Idolo ni Asia ang kanyang papa, at siya ay bilib na bilib sa bawat kwento nito, gusto niyang sundan ang mga yapak nito, sundin ang kanyang mga habilin at pagtagumpayan ang mga bagay na di napagtagumpayan ng kanyang papa.
Naniniwala naman si Asia na magtatagumpay siya dahil sa kanyang pagkamusmos, iniisip niya na ang lahat ng bagay ay naiinitindihan na niya at madali lamang ang mga bagay bagay. Ayon sa mga kwento ng kanyang papa, siya ay di nakatapos sa pag aaral at iyon din ang naging dahilan kung bakit sila ay kasalukungayang di nakakarangya. Ani pa nito, may pagkakataon sana itong mangibang bansa dahil sa mayayaman niyang koneksyon at mga kaibigan sa dati niyang pinapasukan na Unibersidad ngunit pinili niyang makasama ang pamilya.
--
Tila ba nabuhusan ng malamig na tubig si Asia ng marinig niya na hindi nanindigan para sa kanya ang kanyang papa - ang kanyang idolo na ama dahil sa kanyang prinsipyo. May kirot sa puso niya na di niya alam kung pano ipaliwanag sa sarili dahil siya ay bata pa lamang at sadyang may mga bagay na di niya pa talaga alam; ang alam niya lang ay malungkot siya... ngunit, kilala niya ang kanyang papa at ayaw ni Asia na mag isip ng masama at mag iba ang pagtingin niya sa kanyang idolo na ama kaya naman inintindi niya ito at siya'y gumawa ng balangkas sa isip niya na "ayaw lang ni papa ng g**o, basta alam ko ako ang tama i-bbless ako ni Jesus dahil di ako sinungaling."
Ngunit ang katotohanan, di talaga siya pinagtanggol ng kanyang papa; pinabayaan na lamang ang mga nangyari, gumagawa nalang si Asia ng mga kwento at pangyayari sa kanyang ulo para di gaano masaktan ang kanyang damdamin. Tila ba lagi siyang tulog sa reyalidad at umasa sa kanyang imahinasyon para mabawasan ang sakit sa puso niya araw araw; mataba, maitim, baboy--araw-araw na pang-aasar ng kahit na sino, pakiramdam na tila wala siyang kakampi kahit mismo sa loob ng tahanan.
Basta mabait, walang ginagawang masama at di nagsisinungaling, pagpapalain ni Jesus, may nag aantay na magandang bukas-- kagaya ng sa mga napapanood niya sa tv. Araw-araw, binibilang ni Asia kung ilang kasalanan ang nagagawa niya at ilan ang mabubuti. Bilang isang bata, wala siyang mabilang na kasalanan at masaya siyang gumagawa ng magagandang bagay kagaya ng pagtulong at pagtanggol sa kalaro, paglilinis ng bahay, pag ubos ng pagkain sa plato, pagsasabi ng totoo at marami pang iba. Sa gantong paraan, lumilipas ang kanyang mga araw.
Umaasa si Asia na may diwatang susulpot upang pagbigyan ang kanyang mga kahilingan, o kaya nama'y paggising niya, siya ay magiging maganda,o di naman kaya'y mayaman- lahat ng magagandang bagay. Bunga ng imahinasyon ni Asia ang mga pantasya kahit papano'y magkaroon siya ng aasahan na maganda sa mga susunod pa na bukas.