***Belle POV***
"ATO, dito na lang kami." Sabi ni nanay at huminto ang tricycle sa tapat ng malaking gate ng mansion.
Unang bumaba si nanay at nagtanong kung magkano ang bayad sa dalawa. Bumaba na rin ako at sinukbit sa balikat ang sling bag.
"50 lang po."
"Ang mahal naman!"
"Ganun po talaga ale, dalawa po kayo, eh."
Akmang aalma pa si nanay ay inawat ko na sya at nag abot na lang ng isang daan sa tricycle driver.
"Ang bait po nitong amo nyo, ale. Maganda pa." Nakangising sabi ng driver at tumingin sa akin.
"Anong amo? Anak ko yan!" Inis na wika ni nanay.
"Ay, anak nyo po ba? Sorry po, akala ko po amo nyo, eh." Kakamot kamot sa ulong sabi ng driver at inabot na ang sukling singkwenta.
Nakasimangot na pahablot na kinuha yun ni nanay sabay irap sa driver na agad ding umalis.
Hindi na bago na napagkakamalang amo ako ni nanay. Noong bata pa nga ako kapag magkasama kami ay napagkakamalan din syang yaya ko.
"Hayaan mo na, nay." Turan ko.
"Nakakainsulto, eh. Parehas naman tayong maganda pero lagi na lang akong napagkakamalang yaya mo."
"Huwag mo na lang silang pansinin, nay. Maganda ka po. Hindi ka naman magugustuhan ng tatay kong German kung di kayo maganda." Nakangising sabi ko para pagaanin ang kanyang loob.
"Tama ka dyan, anak. Hay naku, tara na nga para makausap na natin ang senyora." Ani nanay at nagpatiuna ng lumapit sa malaking gate.
Bumukas ang maliit na gate na pang tao at naunang pumasok si nanay. Sumunod naman ako sa kanya.
"Sino ho yang kasama nyo, Manang Luz?" Tanong ng may edad na lalaking nagbukas sa amin ng maliit na gate.
"Bunsong anak ko, Abel."
"Bunsong anak nyo?" Tila di makapaniwalang tanong ng lalaki at papalit-palit pa ng tingin sa amin ni nanay.
"Oo, huwag mo ring sasabihing hindi kami mukhang mag ina kundi hindi masarap ang ulam mo mamaya." Sikmat ni nanay.
Kumamot sa ulo ang lalaki. "Sungit naman ni manang. Parang naninuguro lang eh — aray!" Daing ng lalaki ng paluin sya ni nanay sa braso sabay tawa.
"Talagang naniguro ka pa, ha."
"Pasensya na ho. Hindi ko lang akalain na may maganda pala kayong anak."
"Parang sinasabi mong hindi maganda ang panganay kong si Nancy."
Ngumisi ang lalaki. "Maganda naman ho si Nancy, masungit lang."
"Hay naku. Ewan ko sayo, Abel." Bumaling sa akin si nanay. "Sya nga pala, anak. Ito si Abel, isa sa mga tauhan dito sa mansion."
"Ah, hello po, kuya. Ako po si Belle." Pagpapakilala ko sa sarili sabay lahad ng kamay.
Tinanggap naman yun ni Kuya Abel.
"Kita mo nga naman, magkatunog pa tayo ng pangalan. Basta talaga bel ang huli ng pangalan mga pogi at maganda, eh."
"Kuh, humirit ka na naman, Abel. O sya, kami ay papasok na sa loob. Kakusapin pa ng senyora ang anak ko."
Nagpaalam na kami kay Kuya Abel at naglakad na sa driveway.
Palinga linga ako sa paligid ng mansion habang nangingiti. Ang dami kong alaala dito. Sampung taon na ang nakalipas ng huli kong tuntong dito. Ganun pa rin naman ang hitsura ng mansion ng mga Montañez pero may pagbabago lang ng kaunti gaya ng gazebo na dating paborito kong tambayan. Kung dati ay open air yun ngayon ay sarado na at puro salamin. Moderno na ang hitsura at mas maganda.
Bumuntong hininga ako at muling ginala ang mga mata sa paligid habang papalapit kami sa mansion. Sa muli kong pagtapak dito sa mansion ay para akong nabalik sa nakaraan noong sixteen years old pa lang ako. Marami akong masayang alaala dito sa mansion pero meron ding mapait.
Pagpasok namin sa mansion ay binati kami ng dalawang kasambahay. Pinakilala ako ni nanay sa kanila. Iba na ang mga mukha ng mga kasambahay. Napalitan na ang lahat ng dating kasambahay maliban lang kay Ate Tes na tuwang tuwa nang makita ako.
"Kamusta ka na, Belle? Ang tagal na nung huli kitang nakita, ah. Mas lalo kang gumanda ngayon at sumeksi. Dalagang dalaga ka na nga." Wika ni Ate Tes.
"Ayos lang po ako, Ate Tes. Kamusta ka na rin po?" Nakangiting balik pangungumusta ko rin.
"Heto, may asawa't anak na rin at nandito pa rin sa mansion."
"Akala ko nga po wala ka na rin dito."
"Naku, di ko yata basta magagawang iwan ang mansion gaya ng nanay mo. Malaki rin kasi ang utang na loob ko kay senyora."
Nabalitaan ko nga noon kay nanay na sinagot ng senyora ang operasyon ni Ate Tess noong magkabukol sya sa leeg. Tagumpay naman ang operasyon at ngayon ay magaling na magaling na sya.
Habang hinihintay na magising ang senyora ay nakipag tsikahan muna ako kay Ate Tess. Ang dami nyang kwento sa akin tungkol dito sa mansion. Pero sa dami nyang ikinuwento ay isa lang naman ang gusto kong marinig mula sa bibig nya. Ang tungkol kay Strike. Pero wala na syang binanggit hanggang sa magising na ang senyora.
"Aba'y dalagang dalaga ka na nga talaga, Belle. Parang kelan lang ay dalaginding ka pa. But look at you now, mukha kang artista."
Mahina akong natawa sa sinabi ng senyora. "Salamat po, senyora. Kayo rin po walang pinagbago. Maganda pa rin po kayo at parang di kayo nadagdagan ng edad."
"Naku, wala ka pa ring pinagbagong bata ka. Bolera ka pa rin."
"Nagsasabi po ako ng totoo, senyora. Wala po talagang naging pagbabago sa inyo. Maliban lang po sa buhok nyo. Pero bagay po sa inyo. Ang bata nyo pong tingnan."
Nangingiti naman ang senyora at hinimas himas ang maiksing buhok na kulay gray.
Maganda naman talaga ang senyora kahit matanda na. Bakas pa rin sa kanya ang kagandahang taglay noong kabataan pa. Patunay doon ang malaki nyang picture sa hallway noong kabataan pa nya. May lahi rin kasi syang banyaga.
"Huwag kang mag alala, iha. Hindi naman mabigat ang magiging trabaho mo. Tatanggap ka lang ng mga tawag ko at ikaw ang lagi kong makakasama saan man ako magpunta. Dito lang naman ako parati sa San Pablo pero minsan ay lumuluwas din ng Manila. 8 hours lang din ang magiging trabaho mo at bayad ang overtime mo. Uwian ka rin pero kung gusto mong mag stay in, bibigyan kita ng kwarto."
Tumango tango ako sa sinabi ng senyora. Hindi na mabigat yun. Tanggap tawag lang pala at palagi syang sasamahan kung saan magpupunta. Kunsabagay ay matanda na ang senyora kaya kailangan nya ng alalay lalo pa at sya pa rin ang namamahala ng ilang negosyo nila rito sa Manila.
"Bueno, tinatanggap mo ba, Bellarina?" Tanong ng senyora.
Lumingon ako kay nanay. Tumango naman sya sa akin. Muli akong bumaling sa senyora at ngumiti.
"Opo senyora, tinatanggap ko po."
Ngumiti rin ang senyora. "Mabuti naman kung ganun. Mas gusto ko kasi na kakilala ang magiging pansamantalang PA ko. Huwag ka ring mag alala, walang magmamanyak sayo hangga't nandito ka sa mansion at kasama mo ko dahil malalagot sila sa akin."
Umawang ang labi ko. Nagtaka ako kung paano nya nalaman na namamanyak ako. Pero agad ko ring naisip na baka sinabi ni nanay.
Ng araw ding yun ay nagsimula na ako ng trabaho bilang PA at secretary ng senyora. Pero dahil first day ko ay tinuturuan nya ako ng mga dapat gawin. Madali ko naman yung natutunan.
.
.
"Talaga po, tita? May bagong work ka na?" Tanong ni Tantan habang nasa gitna kami ng hapunan.
"Oo, may work na ako." Sagot ko naman habang pumapapak ng pritong galunggong.
"Yung promise mo po sa akin, tita, ha. Bibili mo ko ng bagong bike." Nakangusong turan nya.
"Bagong bike? Eh may bike ka na di ba?" Singit ni Ate Nancy.
"Eh luma na po yun, mama. Yung mga kaibigan ko bago ang bike."
"Nainggit ka naman."
"Hayaan mo na, ate. Ako na ang bahala sa bike nya." Sabi ko naman.
"Ikaw ang bahala. Wala ka naman masyasdong pinagkakagastusan di gaya ko na marami. Kailangan ko munang magtipid dahil mababa ang huling padala ng kuya mo."
"Oo, ate. Naiintidihan ko."
Ngumiti ng malapad si Tantan. Bakas na ang tuwa at excitement sa mukha. Alam nya kasing kapag sinabi kong ibibili ko sya ng gusto nyang gamit ay binibili ko talaga.
*****