“Hi, Geng,” nakangiting bati ni Loli pagdating niya. “Oh, Loli? Kumusta ang unang araw mo? Mukhang masaya ka ah. May mga kaibigan ka na roon?” tanong nito. Tumango naman siya at umupo sa bakanteng upuan ng kusina. “Saglit, ipaghahanda kita ng meryenda,” anito. “Tulong na ako,” ani Loli at akmang tatayo nang pigilan siya nito. “Ako na, hayaan mo na akong gawin ang trabaho ko. Maiiyak na ako sa sobrang bagot dito. Parang gusto ko na lang din bumalik sa pag-aaral,” saad nito habang nakabusangot. “Puwede naman, gusto mo bang mag-aral ulit? Baka puwede pang humabol,” aniya rito. Talagang matutuwa siya at kasama niya ito kung saka-sakali. “Ito naman, joke lang no. Hindi ko nanaising mag-aral ulit. Sobrang nakakapagod kaya. Naalala ko pa noon lagi kong hinihintay na matapos agad ang klase k

