CHAPTER 5
KUMAIN sila ni Pink nang walang kahit na anong itinira sa plato dahil sa gutom at sa sarap rin ng hinain ngayong araw. Ngunit kahit ano yata ang ipakain sa kanila ay isusubo nila upang malamanan lang ang tiyan.
"Andiyan na ba ang papa?" tanong ni Violet sa katulong.
Nandito siya ngayon sa kwarto at inaayos ang mga papeles para sa kauna-unahang paaralang papasukan. Kukumbinsihin niya ang daddy niya na payagan sila. Sawa na kasi sila na parating mukha ng matandang tutor na bugnutin ang nakikita. Sinasaktan pa nito ang ang kapatid niya kapag hindi naintindihan ang tinuturo kaya lagi niyang nakakaaway. Gusto rin naman nilang sumubok at makatuklas ng bago. Nangangarap din siyang makipaghalubilo sa ibang tao.
Hinahanap niya ang kanyang daddy nang matapos sa ginagawa.
"Opo, Miss Violet," tugon ng katiwalang si Lukring. Sa lahat ng katulong sa kanilang bahay, ito lamang ang may mabuting pakikitungo sa kanila maliban sa Yaya Sita nila na pinatalsik ni Helga. Alam nito kung saan ilulugar ang sarili.
"Ah..." tangi niya lang naibulaslas. Hindi na kasi katulad ng dati na palagi siyang sabik sa pag-uwi ng ama at mabilis na sumasalubong dito't yumayakap. Malaki na ang galit niya rito dahil sa tindi ng paghihirap na nararasan nila.
Hindi nila lubos maisip na ang tatay pa nila minsan ang dahilan ng paghihirap. Sinusunod nito ang lahat ng naisin ni Helga. Palagi itong nakasuporta sa kanilang madrasta at nakalimutan na ang unang pamilya. Ito rin ang pinapaniwalaan ng kanilang madrasta sa kabila ng mga kasinungalingan.
"May ipag-uutos pa ho ba kayo, Miss Violet?" magalang na tanong ng katulong sa kanya.
"Wala na po, salamat."
"Sige po, miss, pupunta na ako sa kusina," aakto na sanang aalis ang katulong nang may maalala siya.
"Ah, Lukring."
"Naayos na po ba iyong mga damit ko't tinanggal ang mga hindi na kailangan?"
"Oho. Pati 'yong mga bag at sapatos na hindi niyo na po kailangan. Pati po 'yung kay Miss Pink ay dinala ko na rin doon sa may garahe at handa ng ipamigay para sa orphanage."
"Si Rex nasaan?"
"Sa pagkakaalam ko po ay umalis,” panandaliang nahinto si Lukring. Nag-aalalangan itong magsalita ngunit kalaunan ay bumuka rin ang bibig. “Bakit po ganoon, siya binibigyan ng pahintulot na lumabas dito at kayo ay hindi?"
Nagkibit-balikat si Violet. "Hindi ko rin alam ang sagot sa tanong mong 'yan, Lukring."
Siya mismo ay itinatanong iyon sa sarili. Ngunit isang araw, alam niyang malalaman din nila ang dahilan.
"Ganoon po ba?" Tumango-tango pa ito. Nakikita ni Violet sa mukha ng katulong ang pagtataka. "May ipag-uutos pa po ba kayo, Miss?"
"Wala na. Salamat, Lukring."
Nagtungo siya sa kanang bahagi ng pasilyo. Naroon kasi ang kwarto ng kanilang ama. Magkakatabi naman ang kwarto nilang magkakapatid. Nasa gitna ang kanya, nasa kaliwa ang kay Pink, at nasa baba naman ang kay Rex dahil mas malaki iyon. Inaakupa nito ang master’s bedroom.
Kailangan niyang makausap ang ama para sa balak na paglipat sa isang tunay na paaralan. Kinakabahan siyang hindi ito papayag at masulsulan na naman ng kanyang madrasta.
Habang papalapit sa naturang kwarto. Pabilis naman nang pabilis ang pagtahip ng kanyang dibdib. Hindi na kasi katulad ng dati na sanay siyang kausapin ang ama. Ilag na siya ngayon dito sa hindi malamang dahilan.
Pipihitin na sana ng dalaga ang saradura ng pinto nang may marinig siyang nagtatalo sa loob. Boses iyon ng tiyahin niya at ng kanyang ama. Aalis na sana si Violet dahil ayaw niyang makaistorbo sa mga ito ngunit hindi niya sinadyang marinig ang pinag-uusapan ng dalawa.
Kinain siya ng matinding kuryosidad. Kailangan niyang malaman ang pinag-uusapan ng dalawa kaya mas idnikit niya pa ang taynga sa pinto.
"Kailan ba natin dedispatyahin ang natitira pang Dela Vega? Matagal na akong naghihintay!" inis na tinapon ng kanyang tiyahin ang hinihipat na sigarilyo.
"Easy, maghintay ka lang. Malapit na malapit na. Naghahanap lang ng tiyempo." Hinimas-himas ng kanyang ama ang braso ni Helga upang pakalmahin.
Binuksan pa ni Violet nang bahagya ang pinto upang mas malinaw ang kanyang maririnig. Hindi niya naman ugaling makinig sa usapan ng iba pero iba ang kutob niya sa isang ito. Hindi rin siya ignorante para huwag isiping silang magkapatid ang pinag-uusapan.
Tumingin si Helga sa kanyang ama habang sinisindihan ang panibagong sigarilyo. "Kailan ba iyan? Inip na inip na ako!" singhal nito saka hinipat at ibinuga ang usok.
"Mamayang gabi." Ngumisi pa ang kanyang ama.
Mamayang gabi, itutumba kami? Nag-aalala niyang tanong sa isipan.
"Ito na ang huling beses na ipapangako mo iyan. Kailangan ko ang pera nila!" Tumayo si Helga at lumipat ng ibang pwesto. Umupo ito sa sofa.
Titig na titig si Violet sa kanyang ama. Nagtataka kasi siya sa ginagawa nito sa bandang pisngi. May kinakalikot ito roon at tila binabalatan.
"Oo na. Ang init ha! Maayos trumabaho ang mga bata natin. Alam na nila ang gagawin," wika nito hanggang sa tuluyang tinuklap ang tila balat na nasa mukha.
Nasapo niya ang kanyang bibig dala ng matinding pagkagulat. Hindi niya alam kung anong iisipin at gagawin. Na-blangko ang kanyang isipan.
Sa tinagal-tagal ng pagtitiis na naranasan nila, ito pa ang mangyayari—bakit? Hindi siya makapaniwala sa kanyang nakikita. Hindi ito ang kanyang ama! Ibang tao pala ang nakakasalamuha nila: isang mapagbalat-kayo at mapagpanggap. Nakokopya nito ang mukha ng kanyang ama.
Ano ba talagang nangyayari? tanong ni Violet isipan. Gulong-gulo na siya. Tama ba ang nakikita ko? Hindi ito totoo! Pagtanggi niya sa isipan. Umatras siya. Hindi niya napigilan ang pagpatak luha matapos marinig ang mga rebelasyong bumago sa ikot ng kanyang mundo.
Kumuha na naman ito sa pakete ng panibagong sigarilyo saka sinindihan "Sayang 'yang Pink at Violet—mamamatay nang walang kaalam-alam!" Humalakhak ang kanyang tiyahin. Wala pa man ngunit tila sigurado na itong magtatagumpay.
Nalilito siya. Ano ba ang dapat niyang gawin? Kinakabahan din siya. Isang maling hakbang lang paniguradong tapos na siya. Kailangan niyang kumalma upang makapag-isip nang tama. Dahan-dahan niyang pinihit ang pinto upang ibalik sa pagkakapwesto kanina. Ngunit dahil nanginginig pa ang kanyang kamay ay bahagyang tumunog iyon dahilan para tumingin ang tiyahin niya sa kanyang gawi.
"Sino 'yan?" tanong nito.
Lalong nataranta si Violet. Papalapit nang papalapit ang yabag na kanyang naririnig. Nangatog ang kanyang mga binti. Tila gustong bumigay ng kanyang tuhod dahil sa takot. Kailangan niyang kumilos papalayo roon ngunit binibigo siya ng sariling katawan.