Kabanata 6
NATIGILAN si Tyler sa kanyang ginagawa nang sumara na ang pinto ng kanyang opisina. Wala sa loob na napatingin siya sa lunch bag na nakapatong sa ibabaw ng kanyang mesa.
Sa totoo lang ay halo-halo ang emosyon na naramdaman niya nang makita ang asawa kanina. Lalo pa at pumunta ito roon upang dalhan siya ng pananghalian na ito mismo ang nagluto.
Usually, it’s the other way around. Siya ang madalas na pumupunta sa pinagtatrabahuhan ni Sabrina. Ipinagluluto o hindi naman kaya ay dinadalhan ito ng mga paborito nitong pagkain. Lalo na sa tuwing inaabot ng maghapon o hanggang gabi ang shoot nito.
Kaya naman ay hindi niya mapigilan ang puso na lumukso sa tuwa dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay nagawa rin ng asawa ang mga bagay na ‘yon para sa kanya. Pero kahit anong pilit niya na maging masaya sa bawat bagay na ginagawa nito upang makabawi ay hindi pa rin niya maiwasan na alalahanin ang tungkol sa katotohanan na ayaw pa nitong magkaroon ng anak sa kanya.
Kasabay ng pagbaba niya ng hawak na ballpen ay ang pagkalam ng kanyang sikmura. Kaya naman ay agad niyang inabot ang lunch bag at binuksan ito.
He can’t help but smile upon seeing his favorite adobo. Kahit hindi ganoon kabihasa sa pagluluto ang kanyang asawa ay masarap ang bawat lutuin nito para sa kanya.
Inilabas na niya ang mga tupperware mula sa loob ng bag at kinuha ang kutsara at tinidor na nandoon. Akmang susubo na siya nang may biglang kumatok sa labas ng pinto. Agad naman siyang napaayos ng upo.
“Come in.”
Bumukas ang pinto at iniluwa nito ang secretary niya na si Rodel. Seryoso ang mukha nito hanggang sa matuon ang atensyon nito sa hawak niyang kutsara na hindi pala niya nagawang ibaba. Unti-unti ay gumuhit ang mapaglaro na ngiti sa mga labi ng lalaki.
Napatikhim siya. “What is it?”
Sa pagkakataong ‘yon ay napaangat ito ng tingin sa kanya.
“Pasensya na po. Pero itatanong ko lang sana kung may iba pa kayong ipapagawa mamaya?”
Saglit siyang napaisip. Sa pagkakaalala niya ay wala naman silang rush na deadlines ngayon. “Wala naman na. Why?”
Tila nakahinga naman ito nang maluwag. “Balak ko po kasing umuwi ng saktong alas-singko mamaya. Pupunta pa po kasi ako sa mall dahil mayroon akong mga kailangan na bilhin.”
Napatango naman siya. “Sure. No problem with that.”
“Marami pong salamat.”
Akmang tatalikod na ito nang muli siyang nagsalita.
“Kung sakali man na may biglang dumating o maghanap sa ‘kin ay pabalikin mo na lang ulit mamayang alas-dos. Tell them I’m currently busy, okay?” bilin niya rito.
“Copy that, sir.” Sumaludo pa ito sa kanya bago naiiling na lumabas sa kanyang opisina.
Nang mawala na ito sa kanyang paningin ay hindi na niya napigilan pa ang sarili at agad na nilantakan ang pagkain na nakalatag sa kanyang harapan. Dahil sa totoo lang ay kanina pa talaga siya nagugutom.
But his pride won’t allow him to admit it to Sabrina.
KASALUKUYANG naglilibot sa mall si Tyler kasama ang secretary niya na si Rodel. Malapit na pala kasing manganak ang asawa nito at kamakailan lang ay nalaman ng mga ito na babae ang ipinagbubuntis ng asawa. Kaya naman ay walang pagdadalawang isip na sumama siya kay Rodel nang malaman na bibili ito ng gamit para sa magiging baby nito.
“Hindi n’yo naman po ako kailangan na samahan pa, Sir Tyler. Baka hinihintay ka na rin po ni Ma’am Sabrina,” aniya ni Rodel nang papasok na sila sa department store.
Napasimangot siya. “Ilang beses ko ng sinabi sa ‘yo na wag mo akong tatawagin na Sir kapag wala naman tayo sa opisina.”
Napangiwi naman ito. “Pasensya na po. Hindi pa rin po kasi ako sanay.”
“Alisin mo na rin ang po at opo kapag nasa labas na tayo ng opisina. Pinapatanda mo ako niyan, eh. Samantalang hindi naman nagkakalayo ang edad natin,” pagpapaalala pa niya rito.
“Sige,” alanganin nitong sambit na ikinatawa niya lang.
Pagkarating nila sa baby’s section ay tila nagningning ang mga mata ni Tyler nang makita ang mga gamit na nandoon. Lalo na ang mga crib na mayroong iba’t ibang klase ng disensyo. How he wishes he can now be able to buy those stuffs too.
Bakas ang excitement sa mukha ni Rodel habang namimili. Kaya naman ay hindi niya maiwasan na mahawa rito. Ang iba pa nga sa mga kagamitan na kinuha nito ay base sa mga suhestiyon niya.
Mabuti na lang din at napagdesisyunan niya na samahan ito. Sa dami kasi ng bitbit nito ay baka mahirapan itong makauwi. Ang crib pa nga lang ay hassle ng dalhin. Lalo pa at commute lang naman ang lalaki.
Kumuha na rin ito ng feeding bottle na set at kulay pink. Limang piraso naman ang binili nitong damit. Tama na raw muna ang bilang na ‘yon dahil kalalakihan lang din naman daw. Imbis na diaper ay lampin naman ang kinuha nito. Maigi na raw muna ang ganoon sa umpisa.
“Bilang ninong ng anak n’yo ay ako na muna ang bahala sa mga ‘yan. Isipin mo na lang na advance gift ko ang lahat ng ito sa inaanak ko,” wika niya nang sila na ang magbabayad sa counter.
Akmang iaabot niya ang inilabas na card sa cashier nang mabilis siyang napigilan ni Rodel.
“Ako na po ang bahala, Sir. Malaking bagay na po sa ‘kin ang masamahan at maihatid n’yo pauwi. Pero hangga’t maaari ay gusto ko po na ako mismo ang tutustos sa pangangailangan ng mag-ina ko,” determinado nitong sambit.
Saglit siyang natigilan bago napatango at hinintay na lamang ito na matapos sa isang tabi.
Ilang sandali pa ay nasa daan na sila pauwi. Alam naman niya kung saan ito nakatira dahil nabisita na rin naman niya ang mag-asawa noon.
“Ayos na ba ang mga napamili mo ngayon? Kung sakali man na may mga kulang pa ay sabihan mo lang ako para masamahan ulit kita,” tanong niya pagkaliko sa isang interseksyon.
“Okay na po ang mga ‘yon sa ngayon. Isa pa ay nakapamili na rin ako ng iba pang gamit nitong nakaraang linggo.”
Napatango-tango naman siya. “That’s good. It must be hard for you as well. Sa pagkakatanda ko ay madalas ka pumasok ng puyat noon.”
Napakamot naman ito sa ulo. “Opo. Kakaiba rin kasi maglihi si Misis. Kaya kahit madaling araw ay napapatakbo ako para maghanap ng gusto niyang pagkain.”
Hindi na umimik pa si Tyler. Pumasok na rin kasi ang ganoong eksena sa kanyang isip sa oras na magbuntis na rin si Sabrina.
Pero sa ngayon ay makukuntento na lang muna siya sa mga imahinasyon niya.
Nang maiparada niya ang sasakyan sa tapat ng inuupahan nitong apartment ay agad na bumukas ang pinto nito at dali-daling lumabas mula roon ang asawa nito na si Mayen. Magkatulong naman nilang ibinaba ni Rodel ang mga pinamili nito.
“Magandang gabi po, Mr. Fortalejo. Marami pong salamat sa pagsama at paghatid sa asawa ko.” Salubong nito sa kanila.
“Walang anuman ‘yon.” Bumaba ang tingin niya sa umbok nitong tiyan. “Kailan ba ang labas ng inaanak ko?”
“Baka sa susunod na linggo na po,” nakangiti nitong sagot habang masuyo nitong hinihimas ang tiyan.
Napatango siya at bumaling naman kay Rodel. “Just let me know if you need anything else. You can also take a leave as long as your wife and your child needs you. Babalik na rin naman si David mula sa bakasyon niya. He can take over your job for a while,” aniya na ang tinutukoy ay ang kanyang personal assistant.
Malawak naman na napangiti si Rodel. “Sige po. Maraming salamat ulit.”
Nang maayos na nila ang mga pinamili nito sa loob ng apartment ay nagpaalam na siya sa mga ito. Pagkarating niya sa mansyon ay agad na sinalubong siya ni Manang Salome.
“Magandang gabi po, Sir,” pormal nitong bati sa kanya. “Ipaghahain ko lang po kayo ng hapunan.”
Tinanguan niya ito at agad na inilibot ang tingin sa paligid. Tahimik na umaasam na sasalubungin siya ng asawa katulad ng madalas nitong gawin nitong mga nakaraang araw.
Bago tumalikod ang mayordoma ay napansin nito na tila ba mayroon siyang hinahanap.
“Tulog na po pala si Ma’am Sabrina. Pagkauwi po kasi niya galing sa opisina n’yo kanina ay naglinis naman po siya sa kuwarto n’yo at maging sa hardin. Noong sumapit naman ang hapunan ay muli siyang nagpresinta na magluto. Halos siya po ang gumawa ng mga gawaing bahay ngayong araw. Hihintayin nga po sana niya kayo para sabay na kayong kumain. Kaya lang ay nakatulog na po dala ng pagod,” imporma nito sa kanya na tila ba nababasa nito ang kanyang iniisip.
Napakunot noo siya nang dahil sa narinig. “Why did she do that? Bakit hindi na lang siya nagpahinga at hinayaan ang ibang katulong sa mga gawain na ‘yon? Ni hindi nga siya sanay sa gawaing bahay,” nagtataka niyang tanong.
Matiim siyang tinitigan ng mayordoma.
“Dahil gusto po niyang magpakaasawa sa inyo,” makahulugan nitong sagot bago napaayos ng tayo. “Ayoko po sanang mangielam. Pero sana kapag dumating na po ang oras na handa na kayong patawarin at tanggapin ulit si Ma’am Sabrina ay hindi pa huli ang lahat.” Bahagya itong tumungo bago tuluyang tumalikod at umalis.
Habang siya naman ay naiwang nakatulala sa kawalan.