“BABAE sa salamin? Nagpapakita sa repleksiyon? Ano bang kalokohan ang pinagsasabi mo Owen!” sabi ni Bella.
Puro may takip na tela ang salamin sa loob ng kwarto ni Owen. Maging ang mga mababasaging bagay ay nakalagay sa isang malaking kahon.
Isinubsob ni Owen ang mukha sa sariling mga palad.
“T-totoo. Nung una malayo pa siya pero habang tumatagal. Papalapit na siya sa akin!” takot na saad ni Owen.
“You’re crazy, Owen!” natatawa pang turan ni Bella sabay tayo. Tinungo nito ang malaking salamin sa harap ni Owen at tinanggal ang telang nakatakip doon.
Biglang nag-histerikal si Owen nang makita ang repleksyon niya sa salamin.
Ilang dipa na lamang ang layo sa kanya ng babae!
“Alisin niyo ang salamin! Andyan na ang babae! Papatayin niya ako!” tila baliw na sigaw ni Owen.
Nataranta sina Jonas sa inasal ng kanilang kaibigan. Tinignan nila ang salamin at wala naman silang nakikitang kakaiba doon.
Tumigil lang sa pagwawala si Owen nang muling ibalik ni Bella ang telang nakatakip sa salamin.
“Mukhang may nakikita si Owen sa salamin na di natin nakikita!” ani Jonas kay Bella.
“Si Ezana?” unti-unti na ring nakakaramdam ng takot si Bella nang mga oras na iyon.
Nakaramdam sila ng awa kay Owen. Nanginginig kasi ito at takot na takot.
“Kailangang matigil na ito! Baka iniisa-isa na tayo ni Ezana!” seryosong turan ni Jonas.
“P-pero papano natin siya mapapatigil?” tanong ni Bella.
Nag-isip sandali si Jonas.
“Meron akong kilalang magaling na ispiritista, sa kanya tayo hihingi ng tulong!”
Agad na umalis sina Jonas at Bella. Binilinan nila si Owen na umiwas sa mga bagay na may repleksyon.
Madaling narating nina Jonas ang bahay ng ispiritista.
“SOJU, kailangan namin ang tulong mo…” ani Jonas sa ispiritista.
“Anong tulong Jonas?” si Soju ay isang modernong ispiritista.
Isinalaysay nina Jonas ang lahat. Simula nang pagpunta nila sa Africa, sa pagkamatay ni Tommy hanggang sa pagpapakita kay Owen ng babae sa repleksyon..
“Sinabi nyong may kinuha kayo sa bangkay ni Ezana... Anong bagay ito?” matamang tanong ni Soju.
“M-may kinuha kaming golden tiara sa kanya,” sagot ni Bella.
“So, it’s the Golden Tiara of Ezana! Tsk tsk! Matindi ang kalaban niyo Jonas. Ezana is a very powerful black witch sa Africa. I do some research dati sa kanya. Sa tiara nanggagaling ang itim na kapangyarihan niya at ang paniniwala, kung sino ang makakakuha nito ay magkakaron ng kakaibang kapangyarihan tulad ng kay Ezana... I think... Ezana is really after you guys,” mahabang paliwanag ni Soju.
Nagkatinginan sina Bella at Jonas.
“Anong pwede naming gawin para tigilan na kami ni Ezana?”
“All you have to do ay ibalik ninyo ang bagay na kinuha niyo sa kanya.”
“Pero naibenta na namin ang golden tiara!” Bulalas ni Jonas.
“Well, that is your problem now. Yun lang ang alam kong solusyon para tigilan na kayo ni Ezana!”
WALANG inaksayang panahon sina Jonas at Bella nang araw na iyon. Agad nilang pinuntahan si Rodoro Madrigal sa bahay nito-- ang nakabili sa kanila ng golden tiara.
“Naku, kanina pa po nakapunta sa opisina nya si Sir.” Ang katulong nito sa bahay ang nakaharap nila.
Pagkakuha ng address nito sa Alabang ay nagtungo na kaagad sila doon.
“Can we talk to Mr. Madrigal?” Pakiusap ni Jonas sa sekretarya ni Rodoro Madrigal.
“Bakit sir, may appointment ba kayo kay Mr. Madrigal?” sagot ng sekretarya.
“Miss, kailangan naming siyang makausap!” sabat ni Bella.
“Hindi po talaga—"
Biglang bumukas ang pintuan ng opisina ni Mr. Madrigal. Lumabas doon ang isang lalakeng nasa mid-40's.
“Bakit maingay dito?” ani ng lalake na nahulaan nina Jonas na ito ang hinahanap nila.
Napatingin sa kanila ito. “Jonas and Bella, right? The seller of Ezana's golden tiara. Anong sadya niyo?” anito.
“Andito kami para bawiin sa iyo ang golden tiara!” sigaw dito ni Jonas.
Natigilan si Mr. Madrigal sa sinabi niya...