MASAYANG SINALUBONG si Deina ng kaniyang pamilya sa Laguna. Bagay na sandaling nagpalimot sa kaniya sa nangyari kahapon. "Ma, na-miss ko po talaga 'tong luto mo," aniya habang magkakaharap sila sa hapagkainan ng tanghali. "Aysus! Nambola pa," wika ni Aleng Diana. "Naku, anak, tampo lang talaga iyang mama mo sa'yo, paano ba naman-- akala siguro'y si Gelo na lamang ang inaatupag mo." Bahagya siyang napailing habang nakangiti. "E, teka, kumusta na nga pala ang relasyon ninyong dalawa?" "Ayon po, illegal pa rin, hindi pa rin kami p'wedeng magsama," malungkot na k'wento niya. "Pero sigurado ka na ba talaga sa kaniya, anak?" tanong ni Aleng Diana na nakapagpatigil sa kaniya. "Bakit mo naman po natanong 'yan, ma? E kung wala lang naman talagang sabit ay baka naikasal na kaming dalawa."

