Case Number 5: Pogi Problems (Part 1)

2856 Words
Bilog ang buwan at maulan-ulan pa nang nagkaayaan ang magkakabarkadang high school students na pasukin ang lumang eskwelahan. Nagkatuwaan kasi sila na mag-ghost hunting ngayong full moon kung kailan pinaniniwalaang naglipana ang masasamang elemento. Balita ang lugar na pinaglalagian ng isang white lady na mahilig magparamdam sa tuwing madaling-araw o kaya naman ay dapithapon. Ang tawag nila rito ay "Pale Mary" dahil ayon sa mga nakakakita, sobrang putla raw ng babae at tunay na nakakatakot. Usap-usapan din na dati raw itong estudyante na namatay nang dahil sa pagkakulong sa cabinet at hindi pa rin nito matanggap ang pagkasawi dahil may hinihintay pa itong isang lalaki. Magpasahanggang ngayon, ayon sa kwento ng mga security guard, makikita pa rin itong nag-aabang sa may gate o kaya naman ay tumatambay sa tapat ng abandonadong gusali. "Bilisan mo!" panuto ni Joshua sa kabarkadang si Zoren na kasalukuyang lumulusot sa ilalim ng gate ng school. "Sandali!" yamot na tugon nito sa utos ng kaibigan. "Bakit ba kasi dinala niyo pa ako rito? Atsaka, akala ko ba, sa sementeryo mag-go-ghost hunting? Baka mahuli pa tayo! Lagot talaga tayo sa mga teachers!" "Ang killjoy mo naman! Siyempre, mas exciting dito kasi mas marami ang sightings kay Pale Mary. Sa sementeryo, wala naman. Atsaka boring doon, puro puntod!" "Umurong na lang kaya tayo?" kabadong panukala ni Zoren na nag-aalangan na sa plano nina Joshua. "Kakaiba ang pakiramdam ko. Sa ibang lugar na lang tayo mamasyal!" Nang dahil sa pagkainip ay pinagtulakan na siyang papasok ng mga kasamahan. Upang hindi na makapalag, hinatak nila siya sa magkabilaang mga braso at halos kaladkarin na upang matangay patungo sa abandonadong gusali. "Ayaw ko na talaga! Uuwi na ako!" pagpupumiglas na niya nang makahalatang pwersahan na siyang pinapapasok sa pinaglumaang istraktura. "Bitiwan niyo na ako! Sumusobra na kayo sa kalokohan niyo!" "Uy! Naduduwag ka yata a!" patawa-tawang paghahamon ni Joshua. "Hindi naman! Pero hindi naman ako tang* na basta-basta papasok sa isang lugar na ipinagbabawal! Hindi ba, may namatay na nga riyan?" "Kaya nga diyan tayo pupunta," pagdadahilan pa rin ng kausap. "Para mapatunayan kung nagmumulto nga 'yun namatay!" "Ewan ko, basta, uuwi na ako!" pagmamatigas na ni Zoren. Akmang aalis na sana niya pero laking-gulat niya nang sinunggaban siya ng mga kabarkada. Dahil sa limang mga binatilyo ang nagtulong-tulong na tangayin siya, nagtagumpay silang maipasok siya sa pintuan ng lumang gusali. Dahil sa dilim at tanging flashlight lamang ang nagbibigay mg liwanag sa dinadaanan, hindi na niya alam kung saan siya dinala ng mga ito. Dinig niya ang paghalakhak ng mga ito nang sapilitan siyang ikinulong sa marumi at sira-sirang banyo na nasa basement ng gusali. "Anong klaseng biro ito?" sinigaw niya habang patuloy na kumakatok sa pintuan ng palikuran. Inilibot niya ang tingin sa silid subalit tanging itim lamang ang natatanaw niya. Nangapa siya sa loob upang malaman kung may bintana at lagusan subalit magaspang na dingding lamang ang nahawakan. "Palabasin niyo na ako!" "Hindi ka na makakalabas diyan!" malamig na tugon ni Joshua sa pakiusap nito na labis niyang ikinagulat. Lingid sa kaalaman niya, lihim na pala siyang kinagagalitan ng mga inaakalang kaibigan. Mestisuhin, gwapo at matalino kasi ito kaya hindi maiwasang kaiinggitan lalo na at sikat siya sa mga kababaihan. Kinatutuwaan pa siya ng mga titser kaya akala ng karamihan, palaging matataas ang grado niya dahil lang sa magandang itsura. Para sa kanya ay hindi naman issue ang kung anong mayroon siya dahil katulad din siya ng mga estudyante na ang focus ay mag-aral at wala pa sa isip ang makipag-girlfriend. Ganoon pa man, ang regalo ng kagandahang lalaki ay nagmistulang sumpa dahil matagal na pala siyang kinaiinisan ng kabarkada at mga kaklaseng lalaki. "Diyan ka muna! 'Yan ang napapala mo kapag pinopormahan mo ang nililigawan ko! Akala mo ba, hindi ko alam ang pagtatraydor na ginagawa mo?" pagbibintang ni Joshua sa kanya. Ilang buwan na kasi niyang nililigawan ang gustong dalaga pero patuloy lamang na hindi pinagtuunan ng atensyon. Napansin niya pa ang pagiging malapit ng dalawa kaya ang matagal nang itinatagong inggit, tuluyan nang nauwi sa poot kay Zoren. "Hindi ko naman siya pinopormahan!" pagpapaliwanag ng kinagagalitan. "Ka-team ko siya sa project! Alangan naman na umiwas ako kasi tinatapos namin yun research!" "Sinungaling!" pasinghal na tinuran siya ni Joshua. "Kung makadikit ka sa kanya, para kang linta! Inagaw mo na ang lahat sa akin! Ako dapat ang Best in English pero dahil favorite ka ni Ma'am, sa iyo binigay ang award! Pagkatapos, ngayon, pati babaeng gusto ko, aagawin mo rin?" "Siya ang lumalapit! Anong gusto mong gawin ko? Ipagtulakan siya? Umiiwas nga ako pero lapit naman nang lapit sa akin ang mga babae!" pagkaklaro niya sa lahat ng binibintang nito sa kanya. "Atsaka hindi ko alam na may issue pala tayo sa pagiging Best in English ko! Hindi ko rin iyon inaasahan! Kung gusto mo, ipa-recompute natin ang grades kung iniisip mo na hindi siya naging patas!" "Yabang nito, a!" puno ng poot na tinuran pa rin siya ng kaalitan. "Tara! Iwanan na natin siya para magtanda at huwag na huwag na akong kakalabanin!" "Sandali, huwag niyo akong iwanan!" may pagkabahalang pagpigil na ni Zoren sa mga kababata. "Nakasara lahat ang bintana at wala akong makita!" "Wala kaming pakialam! Tignan natin kung maisalba ka pa ng pagpapa-cute mo!" tumatawang pagbabalewala nila sa kalagayan nito kahit na mahigit sa sampung taon na silang magkakakilala at parang mga kapatid pa na ituring ng kinapopootan nila. Naiwan na sa gitna ng kadiliman ang kaawa-awang biktima ng masamang prank nila. Mabilis na lumibot ang mga mata ng binatilyo upang maghanap ng posibleng matatakasan. Subalit, ilang minuto pa lang na nanatili roon ay bigla nang sumama ang kanyang pakiramdam. Iyon ang sakit na itinatago niya sa mga kaibigan. Kung akala nila ay nasa kanya na ang lahat at kinaiinggitan pa, wala silang kaalam-alam na kapag sinusumpong pala ng hika, nalalagay palagi sa peligro ang buhay. Umiiwas siyang ipaalam ang karamdaman dahil ayaw niyang kaawaan at maging pabigat pa. "H-Hindi maaari...huwag ngayon..." habol ang hiningang naisip niya habang nilalabanan ang takot. Kinapa niya ang bulsa pero sa kasamaang-palad, nahulog pala ang inhaler sa may gate, kung saan sapilitan siyang pinapasok ng mga kabarkada. Dahil sa alikabok at limitadong hangin na nasa loob, kaagad na sinumpong ng asthma si Zoren. Sinikap man niyang labanan ang sakit upang makaalis sa lugar ay nabigo siya. Dahil sa kakulangan ng hininga, tuluyan na siyang nawalan ng malay. Habang nagdedelikado ang buhay ni Zoren, tuwang-tuwa na nagdiriwang pa ang limang mga binatilyo. Para sa kanila, deserve nito ang prank dahil marami na raw atraso. Nang dahil sa inggit, isinawalang-bahala nila ang maraming taon na samahan. "Malamang, iiyak na parang bata 'yun!" nakangising pahayag ni Ariel, ang pinakabata sa kanilang magkakaibigan na may lihim din na galit kay Zoren. Katulad ni Joshua, naiinis din ito dahil palaging naikukumpara ng mga magulang sa kanya. Kesyo matalino na raw, mabait pa. Sa bawat naririnig na paghanga ng magulang, mas lumalalim ang inggit niya sa kababata. "Malamang, hahaha! Sana nga, dalawin pa siya ni Pale Mary para maihi sa takot!" paghiling pa ni Joshua na mas nagpalakas sa halakhakan nilang lima. Habang naglalakad sa pasilyo, natigilan sila nang may marinig na impit na iyak. Nagtinginan pa silang magkakasama nang dahil sa pagkabigla. "S-Si Zoren ba 'yun?" kinakabahang pagtatanong ni Ariel. "Ang tinis naman ng boses. Parang...babae?" tugon ni Joshua habang nakikiramdam kung saan nanggagaling ang tinig. Habang lumilipas ang mga segundo, mas lumakas pa ang iyak na tila ba nagmumula sa basement ng eskwelahan. "A-Alis na tayo!" nahihintakutang suhestiyon ni Ariel. Akmang aakyat na sana sila sa hagdanan nang biglaang humampas pasarado ang bakal na pintuan. "L-Lagot na!" Maya't maya ay isang halakhak ng babae ang narinig nila. Nang dahil sa takot, nagsitakbukan sila at nagtago sa isang silid na dati ay science laboratory. Nangilabot pa sila nang maaninag ang mga patay na hayop na naka-display pa rin sa mga glass shelves kahit matagal nang pinabayaan ang gusali. Aksidenteng nasagi ni Ariel ang bote kung saan nakalagay ang baboy na na-preserve ng formaline. Nang bumagsak iyon sa sahig at nabasag, tila ba mga babaeng nakakita ng ipis sila nang magtitili. "Waaah!" sabay-sabay na napahiyaw sila. Napatakip din sila kaagad ng ilong nang umalingasaw ang baho ng hayop na halos limampung taon ng nakababad ng formaline. Mas lalo silang nahintakutan nang bumungad mula sa salamin ng silid ang imahe ng puting babae na nakaangat ang paa sa ere. Paglingon ay halos himatayin na sila sa takot dahil hindi lang ito nakalutang, nakabaligtad din pala ang kabuuan. Kitang-kita nila ang maputlang mukha nito at ang puting mga mata na nanlilisik. "Mga salbahe kayong mga estudyante! Pagbabayaran niyo ang inyong kasamaan!" puno ng galit na isinigaw nito. Sa ilalim ng bilog na buwan, isang makapanindig-balahibong mga hiyaw ang umalingawngaw sa loob ng building. Kinaumagahan, tulalang natagpuan sina Joshua at ang mga kasamahan na nakasiksik sa isang locker. Kahit tanungin ng mga guro at pulis, wala ni isa ang gustong magsalita. Paulit-ulit lang na sinasambit nila ang "Pale Mary". Lima man na mga lalaki, isang misteryo kung paano sila nagkasya sa makipot na lugar. Ang tanging matino lamang na nakakausap ay si Zoren na ligtas na nakalabas sa pinagkulungang banyo ng inaakalang mga kaibigan. "Wala po akong alam kung bakit nandoon sila," paglalahad niya sa tunay na pangyayari. "Pagkatapos po, ngayong umaga, nagising na lang ako sa labas ng hardin. Hindi ko nga rin po matandaan kung paano ako nakarating doon kasi nahimatay nga ako habang nakakulong. Ang tanging tanda ko, may babae na humahatak sa akin palabas ng C.R., paakyat din mula sa basement. Pasalamat nga po ako kasi kung hindi ako naisalba, baka ano nang nangyari sa akin." "Naalala mo ba ang itsura ng nagligtas sa iyo?" pag-uusisa ni Pablo, ang kura paroko ng San Nicolas. Nang dahil sa magkakasunod na insidente ng pagpaparamdam ng 'di kilalang kaluluwa na pinangalanan lamang nila na "Pale Mary", pinakiusapan siya ng prinsipal na tulungan sila lalo na at may mga estudyante na ngang muntikang mapahamak. Dati rin kasi siyang mag-aaral noong high school sa eskwela kaya kahit katatawag lamang, kaagad na siyang nagtungo upang mag-imbestiga. "Maputla, 'tapos po, hanggang dito ang buhok," paglalahad niya kasabay ng pagturo sa may balikat. "'Di ko po ma-i-describe talaga kasi malabo ang mukha niya at madilim. Pero napansin ko naman, naka-uniform siya ng katulad sa mga babae rito. Medyo mahaba nga lang at old style na ang suot niya." "Matanong ko rin, Hijo,"pagtataka na rin niya kung bakit weekend at naroon ang mga estudyante. "Anong ginagawa niyo sa eskwelahan ng gabi at Sabado pa?" Nagdalawang-isip pa si Zoren kung nararapat ba na ipagtapat ang prank na ginawa ng mga kaibigan. Aminadong galit man, nais pa sana niyang pagtakpan ang mga ito dahil ayaw din sana niyang maparusahan ng prinsipal, maging ng mga magulang nila. "A-Ano po," nauutal na sinambit niya. "N-Napagkatuwaan lang po! Opo, tama! Haha! Namamasyal lang kami!" Bahagyang nagsalubong ang mga kilay ni Pablo nang mapansing nagsisinungaling ang binatilyo. Halatadong hindi sanay na mag-alibi pa si Zoren kaya kaagad na siyang nagduda. Napaismid na siya at biglang nagseryoso ang ekspresyon kaya nahintakutan ang estudyante sa kanya. May katalasan kasi ang itsura niya kapag hindi nakangiti, lalo na kung nakasimangot, kaya maging mga multo ay nasisindak niya. "May tinatago ka," may tono ng pagbabantang sinabihan niya ang mag-aaral. "Magsabi ka ng totoo!" makapanindig-balahibong inutos niya sa kausap. "S-Sorry na po!" kaagad na pag-amin din naman ni Zoren. "Hindi ko naman talaga gustong sumama e! Sila po kasi, pinlano nila ang pagpa-prank sa akin! Ikinulong nila ako sa banyo kasi nagagalit sila sa akin at pinagbibintangan ako ng kung anu-ano!' "Anong ikinagagalit nila sa iyo?" pagtatanong naman niya sa estudyante na kabado pa rin kahit na isiniwalat na ang buong katotohanan. Kung makatingin pa naman si Pablo, tila ba nakikita na nito ang kaluluwa niya kaya hindi na niya magawang magsinungaling pa. "Sa atin na lang po, Father," pagbubulgar na niya sa rason kung bakit kinagagalitan nina Joshua. Mas lumapit pa siya sa pari at bumulong upang walang ibang makarinig. "Huwag po niyo akong pagtatawanan sa sasabihin ko, ha?" "Haha!" nagawa pang tumawa ni Pablo bago pa man makapagpatuloy ni Zoren. "Tumatawa po kayo e!" may pagkayamot na pagrereklamo nito. "Inunahan ko lang ang tawa bago ka magsalita para mamaya, wala na akong itatawa pa. Sige na, ano bang ikinagagalit nila? Sikreto lang natin." "Kasi po...nakakahiya talaga...ano kasi e...naiinggit kasi sila sa akin," nag-aalangang pag-amin na niya. "Sinisisi nila ako sa pagiging pogi!" Doon ay tuluyan nang napatawa si Pablo na mas lalong ikinahiya ni Zoren. Napakamot na lang ito ng ulo at tila ba nagsisi pa sa nasabi. Umubo na lang siya upang pigilin ang sarili pero hindi talaga niya matiis ang humalakhak. Ilang sandali lang ay inakbayan na niya ang naghihimutok na binatilyo upang huwag nang magtampo pa. "Pasensya na, Hijo. Sabi na nga ba, naging problema mo rin ang naging problema ko! Ang hirap maging pogi, ano? Daming naiinggit, hahaha!" Medyo nakaka-realate kasi siya sa problema ni Zoren kaya nakatuwaan niya pa. Tandang-tanda niya noong labinglimang taon lamang siya, tunay naman na marami siyang naging tagahangang babae. Kung minsan ay napapaaway pa siya sa ibang mga kamag-aral dahil pinagbibintangan na nang-aagaw ng mga nobya o nililigawan. Noong mga panahon na 'yun, medyo nagtampo pa siya sa Diyos dahil masyado siyang ginawang magandang lalaki. Namomroblema na nga raw siya sa pera, dumagdag pa ang mga admirers na nagkakandarapang habulin siya. Kung sa mga babae ay paghanga ang natatanggap, sa mga kalalakihan naman ay inis at inggit. Iyon din ang dahilan kung bakit kadalasan, mag-isa lang siya at walang kabarkada. "Pogi problems!" deklarasyon ni Pablo na nakapagpangiti na kay Zoren. Ramdam kaagad ng binatilyo na may karamay na siya sa mabigat na suliranin ng pagiging mala-Adonis ang itsura. Tila ba nabunutan pa siya ng tinik sa puso dahil may nakakaintindi sa sitwasyon niya. "Oo nga po," tumatawang pagsang-ayon na rin nito sa Alagad ng Simbahan. "Akala nila, masaya ang maging gwapo, pero ang hirap-hirap nga po! Hahaha!" "Mabigat na pasanin pero huwag kang mag-alala, blessing din 'yan," pahayag niya habang tinatapik-tapik ang balikat ng estudyante. "Ganito, umuwi ka muna at magpahinga, neh? Ako na ang bahala rito na kausapin ang principal para makapagbakakasyon ka muna ng tatlong araw. Medyo namumutla ka pa rin kaya kailangan mo muna ng pahinga." "Talaga po? Maraming salamat! Kailangan ko nga talagang magpahinga kasi nagka-asthma attack ako kagabi!" maligayang winika nito na tila ba nakalimutan na ang 'di kaaya-ayang sinapit sa kamay ng mga salbaheng kabarkada. "Thank you talaga, Father. Next weekend po, pwede bang dumalaw ako sa San Nicolas Parish?" "Oo naman. Bukas ang Simbahan doon kahit kanino pa," nakangiting sinabi niya kay Zoren na tuwang-tuwa dahil nakatagpo ng isang tunay na kaibigan na naiintindihan ang problema niya. Aminadong magaan ang loob niya sa pari at ang tingin pa niya ay nakatatandang kapatid. Nawalan man siya ng limang kaibigan, nakatagpo naman siya ng isa na 'di hamak na mas matimbang kaysa sa mga mapagkunwari at may lihim na inggit pala. Kinagabihan, nagtungo muli si Pablo sa paaralan kung saan nagpaparamdam si Pale Mary. Rumonda pa siya sa bawat gusali upang malaman kung saan mas malakas ang enerhiya ng 'di matahimik na kaluluwa. Sa ganoong paraan, malalaman niya kung saan ito mas may attachment kaya mas madali rin itong mahuhuli. Nang makarating sa pinaglumaang gusali, tila ba may biglaang dumaloy na kuryente sa katawan ni Pablo. Pagkaapak pa lang sa unang baitang ng basement, sigurado na siya na doon nga kadalasamg naglalagi ang kaluluwa. Upang hindi mabigla at magambala ang pakay, umupo muna siya sa may hagdanan at naghintay. Lumipas ang ilang sandali at may natanaw na nga siyang isang anino. Nagpalipat-lipat pa ang imahe sa bawat sulok na tila ba nakikiramdam kung ligtas bang lapitan ang inaakalang naligaw na bisita sa gusali. Kumurap-kurap ang multo nang maaninag ang kabuuan ng dayo. Tila ba pamilyar ang itsura nito kaya mas lalo pang lumapit. Sa isang kisap, tila ba naalipin siya ng karisma ng Alagad ng Simbahan. Para siyang gamu-gamo na 'di na namamalayang naaakit na pala sa apoy. "Grabe, ang pogi naman nito," naisip pa ng multo habang pinagmamasdan siya nang malapitan. Medyo na-conscious pa siya sa mataimtim na titig nito pero hindi siya nagpahalata hangga't hindi pa ito tuluyang nakakalapit. Nagulantang na lang ito nang agad na mahatak ng hinahangaan sa kamay. Isang matinis at kalunus-lunos na iyak ang nagmula sa kanya kaya nakunsensya din si Pablo sa napalakas na pagsunggab. "Sorry, huwag kang matakot," paghingi din naman niya kaagad ng dispensa. "Huwag mo akong sasaktan!" pagsusumamo nito habang nagpupumiglas. "Hindi kita sasaktan," paniniguro niya upang huminahon na ang kaluluwa. "Heto, bibitiwan kita. Basta ba mangangako kang hindi tatakas." Tumango-tango ang umiiyak na kaluluwa kaya dahan-dahan na siyang bumitiw. "Siguro, huhuliin mo ako at paparusahan?" puno ng takot na inusisa ng babae habang hinahaplos ang braso na may marka pa ng pagkakahawak ni Pablo. "Hindi, narito ako para tulungan ka." "Ganyan din ang sinabi ng mga ibang pari!" Kaagad na napalitan ng galit ang kanina lamang na nararamdamang takot. "Pero ang totoo, gusto nila akong ipadala sa impiyerno! Akala ko tutulungan nila ako, pero 'yun pala ikapapahamak ko pa!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD