Simula(Kay E.) Sa ikalawang palapag ng café, una kong napansin ang iyong buhok, itim na tubig, malinis at malamig, bumabagsak sa iyong noo. Matang may kubling lungkot, mga salitang maigsi, manipis pa sa hugis-suklay na buwan. Hindi ko alam ang ibig sabihin ng magpakailanman. Ang alam ko lamang ay mga kuwentuhang laman ang pag-ahon at paglusong ng linggong nagdaan. Ang pag-uusap ng ating mga daliri. Ang iyong labi na pakpak ng paruparong dumarapo, nag-iiwan ng mga bulaklak sa aking balat. Ang ating mga hininga na halos magpaliyab sa hangin. Ang mga araw sana’y tila mga kamay, unti-unti tayong hahatakin palayo sa dilim.

