Chapter 1

2442 Words
HUMINGA nang malalim si Pepper habang nakatitig sa paborito niyang librong Mulan. Kailan kaya niya masasabi ang paboritong linya ni Mulan doon na, "my duty is to my heart"? Ilang oras na lang at kailangan na niyang pumunta sa mansiyon ng mga Montinola kung saan gaganapin ang nakatakdang engagement party nila ng future CEO ng Montinola Group of Companies na si Joey Randolf Montinola. It was purely business. Nais kasing mag-expand ng kompanya ng mga ito sa production industry at napili nitong makipag-merge sa kompanya nila. Agad na pumayag ang Lolo Ching niya dahil lalaki pa lalo ang kompanya nila at mas lalakas ang impluwensiya ng kanilang angkan. Hindi man sa Pilipinas naninirahan ang lolo niya ay naroon ang pokus ng negosyo nito. Ang pamilya nila ang namamahala ng distribusyon ng produksiyon ng Sy Co., Ltd. sa Pilipinas. Nasa China ang pabrika at pagawaan ng kanilang mga produkto. Sila ang nagpo-produce ng lahat ng produktong plastic mula sa China, packaging bags, at furniture accessories katulad ng locks, handles, door knobs, curtain rack, at curtain rod. Kapag nag-merge na ang SCL at ang MGC ay mag-e-expand na ang produksiyon nila sa textiles. Iyon ang matagal nang plano ng lolo niya pero hindi nito iyon magawa dahil kulang daw ang budget ng kanilang kompanya at kulang sila sa teknolohiya. Ang Montinola Group of Companies ang makakatulong sa kanila. Kahit na may naitutulong siya sa kanilang kompanya ay hindi pa rin iyon sapat para sa lolo niya. Kahit na siya ang panganay nitong apo ay hindi pa rin siya ang magmamana ng kompanya. Iyon ang pakiramdam niya. Hihintayin pa siguro nilang maka-graduate ang pinsan niyang si Aldrin para ito na ang humawak ng kompanya. Nasasaktan siya roon pero alam niyang noon pa man ay si Aldrin na ang mapipiling humawak ng kanilang negosyo dahil ito ang panganay na apong lalaki. Kahit na gaano pa kalaki ang kontribusyon niya sa pagpapalago ng kanilang negosyo ay bale-wala pa rin iyon sa Lolo Ching niya. Dahil lang naging babae siya. Ilang beses na niya iyong kinuwestiyon pero palagi lang siyang napapagalitan ng lolo at ng mga magulang niya. Hanggang sa nagsawa na siyang makipag-argumento sa mga ito at sumunod sa lahat ng gusto ng mga ito. Noong unang taon niya sa kolehiyo ay sinubukan niyang suwayin ang utos ng kanyang lolo dahil hindi siya sa Amerika nag-aral. Muntik na siya nitong itakwil bilang apo. Sunod-sunuran naman dito ang kanyang mga magulang kaya pati ang mga ito ay tinikis siya. Hindi siya pinapansin ng mga ito. Naka-freeze ang lahat ng credit cards niya. Hindi siya pinapasok ng mga ito sa eskuwelahan na gusto niya at hindi siya pinapayagang makalabas ng bahay. Pati ang mga pinsan at kapatid niya ay parang hindi siya kilala dahil inutusan ang mga itong huwag siyang pansinin. She endured the cold treatment from all of them. Nasaktan siya sa ginawa ng mga ito dahil pakiramdam niya ay wala siyang karapatang magdesisyon para sa sarili niya. Nang sabihin niyang susundin na niya ang gusto ng lolo niya ay bumalik sa dati ang lahat. Nag-aral siya sa Amerika. Ilang taon siyang nawalay sa kanyang pamilya at mga kaibigan. Pero tiniis niya ang lahat ng iyon dahil natatakot siyang baka mangyari na naman ang ginawa sa kanya ng kanyang pamilya. Ayaw na niyang maranasan iyon. Ayaw na niyang dagdagan pa ang galit sa kanya ng mga ito. Tinanggap na lang niya ang katotohanang kailangan niyang sumunod sa lahat ng gusto ng mga ito. That was the hardest part of being Chinese. One had to follow the rules and the tradition. Ang mga babaeng Chinese ay kailangang maging submissive sa mga lalaki. At ang isa pang ayaw niya sa pagiging Chinese niya? Ang ma-engage sa isang lalaking hindi niya mahal. That was the dilemma she was facing right now. Guwapo si Joey pero hindi niya ito gusto. Masasabi niyang hindi epektibo sa kanya ang "dark charisma" kuno nito na tanging ito lang ang may taglay. Ang higit na nagustuhan niya kay Joey ay ang pagiging matalino nito. They can talk about business for hours and never get tired of it. Pero kung ang romantikong aspeto ang pag-uusapan ay wala silang koneksiyon nito. Matagal na niyang kilala si Joey dahil palagi silang nagkakasama sa ilang business parties pero hindi sila malapit sa isa't isa. Ang kaibigan niyang si Ginger na kapitbahay ng mga ito ang malapit sa mga Montinola. Nang malaman niyang ipinagkasundo siya rito ng Lolo Ching niya ay agad siyang nagprotesta sa mga magulang niya ngunit wala na rin daw magagawa ang mga ito. Ang lolo pa rin daw niya ang masusunod at walang makakapagbago sa isip nito. Kailangan daw nilang gawin iyon para lumawak ang kanilang koneksiyon at lumaki ang kanilang kompanya. Kinausap niya ang Lolo Ching niya tungkol doon pero hindi ito natinag. Hindi nagbago ang desisyon nito kahit umiyak na siya sa harap nito. Pinagalitan pa siya nito dahil sa ginawa niya. "You know why I don't want you to handle our company, Pepper? It's because you're vulnerable. Vulnerability could be used against you by a company's enemy and I can't let that happen. We need a tough man like Joey to help us with our business. You could help our company by marrying him, Pepper." Iyon ang katwiran sa kanya ng Lolo Ching niya. Iginiit niya na hindi kailangan ng tulong ng kompanya nila dahil maayos naman ang takbo niyon pero hindi ito nakinig sa kanya. Noon niya nalaman ang tunay na estado ng kanilang kompanya. Nang si Joey naman ang kinausap niya ay pinaliwanagan pa siya nito. Hindi raw nila kailangang magpakasal dahil sa pag-ibig. Kung gusto raw niya ay maaari siyang makipaghiwalay rito pagkatapos ng isang taon. Nang tanungin niya ito kung bakit ito pumayag sa kasunduang iyon ay sinabi nitong parehong makikinabang ang kanilang mga pamilya sa gagawin nilang iyon. Natatandaan pa niya ang sinabi sa kanya ni Joey... "It's purely business, Pepper. 'Wag mong masyadong pairalin ang damdamin mo. Kung ganyan ka, hindi ka talaga tatagal sa ganitong uri ng kalakalan. I can see that you want to impress your grandfather so I'm doing you a favor..." Nitong mga nakalipas na taon ay sinubukan niyang makapalagayang-loob ang lolo niya. Sinubukan niyang gawin ang lahat ng gusto nito at lumagay sa tama upang ma-impress ito sa kanya pero wala pa rin siyang nakikitang kasiyahan sa mukha nito. Pumayag na rin siya sa kasunduang iyon para paluguran ito. Baka sakaling payagan siya nito kung anuman ang gusto niyang gawin. Naputol ang pagmumuni-muni niya nang tumunog ang kanyang cell phone. Agad na sinagot ni Pepper ang tawag nang makitang ang mommy niya ang tumatawag. "Pepper, where are you? Kanina ka pa dapat nandito," agad na bungad sa kanya ng mommy niya. She rolled her eyes. Hindi naman nito iyon nakikita. "Are you rolling your eyes at me?" She rolled her eyes again. Kahit kailan talaga ang mommy niya. Palibhasa ay siya lang ang nag-iisang anak nito kaya maliban sa daddy niya ay sa kanya umiikot ang mundo nito. Umiikot sa pamumuna sa kanya. "Papunta na ako diyan, Mommy," sagot niya rito. "Bilisan mo. Malapit nang dumating ang mga bisita. Kanina pa naayos ni Lemon ang lahat. Pasalamat ka sa kaibigan mong 'yon. Hurry," sabi ng mommy niya, saka nito pinutol ang tawag. Huminga siya nang malalim. Kahit kailan ay hindi niya narinig na magsabi sa kanya ng "I love you" ang mga magulang niya. Mabuti pa ang mga kapatid niyang lalaki. Ramdam niyang mahal siya ng mga ito maging ang ina ng mga ito. Kaya minsan ay tumatambay siya sa bahay nina Tita Hannie—the first mistress—at Tita Josie—the second mistress of her dad—kapag nakakaramdam siya ng iritasyon sa bahay nila at abala sa ibang bagay ang mga kaibigan niya. Iyon ang isa pa sa mga dahilan kaya nagagalit sa kanya ang mommy niya. Pero hindi naman nito ipinaparamdam sa kanya na mahalaga siya at mahal siya nito. Madalas ay sa bahay nina Sugar sila tumatambay ni Lemon kapag wala itong trabaho at practice sa racing. Masarap kasing tumambay sa bahay ni Sugar. Marami kasing food samples ang ipinapatikim sa kanila ng mommy ni Sugar na si Tita Ange. O hindi naman kaya ay sa Sugar Treats sila tumatambay dahil may discount sila roon. Dinampot ni Pepper ang kanyang clutch bag sa ibabaw ng kanyang kama at saka lumabas ng kanyang kuwarto. Naghihintay na sa labas ng kanilang bahay ang driver nilang si Mang Juan at nakabukas na ang pinto ng backseat ng kanyang kotse. Hindi talaga siya nagda-drive kapag nakasuot siya ng high heels. Habang lulan siya ng sasakyan ay napapaisip pa rin siya sa susuungin niyang sitwasyon. She was tough on the outside but a hopeless romantic inside. She believed in love, be it a fairy-tale love story or not. Pero dahil patuloy siyang binabantayan ng lolo niya ay kailangan niyang maging matigas. Kunwari. Naniniwala siya sa tamang lalaki. Naniniwala siyang ang dapat niyang pakasalan ay ang lalaking mahal niya. Kahit na hindi pa niya nakikita ang lalaking mamahalin niya ay iyon pa rin dapat ang panindigan niya. So, bakit ka magpapakasal kay Joey kung labag naman pala sa kalooban mo? tanong niya sa sarili. She sighed. Maloloka siya sa pag-iisip. Hindi na malinaw sa kanya kung nag-iisip ba siya ng mga positibong pananaw tungkol sa pagpapakasal niya kay Joey o nag-iisip siya ng paraan para makatakas sa kasunduang iyon. Hanggang sa makarating sila sa mansiyon ng mga Montinola ay hindi pa rin malinaw ang isip niya. Binati siya ng mga taong nakasalubong niya patungo sa kinaroroonan ni Joey. Napag-usapan na nilang pareho na magpaka-civil sa isa't isa sa okasyong iyon. Nang mga nakalipas na araw ay naging magkaibigan na sila at talagang kumportable sila sa isa't isa pero hindi niya nakikitang mai-in love siya rito. She believed that Joey was capable of love but not of loving her, not at this point in time. Alam niyang may darating na babaeng makapagpaparanas dito ng tunay na pag-ibig pero hindi siya iyon. "Hi," bati niya rito. "Hello. You look dashing," sabi ni Joey sa kanya. Pormal pa rin ang hitsura nito. He wouldn't be Joey if he didn't act like that. Isang natural na ngiti ang ibinigay niya rito. She saw Joey as someone who was more of a partner than lover to her. Ramdam niyang kahit kailan ay hindi niya ito mamahalin katulad ng pagmamahal nina Sugar at Seff sa isa't isa. Nang mamataan niya ang mga ito ay niyaya niya si Joey na lapitan ang dalawa. Hinalikan niya sa pisngi si Sugar at gayundin si Seff. "Oo na. Sige na. Kayo na ang in love," sabi niya sa mga ito. Tumawa ang mga ito at sa harap nila ni Joey ay naghalikan ang mga ito. It was just a simple peck on the lips but it made her envious of the relationship they had. Alam niya kung gaano kamahal ni Seff si Sugar at gayundin naman si Sugar kay Seff. Minsan ay hiniling niyang sana ay may kaibigan din siyang katulad ni Seff para ma-in love siya rito. Pero alam niyang kinakailangan sang-ayunan pa rin iyon ng kanyang pamilya. Napabuntong-hininga na lang siya. "Good luck to both of you," bati sa kanila ni Seff. "Is that enough?" biro niya rito. "Live for yourself, Pepper," bulong sa kanya ni Sugar. Lumayo na sila ni Joey sa mga ito dahil tinawag ang kanilang pansin ng iba pang business associates ng mga Montinola na naroon. Lahat ng mga ito ay nagsabing bagay na bagay sila ni Joey. Nginitian lang niya ang mga ito at hinayaang si Joey ang makipag-usap sa mga ito. Magaling naman si Joey na makipag-usap hanggang sa tawagin sila ng Lolo Ching niya. Nagmano at humalik siya sa pisngi nito at nakipagkamay naman dito si Joey. Pormal na humarap sila ni Joey rito. "I wish you all the best. I know that you'll make a great pair," nakangiting sabi ng Lolo Ching niya. Hindi siya nagsalita. "You will make the Montinolas and the Sys richer," dugtong pa nito. Inis ang naramdaman niya nang marinig ang sinabi nito. Iyon lang ang tingin nito sa kanila ni Joey? Iyon lang ang turing nito sa kanya? Apo siya nito! Na-realize niyang ito ang dahilan kung bakit hindi niya magawa ang mga bagay na gusto niyang gawin. Kung tutuusin ay magagawa niya ang mga gusto niya kung hindi lang siya natatakot dito. Hindi siya dapat ang solong lumutas ng suliranin ng kanilang kompanya dahil hindi lang naman siya ang apo nito. Isa pa, kahit na anong pagpapalugod ang gawin niya rito ay hindi pa rin siya makakawala sa mga galamay nito. Hindi niya mararanasan kahit kailan ang maging malaya at makapagdesisyon para sa kanyang sarili. Nagpaalam siya sa mga ito at dumeretso siya sa restroom sa loob ng bahay ng mga Montinola. Hindi iyon ang unang beses na nakapunta siya roon kaya alam niya kung nasaan ang restroom ng mga ito. Pagpasok niya roon ay agad siyang humarap sa salamin. Nakita niya sa repleksiyon ng salamin ang Pepper na isang career woman, palaban, at determinado. But she was trying to be all that just to please her family. Ang tanging gusto lang niya ay magsulat ng isang libro katulad ng mga nababasa niyang fiction books. Hindi sumang-ayon sa kanya ang mga magulang niya nang sabihin niya sa mga ito ang gusto niyang gawin. Ayon sa mga ito, hindi iyon gusto ng lolo niya. Nais niyang maranasan ang magmahal nang malaya ngunit agad ding pinutol ng kanyang lolo ang pangarap niyang iyon. Hindi ka kailan man nagkaroon ng layang makapagdesisyon para sa sarili mo, Pepper. Kapag ipinagpatuloy mo ito ngayon, hindi ka na makakatakas pa sa galamay ng lolo mo. You have a choice to do this or not, sabi ng isang bahagi ng isip niya. Hindi niya iyon gustong gawin. Kahit kailan ay hindi niya pinangarap na makasal sa isang lalaking hindi niya mahal. Kahit kailan ay hindi niya inasam na magpakasal sa isang lalaki para lang sa pera at impluwensiya nito. Siguro nga ay marami na siyang nabasang romance books kaya ganoon ang pananaw niya tungkol sa pakikipagrelasyon. Pero hindi pa rin tama na pilitin niya ang sarili na gawin ang isang bagay na ayaw niyang gawin. Matagal ka nang nagtatrabaho para sa pamilya mo, Pepper. You have contributed something to your family. Kung nagbubulag-bulagan sila sa mga nagawa mo ay hindi mo na kasalanan 'yon. You have to give yourself credit, Pepper. You owe it to yourself, pangungumbinsi niya sa sarili. Ganoon na lang ang gulat niya sa lalaking nabungaran niya paglabas niya ng restroom. "Ang tagal mo namang lumabas. Kanina pa ako rito. Are you having second thoughts?"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD