahuli niyo na?" Ngumisi si Helga."Kung ganon dalhin niyo rito nang maramdaman nila ang totoong kahulugan ng kamatayan!"
Umiling ang sekyu. "Hindi po sa ganoon, Madam. Nakita po niya sa likod!" sabi ng isa sabay turo sa kasama nito.
Nanlaki naman ang mata ng napagbintangan. "Anong ako?" sabay tulak sa kasama nito.
Napahalakhak si Helga sa paraan ng pagkabanas "Edi nahuli niyo na! Ano pang problema? Binibitin niyo pa ako, mga tanga!" ngayon ay tumayo na siya dahil sa pagkayamot sa dalawang nasa harapan niya.
"Wala na ba kayong sasabihin? Itutuloy ko pa ang pagtulog ko! Kailangang maganda ako sa pagkamatay nila.”
Akmang tatalikod na si Helga. Hindi na siya makapaghintay na tapusin ang dalawa ngunit pinigilan siya ng kanyang tauhan.
"N-ngunit, Madam..." sabi nung isa sabay yuko.
“What now?” nakataas ang kilay na tanong niya.
"Nakatakas ho sila!" pag-amin ng pobreng sekyu.
Nanlaki ang mata ni Helga dala ng pagkagulat. "Mga mangmang! Hanapin niyo kung ayaw niyong mawalan ng trabaho. Mga walang silbi!" nandidilim ang paningin niya dahil sa inis.
“Opo!” sagot ng mga ito na tila maamong tuta.
"Puntahan niyo sa gubat. Doon lang dadaan ang dalawang 'yon. Wala na silang mapupuntahan pa dahil dagat na ang kasunod!" Ibinato niya ang mamahaling vase na nanggaling pa sa Greece upang mawala ang pagkayamot.
"Kapag hindi niyo sila nakita, alam niyo na kung saan kayo pupulutin!" banta niya.
Kaagad na nagsipagpulasan ang tatlong pobreng naninilbihan sa kanya. Halos magkanda-dapa pa dahil sa takot. Alam ng tauhan niyang kahit sinumang mapagbuntungan ng galit ay mawawalan ng trabaho. Buhay rin ang magiging kapalit kapag pumalpak ang mga ito.
"Madam, pati ho ba ako?" tanong ng mayordoma.
"Kung gusto mo ngayon pa lang lumayas ka na!" napahimas siya sa sentido ng wala sa oras.
"Hindi po, Madam. Dito lang po ako. Alam mo niyo naman hong mahal na mahal ko kayo 'di ba?" nagpalapad papel muna ito bago tumalikod.
"Mga walang hampas-lupa!" dumagundong ang kanyang boses sa buong mansion. Maririnig din ang basong ibinato niya.
"Mom, what happened here?" halatang bagong gising lang ang kanyang anak habang kinusot-kusot pa ang isa mata.
"Nakatakas ang mga walanghiya," walang gana niyang sagot.
Nanlaki ang mata ni Rex "what?” gulat nitong turan at nagising ang diwa nang wala sa oras.
"Hindi pwede 'yan!"
"I know, princess," hinawakan niya ang braso ni Rex "Hindi talaga pwede! Dahil mabubulelyaso ang mga pinaghirapan ko at lahat nang plinano ko," inalala niyang lahat ang ginawang paghihirap upang matamasa ang meron sila ngayong mag-ina.
NAKITA NI Pink na hirap na hirap nang maglakad ang kanyang kapatid. Marami na ring nawawalang dugo rito. Gusto niya mang sumuko na dahil hindi niya na kayang nakikitang nasasaktan ang kapatid ngunit pursigido itong magpatuloy.
"Ate, malapit na talaga. Huwag kalang bibitaw— kaya natin 'to!"
Iika-ika na ring maglakad ang ate niya. Kung hindi siya nakaantabay siguradong matutumba ito. Dumaan sila sa abandunadong gusali na itinuro ni Butler Jude sa kanya upang mas mapabilis ang pagpunta sa gubat. Kung doon kasi sila dadaan sa deritsong daan, siguradong maraming nagbabantay na armadong lalaki. Ganoon kahigpit ang Tita Helga niya.
"Oh, saan na tayo ngayon?" tanong ng ate niya.
Alam niyang iniignora lang nito ang nararamdamang sakit upang hindi maging pabigat sa kanya. Lumagpas na sila ngayon sa gusali. Nang lumingon si Pink, nakita niya kung gaano karaming dugo ang nawawala sa kanyang kapatid mula sa mga bakas sa sahig.
Dumaing itong muli nang masagi niya ang palaso.
"Ate, hugutin ko kaya ang palaso?" kahit na takot siya sa dugo ay gagawin niya ang lahat maibsan lang ang sakit na nararamdaman ng kapatid.
"Don't, Pink! Lalong magiging malubha ang kalagayan ko kung gagawin mo iyan."
Naalala niya ang isa sa mga napanood ng kapatid niyang action movies sa telibisyon. Lumalakas ang pag-agos ng dugo kapag hinugot ang pana. Napangiti siya, malaki rin pala ang tulong nito sa kanila.
"Pink, baliin mo ha?" utos ni Violet habang hawak ang kabilang bahagi ng palaso nang sa ganoon ay hindi masyadong makanti ang sugat.
"Sure ka, Ate?" tanong niya nang nag-aalangan, sabay kagat sa kuko.
"Damn— yes!" kinagat ni Violet ang panyo upang hindi lumikha ng matinding ingay.
Malaking bagay talaga kung mababawasan ang palaso upang gumaan at hindi masyadong maging sagabal sa kanilang paglalakad.
Pumikit si Pink. Bumwelo ng lakas at sabay na binali iyon.
Nakahinga sila nang maluwag nang maging matagumpay iyon.
Tanging buwan lang ang nagbibigay ilaw sa kanila at nakakakita sa paghihirap na dinadanas nila ngayon. Kahit nakakatakot ay tinitiis niya ang lahat makatakas lang sa misirableng lugar na iyon.
Kung hindi sila makakaalis ngayon ay mamamatay sila nang walang kalaban-laban. Sigurado siya sa bagay na iyon dahil malayo na ang nararating nila para makatakas. Alam niya ang ugali ng Tita Helga niya. Hindi ito ang uri ng tao na basta na lang magpapatawad. Mas maganda ng lumalaban hanggang sa huling hininga ng buhay, kaysa makabalik sa walang hanggang pasakit.
Tumutulo na ang kanyang luha ngunit ginagawa ang lahat upang ipakitang kaya niya para sa mga kapatid. Siya lang ang masasandalan ngayon ng kanyang ate. Kailangan niyang maging malakas.
"Ate, masakit pa ba?"
"Don't say bad words," kontra kaagad nito.
Napakamot na lang siya sa ulo. Hindi niya naintindihan ang sinabi nito.
Magpapatuloy na sana silang muli sa paglalakad nang makarinig ng malakas na putok ng baril. Naging dahilan iyon upang lalo pa nilang bilisan. Kung ganoon, nasundan na sila? May magic mirror talaga si Tita Helga! Nakakapagtakang alam kaagad nito kung saan sila naroroon.
Sunod-sunod ang pagputok ng baril. Hindi sila magkandamayaw sa pagtakbo. Tila kahit paghinga ay hindi na magawa. Animo'y kapag ginawa nila iyon ay ikamamatay nila.
Ngunit ang nakapagtataka ay hindi sila pinatatamaan. Kung ganon, gusto pa talaga silang buhayin. Ngunit para ano? Para pahirapan o may kailangan pa sa kanila? Iyon lang naman ang maaaring maging motibo ng Tita Helga niya. O talagang engot lang ang mga tauhan ng tita niya para ‘di sila maasinta? Ilang metro na lang ang layo ay maabutan na sila.
"Ate, kaliwa ulit!" pagod na pagod na siya, ngunit hindi pwedeng huminto.
Malapit na sila ngayon sa dagat kung saan nakalagay ang Jet ski na sinasabi ni Butler Jude.
"Ate, itapon mo!" isang granada ang ibinigay ni Pink sa kapatid.
Nasalo naman ni Violet kahit ganon na ang kalagayan nito "Where did you—"
"Basta itapon mo na lang!"
Sinunod naman ni Violet at itinapon sa mga tauhan ni Helga ang bomba. Nagkaroon kaagad ng malaking pagsabog matapos iyon!
Hindi niya kase alam kung papaano gamitin. Kung papapiliin siya, mas gugustuhin niya pang sumigaw at sumayaw kasama si Dora kaysa magbato ng bomba.
"Ate 'yung Jet Ski!" Itinuro niya iyon sa kapatid habang nangingislap ang mga mata.
Nang mga sandaling iyon. Napatunayang niyang binabantayan pa rin talaga sila ng kanilang mommy.