"ANONG ginagawa ni Mayor Raven dito?" tanong ni Ariel sa kanya nang ma-solo siya nito. Naroon si Ariel sa apartment para sana sunduin sila ni Selena. Hindi na daw kasi busy ang kliyente na ipapakilala nito sa kanya kaya imi-meet na nila iyon ngayon, isasama nga din nito si Selena. Pero dahil naroon si Raven ay hindi na nila isasama si Selena. Ito na daw ang magbabantay sa anak. Humugot naman si Serena ng malalim na buntong-hininga. "Binigyan ko si Raven ng isa pang pagkakataon," sagot niya sa mahinang boses kay Ariel. "Ano?" tanong ni Ariel sa kanya, mababakas sa ekspresyon ng mukha nito ang hindi makapaniwala. "Nakakalimutan mo na ba ang ginawa niya sa 'yo noon? In-abandona ka niya, Serena. Hindi lang ikaw ang in-abandona niya. Pati na din ang anak mo. Nakalimutan mo na ba iyon?

