***Belle POV***
"STRIKE, apo!" Bulalas ng senyora na may malapad ng ngiti sa labi.
Awang ang labing nakasunod ang tingin ko kay Strike na naglalakad palapit sa senyora. Napatayo na rin ako at bahagyang napayuko ng gumawi ang tingin nya sa akin. Malakas na malakas ang kabog ng dibdib ko na tila ba yun tinatambol. Nanlalamig din ang aking mga kamay.
"How are you, mamita?"
"I'm good, iho, especially now that you're here. I missed you, apo."
"I missed you too, mamita."
Tumingin ako sa mag abuela. Yakap yakap na nila ang isa't isa habang may ngiti sa labi. Hindi maitatanggi ang kasiyahan sa mukha ng senyora dahil narito na ang kanyang apong kinasasabikang makita.
Habang naglalambingan ang maglola ay hindi ko naman maiwasang bistahan ang pigura ni Strike. Mas nag matured sya ngayon. Mas lumapad at mas naging matikas ang pangangatawan na halatang alaga sa work out. Mas gumuwapo pa sya ngayon kesa noong huling sampung taon. Bagay sa kanya ang manipis na bigote at balbas pati na rin ang semi buzz cut nya. Bagay na bagay rin sa kanya ang suot na khaki pants at polo shirt na puti na hakab sa kanyang maskuladong pangangatawan. Idagdag pa na lalong nagpalakas sa appeal nya ang suot na dark shades.
Wala sa sariling nakagat ko ang ibabang labi kasabay nun ang pamilyar na pagbilis ng pintig ng puso ko. Para akong bumalik sa nakaraan, sampung taon na ang nakakalipas. Ganitong ganito ang paghangang nararamdaman ko noon kay Strike. Wala pa ring pagbabago. Sya pa rin ang lalaking gusto ko.
"Damuho ka talagang lalaki ka. Bigla bigla kang sumusulpot. Ni hindi ka man lang tumawag na uuwi ka na. Hindi tuloy ako nakapagpahanda sa mga kasambahay."
"It's okay, mamita. I wanted to surprise you, that’s why I didn’t call."
Tila kinikiliti ang puso ko habang pinakikinggan ang baritonong malaking boses ni Strike. Para akong biglang nabalik sa pagiging teenager. Boses pa lang nya kilig na kilig na ako noon.
"Talagang nasurpresa mo 'kong damuho ka. Nagbabalak na nga akong tawagan ka mamaya para sabunin ka ng walang banlawan. Kung hindi ka talaga uuwi dito sa mansion ay talagang hindi kita bibigyan ng mana."
Mahinang tumawa si Strike at hinalikan ang sentido ng senyora.
"Mabuti na lang pala at umuwi ako, kundi ay mawawalan pala ako ng mana."
"Hmp! Talagang mana lang ang habol mo sa akin, ganun ba?"
"Of course not, mamita. You know I'm just kidding."
"Alam ko naman yun, apo. Anyway, narito si Belle. Mukhang hindi mo na kasi sya natatandaan."
Napalunok ako ng bumaling na sa akin si Strike. Kahit may suot syang dark shades ay damang dama ko ang mainit nyang tingin sa akin na lalong nagpakabog ng dibdib ko.
"I still remember her, mamita. Hinding hindi ko makakalimutan si Belle." Ani Strike at tumaas ang gilid ng labi.
Muli naman akong napalunok. Damang dama ko na may laman ang mga sinabi nya. Hindi nya raw ako nakakalimutan. Ibig sabihin ay hindi pa rin nya nakakalimutan ang ginawa ko noon.
Nag iwas ako ng tingin at muling napayuko. "H-Hello, sir.. G-Good morning." Nauutal na bati ko sa kanya.
"Para ka namang naging biglang mahiyain, Belle. Naalala ko noon tuwang tuwa ka kapag narito sa mansion si Strike." Wika ng senyora na may nanunukso pang ngiti sa labi.
Nag init naman ang mukha ko.
"You're right, mamita. Sinasalubong pa nga nya ako noon ng yakap. Baka hindi lang sya masaya na makita ako ngayon." Turan ni Strike sa tonong tila nang uuyam.
"H-Hindi naman po sa ganun, sir.. M-Masaya po ako na makita kayo ulit."
"Syempre naman, apo. Ten years kayong hindi nagkita. Dalagita pa lang noon si Belle. Ngayon ay dalagang dalaga na sya kaya nahihiya na."
Ngumisi si Strike. "Oh really.." Saad nya at tila nararamdaman ko ang paghagod ng tingin nya sa akin.
"Anyway, apo, nag breakfast ka na ba? Gusto mong kumain? Ipahahanda ko ang pagkain mo."
"Kumain na ho ako kanina bago bumiyahe, mamita." Tugon ni Strike at hinubad ang suot na dark shade.
Napalunok akong muli ng magtama ang aming mga mata kasabay nun ang pagrigodon ng aking puso. Matiim ang tingin nya sa akin na punong puno ng laman. Sumipa naman ang kaba sa dibdib ko.
Dahil sa pagdating ni Strike ay naging aligaga ang mga kasambahay lalo na si nanay. Agad na pinalinis ang kwarto nya kahit malinis naman yun. Naghanda din ng mga paborito nyang ulam para sa pananghalian. Ako naman ng matapos ang ginagawa ay iniwan ko muna ang senyora para makapag bonding sila ni Strike. Tatawagin na lang nya ako kapag may kailangan.
"Ang gwapo gwapo naman ng apo ni senyora. Nakakakilig! Para syang turkish actor. Ang macho macho pa at ang bango." Wika ni Geralyn. Ang pinakabatang kasambahay dito sa mansion.
"Sinabi mo pa! Natulala na nga lang ako kanina habang nakatingin sa kanya eh. Parang lumuwag ang garter ng panty ko." Segunda pa ni Ludeng at sabay silang humagikgik.
Hindi ko naman maiwasang mapaingos. Pero nakaka-relate ako sa kanila. Gaya din nila ako dati kapag nakikita si Strike. Para akong bulating inasinan sa kilig. Mas malala pa nga ako dati dahil naiinis ako kapag may ibang nagkaka-crush kay Strike. Nang aaway pa nga ako dati. Immature pa talaga ako noon at padalos dalos sa mga ginagawa.
"Tigilan nyo na nga yang pag uusap nyo tungkol kay Sir Strike at dalian nyo na ang paghihiwa. Malapit ng magtanghalian." Saway ni nanay sa mga kasambahay na pinupulutan si Strike.
"Oo, manang." Sabay sabay na sabi naman ng mga ito.
Kumuha ako ng isang pirasong hiwa ng saging na saba at sinubo yun. Lumapit ako sa malaking ref na mukhang aparador at kumuha ng isang bote ng mineral water.
"At ikaw naman Bellarina.."
"Po, 'nay." Nilingon ko si nanay na nasa likuran ko na pala.
"Baka umalembong ka na naman kay Sir Strike." Mahinang paalala ni nanay.
Ngumuso naman ako kasabay ng pag iinit ng mukha ko. "Hindi po, nay. Bakit ko naman po gagawin yun?"
Ngumisi si nanay. "Ay sus! Para namang nakakalimutan kong crush na crush mo si Sir Strike noon."
"N-Noon po yun, nay.. bata pa ako nun." Tanggi ko.
"Talaga? Eh ngayon, di mo na sya crush?" Nakataas ang kilay na tanong ni nanay.
Nanulis muli ang nguso ko. "H-Hindi na po." Muling tanggi ko.
"Hmm.. parang di naman ako naniniwala. Eh kakaiba nga ang titig mo sa kanya kanina."
Hindi na ako nakasagot sa sinabi ni nanay. Huli na pala nya ako eh. Kung itatanggi ko pa ay di na sya maniniwala.
"Wala namang masama sa crush-crush, anak. Pero dalaga ka na at hindi na bata. Alam mo na ang tama at mali." Paalala sa akin ni nanay sa seryoso ng boses. Matiim din ang tingin nya sa akin.
Ngumiti ako sa kanya. "Opo, nay. Natuto na po ako sa nakaraan."
"Mabuti kung ganun."
Nang tumalikod si nanay ay napakagat labi ako. May pagdududa ako sa sinabi ko. Oo, natuto na ako sa nakaraan. Pero ngayong muli kong nakaharap si Strike ay parang gusto ko muling gumawa ng kamalian.
Ipinilig pilig ko ang ulo at sinarado ang isip sa mga bulong na makasalanan.
'Magtino ka na, Belle. Tama na ang kagagahang nagawa mo noon kung ayaw mong masakal ka na ng tuluyan ni Strike.'
Tinungga ko ang bote ng mineral water. Baka sakali ay tangayin ng tubig ang masamang bulong sa aking isip.
Napatda ako ng may sikong bumunggo sa akin. Lumingon ako at nakita ko si Ate Tes na may pilyang ngiti. Tinaasan ko naman sya ng kilay.
"Dumating na ang ultimate crush mo. Ayieee!" Panunukso nya sa akin.
Ngumisi ako. "Hindi ko na sya crush, no." Tila labas sa aking ilong ang sinabi ko.
Tumaas naman ang kilay ni Ate Tes. "Weh? Talaga? Hindi mo na sya crush?"
Para rin syang si nanay. Hindi naniniwala sa akin. Kunsabagay, alam na alam rin nya noon kung gaano ako kapatay na patay kay Strike noon.
Ngumuso ako. "Well.. medyo na lang, ate."
"Sabi na eh!" Nakangising turan nya. "Mas lalo syang gumuwapo ngayon, no. Saka ang macho. Bagay na bagay na kayong dalawa ngayon."
Muli akong napangisi. "Talaga, ate?"
"Oo, saka at least ngayon nasa tamang edad ka na at single naman kayo pareho. Kaya wala ng bawal." Dagdag pa ni Ate Tes na may pataas-taas pa ng kilay.
"Tes, halika nga muna rito at timplahan mo ang kaldereta." Tawag ni nanay kay Ate Tes.
"Sige po, manang." Ani Ate Tes at nag excuse muna sa akin.
Napakagat labi ako sa sinabi ni Ate Tes. Para nya akong inuudyukan na ituloy ang kabaliwan ko kay Strike.
*****