Chapter Six
SANYA
"SIGURADO ka ba hija?" tanong ni Aling Sabel at may bahid pa ng pag aalala iyon.
"Opo," ngumiti ako at lumabas na.
"Tsk, ako na!" sigaw ni Mon saka ako sinundan. Siya pa ang galit hah.
"Nay, doon ka na sa kusina. Ako na ang maghahatid sa kanya. Hihiramin ko lang yung motor ni pareng Andrei," saad niya.
"O sige, mag iingat kayo," nilingon ako ni Aling Sabel, "Salamat, hija. Pasyal ka lang dito kung gusto mo."
"Opo. Maraming salamat din po," kako at nagtungo na rin sa kusina ang ginang.
Nilingon ko si Mon.
"Ayaw mo 'di ba?" ako.
"Huwag ka nang tumalak. Basta ihahatid kita," aniya.
Padabog akong lumabas sa kanilang tarangkahan.
"Sumunod ka sa akin. Diyan lang naman sa kabila ang bahay ng kaibigan ko," aniya saka nauna na sa paglalakad.
Hindi ako gumalaw. Naiinis kasi ako. Kanina lang ay ayaw niya akong ihatid at tila ba napipilitan pa, ngayon naman ay tila ba ibabalibag pa ako kung hindi ako pumayag na ihatid niya ako.
Mood swings pa nga.
Nilingon niya ako dahil naramdaman niya yatang hindi ako sumunod.
"Sige ka, may umiiyak na chanak diyan kada gabi. Ikaw rin,"
"Wala akong pake. Kahit pa tikbalang, white lady at asong ulol man yan, 'di ako takot," matapang kong wika.
"Ang tigas ng ulo mo,"
"Malamang, matanda na ako. Bakit? Ikaw ba malambot?" umirap ako.
Napasinghap ako nang higitan niya ang kamay ko saka nilapit ang katawan niya sa akin.
Ang lebel ng mukha ko ay nasa bandang leeg niya at ramdam ko pa ang tumatamang hangin sa aking ulo.
"Ewan ko na lang kung saan ka dadalhin ng katigasan ng ulo mo. Isagad mo pa ako at isasagad ko naman ang matigas kong ulo sa baba. Makikita mo," nagbabanta ang kanyang boses kaya hindi na ako nagsalita pa.
Kaya wala na akong choice kundi sumama sa kanya at daanan ang motor ng kanyang kaibigan.
Malapit lang pala.
Tahimik lang ako habang kinakalikot ang cellphone ko.
Bago pa man niya mailabas ang motor ng kanyang kaibigan ay nilapitan ako ng isang lalaking matangkad, maputi at cute.
Nakita ko ito dahil sa ilaw na nagmumula sa street light.
"Hi, ako si Andrei. Ngayon lang ako nakakita ng isang magandang dilag na katulad mo," nakangiti ito.
Ang cute niya talaga. Katulad ni Mon ay matangos din ang ilong ng isang ito.
Kung si Mon ay gwapo ang lalaking ito naman ay cute.
Iyon nga lang, mas mukhang friendly kasi ito kaysa kay Mon na lagi yatang inaatake ng mood swings.
Ngumiti ako saka tinanggap ang nakalahad na kamay ni Andrei.
"Ahh, ako si San-" bago ko pa mabanggit ang pangalan ko ay sumigaw na si Mon habang masamang nakatingin sa amin.
"Tara na! Gabi na!"
Natawa si Andrei.
"Seloso,"
"Ahh, sige na hah? May mens yata ang bwisit mong kaibigan," paalam ko kay Andrei.
"O sige, ingat ka. Sana magkita tayong muli," aniya.
"Andrei, tama na ang pagiging playboy mo. Magma-madre yan tol!" sabad ni Mon.
"Panira talaga. Kainis. Sabad nang sabad, 'di naman kinakausap," talak ko.
Nakatayo na ako sa tabi ng motor.
"Ano pang hinihintay mo? Sakay na," masungit na aniya.
"Huwag mo akong taasan ng boses. Bwisit ka,"
"Edi ikaw na ang swerte, Sanya," aba'y lumalaban ang leche.
"Sakay na, kung hindi ay ibabalibag na kita,"
"Sa tingin mo magpapatalo ako? FYI, kaya rin kitang ibalibag. Huwag mo akong maliitin dahil hindi ako magpapaapi sa'yo,"
"Unang-una, maliit ka naman talaga. Pangalawa, hindi kita inaapi. At higit sa lahat, bubusalan ko na yang bibig mo kapag hindi ka pa tumigil sa kamumura sa akin,"
"Excuse me, hindi ako maliit. Kumpara sa ibang babae ay matangkad talaga ako sa height kong 5'5,"
"Tsk, manahimik ka na,"
Sumakay na lang ako dahil pagod na ako makipagtalo.
Pinatakbo na niya ang motor ngunit dahan-dahan lang iyon.
Maya-maya pa ay nag ring ang cellphone ko at nakitang unknown number iyon.
Thrice kong pinatayan ng tawag iyon ngunit sinagot ko rin lang ang pang apat.
"Hello, beautiful, Sanya," bungad nito.
"Sino ito?"
"Sino pa, edi ang pinaka gwapo mong manliligaw. Si Joey 'to," ang presko niya.
"Joey, ikaw pala,"
Biglang binilisan ni Mon ang pagpapatakbo kaya napasigaw ako at mahigpit na kumapit sa kanya.
"Anong problema mo?" sigaw ko ngunit ang nakakainis ay hindi man lang siya sumagot.
Narinig ko pang nagsasalita si Joey ngunit binaba ko na ang tawag.
"Dios ko naman, Ramon! Aatakihin yata ako sa puso dahil sa'yo!"
Kumapit ako nang mahigpit at tumahimik na lang.
Nang makarating kami sa bahay ay mabilis akong bumaba sa motor at sinadya kong hindi magpasalamat.
Dere-deretso na ako sa bahay at napalingon ako sa likod dahil hindi ko pa naririnig ang pag andar ng makina ng hiniram niyang motor.
Ngunit nakasunod pala ito sa akin patungo sa bahay.
"Bakit ka sumusunod? Umuwi ka na,"
"Ayaw,"
"Ramon, please, umuwi ka na. Ayaw kong mapagalitan. Bawal ang lalaki sa bahay,"
"Ayaw," makulit talaga.
Kanina ay mukhang manununggab na lang bigla. Ngayon ay parang batang makulit na masarap paluin sa puwit.
Bumukas ang pinto ng bahay at bumungad si papa.
Tiningnan niya si Mon.
"Ahh, pa, siya si Ramon, ang anak ni Aling Sabel. Hinatid niya ako kasi gabi na rin,"
"Oh, ikaw pala Ramon! Pasok ka hijo," sabad ni mama.
"Ah, huwag na po," nagkamot pa ng batok.
"O sige hijo. Salamat sa paghatid dito kay Sanya," si mama.
"Aalis na po ako," si Mon.
"Mag-iingat ka hijo," si mama.
"Opo, salamat po,"
Pumasok na ako sa loob.
Maya maya pa ay narinig kong nagsalita si papa.
"Teka, Ramon. May sasabihin ako," kinabahan ako.
MON
GUSTO kong sapakin ang lalaking nag angkas kay Sanya kaninang pauwi na.
Tila ba pinagsakluban ako ng langit at lupa dahil mas pinili niyang umangkas sa motor kaysa sumakay sa bus.
Lalong sumama ang timpla ko nang makitang ibinaba niya lang sa tabi ng kalsada si Sanya gayong ilang metro na lang ay bahay na nila.
Tiningnan ko si Boy at nakuha niya yata ang ibig kong sabihin.
Bumusina ito at gusto kong humagalpak nang makita ang panggigigil ng lalaking kasama ni Sanya.
Buti nga sa tukmol na iyon.
Hindi ko rin maitago pa ang nararamdaman ko nang makumpirmang nanliligaw nga ang patatas na iyon kay Sanya.
Ngunit napawi ito nang marinig na self-proclaimed daw ang lalaking mukhang tubol na iyon.
Pero hindi ko pa rin matanggal ang kaisipang nag aaral sila samantalang ako ay kumakayod pa para lang matulungan ang nanay ko na tustusan ang pang araw-araw naming pangangailangan.
Balang araw ay makakapagtapos din ako. Hindi pa sa ngayon dahil hindi pa sapat ang ipon ko.
NAGPAALAM na rin si Boy pabalik sa bayan para iparada doon ang bus samantalang ako naman ay umuwi na para makapagpahinga.
Matapos ang ilang sandali ay nagkayayaan ang barkada kaya nagpaalam na rin ako kay nanay.
HINDI pa namin nakakalahati ang isang bote ng Emperador lights ay napansin kong tumayo si Andong.
Napakunot ang noo ko nang makitang pamilyar ang babaeng paparating.
Si Sanya nga. Pucha, anong ginagawa niya rito? Nakasuot pa ng maikling pang ibaba at butas butas pa ang shorts niya. Pucha talaga.
Napansin kong pinapagpag niya ang suot kaya pinigilan ko si Andong at ako na ang lumapit kay Sanya.
Noong una ay pinakita kong hindi ko gusto ang suot niya ngunit matigas talaga ang ulo niya.
Iniwan pa niya ako. Mabuti na lang at sinundan ko siya. Baka kung ano pa ang mangyari sa kanya lalo na't sa panahon ngayon ay mahirap magtiwala sa kahit na sino.
Basta ako ay mapagkakatiwalaan niyang talaga. Hindi ko naman hahayaang mapahamak siya.
Nang sinundan ko siya ay nagtaka pa ako nang makitang tumigil siya sa tapat ng bahay.
Napangisi ako. Mukhang alam ko na ang sadya niya rito. Si nanay.
Magkaibigan kasi si Aling Hilda at nanay. Marahil hindi niya alam na anak ako ng kaibigan ng nanay niya.
Pinatuloy naman siya ni nanay sa bahay at tinulungan niya itong linisin ang gasgas sa kanyang tuhod.
Sinabi ko na dati na ihahatid ko siya ngunit tumanggi ito. Naisipan ko namang asarin siya. Pambawi man lang sa mga pagsusungit niya sa akin.
Ngunit sa huli ay ako rin lang ang talo dahil sinabi niya kay nanay na magpapahatid na lang sa kaibigan niyang taga rito.
Sino naman kaya? Paano kung masamang loob pala iyon? Takte, hindi pwede.
Kaya naman kagaya ng una kong sinabi, ihahatid ko siya.
Nagtungo kami sa bahay ni Andrei dahil hihiramin ko na lang ang motor niya. Sana pala ay iniwan ko na lang siya sa bahay.
Halata kasing pumoporma ang kaibigan ko sa kanya.
Hindi ko alam kung hanggang kailan sasakit ang ulo ko sa mga lalaking umaaligid sa kanya.
Nang pauwi na kasi kami ay tumawag na naman iyong Joey sa kanya.
Hindi pa ako nakakapormang ligawan siya ngunit tila ba inuunahan na ako ng iba.
Nakarating kami sa bahay nila at minabuti kong ihatid siya mismo sa pinto ng kanilang bahay kahit tinataboy na naman niya ako.
Ngunit nang bumukas ang pinto ng kanilang bahay ay siya namang pamumuo ng pawis sa aking noo.
Seryosong nakatingin sa akin ang kanyang ama. Mabuti na lang at bumungad ang nanay niya at nakilala ako, kung hindi ay iisipin kong bubugbugin ako ng kanyang ama.
Nagpaalam na ako sa kanila ngunit hindi pa rin umiimik ang tatay niya.
Nilingon ko si Sanya ngunit pumasok na ito nang hindi man lang ako pinasalamatan.
Pareho kaming natigilan nang marinig na nagsalita ang kanyang ama.
"TEKA, Ramon. May sasabihin ako,"
"Ah, sige po. Ano po 'yon?" sinubukan kong itago ang kaba ko. Nakakabakla, pucha.
"Doon tayo sa labas," aniya at nagpatiuna na sa paglalakad patungo sa kanilang hardin kaya sumunod na lang ako.
Maya maya pa ay tumigil siya saka tumingin sa akin.
"Lalaki rin ako. Alam ko kung paano ka tumingin sa anak ko,"
Kinamot ko ang batok ko dahil sa hiya. Pucha, baka isipin niyang minamanyak ko si Sanya.
"Hindi ko po pinagnanasahan ang anak niyo,"
"Hindi iyan ang ibig kong sabihin,"
"Ah, ano po?"
"May gusto ka ba sa anak ko?"
"A-ano po?"
"May gusto ka ba kay Sanya, boy?"
Muli kong kinamot ang batok ko saka tumango, "Opo. Pasensya na po kayo."
"Ayos lang 'yan, hijo. Ang sa akin lang ay kung gusto mo ang anak ko, hintayin mong makapagtapos siya. Ayaw kong mabalitaan na isang araw ay nagdadalang tao na pala ito gayong 'di pa nakapagtapos,"
Napaka advance mag isip pala ng tatay niya. Pucha. Pero ang sarap isipin na ako nga ang magiging ama ng dinadala niya balang araw.
Hindi ko namalayang nakangiti na pala ako. Nakita kong nagsalubong ang kilay ng kanyang ama.
"May balak kang buntisin ang anak ko?" nagbabantang tanong niya.
"Wa-wala po. Inaamin ko pong gusto ko nga si Sanya ngunit hindi masama ang hangarin ko sa kanya,"
"Mabuti. Anong pangalan mo?"
"Ramon po. Ramon Malaya,"
"Nag-aaral ka pa ba?"
Natahimik ako sa kanyang tanong. Nahihiya akong sabihin na isa lamang akong kundoktor ng bus samantalang ang anak nila ay malapit ng makapagtapos sa pag-aaral.
Tumikhim ako at yumuko bago sumagot, "Hindi na po ako nag-aaral. Ngunit nag-iipon na po ako dahil balak ko po sanang ituloy ang pag-aaral ko sa susunod na taon,"
"Kung gano'n ay anong trabaho mo ngayon?"
"Kundoktor po,"
Tinapik niya ang balikat ko.
"Ayos lang 'yan, hijo. Marangal naman ang iyong trabaho. Mabuti nga't naisipan mo pang ituloy ang pag aaral mo nang sa gano'n, kapag nakapagtapos ka na rin ay mabigyan mo nang maayos na buhay ang magiging pamilya mo," parang si tatay lang.
Tumango na lang ako.
"Magsasaka ako. Medyo hirap na rin ako ngunit kailangan ko pang kumayod para may pantustos sa pang araw-araw ang pamilya ko,"
"Kung gusto niyo po ay tulungan ko kayo sa pagsasaka sa tuwing day-off ko po," alok ko.
"Ayos lang ba?" siya. Parang tropa lang ang dating.
"Opo. Wala rin naman po ako ginagawa sa bahay sa tuwing day-off ko eh. Bukas na bukas ay tutulong po ako. Sabado at Linggo naman po ang day-off ko,"
"O siya, tara muna sa loob. Kumain ka na ba?"
Pucha, close na kami ng tatay ni Sanya. Bumait na sa akin.
"Ang totoo ay hindi pa po. Hinatid ko lang si Sanya dahil gabi na po,"
"Sumabay ka na sa amin kumain bago ka umuwi," hindi na ako nakatanggi pa.
Tinago ko ang ngiti ko habang nakasunod sa kanya.
Nasa hapag na ang asawa at dalawang anak niyang babae na si Sally at Sanya.
Nagtataka akong binalingan ni Sanya kaya ang tinatago ko ngisi ay pinakita ko sa kanya.
Mas maganda pala siya kapag nakalugay ang kanyang buhok.
Hindi pa kami nagsisimulang kumain ngunit napansin kong inubos niya ang isang basong tubig sa tabi nito.
"Umupo ka, Ramon," ani ng ginang.
Kaya umupo na rin ako sa tapat mismo ni Sanya na ngayon ay nakayuko na.
Tingnan natin kung hanggang saan ang kasungitan mo sa akin, Sanya.
End of Chapter 6.