Chapter 23

1158 Words
Paggising ni Oryang ay nagtaka siya kung bakit sina Boyong at Alexis lang ang nandoon sa hapagkainan. Agad niyang hinanap si Delsin dahil nagtaka rin siya sa mga kinikilos nito kahapon. “Oh bakit wala pa si Delsin? Hindi pa gising? Aba, baka mahuli na naman siya sa trabaho niyan sa ginagawa niya,” reklamo ni Oryang. “Ah, oo. Tulog pa talaga si Delsin ngayon dahil wala na siyang trabaho,” medyo nahihiyang sagot ni Alexis sa kanyang asawa dahil alam naman niya na negatibo na naman ang sasabihin nito tungkol kay Delsin. Gulat na gulat naman si Oryang dahil sa kanyang nalaman. Walang anu-ano ay pumunta siya sa kwarto nina Delsin. Galit na galit siyang pumasok sa loob. Niyugyog niya agad si Delsin para magising. Ni hindi na nga napigilan nina Alexis at Boyong si Oryang na gawin iyon. Dahil sa nangyari, nagising si Delsin. Napabalikwas siya nang makita niya si Oryang. “Oryang, bakit? Ano na naman ba ang problema mo?” inis na tanong ni Delsin. “Aba, at itatanong mo pa talaga sa akin kung ano ang problema ko. Ano at wala ka na namang trabaho? Palpak ka na naman!” galit na sabi ni Oryang, hindi man lang niya naisipan na tanungin si Delsin kung ano ba talagang nangyari. “A-Alam ko naman na ganyan na naman tingin mo sa akin. Huwag kang mag-alala, maghahanap na lang ulit ako ng trabaho ko,” sagot naman ni Delsin, malungkot dahil iyon na naman ang kinakagalit ni Oryang sa kanya. “Hanggang kalian na naman ‘yang sinasabi mo? Puro palpak naman ang mga pinapasukan mo!” sigaw ni Oryang pagkatapos ay tumayo siya para makalabas sa kwartong iyon. Agad naman siyang sinundan ni Alexis para kausapin. Magkagalit na naman ang mag-asawa dahil sa inasal ni Oryang. Si Delsin ay tahimik lang doon. Hindi pa rin makapag-isip ng maayos dahil sa ginawa ni Oryang. Habang nag-aaway ang dalawa sa loob ng kwarto ay niyaya na lang ni Boyong si Delsin na kumain ng umagahan. Kahit rinig na rinig nila ang sigawan ng dalawa ay hindi na lang nila ito binigyan ng pansin. “Ayos ka lang ba sa nangyari kanina? Kung ano man ang narinig mo kanina, hayaan mo na lang iyon. Alam mo naman ang ugali ni Oryang di ba? Kahit kalian naman, hindi naging mabait sa atin iyon,” sabi ni Boyong. “Hindi ko naman maiwasan na hindi isipin eh. Tama naman kasi ang sinasabi niya. Palpak na naman ako. Ganito ba talaga dito sa Maynila? Parang ayaw ko na tuloy dito. Wala yata ang swerte ko rito eh. Kasi isipin mo, sinusubukan ko naman pero wala pa rin naman akong nararating. Sa tingin mo, umalis na lang kaya ako dito sa Maynila?” malungkot na sagot ni Delsin. “Ano ka ba naman, huwag mo ngang isipin iyan. Ano bang turo sa iyo ni Nanay Ising? Hindi ba’t mangarap ka lang at magpursigi sa mga ginagawa mo. Darating din ang araw na magiging maayos ang lahat,” nakangiting sabi ni Boyong, tumango naman si Delsin sa kanya bilang tugon. Ilang minuto pa ay lumabas na rin ang mag-asawa kasama ang kanilang anak para kumain. Halatang-halata nina Delsin at Boyong na magkagalit pa rin ang mag-asawa dahil tahimik sila habang nakain. Pagkaraan ng ilang minuto ay may kumatok sa pintuan ng bahay nila. Si Boyong na ang nagbukas noon dahil abala pa silang kumain samantalang siya naman ay tapos na. “Ako na lang ang magbubukas ng pinto, kumain na kayo dyan,” sabi ni Boyong at lumapit na siya sa pintuan para buksan ito. Bumungad sa kanya ang isang babae na sobrang ganda. Pusturang-pustura ito at may kasama pa siyang bodyguard. Dahil hindi naman iyon kilala ni Boyong ay nagtanong siya kung sino ito. “A-Ah, sino po kayo?” tanong ni Boyong. “Dito ba nakatira si Delsin Marquez?” tanong noong babae. “Opo. Dito nga, bakit po? Anong kailangan ninyo sa kanya?” tanong ulit ni Boyong. “Ah, pakisabi na nandito si Beverly Rosales. Gusto ko sana siyang maka-usap. May sasabihin lang akong importante sa kanya,” sabi noong magandang babae kay Boyong. Doon na napagtanto ni Boyong na ang kausap pala niya ngayon ay ang amo ni Delsin. Ang babaeng nasa harapan niya ay ang bumastos sa pagkatao ng kanyang pinsan. Agad niya tuloy sinara ang pinto at saka tumakbo sa hapagkainan para magsumbong kay Delsin. “Oh pareng Boyong, ano ba ang problema mo dyan? Bakit parang nakakita ka naman ng multo? Sino ba ‘yong kumatok? Bakit hindi mo papasukin?” sabi ni Alexis kay Boyong ngunit hindi naman niya ito pinansin dahil tinuon niya ang tingin kay Delsin. “Delsin, nandyan sa labas ang amo mo! Hinahanap ka niya sa akin!” pag-aalalang sabi ni Boyong, nangangatog pa nga siya dahil sa takot. “Ano?!” sabay na sabi ni Delsin at Alexis. “Dalian mo dyan at magtago ka na. Ako na lang ang bahala sa amo mo. Pumasok ka na sa loob para hindi ka niya makita,” sabi ni Boyong. Dahil hindi naman alam ni Oryang ang nangyayari ay pati siya ay gulong-gulo na rin. Hindi niya napigilan na hindi magsalita tungkol dito. “Ha? Bakit ba hinahanap si Delsin ng amo niya? May ginawa na naman ba siyang mali? Delsin, umamin ka sa amin. Pinagnakawan mo ba ang amo mo kaya ka niya hinahanap ngayon?!” nag-aalala na rin si Oryang kung ano na nga ba talaga ang nangyayari. “Oryang, ano na naman ba ‘yang sinasabi mo?! Alam mo, ang mabuti pang gawin mo ay ipasok mo ‘yang anak natin sa kwarto para makapag-isip kaming maayos dito! Pwede ba?!” galit na sabi ni Alexis. Dahil sa takot at umiyak na rin kasi ang anak nila eh hindi na nasagot pa ni Oryang ang kanyang asawa. Pero sa loob-loob niya ay gusto na niyang awayin ‘yong tatlo dahil mukhang mapapahamak silang mag-ina ngayon. Pagpasok ni Oryang ay pumasok na rin si Delsin sa loob ng kwarto. Muli nang binuksan ni Boyong ang pinto kasama si Alexis. Todo tanggi sila na nandoon nga si Delsin. Habang ginagawa iyon noong dalawa ay hindi mapigilan ni Delsin ang hindi makinig sa usapan nila. “Ma’am Beverly, wala po dito si Delsin. Inutusan ko pong mamalengke. Kung gusto niyo po ay sasabihan ko na lang po siya na dumaan kayo rito. Bumalik na lang po kayo sa susunod, Ma’am,” palusot ni Alexis kay Ma’am Beverly. “Alam niyo, kung ayaw niyo naman na madamay sa problema ni Delsin ay ipakita na ninyo siya sa akin. Huwag kayong mag-alala, hindi ko naman kayo sasaktan. Sadyang kakausapin ko lang si Delsin. Alam niyo naman kung anong nangyari kahapon, hindi ba?” may taray na tonong sagot ni Beverly doon sa dalawa. Dahil sa sobrang inis ay hindi na napigilan ni Delsin ang kanyang sarili. Lumabas siya mula sa kwarto kahit na alam niyang mapapahamak siya. Ayaw niya na rin kasing madamay sina Boyong at Alexis. Problema naman kasi niya iyon kaya nararapat lang na siya ang humarap kay Beverly.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD