"Sweetheart!" narinig ko na tinawag ni Mrs. Pineda.
"Meow! Nanay!" tugon naman ng bagong alaga. Tumalon ito mula sa kutsong kama at lumapit sa nanay-nanayan. Kinarga siya nito at hinalik-hinalikan pa
"Tara, kakain na ang baby ko!" tuwang-tuwa na sinabi pa niya rito.
Hindi ko naiwasang magdamdam at mainggit dahil kung aruga ang natatanggap ni Sweetheart ngayon, ako naman ay palo at sipa noon. Nang dahil lang sa kulay ng aming balahibo, hindi naging patas ang pagtrato ng ina ni Joan. Maging sa pagkain ay espesyal ang sa kanya, samantalang simula nang mamatay ang amo ko, tinik at panis na pagkain lamang ang ibinigay nila sa akin.
"Aalis muna kami, baby namin," pamamaalam muna ng mag-asawa bago nilisan ang tahanan. Linggo pala noon at magsisimba sila kaya iniwan muna nila sa bahay ang bagong pusa. "Pagbalik namin, may fried chicken ka!"
"Salamat po!" tugon naman ni Sweetheart habang pagalaw-galaw ang buntot sa may bintana at hinahatid ng tingin ang mga amo. "Mag-iingat po kayo!"
Lumabas na ako sa pinagtataguang puno nang makalayo na ang sasakyan. Masamang-masama ang loob ko at aalis na lang sana pero kaagad naman akong napansin ni Sweetheart.
"Hi!" pagbati niya. "Napansin kita kanina pa. Kapitbahay ka ba namin?"
"Hindi!" panunuplada ko nang dahil sa selos. Dahil sa inis, hindi ko na napigilang sumitsit at pagsalitaan siya ng hindi maganda. "Mang-aagaw!"
"Ay, bakit ka galit?" pagtataka niya. "Anong nagawa kong mali?"
"Ikaw na pala ang bagong pusa rito!" paninimula ko nang magsabi ng hinanakit. Alam ko man na wala siyang kasalanan, kusang lumabas pa rin ang panibugho sa aking puso.
"Ako dati ang nariyan! Napakadali lang pala nila akong palitan!"
"Ikaw ang naunang pusa rito?" hindi makapaniwalang napabulalas niya. Imbis na magalit sa masamang pakikitungo ko, nakita ko na pilit pa rin niya akong inunawa. Nakunsensya na ako sa pagsusungit na nagawa kaya sinikap ko nang kalmahin ang sarili lalo na nang mapatunayang mabait naman pala si Sweetheart.
"Halika, pumasok ka muna," pag-aya na niya. Lumapit siya sa may bintana at pilit na iniangat iyon gamit ang mga paa sa harapan. Dahil mahigpit ang pagkakasara, nabigo siyang mabuksan iyon.
"Huwag mo nang pilitin," pagpigil ko na sa kanya dahil nagkakamarka na ng mga kalmot ang bintanang salamin. "Baka mapagalitan ka pa kapag nahuli nina Mrs. Pineda."
"Bakit kasi pinalabas ka nila?" dismayadong pagtatanong niya.
"Mahabang istorya," mangiyak-ngiyak na pag-amin ko. "Ayaw kasi nila sa akin...kasi kulay itim ako. Malas daw kasi ako kaya pinalayas nila!"
"Naku, baka kapag ayaw na nila sa akin itapon din nila ako!" nababahalang nasabi niya.
"Hindi naman siguro," pagpapakalma ko sa nakababatang pusa. "Maganda ka at mestisahin, kaya malayong itapon ka nila."
Napakurap-kurap si Sweetheart habang pinagmamasdan ako. Nahiya pa ako dahil alam ko na nga na itim ako, napakarumi pa. Hindi ko rin maitago na matagal-tagal na rin akong salat sa pagkain kaya malaki ang ipinayat ko. Kumpara sa bilugin niyang pangangatawan, ako ay buto't balat na lamang.
"Sandali, bibigyan na lang kita ng pagkain! Diyan ka lang, ha? Ikukuha kita sa bowl ko!"
Pagbalik ay may dala siyang ilang karne sa bibig. Inilapat niya iyon sa may siwang sa bintana at itinulak upang ibigay sa akin. Muli ay bumalik siya sa loob at kumuha pa ng mas marami.
"Salamat," hiyang-hiya na sinabi ko habang tinititigan ang pira-pirasong karne ng isda at baboy. Napalunok pa ako nang malapot dahil sa kaaya-ayang samyo niyon. Nais ko man sunggaban ang ulam, ayaw ko rin naman magmukhang pulubi sa harapan niya.
"Kain na!" nakangiting pag-alok na ni Sweetheart. "Simula ngayon, bibigyan kita ng makakain!"
Hindi man ako pinalad na makabalik sa dating tahanan ay pasalamat na rin ako dahil nakatagpo ng kaibigang may malasakit. Tinuring niya ako na nakatatandang kapatid at pinampupuslit pa ng pagkain sa tuwing napapadalaw ako. Kapag wala ang mag-asawang Pineda o kaya natutulog na, tatambay kami sa may bintana at magkukuwentuhan. Aalis lamang ako kapag nakabalik na ang mga mga amo niya upang makaiwas na siya ay mapagalitan din.
Pero gaya na ng nakasanayan, walang panghambuhay na samahan dahil dumating ang panahon na iiwanan din pala ako ni Sweetheart.
"Pasensya na, Ate Misty, aalis na raw kami," malungkot na pamamaalam na niya. "Lilipat na raw kami sa makalawa. Mukhang hindi na kita madadalhan ng makakain..."
Ako rin ay lubusang nalungkot nang dahil sa balita. Ang sa akin naman ay higit pa sa pagkain ang pakay ko kanya. Masaya ako sa pakikipagkaibigan niya na kahit paano ay nakapagpapaalala sa akin na may silbi at halaga pa ako kahit pusang itim man. Nais ko man siyang sundan ay napag-alaman ko na sa Maynila pala sila magtutungo kaya imposibleng madalaw ko pa siya.
"Mami-miss kita," pigil sa pag-iyak na sinabi niya sa akin.
"Ako rin, mami-miss kita," mabigat sa loob na pamamaalam ko. "Hinihiling ko na sana, maging maayos at masaya ang buhay mo kahit malayo ka na sa akin."
"Ayaw ko man sanang umalis, pero wala akong magagawa. Pasensya na talaga, Ate..."
"OK lang. Mag-iingat ka, ha?"
Naantala ang aming pag-uusap nang biglang may kumalabog. Hindi namin inaasahan na maaga palang magigising si Mrs. Pineda at mahuhuli kami. Nang makita kaming magkasama sa may bintana, kaagad na napalitan ng galit ang kanyang ekspresyon.
"Shooo!" pagtataboy niya. "Pati pusa ko, idadamay mo pa sa kamalasan!"
Tumalon na ako pababa at tumakbo pero hinabol pa rin niya ako sa labas upang batuhin.
"Mamatay ka na sana pesteng pusa ka!" sinigaw niya habang pinatatamaan ako. Tumalon ako sa bakod upang makatakas pero sa kasamaang-palad, napuruhan pa rin niya. Nawalan ako ng balanse kaya nahulog ako sa pinagsampahan. Ramdam ko ang pagkalamog ng aking paa at pagkabugbog ng ulong nasugatan na ng batong tumama. Iika-ika akong naglakad habang dumadaloy paibaba ang dugo at pumatak pa sa lupa.
"Meow! Tama na po!" nahintakutang pag-awat ni Sweetheart sa amo nang masaksihang napinsala ako. "Mabait naman siya, huwag niyo na pong saktan! Tulungan natin siya, pakiusap!"
Hilong-hilo man ay sinikap ko na makaiwas sa poot ng ina ni Joan. Tila ba nagdilim ang aking paningin kaya hindi ko na napansing may paparating na sasakyan. Hindi ko na masyadong maalala o maramdaman ang susunod na nangyari sa akin pero nagising na lang akong madilim na at nasa tapat nitong Simbahan..."
Huminto na si Misty sa pagkukuwento nang mapagtantong nasagasaan pala siya. Kanina pa niya alam na patay na siya pero ngayon lang niya napagtagpi-tagpi ang mga pangyayari kung paano siya pumanaw. Habang naghihingalo, nilagpasan lang siya ng kotse at hinayaan lang na nakahandusay sa daan. Ni isang taong nakasaksi ay hindi man lang siya tinulungan. Ang iba ay tuwang-tuwa pa dahil para sa kanila, nabawasan pa ang mga itim na pusang malas daw. Napailing-iling na lang siya nang maalala ang huling sandali ng kanyang buhay.
"Hanggang doon na lang siguro ako," binulong niya sa sarili. "Sana, sa heaven, hindi na ako itatratong malas."
Pag-angat ng tingin ay nakita niyang mataimtim na nakikinig pa rin ang pari. Kitang-kita niya na may nangilid na luha sa mala-abong mga mata nito kaya nag-alala na siya.
"Father, bakit po kayo umiiyak?"
"Hindi ako...umiiyak," pagtanggi pa rin ni Pablo kahit patuloy na dumadaloy mula sa mga mata ang likido. Pagkapa sa pisngi ay napagtanto niya na masyadong napukaw ang kanyang damdamin sa ikinwento ng pusa. Matapang man at malupit na kalaban ng masasamang elemento, hindi niya inaasahan na mababaw pala ang luha kapag usapang pusa na ang paksa.
"Punyem*s! Umiiyak nga ako! Hahaha!" patawa-tawang inamin na niya. Hinila niya ang laylayan ng abito at pinangpunas sa mga matang lumuluha pa rin at isiningha rin niya sa damit ang malapot na sipon. Napahalakhak na lang si Misty habang pinapanood ang pinakakakatwang taong nakilala niya.
"Halika nga ritong pusa ka! Nanggigigil ako sa kakyutan mo!" Kinarga niya ang hayop at niyakap nang mahigpit. "Sa totoo lang, hindi namin kayo masyadong na-a-appreciate na mga alaga sa bahay. Pasensya na at naging malupit ang karamihan ng tao sa iyo. Ako na ang humihingi ng dispensa dahil sa masamang pagtrato nila sa iyo."
"Naku, hindi naman sila naging malupit lahat," nakangiting paglilinaw siya sa kausap. "Marami rin naging mabait sa akin. Unang-una ay ang amo ko na si Joan, atsaka 'yun mga nagtitinda sa karinderya na nagbigay sa akin ng makakain. Ikaw rin po, napakabait mo sa akin kaya wala naman akong sama ng loob sa mga tao. Siguro, oras ko na talaga at naubos na ang nine lives ko."
"Good girl ka talaga," pagpuri ni Pablo sa malambing at mabait na pusa. "Dahil diyan, akong bahala sa iyo. Tutulungan kita para mahanap kaagad ang liwanag. May gusto ka pa bang gawin habang narito sa lupa? Sabihin mo para masamahan kita."
"Talaga po?" namimilog ang mga matang napabulalas ni Misty sa alok ng kausap.
"Oo naman," paniniguro ng kasama.
"Hmmm," pag-iisip muna niya habang nakatingin sa itaas. "Gusto ko sanang makapagpapaalam nang maayos kay Sweetheart. Hindi rin kasi ako nakapagpasalamat sa kanya bago ako nasagasaan."
"Iyon lang pala, tara na!" pag-aya na niya kay Misty. Tumayo na siya at kinarga ang hayop patungo sa may garahe kung saan nakaparke ang sasakyan.
Habang patungo sina Pablo sa bahay, matamlay na nakasilip sa may bintana si Sweetheart. Nakatingin siya sa bilog na buwan at bakas sa ekspresyon niya ang kalungkutan. Nagluluksa pa rin siya nang dahil sa pagkamatay ni Misty. Sa kaloob-looban niya, hinihiling niya na sana ay makausap ulit ang kaibigan at makapagpaalam man lang nang maayos.
Lingid sa kaalaman niya, parating na pala sina Misty. Ipinarke ng pari ang kotse sa labas ng subdivision upang hindi magambala ang mga kapitbahay at maiwasang mahuli rin kapag nag-over- the-bakod siya.
"Halika," Inilahad niya ang mga kamay sa pusa na nasa passenger's seat. Tumalon ito sa kanya at pagkasalo, isiniksik niya ang hayop sa loob ng button-up shirt. Ayaw kasi niyang mawala sa paningin si Misty dahil baka kunin pa ng masasamang elemento. Gustong-gusto pa naman ng mga engkanto ang mga pusa dahil nauutusan sila na magdala ng mga mensahe sa espiritwal na mundo. Kapag ganoon ang mangyayari, lumalabo ang pagkakataong matahimik ang kaluluwa ng hayop.
"Kapag may tumawag sa iyo maliban sa akin, huwag mong papansinin," panuto niya rito habang inaayos ang pang-itaas upang hindi ito mahulog. Binutones niya ang suot hanggang sa may leeg ng pusa. Nagmistulang kangaroo tuloy ang inosenteng hayop na nagmamasid sa paligid habang naglalakad siya sa kanto.
"Kumportable ka pa ba?" pangungumusta niya nang mapansing tahimik ang kasama.
"Ang saya! Feeling ko, baby mo rin ako," tuwang-tuwa na sinambit ni Misty habang nakatingala sa kanya at nakasandal pa sa dibdib niya. "Siguro, kung hindi ka naging pari, buhay pa si Joan at magkasing-edad kayo, bagay na bagay kayo! Naku, botong-boto naman din ako sa iyo kasi gusto kitang maging tatay!"
"Ganoon ba? Mahihiya naman ako sa amo mo kung sakali man."
"Bakit naman po?"
"Shy type kasi ako e," kaagad na tugon niya sa pag-uusyoso nito. "Mahiyain talaga ako."
"Hihi, parang hindi naman po," pagbibiro naman ni Misty. "Mabait naman siya kaya hindi ka mapapahiya..."
"Mukha ngang sobrang bait ni Joan kaya hindi ko deserve. Walang direksyon ang buhay ko at sabog pa noong kaedaran niya kaya baka nerbiyusin pa ako kapag nagkita kami."
"Grabe naman po kayo kung malait ang sarili, karamihan yata raw ng teenager, may rebel age. Naku, panigurado, kapag nakita ka ng amo ko ngayon, baka magka-crush pa sa iyo! Ang cute-cute mo e!"
"Ikaw talagang pusa ka, paluin kita e!" pakunwaring pinagalitan pa niya ito. "Honest ka masyado! Baka lumagpas ka pa sa langit niyan!"
"Ay!" humahagikgik na napabulalas ng pusa habang nagsusumiksik sa loob ng damit niya.
"May alaga rin akong pusa noong bata pa," pagkukuwento naman niya. "Ang pangalan niya ay Bruno. Pero hindi ko siya ipapares sa iyo kasi maldito at medyo tanga. Sa katangahan niya ay nakipaghabulan sa bakuran ng girlfriend na puno pala ng aso kaya ayun, nilapa siya!"
"Hala, kawawa naman!"
"'Di naman, ang daming naanakan nun at ninakawan ng ulam kaya natuwa pa ang mga kapitbahay," natatawang binanggit niya kahit ang totoo ay iniyakan niya ng dalawang linggo noon ang pusang nasawi.
"Pero, pakikumusta na rin ako sa kanya kapag nagkita kayo," pagbawi rin naman niya sa mga panlalait na binitiwan sa naging alaga. "Kahit puro sakit ng ulo ang binigay niya sa akin, mahal ko pa rin 'yun."
"Yes po!" pagpayag naman ni Misty. "Sasabihin ko rin po, labs mo siya!"
"Hindi, sabihin mo, may utang pa siyang palo sa akin! Nginatngat niya ang bakya ng nanay ko kaya imbis na siya, ako ang napalo!" may tono pa rin ng pagkainis na binanggit niya pero ganoon pa man ay napatawa na lang ang kaluluwa. Alam naman niya na sinasabi lang ni Pablo iyon pero sa huli't huli, hindi rin naman niya kayang parasuhan ang alagang si Bruno.
"Dito ba?" pabulong na pagtatanong na niya nang matapat sa pulang gate na binanggit ng pusa na tirahan ng mag-asawang Pineda.
"Opo. Diyan nga," pagtuturo nito gamit ang paa sa harapan.
"Wala ba kayong aso?" paniniguro muna niya bago umakyat ng bakod.
"Sa pagkakatanda ko, wala naman."
"Mabuti naman..."
Umikot siya sa may bandang likuran ng bahay upang hindi mapansin ng mga kapitbahay na nagte-trespass siya. Umakyat siya sa puno ng Balete at sumampa sa pader. Gamit ang baong lubid, ibinuhol niya iyon sa sanga upang magamit sa pagbaba.
Pagkaapak sa lupa ng mga Pineda, maingat siyang naglakad at inisa-isang silipin ang mga silid.
"Dito ba?" pagtatanong niya.
"Hindi po, kusina po 'yan."
Gumapang siya at lumipat naman sa susunod. Dahil matalas ang mga mata sa gabi katulad ng sa pusa, nakita pa niya ang mga nakasampay na panty at brief ng mag-asawa kaya napagtanto niya na malamang hindi nga roon tatambay si Sweetheart.
"Hindi po diyan, banyo po 'yan."
"Napansin ko nga kasi medyo mapanghi," aniya habang pigil ang hiningang umaabante sa katabing silid.
"Sa dulong kwarto po siya madalas matulog. Makikita mo siya kaagad kasi puti siya. Napakaputi na para bang nagniningnin-""
Natigilan si Misty sa pagsasalita nang harangin na sila ng Tagasundo. Pag-angat ng tingin nilang dalawa ay bumungad ang seryoso nitong mukha. Tumitig ito sa kanya at sa kasamang pari na tila ba nang-uusig. Napasimangot ito nang malamang nasa kamay pala siya ni Pablo. Nang dahil sa takot, napatago tuloy sa loob ng shirt niya si Misty.
Habang nakatingala ay kumurap-kurap ang pari habang tinitignan ang "maputing" nilalang na may mala-gatas na kutis at kumikinang pa sa dilim. Isang pilyong ngisi ang mabilis na gumuhit sa labi niya.
"Ano nga bang itsura ng kaibigan mo?' pagtatanong niya ulit sa pusa.
"Puting-puti po, as in maputi!"
"Sweetheart, ikaw ba 'yan?" hindi makapaniwalang pagtatanong ni Pablo kay Azrael, ang Anghel ng Kamatayan at kilala rin bilang Tagasundo. Nagulantang ang nilalang mula sa langit nang akbayan pa siya nito at tinapik-tapik sa balikat. "May ibang personality ka pala! Angel at night, cat by day!"
"Naku po, hindi siya si Sweetheart! Siya ang Tagasundo!" natatarantang pagtatama ni Misty. Lumabas siya muli sa pinagkukublian upang humingi ng dispensa.
"Sorry po! Sorry talaga!" paulit-ulit na paghingi ng paumanhin ng kaluluwa.
"Akala ko ba, maputi ang kaibigan mo?" pag-uusisa pa rin niya.
"Opo..." kiming tugon niya sa katanungan.
"Maningning? As in maputi?'
"O-Opo..."
"Ayan na nga, si Sweetheart!" pagtuturo niya pa rin sa anghel.
"May toyo ka talaga sa ulo!" tinuran na ng Tagasundo sa pari na palagi siyang pinagtitripan sa tuwing magkikita sila. "Hindi ako si Sweetheart!"
Tinulak na niya palayo ang lalaking kinaiinisan pero ayaw din naman niyang sunduin dahil paniguradong mas kukulitin siya nito sa kabilang-buhay.
"Azrael," nakangiting pagkilala na ni Pablo sa anghel.
Labing-anim na taon pa lang siya ay kakilala na niya ang nasabing nilalang kaya alam na rin nito ang pag-uugali niya. Noong una ay hindi sila magkasundo dahil sa magkaibang mga pananaw pero simula nang pumasok sa Seminaryo, tinuring na niya itong kaibigan.
"Susunduin mo na ba si Misty? Baka naman pwedeng i-extend mo muna saglit ang palugit."
"Inuutusan mo ako. Bakit ko naman gagawin iyon?" pasinghal na sinagot nito sa pakiusap niya.
"Sige na, magha-heart-to-heart talk muna sila ng kaibigan niyang si Sweetheart kaya mamaya ka na umeksena!"
"Magkakilala po kayo?" pagtataka ni Misty habang pabaling-baling ang tingin sa dalawang lalaki.
"Oo, hindi mo ba alam?" sarkastikong pahayag ni Pablo. "Best friend kami nito!"
"Tigilan mo ako. Pinapahiya mo ako, Mortal." pagtanggi nito sa deklarasyon niya.
Yumuko ang anghel upang tignan si Misty na namimilog pa rin ang mga mata nang dahil sa natuklasan.
"Huwag kang magpapaniwala sa lahat ng sinasabi sa iyo ng taong 'yan," sinambit niya pa rito.
"Ganito, bibigyan lang kita ng sampung minuto upang kausapin ang kaibigan mong si Sweetheart," pagsasabi na niya ng panuto sa kaluluwa. Magaan ang loob niya sa pusa kaya kung maliit na pabor na lang ang hinihingi nito, pagbibigyan na niya.
"Susunod ka ba sa kasunduan?" seryosong pagtatanong niya rito. "Maaasahan ba kita?"
Tumingala siya sa pari na tila ba nagtatanong kung nararapat ba na makipagkasundo. Tumango ito bilang pagsang-ayon kaya pumayag na rin siya.
"Opo!"
Binuhat ni Pablo ang pusa sa may bintana kung saan naroroon ang kaibigan. Dali-daling tumagos naman ito roon upang mapuntahan si Sweetheart. Ilang sandali lang ay dinig ang maligayang pagbati ng nakababata.
"Meow!" sabik na pagsalubong nito. Mabilis na lumitaw mula sa dilim ang isang puting persian cat, taliwas sa itim na mayroon ang isa. Patalon-talon itong lumapit kasabay ng mabilis na pag-indayog ng buntot nito. Pagkatapos ay masuyo niyang dinikit ang ulo sa kaibigan bilang pagbati.
"Ate Misty," malambing na tinawag nito sa nakatatanda.
Umupo muna si Pablo sa may damuhan upang hayaan munang mag-usap ang dalawang pusa. Tumabi ang anghel habang hinihintay na matapos ang sampung minuto na binigay niyang palugit.
"Kakaibang nilalang 'yan si Misty. Sa tagal kong nabubuhay, wala pa akong nakitang katulad niya," paninimula na niya ng usapan.
"Tama ka, para ngang mas matalino pa sa tao!" nakangiting pagsang-ayon ng pari. "Mukhang nakuha niya ang simpatya mo. Hindi ko man alam na may nine lives pala talaga ang mga pusa at pinagbigyan mo pang ipagpalit niya sa buhay ni Joan."
"Ang totoo, sikreto lang natin, ha?" pagsasabi na ng katotohanan ni Azrael. Tumingin-tingin pa siya sa likuran upang masigurong walang makakarinig na iba. "Wala naman talagang nine lives ang mga pusa. Isang lumang paniniwala lang iyon ng mga pagano at pinagpasa-pasahan na lang sa paglipas ng panahon."
"Manloloko ka pala!" may tono ng pagkadismayang ibinintang niya sa anghel na inakala niyang banal, seryoso sa trabaho at hindi man magagawang magsinungaling.
"Considerate, hindi manloloko," nakaismid na pagtatama niya sa tinuran ng kausap. "Pinagbigyan ko na dahil kakaiba siya sa lahat ng hayop at ramdam ko na sobrang mahal niya ang amo at nagawa pang hamunin ako. Dahil nakuha niya ang respeto at paghanga ko, in-extend ko ng limang taon ang buhay ni Joan para makasama pa niya."
"Lumalambot na pala ang puso mo," pagpuri ni Pablo sa anghel na kilala bilang istrikto sa mga batas. "Siguro, natututunan mo na rin kung gaano kahirap ang maging mortal..."
"Hindi naman," pagtanggi pa rin niya kahit na totoo ang sinasabi ng kausap.
Noon ay walang awa siyang kukuha ng mga kaluluwa kapag oras na at hindi man maunawain sa mga nanghihingi pa ng kaunting palugit. Sa paglipas ng panahon, aminado siyang natuto na rin makisimpatya lalo na kapag may kinalaman sa mga mahal sa buhay ang kaso ng mga sinusundo.
"Mas mapagbigay lang ako...lalo na sa mga hayop na inosente..." pag-amin na rin niya.
Mabilis na lumipas ang sampung minuto at gaya ng napag-usapan, bumalik ang pusang si Misty.
"Nandito na ako!" maligayang sinambit niya. Panandalian man nakasama si Sweetheart, masaya na rin siya dahil nakapagpaalam na nang maayos at natanggap din naman ng nakababata ang kalagayan niya. Hindi na ito nabahala pa dahil sinigurado niya na may heaven at magkikita sila roon muli sa kabilang-buhay.
Bumaba siya sa damuhan at lumingon-lingon sa paligid na tila ba may hinahanap. Bumalik siya kay Pablo at sumampa sa binti nito.
"Nasaan?" pagtataka niya.
"Ang alin?"
"Ang liwanag?" sinagot niya. "Akala ko po, kapag nagawa ko na ang nararapat na gawin, makakatawid na ako."
"Huwag kang mabahala dahil ako na mismo ang susundo sa iyo," paniniguro na ni Azrael sa kanya. Sa isang kumpas ng kamay nito, lumitaw ang lagusan patungong langit. Sumilay mula roon ang liwanag na magiging gabay papunta sa paraiso.
Ilang sandali rin napanganga si Misty nang dahil sa narinig at nakita. Isang malaking sorpresa sa kanya na anghel pa ang manunundo sa kanya kaya napalundag siya patungo sa Tagasundo.
"Isa po itong karangalan!" tuwang-tuwa na nasambit niya habang pinadudulas nito ang ulo sa braso ng anghel bilang paglalambing.
"Sigurado po ba kayo? Kahit isa lang akong pusa?"
"Oo naman. Huwag mong maliitin ang pagiging pusa mo. Mas karapat-dapat ka ngang mapunta sa langit kaysa sa karamihan ng mga tao."
"Atsaka may surpresa pa ako sa iyo," kasunod na pahayag naman ng anghel na mas ikinatuwa ni Misty.
"Hindi ba, gusto mo nang makasama ang amo mo na si Joan? Matutupad na ang kahilingan mo."
"Talaga po?" nanlalaki ang mga matang napabulalas na niya. Maging si Azrael ay hindi na rin napigilan ang sarili na mapangiti dahil ramdam din niya ang umaapaw na kaligayahan ng pusa.
"Sobra-sobrang pabor na ito! Maraming salamat po! Father, maraming, maraming salamat po sa inyo! Hindi ko kailanman makakalimutan ang kabutihan niyo sa akin!"
"Walang anuman," tugon ni Pablo sa taos-pusong pagpapasalamat nito.
Nais man niyang makasama pa ang kaluluwa ay alam niyang nararapat nang makatawid ito. Maingat na niyang dinampot iyon at iniabot sa anghel upang maihatid na sa kabilang mundo.
"Siguraduhin mong makakarating siya sa langit, neh?" pagpaparaya na niya kay Misty na para sa kanya, isa na rin sa mga furry babies niya.
Tumango lang si Azrael at kinuha ang kaluluwa. Yakap-yakap ang itim na pusa, naglakad na siya patungo sa lagusan. Aapak na sana siya sa bungad pero tinawag naman din siya kaagad at pinigil.
"Sandali, aalagaan mo siya, neh?"
"Oo na!" naiiritang pagpayag na niya upang tigilan na ng mortal ang pangungulit nito.
"Huwag mo siyang pababayaan, neh?" kasunod na binilin naman nito.
"Ang kulit-kulit no rin, neh?" iritableng panggagaya na ng anghel sa pamaraan ng pananalita niya. Mahigpit na kinarga na niya si Misty upang makatawid na sa liwanag at hindi na pinansin pa ang magkakasunud-sunod na pagbibilin ni Pablo.
Muli ay lumingon si Misty sa kakatwa pero butihing pari na tumulong sa kanya. Nangingislap ang mga matang nagpaalam muna siya sa lalaking sigurado siya na makikita ulit sa langit.
"Bye muna, Father! See you po kapag oras mo nang umuwi kay Papa God!"
Tumango-tango lang si Pablo at kumaway. Gusto man niyang sumagot ay naninikip na ang kanyang lalamunan dahil nagiging emosyonal na siya. Tiniis niya na huwag maluha dahil nahihiya naman siyang ipakita kay Azrael ang parte niya na sensitibo.
Nang magsara na ang lagusan, matamlay siyang bumalik kung saan nakaparke ang sasakyan. Napabuntong-hininga na lang siya nang maupo at mapagtanto na uuwi siyang hindi na kasama ang pusa.
Binutones na niya ang pang-itaas kung saan nanatili si Misty kanina lamang. Muli ay nangilid ang luha sa mga mata dahil siguradong mami-miss niya ang tinis ng tinig nito at paglalambing. Kahit paulit-ulit siyang maghatid sa liwanag ng mga sumakabilang-buhay na, hindi pa rin niya maiwasang magluksa lalo na kapag mabait pa ang kaluluwang tinulungan.
Nalulungkot man ay sinikap niyang kalmahin ang sarili. Gamit ang mga palad, pinunasan na niya ang nabasang pisngi. Kasabay nang malalim na paghinga, pinihit na niya ang susi ng kotse upang paandarin ang makina.
Hindi pa man niya napapapandar ang manibela ay may naramdaman na siyang sumampa sa labas ng sasakyan. Lumamig pa ang ihip ng hangin kaya batid niya na may nilalang na naroon at hindi na dapat iyon parte ng mga nabubuhay. Naging mabilis ang mga mata niya habang hinahanap kung saan nagmumula ang pwersa. Yumanig ng kaunti ang lumang kotse na para bang may tumalon pa sa gawing wind shield.
"Aw! Aw!" pagbati nito sa kanya na may malawak na ngiti.
"Ayrugo!* Undas ba ngayon o Pet-lovers' Day?" natatawang nasambit na lang niya habang bumababa sa sasakyan. Hindi pa man siya nakaka-get over sa kaso ni Misty, panibago na naman ang pihadong isusunod na niya. Medyo pagod at puyat man ay hindi naman niya matiis na iwanan ang hayop na umaasang matutulungan din.
(Ekspresyon ng mga Kapampangan kapag nakikisimpatya)
"Halika nga!" pag-imbita na niya rito.
Binuksan niya ang pintuan ng kotse at pinapasok ang kaluluwa ni Bantay, isang ligaw na asong gumagala noon sa MacArthur Highway...
-WAKAS-